Velchez Module 1 Week 1june15 19

You might also like

You are on page 1of 10

Filipino 8

MODYUL NG MAG-AARAL

Wik at+ pnitiKn++++++++_

Sa iyo, mag-aaral,

Mapagpalang araw sa iyo.

Sa pagdating ng modyul na ito , hangad kong nasa mabuti kang kalagayan sampu ng iyong pamilya.
Ang modyul na ito ay napapanahong materyal ng pinagsamang gawain sa panitikan at gramatika bilang tugon
sa remedyal na gawain sa Filipino 8. Ang mga babasahin at talakayan ay inangkop sa kakayahan mo
alinsunod sa programa ng Kagawaran ng Edukasyon.

Layunin ng modyul na ito na maitaguyod ang edukasyon sa kabila ng pandemyang nararanasan sa


kasalukuyan. Hiling kong maging instrumento ang modyul na ito upang mapaigting ang iyong kakayahang
komunikatibo at replektibo. Higit pa ay maging daan ito upang mapagtibay ang ugnayan ng magulang o
kapamilyang makakatuwang sa pagsagot at pag-aaral.

Ang bawat bahagi ng modyul ay nakabatay sa antas ng pagkatuto:

a. Pagtuklas - maisusulat mo ang iyong mga saloobin, opinyon, ideya o pananaw sa mga
tanong na narito.

b. Paglinang – mababasa at mapag-aaralan mo rito ang mga aralin mula sa panitikan at wika.

c. Pagyamain – maibabahagi mo ang iyong natuklasan, natutunan at napag-isipan tungkol sa


mga araling tinalakay.

d. Pagninilay – masasabi mo sa bahaging ito ang iyong nadama habang ginagawa at sinasagutan ang
mga gawain.

e. Pagtataya – maipakikita mo ang iyong husay sa pagsagot ng mga tanong sa bahaging ito.

Hangad kong mapaunlad mo ang sarili sa tulong ng modyul na ito. Kasama ang iyong magulang,
kapamilya at gurong tagapayo, ako ay handang umagapay sa iyo. Dalangin ko ang inyong kaligtasan.

Ang iyong Guro,

Gng. BERNADETTE B. VELCHEZ

Pangalan ng Mag-aaral:

Pangalan ng Magulang:

Lagda ng magulang:
Petsa na kinuha:
Petsa na pinasa:
Modyul 1 : Panitikan sa Panahon ng Katutubo

Aralin 1: KARUNUNGANG-BAYAN
Tayo ngayon ay nasa makabagong panahon na tila ba kaybilis ng pagbabago. Naniniwala ka bang
nasasalamin pa rin ang ating mga karunungang-bayan na lumaganap sa panahon ng katutubo? Ginagamit pa rin
ang mga ito upang magsilbing gabay o patnubay sa buhay lalo sa tulad mong kabataan. Madalas pa rin itong
naririnig sa mga nakatatanda. Matalinghaga ang mga ito upang maging maganda ang paraan ng pagpapahayag at
gumagamit pa rin ng sukat at tugma upang maging masining.

A. Pagtuklas:

Gawain1: Tanungin mo ang mga nakatatanda sa iyong tahanan, ano ang madalas na pangaral sa kanila ng
kanilang mga magulang noong sila ay bata pa. Isulat sa mga kahon.

Gawain 2: Ngayon ay isulat mo naman ang kahulugan ng mga ito at paano ito nakatutulong sa iyo.

