You are on page 1of 10

Bawat bansa ay may kanya-kanyang wikang pambansa.

Ang Pilipinas, na itunuturing


na isang malayang bansa, ay may sariling wikang pambansa. Ito ay ang Wikang
Filipino.

Bakit mahalagang magkaroon tayo ng wikang pambansa? Sang-ayon kay Dr. Isidro
Dyan, isang dalub-wika mula sa Malaya - Polinesya, "Malaking kahihiyan para sa
bansa kapag mayroong ginagamit na wikang dayuhan subalit di nag-aangkin ng
sariling wikang pambansa. Kailangang magkaroon ng wikang pambansa upang
malinang ang pambansang paggalang at pagkilala sa sarili.

Mahabang kasaysayan ang pagkakaroon ng wikang pambansa sa Pilipinas - ang


Pilipino na nagmula sa Tagalog na pagkaraa’y naging Filipino. Ang kasalukuyang
Filipino ay isang isyung naging sanhi ng pagsasalungatan lalo na ang mga taga-
Cebu. Sabi ng mga Cebuano ang Filipino daw ay hindi pambansa kundi Tagalog na
sinasalita lamang ng mga taong nasa katagalugan. Ngunit ipinaliwanag ng mga
awtoridad sa Filipino na ang Wikang Filipino ay hindi Tagalog kundi ‘sing wikang
nabuo at kinilalang "lingua franca" ng Kalakhang Maynila na lumaganap na sa buong
kapuluan.

Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit na 7,100 mga pulo. Ito ay pinananahanan sa


kasalukuyan ng 60 milyong mamamayan na gumagamit ng mga 87 na iba’t ibang
wika. Kabilang sa mga pangunahing wika ay Tagalog, Cebuano, Ilocano, Pampanga,
Bicol, Pangasinan, Hiligaynon, Waray at Maranao. Pinaniniwalaang ang mga
sinaunang Pilipino ng hindi nagkaroon ng isang katutubong wika na masasalita at
mauunawaan ng lahat dahil sa pagkakahiwa-hiwalay nila ng pook ngunit mayroon
din namang naniniwala na ang wikang Tagalog ay ginagamit hindi lamang ng mga
katutubo sa pulo ng Luzon kundi sa iba pang mga pulo.

Nang dumating ang mga Kastila sa ating bansa, hinangad nilang mapalaganap ang
Kristiyanismo, kaya’t minabuti ng mga prayle na mag-aral ng iba’t ibang wikain sa
Pilipinas sa halip na ituro ang kanilang wika sa mga katutubo. Sa ganitong paraan,
nakapg-ambag sa wika ang mga mananakop ng Kastila dahil sa pagkakasulat nila ng
aklat gramatika ng iba’t ibang wikain sa Pilipinas.

Nang panahon ng himagsikan ng sumibol sa mga manghihimagsik na Pilipino laban


sa mag Kastila ang kaisipang "isang bansa, isang diwa." Kaya nga’t pinili nila ang
Tagalog na siyang wikang tagalog sa panahon ng propaganda - mga sanaysay, tula,
kuwento, liham at mga talumpati na punung-puno sa damdaming bayan. Kahit si
Rizal at iba pang propagandista’y sumulat sa Kastila, batid nilang ang wika’y
malaking bahagi upang mapagbuklod ang mga kababayan nila.
Nang dumating ang mga Amerikano, biglang naunsyami ang mithiin ng mga Pilipino
ng itakda ng pamahalaan na ang Ingles ang gawing opisyal na wikang panturo sa
mga paaralan. Ipinagbawal ang paggamit ng bernakular sa paaralan at sa
tanggapan. Ito ang dahilan kung bakit simula noong pananakop ng mga Amerikano
hanggang bago sumiklab ang pangalawang digmaang pandaigdig, hindi umunlad ang
ating wika.

Ang ating mga lider na makabayan tulad nina Lope K. Santos, Cecilio Lopez, Teodoro
Kalaw at iba pa ay nagtatag ng kilusan nakung saan sila ay naging masigasig sa
pagkakaroon ng wikang pambansa. Nagharap ng panukula si Manuel Gillego na
gawing wikang pambansa at wikang opisyal ang Tagalog subalit patuloy pa ring
namayani ang Ingles.

