You are on page 1of 12

MODYUL 1

jhemamorbatiles@gmail.com
Ang modyul na ito ay ginawa upang magsilbing alternatibong kagamitan para sa mga mag-
aaral na may asignaturang Filipino 1: Retorika/Masining na Pagpapahayag. Ang perquisite sa Filipino
1 bago ang Filipino 2 (Panitikan ng Pilipinas), kailangang ikaw ay kumuha ng asignaturang Filipino 1
bago ang Filipino 2. Sa pagtatapos ng kursong ito, ang mga mag-aaral ay tinataya batay sa kanilang
kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga, una ang kaalaman na kung saan inaasahan ang mga mag-
aaral na matukoy ang katuturan, kahalagahan at element ng retorika, makilala ang wastong paggamit
ng pangungusap at talata sa pagsulat ng komposisyon o sanaysay, maisa-isa ang mga alusyon, idyoma
at tayutay na magagamit sa pagsasalin, matukoy ang mga paraan at anyo ng pagsasaling wika at
matukoy ang iba’t ibang uri ng pagpapahayag na magagamit sa paglikha ng komiks at awitin,
pagtatanghal ng dulang panradyo at pantelebisyon, pakikipanayam at pagsusuri ng akdang
pampanitikan at pelikula. Pangalawa, ang kasanayan ng mga mag-aaral na makasulat ng sanaysay o
komposisyon, makalikha ng sariling komiks at awit gamit ang mga alusyon, idyoma at tayutay, gumawa
ng panayan para sa pagsulat ng dulang panradyo, pantelebisyon at makasuri ng isang akda at pelikula.
Pangatlo, ang pagpapahalaga na kung saan ang mga mag-aaral ay inaasahan na mapahalagahan ang
mga wastong salita o pahayag na magagamit sa mabisang pagpapahayag, maisapuso ang mga aral
na makukuha sa salawikain, sawikain, kawikaan at kasabihan, maibahagi ang iba’t ibang istratehiya at
talento sa klase, maipakita sa klase ang importansya ng iba’t ibang pagpapahayag at mapahalagahan
ang mga akda na maririnig sa radio at makikita sa telebisyon.

Sasagutin mo ang kasunod na mga paunang pagsusulit sa sagutang papel. Susukatin lamang
sa pagsusulit kung ano ang mga nalalaman mo tungkol sa mga paksang inyong napag-aralan sa
panggitnang markahan. Isulat ang mga sagot sa sagutang papel.

PAALALA AT TAGUBILIN

Ang pagkatuto mo sa modyul na ito ay nakasalalay sa pag-unawa at pagsunod mo sa mga


panuntunan sa bawat gawain upang matamo ang mataas na pagkatuto na kinakailangan.

Narito ang ilan sa mga dapat mong isaalang-alang as paggamit ng modyul na ito.

1. Ingatan at pahalagahan ang modyul na ito.

2. Basahin at unawaing mabuti ang mga panuto sa bawat gawain.

3. Sagutin nang buong katapatan ang mga gawain at pagsusulit sa modyul na ito.

4. Hangga’t maaari huwag kakaligtaan ang mga pahina na sasagutan.

5. Sikapin mong mapaunlad ang iyong pagkatuto sa mga gawaing inihanda ko katulad ng pagsisikap
kong matulungan kang matuto.

6. Sakaling may mahirap na gawain na hindi mo maunawaan maaari kang sumangguni sa mga kasama
sa bahay o ‘di kaya ay maari kang magpadala ng mensahe sa aking “messenger”

jhemamorbatiles@gmail.com
LINGGO 1

MODYUL 1
RETORIKA: KATUTURAN, KASAYSAYAN, ELEMENTO, LAYUNIN, SAKLAW, SALIK,
TUNGKULIN AT KAHALAGAHAN NG RETORIKA

ARALIN 1. KAHULUGAN AT KASAYSAYAN NG


RETORIKA
Pag-aralan Mo

Ano ang matututunan mo?

Pagkatapos ng aralin ay inaasahan na:

• Malaman ang kahulugan ng retorika at kasaysayan nito.


