You are on page 1of 5

KASAYSAYAN NG WIKANG PAMBANSA

Hindi pa man dumating ang mga mananakop, may sariling wika na ang ating
mga ninuno. May sistema na rin ng pagsulat ang mga ito. Ayon sa Komisyon sa
Wikang Filipino (2013), sa ulat ng mga misyonerong Kastila, nadatnan na
marunong sumulat at bumasa ng baybayin ang matanda, bata, lalaki at babae.
Ang kaalaman at kasanayan na ito ng ating mga ninuno ay umunlad at lumawak sa
tulong ng lipunan at kulturang Pilipino na sumasalamin sa ating wika.

Panahon ng Katutubo
Sa panahon ng katutubo ang tawag sa sistema ng pagsulat ay Baybayin.
Ito ay may labimpitong (17) simbolo na kumakatawan sa titik. Mayroon itong
labing-apat (14) na katinig at tatlong (3) patinig. Kalaunan, ito ay napalitan ng
Alpabetong Romano. Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa baybayin,
maaaring bisitahin ang link na, https://youtu.be/JmRQiDw6dGE

Panahon ng Kastila
Sa pagdating ng mga Kastila, wikang bernakular ang ginagamit ng mga
Pilipino. Sa halip na turuan tayo ng wikang Kastila, pinag-aralan ng mga
paring Kastila o prayle ang ating wika. Nagsulat ang mga prayle ng aklat
panggramatika at diksiyonaryo. Dahil, likas sa mga Pilipino na mapagmahal sa
karunungan, marami sa mga Pilipino lalo na ang mga ilustrado ang nag-aral ng
wikang Kastila upang maintindihan ang mga nangyayari sa paligid lalo pa’t
talamak sa panahon na ito ang pang-aabuso sa maraming Pilipino. Nalimbag
sa panahon na ito ang Doctrina Cristiana na naglalaman ng mga
panalangin at katekismo na nakasulat sa alpabetong Romano.

Panahon ng Saligang Batas ng Biak na Bato


Marami sa mga Pilipino sa panahong ito ang nagsulat ng akda na naglalaman
ng masidhing pagkakaisa ng damdamin gamit ang wikang Tagalog. Dahil dito,
naganap ang kauna-unahang pagkilala sa Tagalog bilang wikang Opisyal. Tinukoy
noong Nobyembre 1, 1897 sa Artikulo VII ng Saligang Batas ng Biak-na-Bato na,

“Ang wikang Tagalog ay siyang magiging Opisyal na Wika ng Republika.”

Panahon ng Amerikano
Noong dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas ay nagbukas sila ng mga
paaralan para sa mga Pilipino. Noong 1901, ipinatupad ng Philippine Comission
ang Batas Blg. 74. Nag-aatas ito sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo o
midyum ng pagtuturo sa lahat ng paraalan sa buong Pilipinas. Binatikos ang
polisiya na ito noong 1908 dahil (1) Maaaring maging wikang panturo ang isang
wikang katutubo at (2) Hindi maaaring magtagumpay ang paggamit ng Ingles
bilang wikang panturo sa Pilipinas.
Kahit na maigting ang kampanya ng pamahalaan ng Estados Unidos sa
pagpapalakas ng wikang Ingles sa bansa hindi ito naging sapat sapagkat ayon sa
Monroe Educational Survey Commission noong 1924, hindi naging mabunga ang
pagkatuto ng mga kabataan gamit ang wikang Ingles. Dahil dito, pinairal ang
Batas Komonwelt Blg. 577 noong 1931 na nagtagubilin sa paggamit ng wikang
bernakular bilang wikang pantulong sa pagtuturo sa buong kapuluan.

Panahon ng Malasariling Pamahalaan


Hindi nagtagal, nabatid ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang
pangangailangan ng Pilipinas na magkaroon ng isang wikang pambansa. Sa
pagsisikap ni Kongresista WenceslaoVinzon ay nagkaroon ng probisyon sa
Saligang Batas ng 1935, Artikulo XIV, Seksiyon 3 na pormal na nag-aatas sa
Kongreso na gumawa ng hakbang upang magkaroon ng wikang pambansa na
ibabatay sa isa sa mga umiiral na wika sa Pilipinas. Sa bisa ng Batas Komonwelt
Blg. 184 naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa.

Ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) ang inatasan na magsagawa ng


pag-aaral hinggil sa umiiral na katutubong wika sa Pilipinas at mula sa mga ito’y
pinili ang magiging batayan sa wikang pambansa. Upang maisakatuparan ito,
hinirang ni Pangulong Quezon ang Lupon ng mga Eksperto. Binigyan ng
representasyon ang walong pangunahing wikang umiiral sa Pilipinas, ang wikang
Waray, Tagalog, Bicol, Ilokano, Sebwano, Hiligaynon, Tausug,
Kapampangan at Pangasinan.
Sa pagpili ng magiging batayan ng wikang pambansa ay ang sumusunod: (1)
ginagamit ng nakararaming Pilipino na siyang wika ng Maynila na sentro ng
kalakalan, (2) ginagamit sa pagsulat ng pinakadakilang panitikan ng lahi, (3)
may pinakamaunlad na balangkas, mayamang mekanismo, at madaling
matutuhan ng mga Pilipino, (4) Maraming salita na may pinakamalapit na
hawig sa iba pang wika.

Pagkatapos ng pagsusuri noong Nobyembre 9, 1937, naghain ng resolusyon


ang SWP na nagsasabing wikang Tagalog ang nakatugon sa lahat ng pamantayan
ng Lupon. Nilagdaan ni Pangulong Quezon ang Kautusang Tagapagpaganap
Blg. 134 noong Disyembre 30, 1937 na nagpapatibay sa kapasiyahan ng SWP. At
noong Abril 1, 1940 sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 pormal na iniatas
ang paglilimbag ng Diksiyonaryong Tagalog-Ingles at Balarila ng Wikang
Pambansa ni Lope K. Santos. Sumunod dito ay ang pagpapalabas ng Kautusang
Pangkagawaran Blg.1 na nag-aatas na simulang ituro ang Wikang Pambansa sa
ika-4 na taon sa mataas na paaralan at sa ikalawang taon sa mga paaralang normal.

Panahon ng Hapones
Sa pagdating ng mga Hapones noong 1941-1945 naitanghal bilang wikang
pambansa ang Tagalog sa bisa ng Military Order Blg.2 noong Pebrero 17, 1942.
Iniutos ng pamahalaang Hapones na Tagalog at Nihongo ang magiging wikang
opisyal ng Pilipinas. Dahil dito napalawak ang pagka-Pilipino at ideolohiyang
Hapones partikular na sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Jose P.
Laurel.
Ipinatupad ni Pangulong Laurel ang Kautusang Tagapagpaganap Blg.10 na
pormal na nag-aatas sa pagtuturo ng wikang Tagalog sa lahat ng mga paaralan
maging sa mga kolehiyo at unibersidad.

Panahon ng Republika
Bago pa man nagkaroon ng digmaan, naideklarang wikang opisyal ang
Tagalog sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 noong Hulyo 4, 1946.
Lalong umigting ang paggamit ng wikang pambansa nang lagdaan ni dating
pangulong Ramon Magsaysay noong Marso 26, 1954 ang Proklamasyon Blg.12
na nagtatadhana sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika tuwing Marso 29 hanggang
Abril 4 bilang pagbibigay parangal sa kaarawan ni Francisco Baltazar. Ngunit
pagkalipas ng mahigit isang taon, sa bisa ng Proklamasyon Blg.186 noong
Setyembre 23,1955 pinalitan ang petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa
Agosto 13-19 bilang pagbibigay pugay sa kaarawan ni dating pangulong Manuel
L. Quezon na nagbukas ng ideya sa pagkakaroon ng wikang pambansa.
Hindi naging madali ang pagtanggap sa wikang Tagalog bilang wikang
pambansa lalo na sa mga bahagi ng bansa na di-Tagalog kaya sa pagdiriwang ng
Linggo ng Wika noong Agosto 13, 1959 ay tinawag ito na Pilipino sa bisa ng
Kautusang Pangkagawaran Blg.7. Ito ay sa paniniwalang mas magiging
katanggap-tanggap ito bilang wikang pambansa sa bago nitong pangalan.

Sa Kautusang Tagapagpaganap Blg.96 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E.