Nang itatag ang Komonwelt, nagkaroon ng malaking hakbang tungo sa pagkakaroon


ng isang wikang pambansa. Ito ay utang natin sa naging Pangulong Manuel L.
Quezon, ang tinaguriang "Ama ng Wikang Pambansa."

Noong 1934, isang Kombensyong Konstitusyonal ang binuo ng Pamahalaang


Komonwelt upang maisakatuparan ang pangarap ni Quezon. At upang ipalilala ang
kahalagahan ng wika, isang probisyon tungkol sa Wika ang isinama sa ating Saligang
Batas. Ito’y napapaloob sa Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Konstitusyon noong Pebrero 8,
1935.

"Ang Pambansang Kapulungan ay magsasagawa ng mga

hakbangin tungo sa paglinang at paggamit ng pambansang

wikang batay sa isa sa umiiral na katutubong mga wika.

Samantalang hindi pa itinatadhana ng batas, ang Ingles

at Kastila ay patuloy na mga wikang opisyal."


Naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa, binuo ng mga kinatawang nagmula sa
mahahalagang mga rehiyon sa Pilipinas bilang mga kasapi. Pagkatapos ng
puspusang pag-aaral ng iba’t ibang wika sa Pilipinas, ipinasya ng Surian na Tagalog
ang siyang dapat pagbatayan ng Wikang Pambansa pagkat ito’y nagtataglay ng
nalinang nang panitikan at wikang sinasalita ng nakahihigit ng dami ng mga Pilipino.
Kaya, noong Disyembre 30, 1937, inihayag ni Pangulong Quezon na ang wikang
pambansa ng Pilipinas ay Tagalog.

Ang sumusunod ay iba’t ibang kautusang ipinairal ng ating pamahalaan tungkol sa


pagkasulong ng ating wika:

Nobyembre 1936- Inaprobahan ng Kongreso ang Batas Komonwelt Bilang 184 na


lumikha ng Surian ng Wikang Pambansa na naatasang gumawa ng pag-aaral ng mga
katutubong wika at pumili ng isa na magiging batayan ng wikang pambansa.

Disyembre 30, 1937 - Sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 ng


Pangulong Quezon, ang Wikang Pambansa ay ibabatay sa Tagalog.

Abril 1, 1940 - Ipinalabas ang Kautusang Tagapagpaganap na nagtadhana ng


paglilimbag ng isang balarila at isang diksyunaryo sa Wikang Pambansa. Ipinahayag
pa ring ituturo ang wikang pambansa sa mga paaralan sa buong Pilipinas na
nagsimula noong Hunyo 19, 1940.

Hunyo 7, 1940 - Pinagtibay ng Batas-Komonwelt Blg. 570 na nagtadhana na simula


sa Hulyo 4, 1946. Ang Wikang Pambansa ay isa sa mga opisyal na wika ng bansa.

Marso 26, 1954 - Nagpalabas ng isang kautusan ang Pangulong Ramon Magsaysay
sa taunang pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa mula sa Marso 29 - Abril 4.
Subalit ang petsa ng pagdiriwang ay inilipat sa Agosto 13-19 tuwing taon.

Agosto 12, 1959- Tinawag na Pilipino ang Wikang Pambansa ng lagdaan ni Kalihim
Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kautusang Blg 7. Ayon sa kautusang
ito, kaylaman at tutukuyin ang pambansang wika ay Pilipino ang gagamitin.
Oktubre 24,1967- Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang isang kautusang nagtatadhana
na ang lahat ng mga gusali at mga tanggapan ng pamahalaan ay panganlan sa
Pilipino.

Marso, 1968 - Ipinalabas ni Kalihim Tagapagpaganap, Rafael Salas, ang isang


kautusan na ang lahat ng pamuhatan ng liham ng mga kagawaran, tanggapan at
mga sangay nito ay maisulat sa Pilipino.

Agosto 7, 1973- Nilikha ng Pambansang Lupon ng Edukasyon ang resolusyong


nagsasaad na gagamiting midyum ng pagtuturo mula sa antas elementarya
hanggang tersyarya sa lahat ng paaralang pambayan o pribado at pasisimula sa
taong panuruan 1974--75.