• Matukoy ang mga taong nabigyan ng kahulugan ng retorika at mga sophist.
• Mabigyan ng sariling interpretasyon ang retorika.

Katuturan ng RETORIKA:

• Ito ay galing sa salitang Griyego na “rhetor” na nangangahulugang guro o isang mahusay na


mananalumpati.
• Ito ay susi sa mabisang pagpapahayag na nauukol sa kaakit-akit, kaaya-aya at epektibong
pagsasalita at pagsulat.
• Sining ng maayos na pagpili ng wastong salita sa loob ng isang pahayag upang mahikayat,
maunawaan at tangkilikin ng mga nakikinig o bumabasa.
• Ayon kay Quintillan, ito ay sining ng maayos na pagsasalita (Bernales et.al,2006)
• Ito ay sining ng maayos na pagpili ng wastong salita sa loob ng isang pahayag upang
maunawaan, makahikayat at kalugdan ng mga nakikinig o bumabasa. (Panganiban)
• Ito ay sining o agham ng paggamit ng salita sa mabisang paraan, pasalita man o pasulat.
(Diksyunaryo)
• Ito ay agham ng paghimok o pagpapasang-ayon. (Socrates)
• Ito ay ang kakahayang maanino, mawari o makilala sa bawat kaso ang makukuha o magagamit
ng mga paraan ng paghimok. (Aristotle)
• Ito ay ang sining ng argumento ng pagsulat. (Richard Whatley)

jhemamorbatiles@gmail.com
KASAYSAYAN NG RETORIKA

Nagsimula ang retorika noong pang-ikalimang siglo bago dumating si Kristo. Isang paraan ang
pakikipagtalo ang nabuo sa isla sa Sicily sa Syracuse. Nang bumagsak ang pamahalaang diktatorya
sa islang ito, binigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang dumulog sa hukuman at ipagtanggol
ang kanilang mga karapatan sa mga lupang inipit ng nakaraang rehimen.

Si Corax, isang iskolar ang nagpanukala ng mga tuntuning kailangang sundin ng mga
maglalahad sa gagawing argumento o pakikipagdebate. Ayon sa kanya, mahalagang magkaroon ng
maayos na pamamaraan sa paglalahad ng mga argumento upang makuha ang simpatya ng mga
nakikinig at maging maayos na pakikinig.

Bunga nito, nilikha ang retorika upang makahikayat at matugunan ang mga pagkukulang sa
mga nasusulat na katibayan. Bagaman masasambit ng isang tagamatyag na ang nilikhang konseptong
ito ay nakapokus sa mga nararamdaman ng mga tagapagsalita, hindi sa kawastuhan at galing ng
argumentong ipinahahayag. Ayon sa mga Sophist (mga iskolar), ang retorika ay mahalaga upang
makamtan ang kapangyarihang politikal sa panahong iyon. Gayunpaman, hindi ito sinang-ayunan ni
Socrates (c.470-399 B.C.) at tahasang tinuran na ang mga Sophist ay naghahangad lamang ng
kabayaran sa kanilang pagtuturo at pagpapataas ng kalidad ng retorika bilang isang sining ng pagtatalo
at hindi bilang isang palaman sa isang talumpati. Ayon pa kay Socrates, ang gawaing ito ay
naghihikayat lamang sa mga mag-aaral na palabasin ang kasamaan ng isang mabuti at busilak na
adhikain.

Si Socrates ay isang Griyego at napapabilang sa sampung pinakatanyag na batikong orador


ng kanyang panahon. Siya ang kaunaunahang lumikha ng mga pamantayang panretorika noong
ikalimang siglo B.C. Naging guro niya si Tisias na naging mag-aaral ni Corax. Sa dalawang
henerasyong nabanggit naging mahalaga ang sining ng retorika. Ang pag-usbong nito ay nagpalawak
sa pagbabagong sosyal at politikal ng bansang Gresya lalo na sa larangan ng demokrasya at usaping
pambatas. Sa pagdami ng mga pagsasanay sa retorika, nahikayat ang mga iskolar na magtatag ng
kani-kanilang paaralan sa larangang ito. Napayaman ni Socrates ang larang retorika lalo’t ang kaniyang
binibigyang-diin ay ang paggamit ng wika sa pagpapahayag ng karaniwang suliranin, mga
pagkaranasan at katotohanang madalas na hindi nakakamit. Maindayog at masining ang kaniyang
pagkakatugma ng mga salita na nasa anyong tuluyan.