B. Paglinang:
Gawain 3: Basahin at unawaing mabuti ang teksto.

ANG SERMON NI NANAY


Noong aking kabataan, tulad mo ngayon, ipinapalagay kong isang sirang plaka ang aking Nanay tuwing siya’y
nagsesermon. Nakokornihan ako tuwing magtatapos ito sa isang salawikain o kasabihan. Lagi niyang sinasabi……
Ang pagsisisi’y laging nasa huli.
Kaysarap talagang matulog, mangarap, pero may kontrabida. Nangangarap ka pa, gigisingin ka na.
Kapag tanghali kang
magising, Maging dumi ng
manok
Wala kang mapupulot.
“ Sino ba ang gustong mamulot ng dumi ng manok?” aking pamimilosopo.
Walang mahirap na gisingin,
Kundi iyong nagtutulog-tulugan.
Humirit ang ate ko. Sumbong niya kay Nanay, puyat daw ako at pagod kagabi sa panonood ng TV.
Nakatatamad din ang mag-aral, lalo na’t may magandang palabas sa telebisyon. Ano ba kung may unit test sa
Science?
Ang sa taong karunungan,
Pamanang di mananakaw
Kung ibig ang karunungan,
Habang bata ay mag-aral;
Kung tumanda, mag-aral man,
Mahirap nang makaalam.
Mangangatwiran ako. Tinatamad ho ako.
Ang katamara’y kapatid ng kagutuman
Ang kasipaga’y kapatid ng kayamanan.
Minsan ay kinulit ko si Nanay. Bago ang suot ng kaklase ko sa programa. Nagpapabili ako ng bagong damit. Isuot
ko raw iyong aking ipinamasko o di kaya iyong pinaglumaan ng aking kapatid. “ Maliit lamang ang kita ng Itay
mo,”sabi niya.
Kapag maikli ang
kumot Matutong
mamaluktot.
Nananaghili ako sa mayayaman, lalo na kay Del. Ang ganda ng kanilang kulay-abong kotse. Paglaki
ko, magkakaroon din ako niyan.
Ang taong masikap,
Mga pangarap- matutupad.
Pero sabi rin;
Walang pagod sa pagtitipon
Walang saying sa pagtapon.
Di lahat ng kumikinang ay tunay na gintong lantay,
Hindi bawat makinang ay ginto
Hindi bawat maputla ay tanso.
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Di makararating sa paroroonan.
Walang sumisira sa bakal
Kundi ang sarili niyang kalawang.
Isang gabing ako’y nag-aaral, kumakatok sa pintuan ang mama ni Del at nanghiram kay Nanay dahil nahihiyang
lumapit sa ibang kaibigan. Marahil noon ay pareho kami ng isipin ni Inay.
Sa panahonng kagipitan
Makikilala ang kaibigan.
Naaalala ko tuloy ang aking mga kaibigan. Away- bati kami. Sa mga away-bating iyon, sari-sari ang mga natutuhan
ko sa kanila:
Kaibigan sa harapan, kaaway sa talikuran
Ang mabuting kaaway ay sa harapan lumalaban.
Bago mo linisin ang sa ibang looban
Linisin mo muna ang iyong sariling bakuran
Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama nang maluwat,
Ang masama sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.
Subalit sa mga kaibigan kong ito, may isang natatangi. Kakaiba ang tibok ng puso ko kapag siya ay kasama.
Hindi makakain, hindi makatulog. Sa bahay, mas matagal ako sa salamin. Nay! May pimples ako. Sa paaralan,
tuksuhan sa klase. Uuuuy…! Sa kantina, kapag nasamid ka sa pagkain, nagsisigawan. Number 3! Number 9! Si Tom
Cruise! Bistado ka! Si Jap ano? May kinikilig. Crush ko lang. TL talaga ako.
May isang kaibigan naman na pakipot sa kanyang manliligaw. Inaawitan naming ng theme song ng movie
ng paborito niyang artista. Nakaaasar daw kami. Maniwala ka naman sa pagpadyak-padyak niya at pag-ismid.
Isang gabi, hinanap siya sa bahay-bahay naming magkakaibigan ng kanyang Daddy. Iyon pala, an gaming kaibigang
Denial Queen ay nagtanan. Kaya ayun….
Sa hinaba-haba ng
prusisyon Sa simbahan din
ang tuloy.
May kaibigan din akong maagang nag-asawa. Malimit ang pag-aaway nila. Hindi tapos sap ag-aaral kaya mahirap
makakita ng trabaho. May hang-over sa buhay teenager, kaya ayun, may anak na, bukay-binata pa rin. Sabi ni Inay,
Ang pag-aasawa ay hindi biro
Hindi pagkaing mailuluwa kung mapaso.
Nagmamarunong ako. Sinasabi niya sa akin na nalakaran na raw niya ang nilalakaran ko pa lamang. Malay ba niya
na doon ako magdaraan. Bubulong-bulong ako na parang bubuyog. Hindi naman ako maglalakad, may bus naman,
ano? Baka kami magkasalubong pa ngunit kinain ko ang lahat ng sinabi ko.
Ang hindi magsangguni
May dunong ma’y namamali
Gabi na naman, inaantok na ako ngunit malinaw ko pa ring naririnig si Inay. “Anak, maaaring magkaiba an gating
karanasan ngunit may pagkakatulad kahit paano. Huwag mong kalilimutang magdasal bago ka mangarap. Hindi
mo man ako mauunawaan, tandaan mo….
Ang inang nangangaral sa kanyang anak ay nagmamahal.