Hunyo 19, 1974 - Nilagdaan ni Kalihim Juan Manuel ng Kagawaran ng Edukasyon at


Kultura ang Kautusang Pangkagawaran Blg.25 para sa pagpapatupad ng edukasyong
bilingwal sa lahat ng kolehiyo at pamantasan.

Pagkatapos ng Rebolusyon ng Edsa, bumuo muli ang pamahalaang rebolusyonaryo


ng Komisyong Konstitusyonal na pinamunuan ni Cecilia Muñoz Palma. Pinagtibay ng
Komisyon ang Konstitusyon at dito’y nagkaroon muli ng pitak ang tungkol sa Wika:

Artikulo XIV - Wika

Sek. 6 - Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito


ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na Wika sa Pilipinas at sa iba
pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng Batas at sang-ayon sa nararapat na
maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan
upang ibunsad at paspasang itaguyod ang paggamit ng Pilipinas bilang midyum na
opisyal na Komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Sek. 7 -Ukol sa mga layunin ng Komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal
ng Pilipinas ay Filipino at , hanggat walang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga
wikang panrelihiyon ay pantulong ng mga wikang opisyal sa mga rehiyon at
magsisilbi na pantulong sa mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod ng kusa at
opsyonal ang Kastila ng Arabic.
Sek. 8 - Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin
sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

Sek. 9 - Dapat magtatag ag Kongreso ng isang Komisyon ng Wikang Pambansa na


binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na
magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba
pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanitili.

Agosto 25, 1988 - Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 ay ipinalabas at


nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino na nagtatadhana ng paglikha ng Komisyong
Pangwika na siyang magpapatuloy ng pag-aaral ng Filipino. Gayon din, pinagtibay
ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa mga piling
asignatura.

Sinu-sino ang mga dayuhang nagdalá ng ibá’t ibáng wikà sa Filipinas? Iyán ang
katanungan ng isáng panauhin dito sa Sarisari etc.

Maraming lahì ang nagdalá ng kaní-kaniláng salitâ sa Filipinas noóng unang panahón,
ngunit ang mga wikang dinatnán nilá sa Filipinas ay taál na Filipino.

Dati'y may teoryang ang tawag ay wave theory. Ayon sa wave theory, ang mga
ninunò ng lahing Filipino ay dumayo sa Filipinas nang iláng ulit o waves ng
pandarayuhan sa pamamagitan ng mga tuláy na lupà na nalantád dahil mas
mababaw ang mga dagat noong panahón ng kalamigang pandaigdíg (Ice Age).
Nanggaling daw silá sa Indonesia, Malaysia at ibá pang lugár. Libu-libong taón daw
ang pagitan ng bawat panahón ng pandarayuhan. Diumanó’y itó raw ang sanhî kung
bakit may mga Ita, Ifugáw at modernong Filipino sa Filipinas. Subalit ngayón ay hindî
na tinátanggáp ang teoryang itó.

Ayon sa mga bagong pananaliksík sa larangan ng wikà (comparative linguistics,


lexicostatistics), ang mga wikà ng ibá't ibáng grupo sa Filipinas ay masyadong
magkakahawig kayâ hindî máaaring may iláng libong taón ang pagitan ng kaní-
kaniláng pagdatíng. Makikita rin sa mga bagong ebidensyá sa larangan ng
arkeolohiya na tulúy-tulóy at hindî paulit-ulit ang nagíng pandarayuhan sa Filipinas.

May relasyón sa bawat isá ang mga wikà sa Filipinas. Ang pangalan ng pamilya ng
mga wikang itó ay Austronesian o Malayo-Polynesian. Ang mga wikang Austronesian
ay mga wikà mula sa mga pulô ng Southeast Asia hanggáng sa Easter Island na
malapit sa South America.
Malamáng na ang unang mga taong nagsasalitâ ng íisáng wikang Austronesian ay
dumatíng sa Filipinas mula sa hilagà (north) limáng libong taón na ang nakalipas.
Nagkahiwá-hiwaláy silá at nagsikalat sa buóng kapuluán. Dahil sa habà ng panahón
na nagkahiwaláy silá, untí-untíng nagbago ang kanilang pagsasalitâ. Dumatíng ang
panahón na ang mga grupong itó ay hindî na nagkaintindihan. Ang ibig sabihin ay
nagíng bago na ang mga wikà at pagsasalitâ ng ibá’t ibáng grupo. Ito ang mga
wikang kilala natin sa Filipinas ngayón tulad ng Ilokano, Tagalog, Cebuano at marami
pang ibá.

