You are on page 1of 5

TALAMBUHAY NI MARCOS

Si Ferdinand Emmanuel E. Marcos ay ang ika-sampung pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nanilbihan siya bilang pangulo mula 1965
hanggang 1986. Siya ang natatanging pangulo ng Pilipinas na nagsilbi sa kanyang tanggapan ng mahigit sa dalawampung taon. Dalawang
beses siyang tumakbo at nagwagi bilang pangulo ng bansa bago ang pagdedeklara ng Batas Militarnoong 1972. Muli siyang nagwagi sa
eleksyon ng pagkapangulo noong 1981 at sa 1986 Snap Presidential Elections, ngunit ang malawakang protesta na kilala sa tawag na "1986
People Power Revolution" ang puwersang humila sa kanya na bumaba sa pwesto noong 1986.
Pinag-Ugatan
Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos ay ipinanganak sa Sarrat, sa lalawigan ng Ilocos Norte sa hilagang-kanlurang bahagi ng Luzon.
Siya ay panganay na anak nina Mariano Marcos, isang pulitiko, at Josefa Edralin, isang guro. Noong 1935 na halalan, ang katunggali ng
kaniyang ama sa pulitika na si Julio Nalundasan ay pinatay makaraang manalo bilang kinatawan ng Ilocos Norte. Inaaresto siya noong 1938
kaugnay sa pagkakasangkot sa pagpatay, ngunit matagumpay niyang naipetisyon sa Korte Suprema ang kaniyang pansamantalang paglaya
upang matapos ang kaniyang pag-aaral. Noong 1939 ay nagtapos siya ng Abugasya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakapasa sa Bar Exam
na may mataas na grado. Bago matapos ang taong iyon, siya ay napatunayang nagkasala at sinintensiyahang makulong ng hanggang 10
taon. Habang nasa kulungan ay sumulat siya ng apela, at noong 1940 ay hinawakan niya ang sariling kaso sa harap ng huwes na si Jose P.
Laurel, na siyang nagpawalang sala sa kaniya.
Nagsilbi si Marcos sa Sandatahang Lakas ng Filipinas noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinanindigan ni Marcos na siya
ang namuno sa mga gerilya laban sa pananakop ng Hapones sa Pilipinas, paninindigang kaniyang pinanghawakan sa kanyang buong
karera sa pulitika.
Karera sa Pulitika
Pagkatapos ng himagsikan, nakamit ng Pilipinas ang ganap na kalayaan mula sa Estados Unidos. Mula noong 1946 hanggang 1947,
nagsilbi si Marcos bilang katulong sa bagong pangulo nangg nagsasariling republika na si Manuel Roxas. Humiwalay si Roxas sa Partido
Nasyonal, na noon ay nangungunang partido upang buuin ang Partido Liberal. Tumakbo si Marcos bilang kandidato ng Partidong Liberal at
nagwagi bilang kinatawan ng Ilocos Norte noong 1949. Nakatatlong termino siya bilang mambabatas, samantalang pinakasalan niya
si Imelda Romualdez na dating nagwagi sa timpalak pangkagandahan mula sa Leyte. Nagwagi si Marcos bilang senador noong 1959.
Nagsilbi siyang pangulo ng senado mula noong 1963 hanggang 1965. Lumipat siya ng ibang partido upang makalahok sa pambansang
halalan bilang katunggali ng dating pangulong Diosdado Macapagal, ang ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal Arroyo.
Ipinakilala niya ang kanyang sarili na may kakayahang pumutol sa katiwalian at sa hindi maayos na pamumumuno ng pamahalaan. Nakuha
niya ang suporta ng pangulo ng Estados Unidos na si Lyndon B. Johnson at ng kumunidad ng mga dayuhang negosyante. Madaling
napagwagian ni Marcos ang halalan at siya ay pinasinayahan noong 30 Disyembre, 1965.

