You are on page 1of 2

Ang Nawawalang Prinsesa

Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit walang makapagsabi kung saan siya
pumupunta. Nagpabalita na ang hari na ang sinumang makapagtuturo kung saan tumitigil
ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian at, kung binata, ay
ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang nagprisintang magbabantay, pupugutan
siya ng ulo.

Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil sa kayamanang


matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng mga ito ay nabigo.
Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi.

Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang dampang tinitirhan ng isang


matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang matanda ng binatang napamahal sa
kanya dahil madalas siyang tulungan nito.

Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong. “Maganda pong talaga ang
prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa kanya.”

Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag kanyang isinampay sa mga balikat
niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan siya ng matanda at pinagbilinang
magpakaingat bago siya nagpaalam.

Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng prinsesa at handang magbantay.
Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa kanyang paningin ang napakagandang
binibini.

May iniabot sa kanyang isang basong inumin na noong makatalikod ang prinsesa ay
kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman. Naluoy agad ang mga dahon ng halaman.

Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang inumin. Nang maramdaman


niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang mahikang balabal at sinundan niya
ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito na palabas sa palasyo.

Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang prinsesa. ‘Di nito alam ay kasama ang
binata dahil hindi niya nakikita ito.

Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng mga kahuyan huminto ito at
bumaba ang prinsesa. Nakipag-sayaw siya sa mga gitanong nagkakaipon doon at
nagsasaya.

Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang kanyang balabal at naglagay ng maskara.

Nilapitan niya ang prinsesa at sila’y nagsayaw. Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang
mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas ng sapatos.

Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na ang karwahe at sila’y bumalik sa
palasyo.

“Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi?” tanong ng hari nang
humarap sa kanya ang binata kinaumagahan.

“Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa mga gitano sa gubat gabi-gabi. Ito po
ang katunayan. Itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan
matapos na makasayaw siya.”
Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito makatanggi sa amang nagpakita ng
katunayan.

Balak pa sana ng prinsesa na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay
nito ang maskara, nakilala niya ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.

Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata na magsayaw sila ng prinsesa na


masaya namang yumakap sa kanya.

Aral:

 Maging masunurin sa magulang at iwasang gumawa ng mga bagay na


ikalulungkot o ikagagalit nila.
 Huwag aalis ng bahay ng hindi nagpapaalam o walang nakakaalam kung saan ka
pupunta. Marami nang napahamak sa ganitong gawain.
 Kilalanin muna ang isang tao bago ito husgahan. Ang mabilis na paghatol sa iba
ay maaring magdulot ng sakit sa kalooban nila.

You might also like