You are on page 1of 7

Requiescat in Pace

(May he rest in peace)


Ni Mike Benson E. Cabaltea

Bayani. Isa sa pinakamagandang salita nating mga Filipino na nagpapakita ng pagiging


malakas at makapangyarihan. Kapag sinasabing bayani, halos lahat naman seguro sa atin ay
may iisang pananaw ukol dito - na ang bayani ay alagad ng kabutihan, siya ay tagapamansag ng
ating pagkakakilanlan, tagapagtanggol ng mga naaapi at lahat ng iba pang mabubuting
katangian ihinahalili sa isang nilalang na nais sugpuin ang kasamaan.

Kay gandang isipin na ang konsepto ng pagiging isang bayani ay unti-unting nabuo sa isip
nating mga Filipino sa paglipas ng mahabang panahon. Isa itong pagpapakita na kahit bata man
o matanda, kahit noon pa man may kaukulang kaalaman tayo sa konsepto ng pagiging isang
bayani. Maaaring may ilang pagkakaiba rin ngunit isang kalakasan pa rin kung ituturing ang
pagkakaroon ng iisang konsepto nito. Ngunit kung ating susuriin sa kasalukuyan ang konsepto
ng pagiging isang bayani, iisa pa rin ba kaya ang pananaw nating mga Filipino sa kabila ng kabi-
kabilang suliraning panlipunan na ating kinakaharap?

Marahil ay napakarami na ngang nagbago sa ating lipunan sa paglipas ng mahabang


panahon. Naging bukas na tayo sa ibat ibang uri ng inobasyong nakatulong upang mas
mapaunlad ang ating bansa at ang ating gobyerno ay naging mas naging bukas din sa mas
makabagong pamamalakad ng bansa. Halos lahat ng naging pangulo ng ating bansa ay may
kani-kaniyang paraan sa pamamahala ngunit isa sa labis na tumatak sa kasaysayan ng ating
bansa ay ang panunungkulan ng diktador na si Ferdinand Marcos. Oo, nabanggit ko kanina na
naging bukas ang ating bansa sa mga makabagong paraan sa pagkamit ng kaunlaran ngunit
kapalit nito ay ang pang-aabuso ng kapangyarihan na naging mitsa ng ating magandang
konsepto ng kabayanihan.

Marahas na pagpatay, walang-awang panghahalay, pagkamkam sa kaban ng bayan at


pang-aabuso sa kapangyarian. Ilan lamang ito sa mga nabasa kong mga artikulo nang
magkaroon ng isang exhibit ang aming Pamantasan hinggil sa mga biktima ng Martial Law.
Tulad ko ay mariin ding tinututulan ng chairperson ng Association of Major Religious Superiors
of the Philippines (AMRSP) ang paglibing kay Marcos sa LNMB. Maging sa kanilang mga
relihiyoso ay kitang-kita na labis na pagkamuhi ang ipinaparating kung kaya ganoon rin kabukas
ang kanilang pagsiwalat sa mga pangyayari sa panahon ng rehimeng Marcos.

Nito lamang nakaraang buwan ay inihayag ng Korte Suprema sa masa ang kanilang
mungkahi na ilagak ang labi ni Dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Nang
marinig ito ng mga Filipino, ibat ibang pananaw ang bumulabog sa mga telebisyon, radyo at iba
pang social networking site na nagpaigting sa diwa ng bawat isa na makilahok sa ganitong
usaping panlipunan. Marami ang umalma sa at hindi rin nawala ang sumang-ayon. Masasabing
hati o kaya namay hindi mawari ang pulso ng masa sa usaping ito. Marami ang nagsasabi na
ang hindi mabilang na pinaslang sa panahon ni Marcos ay isa nang malinaw na rason kung bakit
hindi dapat siya ilibing kasama ang mga magigiting nating bayani. Walang-awang pinagpapatay
noon ang mga Filipinong tanging nais ay kalayaan kung kaya hindi katanggap-tanggap sa lipunan
na bigyan ng papuri ang isang taong nagpalugmok sa moralidad ng mga Filipino.