Bilang Pangulo
Mula sa simula nang panunungkulan ni Marcos bilang pangulo, tumindi ang pagkakasangkot ng Estados Unidos sa digmaan sa Vietnam.
Naglagay ng dalawang base ng militar ang Estados Unidos sa Pilipinas. Ang mga ito ay ang Clark Air Base at Subic Bay Naval Base. Ang
digmaan na ito ang nagpasok ng bilyun-bilyong dolyar sa ekonomiya ng Pilipinas. Maraming proyekto ang pinondohan ng mga dayuhang
nagpapautang, na naging malaking tulong sa pag-unlad ng ekonomiya. Nakadagdag pa ang paglulunsad ni Imelda Marcos ng serye ng mga
prestihiyosong proyekto sa Maynila, kasama na ang pagtatayo ng mga gusali ng museo at magagarang otel.
Noong 1969, makaraang mangampanya gamit ang islogan na "Bigas at Daan," muling nanalong pangulo si Marcos na nakakuha ng 74
porsiyentong boto. Siya ang kauna-unahang pangulo na nanalo sa ikalawang termino, na pinahihintulutan ng konstitusyon. Maging ang mga
nanalong senador at kinatawan ay nanggaling sa Partido Nasyonal, na kaniya ring partido.
Habang si Marcos ay nasa kaniyang ikalawang termino, humarap siya sa maraming suliranin. Maraming mga mag-aaral sa unibersidad at
mga Pilipino ang tutol sa patuloy na presensiya ng mga militar ng Estados Unidos at patuloy na pagsuporta sa mga polisiya ng Estados
Unidos laban sa Vietnam. Ang partidong komunista sa Pilipinas ay lalong naging aktibo at naglunsad ng malawakang kaguluhan sa
maralitang taga-nayon at taga-lunsod. Sa katimugang bahagi naman ng Pilipinas, ang kilusan ng mga Muslim ay dumadagsa na rin. Habang
papalapit na ang pagtatapos ng ikalawang termino ni Marcos ay lumalaki ang posibilidad na hindi mabubuwag ang kontistusyong hanggang
dalawang termino lamang maaring manungkulan ang pangulo ng Pilipinas at mahaharap siya sa posibilidad na kaniyang lilisanin ang
puwesto pagkatapos ng 1973.
Marcos Bilang Diktador
Ang Kumbensyong Pangkonstitusyon ay hindi naisakatuparan, dahil umano sa palapit na kaguluhan. Idineklara ni Marcos ang batas militar
noong 1972 at sinuspinde ang konstitusyong 1935, o pagtanggal sa kongreso at pagkuha sa lahat ng kapangyarihan. Sinupil ni Marcos ang
mga pulitikong tumutol sa kaniya. Inaresto ang pulitikong pinuno na si Benigno Aquino Jr.. Winakasan ang kalayaan ng mga mamamahayag.
Ang bagong konstitusyon ay pormal na ipinahayag ni Marcos noong Enero 1973 na nagbigay ng lubos na kapangyarihan sa pangulo at
pagpapaliban ng mga halalan. Si Marcos ay nangasiwa sa bisa ng dekreto at ikinubli ang kaniyang diktaduryang kapangyarihan sa retotrika
ng batas.
Sinabi ni Marcos na ang batas militar ang panimula sa paglikha ng bagong lipunan at kailangang isakripisyo ang sarili para sa kapakanan ng
bansa. Ngunit si Marcos kasama ang kaniyang asawa at kanilang malalapit na katuwang ay gumanti ng puro katiwalian sa gitna ng
paghihirap ng mga mamamayan Pilipino. Kinurakot nila diumano ang kaban ng yaman ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga malalapit na
kaibigan na siyang kumontrol sa mga monopolyo sa industriya, komunikasyon, at bangko. Nagkamal ng limpak- limpak na salapi ang

