You are on page 1of 26

Saligang Batas ng 1935

Approx. 1935

Nakabanggit sa Saligang Batas ng 1935 na magkaroon ng Wikang Pambansa

Kongreso ng Batas
Approx. 1936

Inaprubahan ang Batas Commonwealth Blg. 184 na gumawa ng Surian ng Wikang Pambansa
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134
12/30/1937

Ayon sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 Pangulong Quezon, Tagalog ang ginawang batayan ng Wikang Pambansa.
Paglilimbag ng Diksyunaryo
04/01/1940

Ipinalabas ang Kautusang Tagapagpaganap na nagtungo sa paglilimbag ng Diksyunaryo ng Pambansang Wika.


Batas-Komonwelt Blg. 576
06/07/1940

Pinagtibay ng Batas-Koomonwelt Blg. 576 na ang Pambansang Wika ay magiging opisyal sa Hulyo, 1946.
Pagtuturo ng Wikang Pambansa
06/19/1940

Isinimula ang pagturo ng Wikang Pambansa sa mga paaralan.


Pagiging Opisyal ng Wikang Pambansa
07/04/1946

Ang Wikang Pambansang Pilipino (tagalog) ay naging opisyal sa bansa.


Pagsimula ng Linggo ng Wika
03/26/1954
Nagpahayag ng isang kautusan ang Pangulong Ramon M. Magsaysay sa taunang pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa mula ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril ngunit inilipat sa Agosto 13-
19 tuwing taon.
Kagawaran ng Edukasyon
08/12/1959

Nagpalabas si Kagawaran ng Edukasyon Kalihim Jose Romero ng kautusang Blg.7 na ang wika ay tatawagin na Pilipino.
Kasaysayan
Mga Probisyong Pangwika sa Saligang-Batas

 Saligang-Batas ng Biyak-na-Bato (1896) – Ang Wikang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Pilipinas.

 Saligang-Batas ng 1935 – Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga
umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.

 Saligang-Batas ng 1973 – Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang
pambansa na tatawaging Filipino

 Saligang-Batas ng 1987 – Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito’y dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na
mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Ang Kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino

Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon
noong Nobyembre 13, 1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na gagamiting batayan ng pagpapalaganap at
pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas.

Ang batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang
wikang pambansa sa isang wikang katutubo.”

Noong Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng
Surian ay ang isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan, nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso,
nagkaroon ng silid sa Malacañang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942,
napunta naman ito sa Philippine Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio room” ng Mataas na Paaralang Mapa
noong 1946. Nagbalik ito sa Malacañang noong 1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng opisina sa isang
“Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.

Nang itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran
ng Pagtuturo, at ito ay nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon. Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali
at nalipat ang noo’y Ministri (ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador, lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na
palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.

Noong Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan
ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang
likhain sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng
mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.

Ang pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng
iniuugnay sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek. 14-g).

Sa kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second
floor) ng Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.

Mga Naging Direktor/Tagapangulo Surian ng Wikang Pambansa, Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at Komisyon sa Wikang Filipino

RICARDO MA. DURAN NOLASCO(2006-Kasalukuyan).

Guro, iskolar at linggwista. Nakatuon sa ang komitment sa multilinggwal na adhikain. Ang katwiran nito ay ibinatay sa pagiging multilinggwal at pagiging multikultural ng mga
Pilipino. Ang kasalukuyang administrasyon ng KWF ay naniniwala sa napakalaking bentahe ng pagkakaroon ng Pilipinas ng mahigit na 170ng wika sa halip na isang disbentahe. Ang
natural na kundisyon ng karaniwang Pilipino at ng karaniwang mamamayan sa daigdig ay hindi lang iisa ang alam na wika. Kinikilala ng KWF ang kahalagahan ng mga wikang
ginagamit ng mga Pilipino – ang katutubong wika para sa literasiya at edukasyon ng mga mamamayan, etnikong pangangailangan at pang-araw-araw na gamit; ang wikang
pambansa para sa pambansang kamalayan, pagkakaunawaan, pakikipag-ugnayan at pagkakakilanlan; at ang mga wikang pang-ibayong dagat na tutugon sa pangangailangan ng
wika ng malawak na komunikasyon (language of wider communication) at wika ng ugnayang pang-internasyonal.
Kaugnay ng bagong bisyon ng KWF, nagkaroon ito ng mga bagong programa at proyekto, tulad ng mga sumusunod: pinalalakas nito ang mga programa sa leksikograpiya;
programa sa balarila ng Pilipinas; programa sa ponolohiya, ponetika at ortograpiya; pambansang programa sa pagsasalin; proyekto sa sa pagmamapa ng mga wika sa Pilipinas;
proyekto sa bibliograpiya ng mga wika sa Pilipinas; programa para sa endangered languages; corpus ng mga wika sa Pilipinas. Sinisikap ng KWF na itayo ang Library at Archives of
Philippine languages; napataas ang kantidad at kalidad ng mga publikasyon; nagdadaos ng mga seminar, workshop, lektyur, at iba pang aktibidad na pang-edukasyon; pinapaganda
ang website; nagkakaloob ng mga research grants o tinutulungan ang mga stakeholder na makakuha ng mga research grants; nagtatayo ng mga language councils sa mga
rehiyon; pinalalakas ang mga kakayahang pang-IT at pampananaliksik, at higit sa lahat sinisikap na magkaroon ng sarili tahanan at gusali ng wika.