Sa kabilang dako, marami ang nagsasabing hindi na dapat pinaiigting ang galit sa puso.
Mahabang panahon na ang lumipas at kailangan nang umabante ng bawat isa sa usaping ito.
Mas maraming usaping panlipunan ang nangangailangan ng mas mabigat na atensiyon kung
kaya hayaan na lamang ang gobyernong magdesisyon dito. Hayaan na lamang daw ituring si
Marcos bilang bayani dahil marami rin daw itong naiambag sa kaunlaran ng bansa noon. Lahat
ng mga opinyong ito ay bumulabog sa mga tao maging sa ibang panig man ng mundo. Walang
kongkretong sagot ang pangkalahatan dahil hati at may nagkakaiba-iba ng rason ang lahat.

Ngunit kung usaping moral na ang pag-uusapan, hinding-hindi kailanman maituturing na


bayani ang isang nagpahirap at sumagabal sa tuluyang pag-unlad ng ating bansa. Pinag-aaralan
natin sa Pilosopiya ang pagkakaiba ng mga gawing morally wrong at morally correct. Sa kaso ng
mga walang awang pagpaslang noon, tiyak na sang-ayon ang Pilosopiya lalo na ang Teolohiya sa
usaping moral. Oo, marahil ay nakaramdam ang mga Filipino noon ng pag-unlad dahil sa mga
oportunidad na kaniyang naibigay. Ngunit kahit na nakatayo at nagagamit pa rin ang mga
establisimiyentong naipatayo ni Marcos noon, hinding hindi mapapantayan nito ang
pagkamkam niya sa kayamanang mas nagpaunlad pa sana sa ating bansa. Ang kaniyang mga
nagawa at naipatayo noon para sa bansa ay katiting lamang sa lahat ng yamang iginugol niya at
ng kaniyang magarbong asawa sa mga pansariling kagustuhan lamang.

Bukod sa usaping kayamanan, kailanamay hindi mapapalitan ng anumang kaligayahan


ang pait at hinagpis ng mga iniwang pamilya ng mga walang awang pinaslang. Ang paglibing sa
isang diktador kasama ng mga bayani ng ating bansa ay isang malaking sampal sa mga pamilya
ng mga pinaslang na higit pang maituturing na bayani dahil sa ipinakita nilang pagmamahal sa
bansa. Bakit ililibing ang isang mamamatay-tao kung ang mismong kaniyang mga pinaslang ay
hindi pa rin natatagpuan hanggang sa kasalukuyan. At mas malala, hindi alam ng mga kapamilya
nila kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Oo, nakakapanindig-balahibo kung bibigyan natin ng pansin ang mga ganitong bagay.
Ngunit kung ganito na lamang ang mga pagpapatupad na gagawin ng ating gobyerno, paano
natin ipagmamalaki ang ating pagkakakilanlan bilang Filipino kung ngayon pa lang ay unti-
unting binabago ang ating kasaysayan na taliwas sa ating kagutuhan.
Tunay ngang nagbago na konsepto ng bayani sa ating bansa. Marami na ang naniniwala
sa kabayanihan ng lakas at kapangyarihan lamang ang panlaban. Nakakalungkot na bilang na
lang ang mga naniniwalang nasa puso ang natatagpuan ang tunay na kabayanihan. Sa panahong
ito na hati ang opinyon ng madla, isa lamang ang sa atin ay makapag-iisa. Marami man ang
tumutuligsa, higit na mahalaga ang pag-alab ng diwang makabansa.

Magbago man ang konsepto ng bayani sa ating bansa, higit na mas magiting ang
kabayanihang mayroon tayo sa ating mga puso mapa-saang dako man tayo ng mundo. Kung
tuluyan mang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, isa na lang ang aking masasabi,
Requiescat in Pace.
Sanaysay ng Sanay
ni Mike Benson E. Cabaltea

Lahat tayo ay may kakayahang magpahayag ng ating mga nararamdaman. Bukod sa


kakayahang ito, may ibat iba rin tayong pamamaraan kung paano tayo magpahayag. May ilan
na mas pinipiling magpahayag sa pamamagitan ng pagsasalita, may ilan namang nais
magpahayag sa paraan ng pag-awit at pagsayaw at may iba namang mas nabubuo ang nais
ipahayag sa paraan ng pagsusulat. Isa na sa paraang ito ang pagsulat ng sanaysay.