pamilyang Marcos at ang iba pang pera ay nakatago sa mga bangko sa ibang bansa. Ang kanilang marangyang pamumuhay ay malaki ang
pagkakaiba sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Ang kakayahan ni Marcos na maging matatag ang nag-udyok sa kaniya na bawiin ang ilan sa mga malupit na patakaran na sumasakal sa
pagtutol at sa kalayaang magpahayag. Noong 1980, pinayagan ni Marcos si Ninoy Aquino, pinuno ng partidong Liberal, upang lumayo at
magtago sa Estados Unidos. Pinayagan din niya ang Radyo Veritas, isang istasyon ng radyo na pinatatakbo ng mga Katoliko, upang
magsahimpapawid ng mga batikos laban sa kaniyang rehimen.
Ang Herarkiya ng Katoliko, na pinamumunuan ni Jaime L. Sin, Arsobispo ng Maynila ay hindi natatakot sabihing tutol siya kay Marcos. Sa
Pilipinas, kung saan karamihan sa populasyon ay Katoliko, ang simbahan ang ginagawang patnubay hinggil sa usaping pampulitika.
Noong 1981, opisyal na binawi ni Marcos ang batas militar, ngunit nanatili pa rin ang kanyang emergency power upang magamit para sa
pekeng halalang pampangulo. Kagaya nang inaasahan, si Marcos ay nanalo ng isa pang termino. Sa kabilang banda ang kaniyang
kalusugan ay nagsimulang humina. Nagkaroon siya ng lupus erythematosus, na siyang naging dahilang upang hindi na gumana ang
kanyang mga bato.
Noong 1983, nagdesisyon si Aquino na bumalik na sa Pilipinas, kahit na alam niyang siya ay aarestuhin. Si Aquino ay binaril sa likod ng
kaniyang ulo, at namatay ilang minuto lamang makaraang dumating sa Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport
ngayon}. Sinabi ng pamahalaan na ang pagkakapatay kay Aquino ay gawa ng upahang mamamaril, na napatay ng pulisya sa paliparan.
Isang espesyal na komisyon ang nag-imbestiga at nagsabing resulta nang sabwatan ng militar ang pagkakapatay, ngunit noong 1985 ay
pinawalang sala ang mga opisyal na kinasuhan nang pagpatay. Noong 1990, 16 opisyal ng militar ang nahatulang nagkasala sa
pagkakapatay kay Aquino, ngunit ang utak ng krimen ay hindi na natukoy pa.
Ang pagkamatay ni Aquino ang naging malaking puwersa sa pagbagbsak ni Marcos. Inilarawan ni Corazon Aquino, biyuda ni Aquino, si
Marcos bilang isang brutal na diktador. Upang makuha muli ang puwesto at magpatuloy ang suporta ng Estados Unidos sa kaniyang
rehimen, inihayag ni Marcos ang pagkakaroon ng biglaang halalan pampangulo na ginanap noong Pebrero 1986, taon bago matapos ang
kaniyang termino. Inaasahan ni Marcos ang pagkapanalo, dahil sa kaniyang makinarya at sa pagkakahati-hati ng oposisyon. Ngunit bumuo
si Kardenal Sin ng alyansang oposisyon, at hinikayat si Corazon Aquino upang tumakbo sa pagkapangulo at si Salvador Laurel bilang
pangalawang pangulo.
Habang nagaganap ang botohan, maraming Amerikano ang nakasaksi sa mga tumatakbong iregularidad. Ang dalawang kinatawan mula sa
Estados unidos at sa pamahalaan, na nagbabantay sa resulta ng halalan ay naglabas ng magkaibang resulta. Sinasabi ng parehong
kinatawan na si Corazon Aquino ang nanalo ngunit ayon sa pambansang asemblea, ang parehong kinatawan ay sinasabing ang kanila ang

