You are on page 1of 6

MARARAHAS NA MGA ANAK NG BAYAN

ni Andres Bonifacio

Ang inyong ipinakilalang katapangan sa pakikihamok sa kaaway na mga Kastila buhat pa ng simulan itong
panghihimagsik ay siyang nagsasabing mataas na di ninyo ikinasisindak ang ugong ng paghahanda at
pagsalakay dito ng hukbong akay ni Polavieja, na sa kaunting panahon ay nagpakilala na ng malabis na
karuwagan at hamak na kaasalan ng alipin sa kanyang pagpapahirap at malimit na pagpatay sa makapal
na kalahing hindi nagsisilaban. Yaong pagpapasunog nito sa mga bayan, yaong paglapastangan at
pagdungis sa kapurihan ng mga babae na di pinakundanganan ang kanilang kahinaan, yaong pagputol ng
buhay ng mga matatandang hindi na makausad at sanggol na sumususo pa, na kailanman ay hindi
aasalin at gagawin ng sino pa mang lalaking may puri at may tapang, ay humihingi ng isang masiglang
paghihiganti at matinding kaparusahan.

Sa inyong pamimiyapis, mangyayaring abutin ang kayoy tanghaling bangkay sa gitna ng parang ng
pakikidigma; ngunit itoy isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating
angkan.

Ang inyong mapupugtong hininga ay siyang magbibigay buhay sa ating Bayan at siyang matamis na alaala
sa gunita ng inyong mga kapatid na maiiwan.

Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at
sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang
tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na
inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad.

Sasagi kaya sa inyong loob ang panlulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa
kadahilanang ito? Hindi! Sapagkat nakikintal sa inyong gunita yaong libolibong kinitil na buhay ng
mapanganyayang kamay ng Kastila, yaong daing, yaong himutok at pananangis ng mga pinapangulila ng
kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan at natitiis ng
walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang
mga anak, asawa at matatandang magulang na itinapon sa ibat ibang malalayong lupa at ang
katampalasanang pagpatay sa ating pinakaiibig na kababayan na si M. Jose Rizal ay nagbukas sa ating
puso ng isang sugat na kailan pa may hindi mababahaw. Lahat ng ito ay sukat nang magpaningas sa
lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na Kastila na nagbibigay sa atin
ng lahat ng kahirapan at kamatayan.
Kaya mga kapatid, igayak ang loob sa pakikipaglaban at pakaasahan ang pagtatagumpay, sapagkat nasa
atin ang tunay na katuwiran at kabanalang gawa. Ang kastila, iyang kasuklamsuklam na lahing ditoy
napasuot, ang tanging ipinaglalaban ay ang maling katuwirang panggagaga at panlulupig dito sa di nila
bayan.

Sa lahat ng ito, nang malubos ang kabanalan at kapurihan ng ating lahi, ng tanghalin ng sandaigdigan ang
kamahalan ng ating kalooban, ay huwag nating tularan ang kalabang Kastila sa pagkahamak ng asal na
ugaling gamit sa pakikidigma. Huwag tayong makipaghamok sa kaibigan lamang na pumatay kundi sa
pagtatanggol ng Kalayaan ng ating Bayan, at abutin sa mahigpit na pagkakayakap nating mga anak ng Bayan ay
maihiyaw ng buong lakas na Mabuhay! Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!

Kartilya ng Katipunan
ni Emilio Jacinto

1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim,
kundi damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili, at hindi talagang
nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang
bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.
4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y
hihigtan sa dunong, sa yaman, sa ganda...; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na
kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa sa puri.
6. Sa taong may hiya, salita'y panunumba.
7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit
panahong nagdaan ay di na muli pang magdadaan.
8. Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.
9. Ang mga taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat
ipaglihim.
10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang
umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at
karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang
kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuharan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.
12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at
kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng taoy wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng
mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios wala sa mataas na kalagayan sa balat
ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid
kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may
dangal at puri; yaong di napaaapit di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at
marunong lumingap sa bayang tinubuan.
14. Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na
Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkalupuan, at sabugan ng matamis niyang
liwanag ang nangagkaisang magkalahit magkakapatid ng ligaya ng walang
katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapay labis
nang natumbasan. Kung lahat ng itoy mataruk na ng nagiibig pumasuk at inaakala
niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasa sa
kasunod nito.

Kaiingat Kayo

Marcelo H. Del Pilar

Ngayon ang panahong tigmak sa kakulangan ng katotohanang mapanghahawakan


ng sinuman. Ngayon ang panahong kay hirap mawawaan ang tunay at ang
kasinungalingan. Ngayon ang panahong lukob ang diwat isipan natin ng mga patalastas na
tila kalugud-lugod, ngunit nagdudulot kaipala ng kimbot at pangamba sa ating kalamnan
sapagkat totoong nagbabadya ng kadiliman ang katahimikang labis at halos mala-paraiso.

Kaiingat kapatid! Magpunyaging tagusin ng katuwiran ang piring na tumatakip sa mga


mata. Huwag bulagin ang sarili sa mga balatkayo, at sa halip, pagsikapang makita ang
katotohanang umiiral.