NITA P. BUENAOBRA (1999-2006)

Guro at manunulat. Binigyang tuon ang pagpapatibay sa mga proyekto ng mga Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino (PSWF) sa bawat etnolinggwistikong rehiyon na nakabase sa
isang pang-estadong unibersidad o kolehiyo. Binigyang pagpapahalaga at pansin ang mga rehiyunal na wika sa pamamagitan ng paghanda/pagbuo ng mga diksyunaryong
traylinggwal.

PONCIANO B.P. PINEDA (1970-1999).

Manunulat, guro, linggwista at abogada. Tatlong rebolusyonaryong pagbabago ang ibinunsod ng SWP sa kanyang pangunguna: ang Edukasyong Bilinggwal noong 1974, ang wikang
Filipino na ang nucleus ay Pilipino (na unang inlunsad noong 1983 at naging batayan ng probisyong pangwika ng Konstitusyon ng 1986) at ang Alpabetong Filipino na pinagtibay
noong 1987. Itinatag ang 12 Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino sa buong kapuluan.

JOSE VILLA PANGANIBAN (1955-1970) (1946-1947)

Makata, lexicographer at linggwista. Pinagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng wika. Nagdaos ng mga pasanayan sa korespondensya opisyal sa buong bansa. Binalikat ang
pagsasalin at pananaliksik. Bunga nito ang paggamit ng wikang pambansa sa mga diploma, pasaporte, atb. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary na sinimulan sa panahon ng
panunungkulan ni Cirio H. Panganiban, at sinimulan ang talasalitaan ng walong pangunahing wika sa Pilipinas. Noong 1959, ang Wikang Pambansa na batay sa Tagalog ay tinawag na
Pilipino.
CECILIO LOPEZ (1954-1955)

Iskolar at linggwista. Binigyang-diin ang linggwistika at pinasigla ang makabagong linggwistikong pag-aaral sa wikang pambansa at iba pang mga katutubong wika sa Pilipinas.

CIRIO H. PANGANIBAN (1948-1954)

Manunulat, makata, mandudula, abogado. lpinagpatuloy ang diksyunaryong pinasimulan ng kanyang sinundan. Pinasimulan ang paghahanda ng mga ispesyalisadong talasalitaan, tulad ng Legal
Terms, Arithmetical and GeometrIcal Terms at iba pa. Binuong muli ang Lupong Sanggunian ng SWP.

JULIAN CRUZ BALMACEDA (1947-1948)

Mandudula, makata, nobelista. Nakapagpalimbag ng mga panayam at inumpisahan ang paggawa ng Diksiyunaryong Tagalog.

LOPE K. SANTOS (1941-1946)

Makata, mandudula, nobelista, lider manggagawa at pulitiko. Pinasigla ang pagsusulat sa wikang pambansa. Nagdaos ng mga seminar at pasanayan sa paggamit ng
wikang pambansa sa UP, PNU at iba pa. Ang mga dokumento at palatastasan ng pamahalaan ay isinalin at ang opisyal na Gazatte ay inilathala sa wikang pambansa.