nanalo. Ngunit kinilala ng pambansang asemblea si Marcos bilang siyang nanalo. Noon, nagpahayag ang Simbahang Katoliko na ang
naganap na halalan ay isang panloloko lamang at ang tagumpay ni Marcos ay isa lamang kahungkagan.
Aklasang Bayan
Noong 22 Pebrero, 1986, dalawa sa matataas na opisyal ng militar ni Marcos ang nagbitiw ng suporta sa kaniya. Naglunsad ng rebelyon ang
kalihim ng Tagapagtanggol na si Juan Ponce Enrile at si Fidel V. Ramos, Ikalawang Hepe de Estado Mayor at inagaw ang dalawang kampo
ng militar. Ang rebelyong ito ang naging hamon kay Marcos at sa kaniyang pinsan na si Fabian Ver, Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng
Pilipinas, na tapatan ito nang matinding puwersa. Sa tulong ng pananawagan ni Kardenal Jaime L. Sin sa taong bayan, nagdagsaan ang
mga tao sa dalawang kampo ng militar upang harangan ang mga tangke ni Ver. Apat na araw pinalibutan ng mga tao ang mga kampo na
kinalululanan ni Enrile at ng kaniyang mga kasama. Ito ay upang mapigil ang paglalaban ng puwersa ng mga rebeldeng militar at ng mga
loyalista ni Marcos. Walang nagawa ang mga tropa ni Marcos sapagkat hindi nila maaaring saktan ang libu-libong mga tao.
Sa kabila ng mga kaganapan ay iginigiit pa rin ni Marcos na siya ay mapasinayahan na sa simple at pribadong seremonyas noong 25
Pebrero. Noong sumunod na araw, ang pamilyang Marcos at ang mga taong malalapit sa kanila ay lumipad patungong Hawaii lulan ng
sasakyang panghimpapawid ng Estados Unidos. Hinirang naman si Corazon Aquino bilang pangulo ng Pilipinas na siyang nagbunsod sa
kanya bilang kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa.
Kamatayan
Nanatili si Marcos sa Hawaii hanggang sa siya ay pumanaw noong 1989. Makaraang pumanaw si Marcos, si Imelda ay pinawalang sala sa
kasong panglulustay ng hukuman ng Estados Unidos at nahatulang nagkasala sa kasong pangungurakot ng hukuman ng Pilipinas noong
1993 ngunit binaliktad ng korte dahil sa kaniyang apela noong 1998. Maging sa iba pang kaso, siya ay pinawalang sala rin. Noong 1993,
ibinalik ang naimbalsamang bangkay ni Marcos sa bansa at inilagak sa isang glass case crypt. Ito ay makikita sa kanyang museleo sa
kanyang sinilangang bayan.
Gayunpaman, noong 2003, ginawaran ang pamahalaan ng 624 milyong dolyares mula sa mga perang nakalagak sa mga bangko sa
Switzerland, na pag-aari ni Ferdinand Marcos. Ang perang ito ay gagamitin upang pambili ng lupa ng mga mahihirap na magsasaka. Kaagad
namang umapila ang mga Marcos sa paratang.

Mga Proyekto ni Marcos


Programa sa Reporma sa Lupa
Lahat ng may-ari ng lupa na natatamnan ng bigas at mais ay inutusang hatiin ang labis nilang lupain. Ito ay ibibigay sa mga magsasakang
walang lupa na kanilang babayaran sa pamahalaan sa loob ng labinlimang (15) taon.

Proyektong Imprastruktura

Maraming mga patubig, daan at tulay ang naipatayo noong administrasyong Marcos. Kabilang dito ang Maharlika Highway, Marcos
Highway at San Juanico Bridge. Dahil dito, tinawag siya bilang \"The Architect of the New Society\"

Green Revolution

Itinaguyod ni Pang. Marcos ang pagsasaliksik sa mga bagong paraan para sa pagpaparami ng pagkain . Ipinag-utos niya ang paggamit ng
miracle rice na kayang magbunga ng mahigit 100 kaban ng palay sa bawat ektarya ng lupa.

Paglinang sa Kulturang Pilipino

Sa pangunguna ni Gng. Imelda Marcos, naitayo ang Cultural Center of the Philippines at Folk Arts Theater . Layunin ng mga proyektong ito
na makilala sa buong mundo ang sining ng mga Pilipino.

Batas Militar
Setyembre 21,1972 idineklara ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ang Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar (Proclamation 1081-Martial
Law). Nagkaroon ng malawakang pagkilos ng mga tao laban sa pamahalaang Marcos dahil sa nararanasang paghihirap at pagtutol ng mga
mamamayan sa mga patakaran nito. Sa mga kaganapang ito ay nagsisimula ang mga pagkilos, welga at demonstrasyon ng mga mag-aaral,
manggagawa at iba't-ibang militanteng grupo sa buong bansa upang ipahayag ang kanilang mga saloobin at hinaing sa pamahalaan.
Dito sa Nueva Ecija, noong Disyembre 1972 ay ipinatupad ang curfew simula alas 12:00 ng gabi hanggang ika 4:00 ng umaga, upang
matiyak ang katahimikan at seguridad.

You might also like