Isang mabisang armas ang libangang pagkanta upang kalabanin
ang kalungkutan habang naghahanap buhay abroad.
MUSIC LOVERS. Ito ay isang likas na katangiang taglay ng mga Pilipino na dinadala nila saan mang dako ng mundo sila dalhin ng kanilang mga kapalaran. Mismong kasaysayan na ang magpapatunay mula sa mahabang listahan ng mga OFWs na lumahok at nagwagi sa ibat-ibang patimpalak na may kinalaman sa musika saan mang bansa sila kasalukuyang naninirahan. At hindi exempted dito ang mga OFWs sa Italya. Sa katunayan, halos bawat pamilyang Pilipino na nasa Italya ay tiyak na mayroong iniingatang instrumento na pwedeng gamitin sa pagkanta tulad ng magic sing. Ang iba naman ay natuto na ring mag-upload ng kanilang mga paboritong awitin mula sa ibat-ibang websites gamit ang internet. Hindi makukumpleto ang mga espesyal na selebrasyon tulad ng mga kaarawan, binyag at kasal kung walang magkakantahan. Ano ang saysay ng isang pagdiriwang sa Italya kung hindi lalahukan ang palatuntunan ng mga awitin? Ano pa ang halaga ng mga pinakahihintay hintay na day-off kung walang kantahan sa bahay na tinutuluyan? Paano mo gugugulin ang isang mahabang araw na pahinga kung walang madadayuhang kantahan?