JAIME C. DE VEYRA (1937-1941)

Unang direktor at "tagapagtatag ng wikang pambansa." Sa panahon ng kanyang panunungkulan, pinag-aralan ang mga wika sa PIlipinas upang piliin ang isa sa mga ito
na magiging batayan ng wikang pambansa. Napili ang Tagalog at naghanda ng gramatika at bokabularyo ng nasabing wika na inilathala noong 1940.
Ebolusyon ng Wikang Pambansa

 Disyembre 30, 1937, iprinoklama ng Pangulong Quezon na ang wikang Tagalog ang magiging batayan ng Wikang Pambansa. Magkakabisa ang proklamasyong ito
dalawang taon matapos itong mapagtibay.

 Noong 1940, ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang pambansa sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

 Simula Hunyo 4, 1946, nagkabisa ang Batas Komonwelt Blg. 570 na nagproklama na ang Wikang Pambansa na tatawaging Wikang Pambansang Pilipino ay isa nang
wikang opisyal.

 Noong 1959 ibinaba ng Kalihim Jose B. Romero ng Edukasyon ang Kautusang Pangkagawaran blg. 7 na nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawagin nang
Pilipino upnag mailagan na ang mahabang katawagang “Wikang pambansang Pilipino” o “Wikang Pambansa Batay sa Tagalog”.

 Ngayon, Filipino na ang ngalan ng wikang pambansa, alinsunod sa Konstitusyon ng 1987 na nagtatadhanang "ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino." Ito ay
hindi pinaghalu-halong sangkap mula sa iba't ibang katutubong wika; bagkus, ito'y may nukleyus, ang Pilipino o Tagalog.

Ebolusyon ng Alpabetong Filipino

Nang dumating ang mga Kastila noong Dantaon 16, may sarili nang palatitikan ang ating mga ninuno, ang Alibata o Baybayin, na binubuo ng 14 katinig at 3 patinig.
Pinalitan ito ng mga Kastila ng alpabetong Romano.
Noong 1940, sa kanyang Balarila ng Wlkang Pumbansa, binuo ni Lope K. Santos ang Abakada, na may 20 titik:
a b k d e g h i I m n ng o p r s t u w y
Noong Oktubre 4,1971, pinagtibay ng Sanggunian ng SWP ang pinayamang alpabeto, na binubuo ng 31 letra:
a b c ch d e f g h i j k 1 11 m n ñ ng o p q r rr s t u v w x v z
Kaugnay ng pagbago ng Konstitusyon, muling nireporma ng SWP ang alpabetong Filipino at mga tuntunin ng palabaybayang Filipino. Ito ay bilang pagtugon sa mabilis na
pagbabago, pag-unlad at paglaganap ng wikang pambansa. Matapos ang seryengmga simposyum at sangguniang pulong na dinaluhan ng mga linggwista, edukador,
guro, manunulat at iskolar ng wika, nabuo ang sumusunodna Alpabetong Filipino, na may 28 letra:
a b c d e f g h i j k I m n ñ ng o p q r s t u v w x y z
Noong 2001, muling nagkaroon ng rebisyon sa alpabetong Filipino upang tugunan ang patuloy na development at/o istandardisasyon ng sistema ng pagsulat sa
Filipino. Itinaguyod ng rebisyong ito ang leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa pamamagitan ng pagluluwag sa panghihiram ng salita at pagsasalin, karamihan mula sa
Ingles at Kastila, gamit ang walong karagdagang letra ng alpabeto, ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x, z. Sa rebisyong ito, sinasabi na pinaluwag ang paggamit ng walong
dagdag na letra. Ipinagagamit ang mga ito sa ispeling ng lahat ng hiram na salita anuman ang barayti nito kasama ang hindi pormal at hindi teknikal na barayti, o iyong
tinatawag na karaniwang salita.
Gayunpaman, nagkaroon ng maraming negatibong reaksyon at feedback mula sa mga guro, estudyante, magulang at iba pang tagagamit ng wika sa 2001 rebisyon sa
ispeling. Kaugnay nito, noong Oktubre 9, 2006 ang Kagawaran ng Edukasyon sa kahilingan ng KWF ay nagpalabas ng isang memorandum na pansamantalang
nagpapatigil sa implementasyon ng “2001 Revisyon ng Alfabeto at patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino”.
Noong Agosto, 2007, inilabas ng KWF ang borador ng Ortograpiya ng Wikang Pambansa na binuo ng KWF sa pamamagitan ng serye ng mga konsultasyon sa mga guro,
dalubhasa sa wika, superbisor sa Filipino at sa mga larangang ito sa buong bansa noong 2007 hanggang 2007. ang pinal na bersyon ng patnubay ay ipalalabas ng KWF
bago matapos ang 2007.
Paglingon sa Ugat ng Komisyon sa Wikang Filipino
ni Dir. Hen. Roberto T. Añonuevo

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng
Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang
magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong
ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling
katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika.

Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong
kapuluan. Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa
pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental),
at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surian ng Wikang
Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga
mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning
magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa
“pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.” Sa madali’t salita, Tagalog ang
napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano),
Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng
Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan,
publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng
Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang
tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A TagalogEnglish Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang
Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga
opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive
Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas
ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan,
akademya, at negosyo. At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope
K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang
masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan
sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang
awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng
pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni
Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang
English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo. Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na
tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas
1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita
mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika,
bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang
katutubong wika.
Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay
“Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong
salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino”
ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga
panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay
kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na
sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon
ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng
Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad
ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang
pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing
tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng
“pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika.

Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga
argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral
at pananaliksik. Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang
batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika. Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at
pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na
ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at
matematika, at iba pang larang. Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng
Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin
muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at
pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga
Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa
itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang
salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing
katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

EBOLUSYON NG WIKANG PAMBANSA

Disyembre 30, 1937 – iprinoklamang ang wikang Tagalog ang magiging batayan ng Wikang Pambansa. Magkakabisa ang proklamasyong ito dalawang taon
matapos itong mapagtibay.

1940 – ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa ikaapat na taon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan at sa mga pribadong institusyong
pasanayang pangguro sa buong bansa.

Hunyo 4, 1946 – nagkabisa ang Batas Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay ng Pambansang Asambleya noong Hunyo 7, 1940 na nagproklama na ang Wikang
Pambansa na tatawaging Wikang Pambansang Pilipino ay isa nang wikang opisyal.

1959 – ibinaba ng Kalihim Jose B. Romero ng Edukasyon ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 nanagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawaging Pilipino
upang mailagan na ang mahabang katawagang “Wikang Pambansang Pilipino” o “Wikang Pambansa Batay sa Tagalog”.
1987 – Filipino na ang ngalan ng wikang pambansa, alinsunod sa Konstitusyon na nagtatadhanang “ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.” Ito ay hindi
pinaghalu-halong sangkap mula sa iba’t ibang katutubong wika; bagkus, ito’y may nucleus, ang Pilipino o Tagalog.

EBOLUSYON NG ALPABETONG FILIPINO

Nang dumating ang mga Kastila, may sarili nang palatitikan ang ating mga ninuno, ang Alibata o Baybayin, na binubuo ng 14 katinig at 3 patinig. Pinalitan ito ng
mga Kastila ng alpabetong Romano.
1940 – binuo ni Lope K. Santos ang Abakada, na may 20 titik: a, b, k, d, e, g, h, i, I, m, n, ng, o, p, r, s, t, u, w, y.

Oktubre 4,1971 – pinagtibay ng Sanggunian ng SWP ang pinayamang alpabeto, na binubuo ng 31 letra: a, b, c, ch, d, e, f, g, h, i, j, k, l, ll, m, n, ñ, ng, o, p, q, r, rr,
s, t, u, v, w, x, y, z

Matapos ang Repormang Ortograpiko, nabuo ang sumusunod na Alpabetong Filipino, na may 28 letra: a, b, c, d, e, f, g, h, i, j, k, I, m, n, ñ, ng, o, p, q, r, s, t, u, v,
w, x, y, z

2001 – muling nagkaroon ng rebisyon sa alpabetong Filipino. Itinaguyod nito ang leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa pamamagitan ng pagluluwag sa
panghihiram ng salita at pagsasalin, karamihan mula sa Ingles at Kastila, gamit ang walong karagdagang letra ng alpabeto, ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x, z.
Oktubre 9, 2006 – sa kahilingan ng KWF, ang DepEd ay nagpalabas ng isang memorandum na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng “2001
Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino”.

Agosto, 2007 – inilabas ng KWF ang borador ng Ortograpiya ng Wikang Pambansa.

Mayo 20, 2008 – inilabas ng KWF ang Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa.

You might also like