Lahat tayo ay may kakayahang magpahayag sa pamamagitan ng pagsulat ng sanaysay.


Lahat tayo ay nagkakaroon ng kakayahang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng sanaysay. Ang
mga idea at pananaw ay higit nating mas nabibigyan ng detalye kapag tayo ay nagsusulat kung
kaya mas nabibigyang-linaw ang bawat paksang nais nating tumbukin. Ayon nga kay Genoveva
Edroza Matute, ang pag-sulat ng sanaysay ay paraan ng paglalantad ng kaisipan, kuro-kuro,
palagay, at mga kasiyahan ng sumusulat; upang umaliw, magbigay-kaalaman, o mag-turo.
Bukod dito, mahlig tayong mga tao na mag-isip at magmuni-muni kung kaya ang pagsulat ng
sanaysay ay higit na tulong upang itala ang mga bagay na ating naiisip.

Isa sa natatanging katangian ng sanaysay ay ang pagiging personal nito. Ayon kay
Soledad Reyes, hindi nalilimitahan ang paksang tinatalakay sa sanaysay. Dahil sa rami ng
matatalakay sa isang sanaysay, ito ay maituturing na bukal ng karanasan, ideolohiya,
obserbasyon, paniniwala, at pagpapahayag. Dahil ang mga ideang itinatala ay mula sa nagsulat,
hindi maikukubli na maging ang mambabasa ay mababakas ang katauhang ipinapabatid ng
manunulat. Sa tulong ng kaniyang mga karanasan, higit na nagiging mas madali at kakaiba ang
mga nilalaman ng bawat pangungusap. May kakayahan ang pagsulat at pagbasa ng sanaysay na
dalhin ang manunulat at mambabasa sa ibat ibang dimensiyon. Napapalawak nito ang
kakayahan nating mas mapatayog ang ating imahinasyon at bigyang-linaw ang mga ideang
nangangailangan ng kaukulang pagpapaliwanag.

Sa pagsulat ng sanaysay, nakakatulong ang lohiko at mabisang paglalahad ng kaisipan.


Nakakamit ito sa tulong ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa tinatalakay na mismong paksa
at kung may sapat na pananaliksik hinggil sa iba pang maaaring saklaw ng paksa. Sa paraang ito,
mas nagiging malaman ang pagtalakay at nagiging malakas ang mga pahayag na binabanggit
dahil may sapat itong basehan.

Ang pagsulat ng sanaysay ay hindi dapat minamadali. Minsan, may mga pagkakataong
paulit-ulit ang pagbabasa ng manunulat at paulit-ulit din ang pagbago niya sa mga konspeto at
salitang ginagamit. Isang kongkretong halimbawa nito ang mga post sa Facebook. May mga
taong ilang beses binabasa ang binuong kaisipan bago ito i-post. Isa na ako roon. Marahil ay
may iisa kaming mithiin na maipahayag ang aming nararamdaman sa tao nang hindi nagbabago
ang nais iparating nito. May mga pagkakataon kasi na ang nais mong iparating ay iba sa
interpretasyon ng nagbabasa kung kaya sineseguro muna ang gamit nga mga salita at
pagkakabuo ng konsepto bago ito i-post.

Sa kabila ng ibat ibang paraan ng pagbuo ng sanaysay, higit pa ring magandang isipin na
tayong mga tao ay nagkakaisa sa pagkakaroon ng katangiang mag-isip ng mga bagay sa hindi
pangkaraniwang paraan o thinking of what is beyond sa Ingles. Isa itong pagpapakita na
nagkakaiba man ang paraan ng ating pag-iisip, binibigyan pa rin natin ng halaga ang
magpahayag sa kahit anong paraan man ito.
Malikhaing Likha
ni Mike Benson E. Cabaltea

Pula, dilaw at asul. Ang tatlong pangunahing kulay na nagsisilbing pundasyon at buhay
sa lahat ng kulay na ating nakikita. Hindi ko akalaing ang mga kulay na ito ang magbibigay turing
sa natatangi kong pagkatao. Hindi ko akalaing sasabayan ng mga kulay na ito ang pagbibigay
kulay sa aking buhay na tila isang blangkong papel na nag-aantay na masabuyan ng pintura.