Marcos noong Oktubre 24, 1967 iniatas ang pagsasa-Pilipino ng pangalan ng mga
gusali, edipisyo at mga tanggapan ng pamahalaan. Sa bisa naman ng Memorandum
Sirkular Blg.172 noong Marso 27, 1968, iniatas na ang mga letterhead ng mga
kagawaran, tanggapan at sangay ng pamahalaan ay nararapat na isulat sa Pilipino
kalakip ang kaukulang teksto sa Ingles. Nasundan pa ito ng Kautusang
Tagapagpaganap Blg. 187 na pormal na nag-uutos sa lahat ng kagawaran,
kawanihan, tanggapan, at iba pang sangay ng pamahalaan na gagamitin ang Pilipino
sa opisyal na komunikasyon, transaksyon at korespondensiya.
Inilahad naman sa Resolusyon Blg.70 noong 1970 na ang wikang pambansa ay
naging wikang panturo sa antas elementarya. Noong Hulyo 29,1971 sa
Memorandum Sirkular Blg.488 hiniling sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na
magdaos ng palatuntunan sa pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa tuwing
Agosto 13-19. Muli namang binuo ni Pangulong Marcos ang Lupon ng Surian ng
Wikang Pambansa sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 304.
Panahon ng Bagong Lipunan
Sa Saligang Batas ng 1972 isinaalang-alang ang sosyo-politikal na konteksto sa
pagpapasok ng probisyong pangwika sa Saligang Batas. Ito ay sa hangaring
matuldukan ang hidwaang pangwika sa pagitan ng mga Tagalog at di-Tagalog. Sa
Artikulo XV, Seksiyon 3, Talata 2 ay inihayag na:

“Ang Pambansang Asamblea ay dapat gumawa ng hakbang tungo


sa pagpapaunlad at pormal na adapsiyon ng panlahat na wikang
pambansang tatawaging Pilipino.”

Ang Saligang Batas ng 1972 ang kauna-unahang Saligang Batas na inilimbag sa


wikang pambansa nang isailalim ito para sa plebisito noong Enero 15, 1973.
Samantala, naging wikang panturo ang Pilipino sa antas elementarya sa bisa ng
Resolusyon Blg. 70 noong 1970. Pinagtibay naman sa Resolusyon Blg. 73 ng
Pambansang Lupon ng Edukasyon na nagsasabing ang Ingles at Pilipino ay isasama
sa kurikulum mula sa baitang sa mababang paaralan hanggang kolehiyo.
Noong Hulyo 21, 1978 lumabas ang Kautusan Pangmistri Blg.22 na nag-uutos sa
pagkakaroon ng anim (6) na yunit ng Filipino sa lahat ng kurso sa antas tersyarya at
labindalawang (12) yunit ng Filipino sa mga kursong pang-edukasyon.

1986- Kasalukuyan
Noong Oktubre 12, 1986, pinagtibay ang implementasyon ng paggamit ng Filipino
bilang wikang pambansa. Nakasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, Artikulo
XIV, Seksiyon 6 na.

“Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang


nililinang ito ay dapat payabungin pa salig sa umiiral na wika
sa Pilipinas at iba pang mga wika.”

Sinundan ito ng pagpapalit ng pangalan ng SWP noong Enero 1987. Ang


Surian ng Wikang Pambansa ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas
(LWP). Nagsagawa rin ng reporma sa alpabeto at mga tuntunin sa ortograpiyang
Filipino na nakasaad sa Kautusang Pangkagawaran Blg.81. Ito ay pinamagatang
Ang Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino.
Noong Agosto 14, 1991, ang dating LWP ay pinalitan ng Komisyon sa
Wikang Filipino (KWF). Lalong pinaigting ang pagpapaunlad ng wikang Filipino
nang lagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Proklamasyon Blg. 1041 na
nagpapahayag ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa (dating
Linggo ng Wika) tuwing Agosto 1-31.
Ang Artikulo XIV, Seksiyon 6 at 7 ng Saligang Batas ng 1987 ay naging
pangunahing konsiderasyon ng KWF sa pagbuo ng bagong pagpapasya. Noong
Agosto 5, 2013 sa pamamagitan ng Kapasyahan Blg.13-39 ay napagkasunduan
ang sumusunod na depinisyon ng Filipino:
“Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong
Pilipinas bilang wika ng komunikasyon, sa pagbigkas at sa pasulat
na paraan, ng mga pangkatang katutubo sa buong kapuluan.
Sapagkat isang wikang buhay, mabilis itong pinauunlad ng araw-
araw at iba’t ibang uri ng paggamit sa iba’t ibang pook at sitwasyon
at nililinang sa iba’t ibang antas ng saliksik at talakayang
akademiko ngunit sa paraang maugnayin at makapagtampok sa mga
lahok na nagtataglay ng mga malikhaing katangian at kailangang
karunungan mula sa mga katutubong wika ng bansa.”

You might also like