Si Aristotle ay naghayag ng bagong kaisipan sa retorika. Ang kanyang ambag sa pagsulong


ng sining na ito ay nag-iwan ng malaking impluwensya sa larangang ito. Ang kanyang pamantayan sa
pagtatalumpati ay naging batayan ng mga abogado sa paglalahad ng mga usaping naglalahad sa
nakaraan sa kanilang mga usaping legal. Sa kanya rin nagmula ang oratoryang politikal na ang pokus
ay sa hinaharap. Makikita sas anyong ito ang bagong anyo ng retorika, inihahayag dito ang isang
malayang talakayan at pagtatalo. Siya rin ang nagdisenyo ng paglalagay ng mga mabubulaklak na mga
salita sa talumpatian na kadalasang ginagamit bilang papuri sa mga natatanging panauhing pandangal.

jhemamorbatiles@gmail.com
Nakilala rin sa larangang ito si Cicero (106-43 BC), isang kilalang orador na nagpakilala ng
kakaibang pamantayan sa pagtatalumpati. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagkakaroon ng mabuting
asal upang maging mabuting mananalumpati. Ang kanyang mga pangungusap ay ginagamit sa mga
hugnayan upang higit na mailahad ang damdamin at prinsipyong nais ilahad ng isang nagsasalita.

Pag-aralan Mo

Ano ang matututunan mo?

Pagkatapos ng aralin ay inaasahan na:

• Makilala ang elemento, saklaw, salik ng retorika at iba pa


• Matukoy ang katuturan, kahalagahan at layunin ng retorika
• Mabigyan ng sariling interpretasyin ang retorika.

SAKLAW NG RETORIKA:

• Sining – Sinumang nagpapahayag ay gumagamit ng simbolo at imahinasyon upang bigyang-


buhay ang ideya at akitin ang kanyang tagapakinig o mambabasa.
• Pilosopiya – Gumagamit ng Retorika ang isang nagpapahayag upang ipakita na ang
argumento niya ay padron ng sensibilidad at katwiran upang maunawaan ng iba.
• Lipunan – Nakikisangkot ang bawat mamamayan sa anumang usapin o konsern sa lipunan.
Ang bawat tao ay bahagi ng lipunan kaya’t hindi niya maiiwasang magpahayag ng kanyang
saloobin ukol sa mundong kaniyang ginagalawan.
• Wika – Ang pangunahing bihikulong ginagamit sa pagpapahayag at nararamdaman at naiisip,
kung gayon sa pagpapahayag ay isaalang-alang ang mga panuntunan ng wika.

DAPAT TAGLAYIN NG ISANG PAGPAPAHAYAG

• Maging matapat
• Maging malinaw
• Maging tiyak at matipid sa sasabihin
• Sikaping magkaroon ng barayti
• Langkapan ng patawa, talino, sigla at imahinasyon

SANGKAP/ELEMENTO NG RETORIKA

jhemamorbatiles@gmail.com
• Ang kaisipang gustong ipahayag
• Ang pagbuo o organisasyon
• Ang estilo ng pagpapahayag

KAHALAGAHAN NG RETORIKA

• Kahalagahang panrelihiyon
• Kahalagahang pampanitikan
• Kahalagahang pang-ekonomiya
• Kahalagahang pampulitika

LAYUNIN NG RETORIKA

• Makapagpahayag nang mahusay pasulat man o pasalita.


• Magkaroon ng isipang mapanuri
• Makabuo ng mga makabuluhang ideya.
• Makapamahala sa angking kakayahan.

ALAMIN

PANUTO: Sagutin ang bawat sa katanungan. Isulat ang sagot sa hiwalay na sagutang papel ang
iyong sagot. Limang (5) puntos bawat bilang.