C. Pagyamanin:
Gawain 4: Sagutin ang mga katanungan:

1. Bakit sa isang sirang plaka inihambing ng tagapagsalaysay ang kanyang ina?


2. Ano ang napuna mong ugali ng tagapagsalaysay?

3. May kaugnayan ba ang mga salawikaing binanggit sa buhay mo?

4. Sa iyong palagay, angkop ba ang mga sinabi ng ina sa kanyang anak? Bigyang-katwiran ang iyong sagot.

5. Bilang kabataan, paano mo mapahahalagahan ang mga salawikaing binabanggit ng mga nakatatanda?

6. Paano napauunlad ng mga salawikain ang kulturang Pilipino?

7. Dapat pa bang gamitin ang mga ito sa kasalukuyang panahon? Pangatuwiranan ang sagot.

Tandaan:
Ang karunungang-bayan ay tinatawag ding kaalamang-bayan na binubuo ng mga salawikain, sawikain, bugtong,
palaisipan, kasabihan at bulong. Karaniwan ang mga ito ay nagmula sa mga Tagalog at hinango sa mahahabang tula

D. Pagninilay
Alam kong pamilyar ka sa mga karunungang-bayan na binasa mo. Madalas ba itong sabihin sa iyo ni Inay/
Itay, lolo o lola? Nais kong mabasa ang iyong natatanging kwento kaugnay ng karunungang-bayan na ito.

E. Pagtataya

Panuto: Tukuyin ang kaisipang nakapaloob sa mga salawikain. Bilugan ang iyong sagot.
1. Kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
a. Magreklamo pag hindi maibigay ang gusto.
b. Magtipid para makaipon.
c. Magtiis habang gipit.
2. Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, di makararating sa paroroonan.
a. Kalimutan ang taong tumulong sa iyo.
b. Tumanaw ng utang na loob.
c. Mahirap magkasakit.
3. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
a. Kahit hindi kumilos, aasenso rin ang tao.
b. Magsikap at tutulungan ka ng ating Diyos.
c. Palaging humingi ng tulong sa Diyos.
4. Kapag tanghali kang magising, maging dumi ng manok wala kang mapupulot.
a. Maging maagap at masipag,
b. Maging madasalin at matatag.
c. Maging alerto sa lahat ng panahon.
5. Sa panahon ng kagipitan, makikilala ang kaibigan.
a. Pagtanggi ng kaibigan sa pagtulong.
b. Paghihintay ng kapalit sa ginawang pagtulong.
c. Pagbibigay tulong ng kaibigan sa oras ng pangangailangan.

Binabati kita dahil natapos mo ang unang aralin. Sana ay marami kang natutunan na nagagamit mo sa
panahong tulad nito. May nais ka bang sabihin o itanong? Maari mo itong isulat sa baba upang sa susunod na
modyul ay masagot ko. Muli, binabati kita.

Aralin 2: EPIKO
Sa panahon ng pandemya, ikaw, ako , tayong lahat ay maaaring maging “superhero” batay sa ating
sariling kakayahan, katapangan at adhikaing makatulong sa kapwa. Hindi lamang ang mga frontliner ang
bayani sa ngayon, maging ang mga mamamayang nananatili sa loob ng tahanan at sumusunod sa tagubulin
ng pamahalaan ay bayani rin.

A. Pagtuklas:
Gawain 1: May kilala ka bang maituturing mong bayani sa kasalukayan? Anong kabayanihan ang
kanyang ipinamalas? Ilagay ang sagot sa loob ng puso
B. Paglinang:
Gawain 2: Basahin at unawaing mabuti ang epiko.