Ganitó rin ang nangyari sa ibáng mga bahagi ng Timog-Silangan tulad ng Malaysia at
Indonesia. Nang simulán nilá ang pangangalakal sa mga pulô, nadalá rin nilá ang
kaniláng mga bagong salitâ sa Filipinas - patí yaóng mga salitáng natutuhan nilá sa
ibá pang mas malalayong bansá tulad ng India.

Mula noon hanggáng ngayón, ang mga Filipino, tulad ng lahát ng lahì sa daigdíg, ay
nanghíhirám ng mga salitâ mulâ sa maraming dayuhang lahì. Masasabi nating
patuloy na nagbabago ang mga wikà sa mundó dahil lahát tayo ay patuloy ang
panghíhirám at paggamit ng mga bagong salitâ sa ating pangungusap.

Bagamá’t may mga wikang dayuhan na nagkaroón ng impluwensiyá sa paglagô ng


mga wikang Filipino, ang Filipinas ay may sariling mga taál na wikà bago pa man itó
nápuntahán ng mga dayuhan.

Mga Sagót sa inyóng mga tanóng at


sarisaring káalamán tungkól sa wikang Filipino

Bundók - Boondocks?

Anó ang kakaibá sa salitáng bundók?


Sa dami ng salitáng hiníhirám ng wikang Filipino mulâ sa ibá pang mga wikà, ang
salitáng bundók ay isáng salitáng hinirám namán ng wikang Inglés mulâ sa wikang
Pinóy. Kilala natin itó bilang boondocks. Ganitó ang talâ sa Canadian Oxford
Dictionary:

boondocks...n. N Amer. informal rough or isolated country;


backwoods. [Tagalog bundok mountain]

Bukód sa payák na kahulugán ng bundók bilang mataás na lupà, alám nating may
karagdagang kahulugán din itó kung sasabihin nating, "Para siyáng tagabundók!"
Gustuhín man o hindî, itó ay nangángahulugáng hindî "sibilisado", hindî "disente" o
waláng "class" ang ganitóng tao. Isáng promdi, ’ikà ngâ.
Ganitó ang ibig sabihin ng bundók nang mátutuhan itó ng mga Amerikano noóng
ikalawáng digmaang pandaigdíg. Sa kaniláng pagkaintindí, ang salitáng bundók ay
tumútukoy sa anumáng liblíb na lugár na malayò sa kabihasnán. Inampón nilá ang
salitâ at itó ang nagíng katagáng Inglés na boondocks.
Noóng dekada 1950’s lumitáw ang salitáng boondockers. Itó ang tawag sa mga
matitibay na sapatos o botas na pang-hiking. Malamáng na pinagmulán itó ng taták
ng mga pantalon na Dockers na ngayón ay usung-uso. Marahil ay nakariníg na kayó
ng salitáng boondocks sa isáng Canadian:
She works in the city but she lives way out in the boondocks (or
boonies).

Sa wikang Inglés, walâ itóng himig pang-iinsulto. Kayâ, kapág nakariníg kayó ng
salitáng boondocks sa isáng taong hindî Filipino, sabihin ninyó sa kaniyá, "Hey,
you’re speaking my language!" At laging ipagmalakí ang wikang Filipino.

Alám ba ninyó na ang mga salitáng bansá, gurò at katárungan ay hindî taál na
wikang Tagalog? Naisama ang mga itó sa wikang Pilipino noóng bandáng 1940’s dahil
sa pantás-wikang si Eusebio T. Daluz. Kinuha niyá ang bansá at gurò sa wikang
Maláy bilang kapalít ng mga salitáng Kastilang nacion at maestra o maestro; at ang
katárungan namán ay hinangò niyá sa mga wikà ng Bisayà bilang kapalít ng
Kastilang justicia. Ito’y dahil waláng katumbás sa Tagalog ang mga naturang salitáng
Kastilà.