1. Ibigay ang kahalagahan ng retorika at ipaliwanang ang bawat isa nito.

2. Bakit makapangyarihan ang paggamit ng retorika pasalita man o pasulat ito?

3. Dapat bang taglayin ng isang retorika ang maging matapat sa pagpapahayag? Ipaliwanag.

4. Bilang mag-aaral, bakit mahalagang pag-aralan ang retorika?

jhemamorbatiles@gmail.com
5. Para sa iyo, sino ang iyong idolo pagdating sa pagpapahayag? Taglay ba niya ang mga nabanggit
na mga katangian? Magbigay ng patunay.

B. Ibigay ang saklaw ng retorika gamit ang organizer.

SAKLAW NG
RETORIKA

Pag-aralan Mo
Ano ang matututunan mo?

Pagkatapos ng aralin ay inaasahan na:

• Malaman ang tungkulin at salik ng retorika, ang retorika bilang sining.


• Matukoy ang tungkulin ng retorika at salik at ambag ng retorika sa sining.
• Mabigyan ng sariling interpretasyon ang retorika sa pamamagitan ng
grapich organizer.

Ang Retorika bilang Sining

Ang retorika ay isang sining ng pagsasalita at pagsusulat. Nagkaroon ng mabuti at


mabisang komunikasyon kapag maayos ang daloy ng talamitan mula sa naghahatid ng mensahe,

jhemamorbatiles@gmail.com
daluyan at tungo sa tumatanggap ng mensahe. Katulad ng ibang anyo ng panitikan, may mga
natatanging uri ang retorika tulad ng:

1. Bukluring sining- makikita sa pagbubuklod-buklod o pagkakaisa at pagkakasundo sa diwa ng


naghahatid ng mensahe sa tumatanggap. Isang halimbawa nito ay isang pulong para sa isang proyekto
o programa.

2. Pantaong sining- sapagkat ang tao ang may katangian magsalita at ipahayag ang kaniyang sariling
damdamin at iniisip upang siya ay higit na maunawaan ng kanyang kapwa, gumagamit siya ng
pamamaraan gamit ang kanyang talin at pag-iisip.

3. Pamsamantalang sining- walang permanente sa ating mundong ginagalawan. Ang sining at


retorika ay gayundin, ang mga salitang ginagamit noon ay maaring taliwas sa mga salita at kahulugan
na ginagamit natin ngayon at sa darating na panahon nagbabago ang sining ng retorika batay sa
panahon at kalakaran ng lipunan na ating ginagalawan sapagkat ang wika ay umaayon sa
pangangailangang pangkomunikatibong lipunang at kinabibilangan.

4. May hangganang sining- hindi lamang pansamantala ang sining, kundi may hangganan rin tulad
ng karaniwang bagay sa mundo. Bagaman sa awit, tula, at ibang larangan ng panitikan ay maaari
nating marating ang ibayong daigdig, sa katotohanan ay may hangganan o limitasyon din ang anumang
sining kasama na ang sining sa retorika. Ang limitasyon ng sining ng retorika ay umaabot sa ating pang-
araw-araw na pakikipag-ugnayan sa ating kapwa.

5. Sining na may kabiguan- bagaman mabuti at nakahahalina ang sining sa retorika, may mga
pagkakataon din na ito ay nagdudulot ng kabiguan tulad ng maling paggamit ng parirala at
pangungusap.

6. Sining na lumalalang- ang retorika ay tulad ng isang batis na patuloy na bumubukal at dumadaloy
sa kabundukan, mya burol at kaparangan. Gayundin ang retorika na dumadaloy at nagbibigay sigla sa
makatatanggap nito. Bunga nito, magkakaroon siya ng reaksiyon na lumalang ng mga bagay na
pakikinabangan ng kaniyang kapwa at ang makikinabang naman ay ang susunod na manlalalang.

Salik ng Retorika:
A. Tamang gamit ng balarila
B. Lipunan
C. Pagmamatuwid
D. Katotohanan

Tungkulin ng Retorika:

Malaki at Marami ang ginagampanang tungkulin ang retorika sa pang-araw-araw na pakikipag-usap


o talamitan ng tao.

jhemamorbatiles@gmail.com
1. Paraan ng talamitan- napakahalaga ng retorika sa pang-araw-araw na pakikipag-usap o talamitan
ng tao sa kanyang kapwa. Gumagamit tayo ng retorika upang mapadali at mapagaan ang mga bagay
na nasa isip na nais iparating pasalita man o pasulat.