Ika-24 na araw ng Abril, taong 1997, ipinanganak ang isang batang lalaking literal na
magbibigay kulay sa mga pahina ng banghay-aralin ng kaniyang ina. Huwag ka nang magtaka
kung sino dahil wala akong ibang tinutukoy kundi ang aking sarili. Oo, bata pa lamang ako ay
may pagka-pasaway na ako dahil kinulayan ko ang banghay-aralin ng nanay ko. Ayon sa aking
mga magulang, gustong-gusto ko raw noong gumuhit at kumulay ng kung ano-ano kahit hindi
naman maintindihan. Scribble kung tawagin sa Ingles. Laking pasasalamat ko na lang dahil guro
ang aking nanay kung kaya maraming papel akong naguguhitan at nakukulayan noon.

Hindi lang naman nakakulong sa sining ang aking kakayahan. Laking pasasalamat ko rin
na parehong mang-aawit ang aking mga magulang kaya hindi na seguro nakapagtatakang
maging ako ay mahilig din sa musika. Sayaw? seguro hindi gaano. Ngunit nakakasayaw din.
Lubhang hindi ko lang talaga seguro hilig kung kaya hindi ako sumasali noon sa mga sayawan sa
aming paaralan.

Ngunit sa kabila ng nag-uumapaw na talentong nasalo ko nang mag-paulan nito ang


Diyos, hiya ang laging nagiging kalaban ko maging sa ngayon. Tuwing may mga patimpalak,
lahat ng maaaring salihan ay lagi kong tinatanggihan dahil sa hiya. Oo, nakapanghihinayang nga
lang ngunit patuloy ko namang nililinang ang aking kakayahan sa unti-unting pagpapamalas nito
ngayon. Nang pumasok akong sa Pamantasang Ateneo de Naga, masasabi kong unti-unti nang
naglalaho ang hiyang noon ay humadlang sa aking pansariling kalinangan. Ang pagguhit,
pagkulay, pag-awit, pagsayaw, pagsalita sa unahan, pagdidisenyo, pag-layout ng kung ano-
anong uri ng biswal na presentasyon at iba pang kakayahan ay masasabi kong mas napagyaman
ko nang ako ay tumuntong na sa kolehiyo.

Dahil buhay-pagtuturo ang napili ko, napagtanto ko na lahat ng kakayahang


ipinagkaloob sa akin ng Diyos ay kailangan kong mas pagyamanin at ibahagi sa aking mga
magiging mag-aaral. Higit ko ngayong mas naiisip na pinagpala ako sa talento kung kaya hindi
dapat panginbabawan ng takot at hiya ang lahat ng kakayahang maaari kong ibahagi sa iba.
Habang binubuo ko ang sanaysay na ito, napabalik ako sa kuwento ko sa ikalawang talata.
Ngayon ko lamang napagtanto na itinadhana pala talaga ako sa buhay-pagtuturo. Hindi ko
akalaing ngayon ay bibigyang kulay at buhay ko na pala talaga ang banghay-aralin para sa aking
mga mag-aaral. Ngayon ko mas nakita na ang mga bagay na kinalakihan ang siyang magiging
hagdan tungo sa paroroonan.

Ngayong malapit na ako sa aking itinadhanang landas ng pagtuturo, seseguraduhin ko


na hindi na kailanman mahahadlangan ng anumang hiya ang kakayahang maaari kong ibahagi
sa aking mga mag-aaral. Ipinapangako ko na lahat ng ito ay magiging daan sa mas mabisang
pagtuturo para sa pagkatuto at ang mga banghay-aralin na naghihintay sa akin ay higit ko pang
mas bibigyan ng kulay para sa kalinangan ko at ng aking mga mag-aaral.

Tunay ngang makulay ang buhay. Para sa akin, ang buhay natin ay tila isang blangkong
papel na nag-aantay sa atin na bigyan siya ng kulay. Nasa sa atin na lamang kung anong
kombinasyon ang gagamitin at sa kung paanong paraan. May mga pagkakataon na lumalagpas
at may mga pagkakataon din na nagkukulang. Ngunit sa bawat lagpas at kulang na ito ay may
tiyak at natatanging likhang magagawa. Ito ang tinatawag na malikhaing likha.

You might also like