Bansá

Sa Malaysia, ang kahulugán ng bangsa ay lahì o urì. Sa Indonesia namán, mas


malapit ang katuturán nitó sa kahulugán ng bansá sa wikang Filipino.

Gurò

Ang kahulugán ng ating salitáng gurò ay katulad ng guru sa mga wikà ng Malaysia at
Indonesia. May ugát ang guru sa sinaunang wikang Sanskrit ng India at kinikilala rin
itó sa wikang Inglés.

Katárungan

Ang salitáng ugát ng katárungan ay tarong na may kahulugáng tuwíd sa wikang


Cebuano (o tarung sa Hiligaynon; katwiran). Ang ibig sabihin ng katarong ay mabaít
o may mabuting asal. Mayroón ding taróng sa Tagalog ngunit ang ibig sabihin nitó ay
unawà. Bihirang ginagamit itó at malayu-layò na ang kahulugán nitó sa kahulugán
ng katárungan.
Ang tatlóng salitáng itó ay magagandáng halimbawà ng ginawang pagpapaunlád ng
isáng wikà dahil bagama’t nápansín ni Daluz na may pagkukulang ang wikang
pambansá, hindî siyá agád-agád humanap ng bagong salitâ sa isáng wikang
banyagà. Sa halíp, binalingan muna niyá ang isáng wikang kapatíd ng Tagalog: ang
wikang Cebuano o Sugbuhanon. Humanap din siyá ng mga salitâ sa ináng wikà ng
lahát ng wikà sa Filipinas, ang Maláy.
Mayroón ding mga salitáng sadyáng hinirám mulâ sa ibá pang mga wikà sa Filipinas
na hindî naipasok sa pang-araw-araw na wikà ng madláng tao.

Lunán

Iminungkahì ni Isidro Abad, isáng kagawad ng dating Surián ng Wikang Pambansá


(na ngayón ay Komisyon sa Wikang Filipino) na hiramín ang salitáng lunâ mulâ sa
kaniyáng ináng wikang Cebuano (Sugbuhanon) upang palitán ang salitáng Kastilang
lugár na hindî laging maitutumbás ng salitáng poók. Hinulapian itó ni Abad ng –an
para magíng lunaán at saká pinaiksî itó hanggáng sa magíng lunán. Nátanggáp ng
Surián ang bagong salitâ at naisama rin itó sa mga diksiyunaryo o talásalitaan subalit
hindî itó nag-click sa masa. Ngayón, matatagpuan ang salitáng lunán sa larangan ng
balarilà lamang.

Taknâ

Nagmungkahì ang isá pang kagawad ng Surián na si Dr. Felix R. Salas ng pamalít sa
salitáng Kastilang oras. Itó ang salitáng takna mulâ sa mga wikà ng Bisayas. Subalit
hindî itó nátanggáp ng S.W.P. sa dahilán lamang na máipag-kakámalî ang tunóg nitó
sa salitáng Tagalog na takdâ, lalò na kung magkakasama ang dalawáng salitâ sa
takdáng taknâ kung ibig sabihing takdáng oras.

Agturay

Ikinuwento ng batikáng pantás-wikang si Lope K. Santos sa kaniyáng aklát na


“Makábagong” Balarilà? ang mungkahì ng isáng kasapi ng dating Samahán ng mga
Mánanagalóg noóng panahóng 1920’s o 1930’s. Nais nitóng kasaping nagngangalang
Fenoy, na gamitin sa Tagalog ang salitáng agturay bilang katumbás ng gobernadór at
pantawag sa ibá pang matataás na katungkulan. Sa wikang Iloko, ang kahulugán ng
agturáy ay pinunò o mamahalà. Ngunit napansín ng ilán na ang tunóg ng salitâ ay
malapit sa katuray kayâ, hindî rin nagwagí ang mungkahì ni Fenoy.

Anó ang kahulugán at halimbawà ng "sáwikaín" at "sálawikaín"?