2. Nakakukuha ng atensyon- bunga ng mga nababasa at naririnig natin sa mga telenobela, pagbabalita,
pagkukuwento ng mga pangyayari, naaagaw nito ang atensyon, anuman ang ating ginagawa. Ang mga
ganitong naidudulot ng retorika ang makapagpagaan sa ating mga alalahanin at pangamba.

3. Nangangalan- dahil sa retorika sumisikat ang isang produkto o lugar dahil sa ngalang ibinigay rito
tulag ng – dampa (restaurant ng mga panluto), “Jollibee” (burger store), “Starbucks” (coffee shop) at
iba pa.

4. Nagbibigay ng kapangyarihan- maraming kilalang tao sa mundo ang nakikilala at naging tanyag dahil
sa galing nilang magsalita at maglahad tulad nina; Dr. Jose Rizal, Pang. Ferdinand Marcos, US
President Abraham Lincoln, Adolf Hitler, Martin Luther King at Marami pang iba. Bunga ng talino nila
sa pagsasalita, maraming tao ang sa kanila ay nakinig at napaniwala na nagluklok sa kanila ng
kapangyarihan.

5. Nagpapalawak ng pananaw- sa pamamagitan ng retorika na ginagamit sa maikling kuwento, tula,


sanaysay at iba pa ay napapalawak nito ang kaalaman ng taong bumabasa.

TAYAHIIN

A. Panuto: Kilalanin ang tinutukoy sa pahayag sa ibaba. Isulat ang sagot sa loob ng kahon. Gumamit
ng hiwalay na sagutang papel.

1. Ito ay isang uri ng retorika bilang sining na nagpapakita ng maling paggamit ng parirala at
pangungusap.

2. Ayon dito, ang retorika ay batis na patuloy na bumubukal at dumadaloy sa kabundukan, mga burol
at kaparangan.

3. Isa sa uri ng retorika bilang sining na walang permanente sa mundo.

4. Ang retorika ay nagiging daan sa pagkakaisa at pagbubuklod-buklod ng bawat mamamayan.

5. Ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang.

jhemamorbatiles@gmail.com
C. Punan ng ang na sagot ang “organizer” sa ibaba.

SALIK NG
RETORIKA

A. Panuto: Punan ng angkop na sagot ang pahayag sa ibaba.

1. Sa panahong ito nakilala si Cicero bilang isang kilalang orador na nagpakilala ng kakaibang
pamantayan sa pagtatalumpati.

2. Ayon sa kanya, ang gawaing ito ay naghihikayat lamang sa mga mag-aaral na palabasin ang
kasamaan ng isang mabuti at busilak na adhikain.

3. Ayon sa kanya, mahalagang magkaroon ng maayos na pamamaraan sa paglalahad ng mga


argumento upang makuha ang simpatya ng mga nakikinig at maging maayos na pakikinig.

4. Sa kanya nagmula ang oratoryong politikal na ang pokus ay sa hinaharap. Makikita sa anyong ito
ang bagong anyo ng retorika, inihahayag rito ang isang malayang talakayan at pagtatalo.

5. Binibigyang-diin niya ang paggamit ng wika sa paghahayag ng karaniwang suliranin, mga


pagkaranasan at katotohanang madalas na hindi nakakamit. Maindayog at masining ang kaniyang
pagkakatugma ng mga salita na nasa anyong tuluyan.

