You are on page 1of 2

Viron Gil A.

Estrada

01/19/16

Repleksyong papel
Napakasayang panimula ang magpakilala ang isat isa sa buong klase. Tunay nga namang sa henerasyon ngayon ay
nawawalan na ng koneksyon sa isat isa ang mga tao. Ito ay dahil na rin sa pag-unlad ng teknolihiya sa
komunikasyon na nagpapalayo sa personal na koneksyon ng mga tao. Magandang point of discussion din ang
pagsusuri ng mga pandiwa kung kanino ito kadalasang nauugnay; sa kalalakihan ba, sa kababaihan, o sa ibang
kasarian.
Ngunit naantig lang ang damdamin ko nang sinimulan nang pag-usapan tungkol sa pagiging makabayan. Tunay nga
bang wala ng makabayang Pilipino sa bansa? Ito ang pangunahing tanong na hindi naman direktang sinagot sa klase.
Ang usapin patungkol dito ay umabot sa mga pulitikal na isyu na kinakaharap natin ngayon. Simulan na natin sa
isang bill na ipinasa ng senado kung saan dadagdagan ng P2000 ang buwanang pension ng mga retired SSS
members. Ang bill na ito ay tinanggihan naman ng ating pangulo sa rasong ikalulugi ito ng SSS. Sa pananaw ko,
makatuwiran lamang ang karagdagang P2000 para sa mga pensioners sapagkat dapat nakabubuhay ang halaga ng
SSS pension. Hindi makatao at hindi makatarungan ang kasalukuyang halaga ng pension na sobrang baba. At isang
malaking kasinungalingan ang sabihing malulugi at aabot na lamang hanggang 2029 ang SSS. Pinatunayan ng mga
datos na hindi efficient ang pangongolekta ng SSS sa kontribusyon ng mga miyembro. Pinakita rin ng datos ang
milyun-milyong sweldo at perks ng matataas na opisyal, dagdag pa diyan ang milyun-milyon ding bonus. Iniuutos
din ng batas na punan ng gobyerno ang anumang kakulangan sa pondo ng SSS para maibigay ang nakabubuhay na
pension.
Pinatakbo ang SSS para sa benepisyo ng nakararami at hindi para pagkakitaan lamang. Ngunit nadismaya ako sa
mga narinig kong argumento sa klase patungkol sa tinanggihang bill. Ang pagsabing itoy ikalulugi ng SSS ay
nagpapatunay lamang na mas pinapahalagahan pa ang nakukuhang kita nito kaysa sa tugunan ang batayang
pangangailangan ng taumbayan. Hindi rin isang makataong argumento ang sabihing tama lang na milyun-milyon
ang nakukuhang sahod ng matataas na opisyal sapagkat mahirap at propesyonal naman ang gawain nila sa SSS.
Ilagay natin ito sa sitwasyon ng isang guro o propesor na ilang taong pinag-aralan at tinapos ang kanyang propesyon
ngunit hindi pa rin nakasasapat sa pangangailangan ng kanyang pamilya ang nakukuha niyang sahod. Ang kalagayan
ng isang guro o propesor ay hindi taliwas sa kalagayan ng mga opisyales ng SSS sapagkat talino at propesyon ang
puhunan nila sa kanilang trabaho.
Hindi ko rin naisisikmura ang sabihing tutulan ang P16,000 minimum wage sapagkat hindi ito umaakit ng investors
at ikalulugi ito ng mga kasalukuyang negosyo. Sa totoo lang, ang pagkampanya ng pagtaas ng sahod ay hindi isang
usapin ng pagtataboy ng investors ngunit ito ay isang usapin ng pagbibigay ng sapat at makatarungang halaga para
sa pang-araw araw na pangangailangan ng mangagawang Pilipino. Ang pagsabing itoy hindi nakaaakit ng investors
ay nagpapatunay lamang na mas pinapahalagahan pa ang pagtatayo ng mga negosyo sa bansa na kapalit naman ay
hindi makatarungang pagtrato sa ating manggagawa. Isang malaking sampal ito sa mukha ng mga kababayan nating
lumad na tinaboy, pinagpapatay, at ninakawan ng lupain ng mga naglalakihang mining companies na siya namang
nangangamkam ng ating likas na yaman at sinisira ang ating kalikasan. Isa rin itong malaking sampal sa mukha ng
ating mga intelektwal, siyentistat enhinyero na ilang taong pinag-aralan ang kanilang propesyon ngunit nananatling
instrumento ng mga naglalakihang kompanya dahil patuloy pa rin tayong umaasa sa mga investors. Imbes na sila
ang pundasyon para sa kaunlaran at pagsasarili ng ating bansa, nananatili silang nakatali sa mga dayuhang
kompanya o kaya namay mangingibang bansa na lang dahil sa kakulangan ng industriya at trabaho sa bansa. Kaya
hindi nakagugulat na mismong mga Pilipino ang ine-export ng ating bansa.
Lumabas ako sa klase na may sakit sa isip at damdamin. Hinding-hindi ko matatanggap ang mga pananaw na ito.
Subalit sino ba naman ako para kamuhian ang pananaw ng ibang tao sapagkat iba iba naman ang tinding at
pinaniniwalaan ng lahat? Hindi magandang ikagagalit ko ang pahayag ng ibang tao sapagkat hindi nareresolba ang
mga problema gamit ang emosyon lamang. Ngunit hindi ko maisasantabi na nagbubukas ito ng makabuluhan at
intelektwal na diskurso. Kahit pa magkaiba man tayong lahat ng pinaniniwalaan, dahil nga tayo ay mga estudyantet
propesyonal ng Unibersidad ng Pilipinas, wiling-wili tayong pag-usapan at pagdiskursuhan ang pagkakaiba ng
pananaw natin sa buhay at lipunang Pilipino. Sana sa mga darating pang mga araw ay magiging aktibo ako sa klase

nang sa gayon ay hindi makikimkim sa aking loob at isipan ang tindig at pananaw ko sa bawat isyu na kinakaharap
ng mamamayang Pilipino.

You might also like