Pareho ang kahulugán ng sáwikaín at sálawikaín. Kung may kaibahán sa dalawá,


ganitó ang aking palagáy.

Ang sálawikaín ay isáng pangkaraniwang kasabihán, kawikaán o bukambibíg ng


madlâ. Ito ang tinatawag na idiom o idiomatic expression sa Ingles. Ang kahulugán
ng mga itó ay hindî makikita sa mga salitâ lamang. Gayón pa man, nauunawaan
nating lahát.

Halimbawà, kahoy lamang ang talagáng sinisibák ngunit ibá ang ibig sabihin kung
tayo ay sisibakín sa trabaho. O kung may bumanggít sa isáng "kalapating mababà
ang lipád", alám nating hindî ibon ang pinag-uusapan kundî isáng prostitute.

Ang sáwikaín namán ay mas mahabà at mas makahulugán. Ang tawag dito ay
saying, proverb, adage o maxim sa Ingles. Napakarami ang mga itó. Heto ang isáng
halimbawà: "Ang hindî lumingón sa pinanggalingan ay hindî makararatíng sa
patutunguhan."

Sa Ingles, magkaibá ang mga kahulugán ng idiomatic expression at proverb. Sa


Filipino namán, hindî malinaw ang kaibahán sa sáwikaín at sálawikaín. Ang dalawáng
salitâ ay kapuwâ may dalawáng kahulugáng nábanggít. Kayâ, hindî ka magkakamalî,
kahit alín sa dalawáng salitâ ang iyóng gamitin.

Banyaga-isasyón" ng wikang Filipino

May nagtanóng kung anó ang kahulugán at kung anó ang katumbás sa wikang
Filipino ng iláng salitáng nagwawakás na may ...isasyón sa dulò. Mayroóng panlapì o
affix sa Filipino na bagay na bagay bilang ipampalít sa Kastilang suffix na ...ización o
...ization namán sa Inglés. Sa Filipino itó ay pagsasa...Sa tingín ko, itó ay mas
madalíng maintindihán ng karamihan. At hindî itó "tongue twister" sa mga katulad ko
gaya ng ...isasyón. (Dahil ang unang wikà ko ay Inglés at nahihirapan akó rito.
Laging gustóng lumabás sa aking bibíg ang tunóg ng "z" at "sh" sa halíp ng tunóg ng
"s".) Náritó ang ilán sa ganitóng uring salitâ.
Modernisasyón
Itó ang pagsasagawâ ng pagbabago upang magíng moderno o makabago ang isáng
bagay, lunán o tao. Sa iisáng salitáng Filipino lamang itó ay pagsasamakabago.
Walâ pa yatà itó sa mga talásalitâan ngunit ang palagáy ko ay madalíng maunawaan
itó kayâ, bakit hindî natin gamitin itó? Marami namáng wikà ang nagkakaroón ng
mga bagong salitâ na may bagong kahulugán sa pamamagitan ng pagdugtúng-
dugtóng ng mga dating salitâ at mga panlapì. Hindî kailangang laging kumuhà ng
bagong salitâ sa mga wikang banyagà.
Istandardisasyón
Itó ang pagsasagawâ ng plano, pamamaraán, pátakarán o batás upang magkaroón
ng isáng pamantayan. Sa iisáng salitâ lamang: pagsasapamantayan.

Ang ibig sabihin namán ng pamantayan ay isáng kasunduang pangkalahatan ukol sa


antás, kahusayan, hugis, atbp. ng isáng bagay. Halimbawà, noóng taóng 1868, nang
itayó ang unang traffic light sa London, England, may mga taong nagpasiyá at
nagkasundô na ang magiging kahulugán ng isáng ilaw na pulá sa kalsada ay dapat
humintô ang mga sasakyán. Hanggáng ngayón, saanmán sa daigdíg, itó na ang
pamantayan na alám nating lahat: ang "red light means stop" (at hindî blue light,
green light, white light o polka dot light!)
Intelektuwalisasyón
Hindî ko kilala ang salitáng itó noón, magíng sa sarili kong wikà, hanggáng nabasa ko
itó sa mga pitak at aklát tungkól sa wikang pambansá ng Filipinas. Alám kong ang
ibig sabihin ng intellectual ay pangkaisipán o dî kayá'y isáng taong marunong. Kung
ang pananáw o mga palagáy natin sa isáng bagay ay nakabatay sa ating kaisipán at
hindî nagmumulâ sa ating damdamin, ang tawag dito ay intellectual. Halimbawà,
kung "i-intellectual-IZE" natin ang kagandahan ng isáng babae, ang ibig sabihin ay
pahahalagahán natin ang kaniyáng gandá batay sa mga pamantayan ng kagandahan
at hindî batay sa ating damdamin sa pusò.