B. Panuto: Piliin at isulat sa sagutang papel ang letra ng tamang sagot.

6. Siya ay isang iskolar, ang nagpanukala ng mga tuntuning kailangang sundin ng mga maglalahad sa
gagawing argumento o pakikipagdebate.
a. Homer c. Corax
b. Cicero d. Aristotle
7. Ito ay nilikha upang makahikayat at matugunan ang mga pagkukulang sa mga nasusulat na
katibayan. Bagaman masasambit ng isang tagamatyag na ang nilikhang konseptong ito ay nakapokus

jhemamorbatiles@gmail.com
sa mga nararamdaman ng mga tagapagsalita, hindi sa kawastuhan at galing ng argumentong
ipinahahayag.
a. Gramatika c. Balarila
b. Retorika d. Semantika
8. Ayon sa kanya, mahalagang magkaroon ng maayos na pamamaraan sa paglalahad ng mga
argumento upang makuha ang simpatya ng mga nakikinig at maging maayos na pakikinig.
a. Homer c. Iliad
b. Cicero d. Aristotle
9. Ito ay agham sa paggamit ng salita at pagkakaugnay-ugnay. Isinaalang-alang nito ang mga bahagi
at tungkulin ng mga salita sa isang pangungusap; ang kawastuhan ng pangungusap na gagamitin
pasalita man o pasulat.
a. Gramatika c. Balarila
b. Retorika d. Semantika
10. Ito ay ang mga salik ng retorika maliban sa isa.
a. Tamang gamit ng balarila c. Pagmamatuwid
b. Lipunan d. Kabutihan
10. Ito ay ang mga layunin ng retorika maliban sa isa.
a. Makapagpahayag nang mahusay pasulat man o pasalita.
b. Magkaroon ng isipang mapanghusga.
c. Makabuo ng mga makabuluhang ideya.
d. Makapamahala sa angking kakayahan.
12. Ang isa saklaw ng retorika na nagsasaad na sinumang nagpapahayag, gumagamit ng simbolo at
imahinasyon upang bigyang-buhay ang ideya at akitin ang kanyang tagapakinig o mambabasa.
a. Pilosopiya c. Sining
b. Wika d. Lipunan
13. Ang isa sa saklaw ng retorika na nagsasaad na gumagamit ng retorika ang isang nagpapahayag
upang ipakita na ang argumento niya ay padron ng sensibilidad at katwiran upang maunawaan ng iba.
a. Pilosopiya c. Sining
b. Wika d. Lipunan
14. Ang isa sa saklaw ng retorika na nakikisangkot ang bawat mamamayan sa anumang usapin o
konsern sa lipunan. Ang bawat tao ay bahagi ng lipunan kaya’t hindi niya maiiwasang magpahayag ng
kanyang saloobn ukol sa mundong kaniyang ginagalawan.
a. Pilosopiya c. Sining
b. Wika d. Lipunan
15. Ang isa sa saklaw ng retorika na nagsasaad na ang pangunahing bihikulong ginagamit sa
pagpapahayag at nararamdaman at naiisip, kung gayon sa pagpapahayag ay isaalang-alang ang mga
panuntunan ng wika.
a. Pilosopiya c. Sining
b. Wika d. Lipunan

jhemamorbatiles@gmail.com
. Mag-isip ng isang bagay na inyong maihahalintulad sa retorika. Iguhit ito at ipaliwanag ang
pagkakatulad, gawing lunsaran ang aralin na “Ang Retorika bilang Sining”.

Pamantayan:
Mensahe - 10 puntos
Balarila - 10 puntos
Pagkamalikhain - 5 puntos
25 puntos

Sanggunian:
• Deogracia DC Santos et.al,2015, Masining na Pagpapahayag Mindshaper Co, INC, Intramuros
Manila.
• Bendalan, Nilda, 2018, Retorika, Wiseman’s Book Trading, INC: Quezon City.
• Victoria Vasil, 2015, Masining na Pagpapahayag, Ateneo De Naga University.
• Alejo, Carmelita T. et.al.2015. Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik. C&E Publishing
Inc.
• Casanova, Arthur P. at Ligaya Tiamson Rubin.2001. Retorikang Pangkolehiyo. Rex Bookstore,
INC:Quezon City.
• Author, Evelyn B. 2015. Masining na pagpapahayag. Ateneo De Naga University Press. Ateneo
Ave. Naga City.
• Komisyon sa Wikang Filipino. English-Tagalog Dictionary. Commission on the Filipino
Language. ERH Printing. San Mateo, Rizal.2005.
• Villafuerte Pat V. at Bernales Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at
Praktika. Mutya Publishing House Inc: Balubaran, Valenzuela City.

jhemamorbatiles@gmail.com

You might also like