Si Pinkaw
ni Isabelo S. Sobrega
Naalimpungatan ako sa pagtulog nang hapong iyon sa sigawan at nanunuyang tawanan ng mga bata sa kalsada. Dali-dali
akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pingkaw pala ang sinusundan ng mga bata. Gula-
gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian at may medyas ang isang paa na ewan kung asul o berde. Malayo
siya kaya’t di ko makita nang mabuti. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel de Hapon na may kabit na lata sa
dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.
“Hoy, Pingkaw,” sigaw ng isang bata na nakasandong abot sa tuhod at may itinatawing-tawing sa daga.
“Sige nga, kumanta ka ng blak is blak.”
“Ay, hiya ako,” nag-aatubiling sagot ng babae, sabay subo sa daliri.
“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo,” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat, mahaba ang buhok
at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pingkaw.Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa
kanyang karga.
“Sige agawin natin ang kanyang anak,” sabi nilang pahalakhak habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pingkaw.
Maya-maya’y nakita kong lumuhod si Pingkaw sa lupa at nag-iiyak na parang bata.
“Huwag niyo naming kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa meyor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata
kahit na lumakas ang hagulhol ni Pingkaw. Nakadama ako ng pagkaawa kay Pingkaw at pagkainis sa mga bata. Kaya’t
sumigaw ako para takutin sila. “Hoy mga bata, salbahe n’yo! Tigilan n’yo ang pagtukso sa kanya.” Ewan kung sa lakas ng
pagsigaw ko’y natakot ang mga batang isa-isang nag-aalisan. Pagkaalis nila, tumingala si Pingkaw sa akin at nagsabi:
“Meyor, kukunin nila ang aking anak.”
Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. May koronel, may sergeant, may senador siyang tawag sa akin. Ngayon meyor
naman. “O sige, hindi na nila kukunin yan. Huwag ka nang umiyak.”
Ngumiti siya sa akin. Inihele ang kayang karga. Nahulog ang basahang ibinalot sa lata ng biskwit. Dali-dali niya itong
pinulot at muling ibinalot sa lata.
“Hele, hele tulog muna, wala dito ang iyong ina…” ang kayang kanta habang ang lata’y ipinaghehele at siya’y
patiyad na nagsayaw. Natigilan ako. At naalala ko ang Pingkaw na dati naming kapitbahay sa tambakan, nang hindi pa
ito nababaliw.
Ang paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (sa amin ang tambakan ng syudad) at dito nagmumula ang
kanyang makakain, magagamit o maipagbili. Madalas siyang umawit dati-rati. Hindi naman kagandahan ang kanyang
tinig -basag at boses-lalaki. Subalit kung may ano itong gayuma na bumabalani sa pandinig. Ewan kung dahil sa tila
malungkot na tinig ng kanyang paghehele o kung dahil sa pagtataka sa kanyang kasiyahan gayong isa lamang siyang
naghahalukay ng basura.
Kadalasan, pabalik na siya niyan galing sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng kartong papel, bote, mga sirang
sapatos, at sa loob ng bag na buri na nakasabit sa gilid ng kanyang kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Ito’y
mga tira-tirang sardinas, karne norte o kaya’y pork and beans, pandesal na kadalasa’y nakagatan na at kung minsan,
kung sinuswerte, may buto ng fried chicken na may lamang nakadikit. Sa kanyang yayat na katawan masasabing tunay
na mabigat ang kanyang tinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at nakakakanta pa ng kundimang Bisaya.
Pagdating niya sa harap ng kanilang barung-barong, agad niyang tatawagin ang kanyang mga anak: “Poray, Basing,
Takoy, nandito na ako.” At ang mga ito, dali-daling nagtakbuhan pasalubong sa kanya habang hindi makaringgan sa
pagtatanong kung may uwi ba raw siyang dyens na estretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili ba raw siya ng
bitsukoy?
Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lamang nalaman ang kanyang tunay na pangalan.
Pingkaw ang tawag ng lahat sa kanya, b’yuda na s’ya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit ng epilepsy habang dinadala
niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Samantala, si Pisyang Tahur ay sumusumpa sa kanyang paboritong
santo na hindi raw kailanman makakasal si Pingkaw. Iba-iba raw ang ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang
panganay, si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at masyadong payat. Tuwing
makikita mo itong nakasuot ng estretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, maaalala mo agad ang panakot-uwak sa
maisan. Si Basing, ang sumunod, sungki ngunit mahilig pang pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas sa
biyak ng kanyang labi. Ang bunsong ewan kung tatlong taon pa lamang ay maputi at guwapung-gwapo. Ibang-iba sa
kanyang mga kapatid kaya kung minsa’y naisip mong totoo nga ang sinasabi ni Pisyang Tahur.
Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pingkaw ang mga laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata ,mga bote,
mga kariton at iba pang nakalagay rito sa napulot sa tambakan katulong ang kayang mga anak. Kinasanayan na ni
Pingkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang kayang mga anak at ang sungi ang siyang may