Kayâ kapág sinasabi ng mga di-umanó'y intellectual na ang kailangan ng wikang


Filipino ay intelektwalisasyón, malamáng na ang ibig niláng sabihin ay kailangang
itaás ang antás ng wikang Filipino upang magamit natin itó sa mga larangan ng
kaisipán tulad ng aghám (science), panggagamót, sining, teknolohiya atbp. Ang
aking mungkahì ay gamitin natin dito ang salitáng pagsasapangkaisipán. Alám
kong napakahabà nitó ngunit waláng karapatáng umangal ang sinumáng mahilig
gumamit ng mahahabang salitáng tulad ng intelektuwalisasyón!

At iba pa...

Polyglot: Ang kahulugán nitó ay maraming wikà o isáng taong maraming wikà ang
alám. Ang Filipinas ay isáng polyglot na bansá. Si Jose Rizal ay naging isáng polyglot
din. Itó ay mulâ sa Greek: poly = marami, glotta = dilà.

Ang wika at salitain ay nahahati sa apat na uri. Una, ang balbal, na siyang pinakamababa.
Halimbawa nito ay ang mga salitang "parak (pulis), iskapo (takas), istokwa (layas),
juding (binbabae) at tiboli (tomboy)". Ikalawang uri naman ay ang lalawiganin. Kabilang
sa uri o antas na ito ay ang mga salitain o dayalekto ng mga katutubo sa lalawigan o
panlalawigang salita. Ang mga Cebuano, Iloko, Batangueno, Bicolano at iba pa ay may
temang lalawiganin sa kani kaniyang dila. Isang matibay na indikasyon ng lalawiganing
tema ay ang punto o accent AT (hindi, O) ang paggamit ng mga salitang hindi banyaga at
hindi rin naman Tagalog. Ang ikatlong uri naman ay ang Pambansa. Sa Pilipinas, laman
pa rin ng pagtatalo kung ano ang kasama sa antas na ito. Marami ang nagsasabing ito ay
Filipino, samantalang ang iba naman ay may katwiran din na tawaging Tagalog lamang
ang Wikang Pambansa ng Pilipinas. Kung mauunawaan na ang Filipino at ang kaniyang
alpabeto (Simpleng alpabeto) ay maunlad, at may mga hiraw na titik. Ang Filipino naman
ay kalipunan ng mga salitain ng lahat ng mga Filipino (tao) maging lalawiganin man, o
balbal, mapa Tagalog man o banyaga. Sa kadahilanang ito, ang Tagalog ang siyang
tinuturing na wikang Pambansa at hindi ang Filipino. Gayumpaman dahil kasulatan at
kasaysayan, ang Filipino pa rin ang naitala at kinikilalang wikang pambansa. Ang ikapat
na uri naman ng wika ay ang Pampanitikan. Ito ang pinakamayaman na uri. Kadalasay
ginagamit ang mga salita sa ibang pakahulugan. Mayaman ang wikang pampanitikan sa
paggamit ng tayutay, idioma, eskima at ibat ibang tono, tema at punto. Isang eksperto na
rin ang nagsabi na ang Panitikan ay ang "Kapatid na babae ng Kasaysayan", ito ay dahil
sa ang wikang pampanitikan ay makasaysayan at maaring tumaliwas din sa kasaysayan
dahil sa kaniyang kakayahan na lumikha ng mga tauhang piksyunal o kathang isip. Ito ay
kadalasang nagaganap sa tuwing ang wikang pampanitikan ay malayang nagagamit sa
pagkatha ng dula, katha, palabas, at iba pang likhang-pampanitikan.

You might also like