pinakamataas na tinig. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Tsino na tagabili.
Talagang mahal ni Pingkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga
ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lamang makikita si Pingkaw na inaambaan ang kanyang mga anak. “Ang
mga bata,” nasabi niyang minsang bumili siya ng tuyo sa talipapa at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na
nahuli nitong tumitingin sa malalaswang larawan, “hindi kailangang paluin, sapat nang turuan sila nang malumanay. Iba
ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang mga bata, kung saktan, susunod sa iyo subalit
magrerebelde at magkimkim ng sama ng loob.”
Sa tunggalian ng pamumuhay sa tambakan naroon, ang isang tao’y handang tumapak sa ilong ng kapwa tao
mabuhay lamang. Nakapagtataka si Pingkaw. Lubha siyang matulungin lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang
ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba lalo na ng mga bata at matatanda. Sinasabi rin na
sa pagsisimba niya tuwing Linggo hindi kukulangin sa piseta anf kayang ipinamamahagi sa mga nagpapalimos.
Alam ng lahat sa tambakan ang pangyayaring ito. Minsan, nagkasakit ng el tor ang sunging anak ni Pingkaw.
Nagtungo ang babae sa suking Tsino. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Tsino ngunit sa isang
kondisyon. Bukambibig na ang pagkagahaman sa babae ng Tsino na ito: pinagdugtung-dugtong ng mga tagatambakan
kung ano ang kondisyong iyon sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Nalaman na ng lahat
ang mga naganap; ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pingkaw sa ulo ng Tsino.
Hindi rin nadala ni Pingkaw ang kanyang anak sa doctor. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa
anak. Iyon nalamang ang nakapagpabuti sa bata.
“Nagpapakita rin na may awa ang Diyos. Kung ninais Niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. ngunit dahil
naisip pa Niyang mabuhay ito, nabuhay rin kahit hindi naipadoktor,” ang sabi ni Pingkaw nang magpunta siya sa talipapa
bago pa man gumaling ang kanyang anak.
Minsang nag-uusap ang mga nagsisipagtipon sa talipapa tungkol sa bigas relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng
ahensya na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pingkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko pa sa ahensya
ang aking pamumuhay? Malusog at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang tulungan. Marami pa
riyang iba na higit na nararapat tulungan. Ang hirap lang sa ating pamahalaan, kung sino ang dapat tulungan ay hindi
tinutulungan. Ngunit ang ibang mabuti naman ang pamumuhay, sila pa ang nakatatanggap ng tulong. Kabaliwan…”
Iyan si Pingkaw. Kontento na siya sa kanyang naabot sa buhay.
Naganap ang sumunod na pangyayari kay Pingkaw nang ako’y nasa bahay ng aking kapatid na may sakit. Isinalaysay ito
ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama.
Isang araw, matapos silang mag-agahan ng kanyang mga anak, bigla na lamang namilipit ang mga bata sa sakit ng tiyan.
Ewan kung dahil sa sardinas o sa kung ano mang panis na kanilang nakain.
Natuliro si Pingkaw. Nagsisigaw. Tumakbo siya sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang
maitulong maliban sa pagsabihan siyang kailangan dalhin ang mga anak sa ospital.
Walang nagdaraang mga sasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pingkaw ang kanyang mga anak. Nagtungo
siya sa bahay ng isang doktor na malapit lamang, ngunit wala ang doktor at naglalaro ng golp, ayon sa katulong.
Itinulak niyang muli ang kariton at nagpunta sa bahay ng isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre sa tarangkahan
ngunit walang nagbukas subalit nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.
Kaya naguguluhang itinulak na naman ni Pingkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. May doktor doon ngunit wala
namang gamot para sa nalason.
Halos hindi makakilos sa pagod si Pingkaw, bukod pa sa kanyang lubhang pagkalumbay sa pagiging maramot ng
kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahinto upang isakay ang kanyang mga may
sakit na anak ngunit wala ni isa man lang sa mga ito ang tumigil. Maya-maya napansin niyang hindi na kumikilos ang
kanyang panganay. Para siyang sinakluban ng langit nang mabatid niyang hindi na ito humihinga. Umiiyak siyang
nagpatuloy sa pagtulak ng kariton para iligtas ang buhay ng natitira pa niyang dalawang anak. Maraming tao ang may
pagkamanghang nagmasid sa kanya, subalit wala kahit isa mang lumapit upang tumulong. Tumalbug-talbog ang katawan
ng kanyang mga anak sa kariton habang nagdaraan ito sa mga lubak-lubak ng kalsada.
Pakiramdam niya’y isang daang taon na siya nang makarating sa pambansang ospital. Matapos ang pagtuturuan ng mga
doktor at nars na tinitingnan lamang ay ang mga pasyenteng mayayaman na wala naming sakit, binigyan din ng gamot
ang dalawang anak ni Pingkaw.
Nang gumabi’y namatay si Poray, ang pinakamatanda. Dalawang araw pa ang lumipas, sumunod namang namatay ang
bunso.
Nakarinig na naman ako ng kaguluhan. Muli akong dumungaw. Si Pingkaw na nagbalik, sinusundan na naman ng mga
pilyong bata.
“Hele-hele, tulog muna, wala dito ang iyong nanay…” ang kanta niya, habang ipinaghehele ang binihisang lata.

C. Pagyamanin
Gawain: Sagutin ang mga tanong.
1. Ano – ano ang mga kadakilaang ginawa ni Pingkaw sa mga anak? Isulat ito sa character web.

Pingkaw

2. Ano ang dahilan ng pagkabaliw ni Pingkaw?

3. Sa iyong palagay, maituturing bang isang bayani o superhero si Pingkaw? Bigyang-katuwiran


ang iyong sagot.

4. Magbigay ng salitang kasingkahulugan at kasalungat ng mga salita sa ibaba:


Kasingkahulugan Kasalungat
a. gula-gulanit
b. panunudyo
c. nakasukbit
d. kalyehon
e. talipapa

Tandaan:
Ang epiko ay isang uri ng panitikan na nagsasalaysay ng kabayanihan at pakikipagtunggali ng
pangunahing tauhan laban sa mga kaaway na halos hindi mapaniniwalaan dahil ang mga pangyayari
ay pawang hindi kapani-paniwala. Sinasabing ang epiko ay naglalaman ng kabayanihan ng isang taong
kinilala sa isang lugar.
Isa itong salaysay na nasa anyong patula na punumpuno ng kagila-gilalas na mga pangyayaring
kasasalaminan ng kultura ng rehiyong pinagmula nito na tunay na maipagmamalaki.

D. Pagninilay
Narito ang ilang paalala ng ating pamahalaan sa kasalukuyan, isulat ang sanhi at bunga ng mga ito.

SANHI PAALALA BUNGA

Magsuot lagi ng face mask.

Manatili sa loob ng bahay.

Ugaliing maghugas ng kamay.

E. Pagtataya:
Gawain: Bumuo ng isang akrostik kung paano maituturing na bayani ang isang tao sa panahon ng pandemya.

B–

A–

Y–

A–

N-

I–
Yehey! Natapos mo na ang unang modyul. Marami ka bang natutunan, napag-isipan at natuklasan? May gusto
ka pa bang ibahagi o itanong? Isulat mo na ito sa ibaba.

Sanggunian:

Pintig ng Lahing Pilipino, Ikalawang edisyon


Sibs Publishing House Inc
Pahina 62-72

IPINASA NI:

BERNADETTE B. VELCHEZ
Teacher II

IPINASA KAY:

ABEGAIL SANTOS
Head Teacher IV

SINURI NI:

JENNIFER R. CATAHIMICAN
Tagapamuno, Filipino

You might also like