Ito at ito lamang: walang karalitaang-madla na mapapalis sa loob ng isang libo, siyam-
naput limang araw;...di-maikakaila ang karukhaan ng angaw-angaw sa ating
kapatid;...naroon pa rin ang yagit na may tsapa;...lalong nag-iibayo ang agwat ng bagong
ilustrado at bagong indiyo;...buong-kusang ipinipinid ng mapagimbot na nakaririwasa ang
kanilang budhi sa daing at panaghoy ng Katagalugan; ... buong tiwasay na nating tinanggap
tayong manhid at mapagparaya sa sariling pagnanasaang isang laksang pahatid sa atin.

Mga kapatid kaiingat kayo! Huwag humimlay sa naglalakihan nating awto, sa ating
tahanang malapalasyo, sa nagsasawalang-kibo nating pamantasan na tila ba nakaluklok na
tayo sa panibagong Eden. Kasalanang di-mapapatawad ang matulog nang panatag sa mga
kamang dekutson nang hindi man lamang isinasaisip kahit saglit ang tablang amoy-estero,
galisin at lipos sa libag na higaan ng kapatid na maralita.

Maikakaila ba ang pagdarahop ng nakararami? O tuluyan na ba tayong nalulong sa huwad


nating daigdig na kasaganaan at katiwasayan? Mag-isip kayo at huwag magsa-tanga!
Napakadaling marahuyo, lalo na tayong walang ibang talos kundi ang tangos ng ilong nating
mestisuhin. Napakadaling paglalangan ang sarili habang hitik sa de-sampung papel ang
nagpuputok nating kartamoneda. Napakadaling patahimikin ang budhi habang kusang
binubulag ang sarili sa katotohanan na kamuhimuhi tayo sa malas ng angaw-angaw na
kalahi.

Tiyak na mamumuhi at mapopoot ka rin kung araw-araw mong mapapanood ang landian,
ang talsikan ng mga pinintahang daliri ng pulutong na anak-mayaman samantalang
kalapit-bahay lamang ang umpukan ng mga dampang mahihiya sa bahay ng aso. Titiim din
ang bagang kung masisilayan ang mga kansusuwit na mestiso at mestisang walang
pakundangan kung magparaya sa sarili na tila walang katapusang pista ang buhay.

Kaiingat kayo kapatid! Malayot matagal pa ang pagsapit ng tunay na Eden sa kalupaan
natin. Huwag kalilimutan ang nakaraan sapagkat sa nakaraan nakasalalay ang pagkamulat
sa katotohanan.

Kaiingat ka, Atenista! Kaiingat ka! Hanggang taglay pa ang sariling pag-iisip at pusong
malambot, dinggin ang namamaos na daing ng aping kalahi. Gumising at alisin ang
lambong na kusang isinuklob sa mga mata. Gumising bago tuluyang, bangungutin sa
kahalumigmigan ng silid na de-air con. Bumangon at magsimulang balikatin ang
pananagutang matagal nang ipinapatong ng nakaraan!

Ang Tunay na Sampung Utos ng Dios ni Apolinario Mabini

Buan ng Mayo ng taong 1898

Ang Tunay na Sampung Utos ng Dios

Una. Ibigin mo ang Dios at ang iyong puri ng lalo sa lahat ng bagay: ang Dios na siyang bukal ng boong
katotohanan, katoiran at kalakasan; ang paghahangad ng puri ang siya lamang makapigil sa iyo sa
pagbubulaan at makapipigil na huag kang suminsay sa daan ng katowiran at laging magtaglay ng
kasipagan.

Ykalawa. Sambahin mo ang Dios sa kaparaang lalong minamarapat ng iyong bait at kalooban o
konsiencia, palibhasay sa iyong konsiencia na sumisisi sa gawa mong masama at pumupuri sa magaling
ay doon nangungusap ang iyong Dios.

Ykatlo. Dagdagan mong pilit ang talos ng isip at katutubong alam na ipinagkaloob ng Dios sa iyo sa
pamamag-itan ng pag-aaral, at magsumakit ka ng ubos lakas sa gawang kinahihiligan ng iyong loob, na
huag kang sisinsay kailan man sa daang magaling at katowiran, upang matipon sayo ang lalong maraming
kagalingan at sa ganitong paraay makatulong ka sa ikasusulong ng lahat; ito ngay siya mong pagkasunod
sa pinatutungkol sa iyo ng Dios sa buhay na ito, at kun yaoy maganap mo ay magkakapuri ka at kun may
puri ka nay maitatanghal mo naman ang kapurihan ng iyong Dios.
Yka apat. Ibigin mo ang iyong Inang bayan nasa kaikalawa ng Dios at ng iyong puri at higit sa iyong sarili,
sa pagkat siya ang nakaisaisang Paraisong pinaglagyan sa iyo ng Dios sa buhay na ito; siya lamang ang
pinaiikawan ng iyong lahi; na kaisa-isang mana mo sa iyong pinagnuno; at siya lamang inaasahan ng
iyong angkan; dahil sa kanyay nagtitikim ka ng kabuhayan, pagsinta at pag-aari; natatanawan mo ang
katimawaan, kapurihan sa Dios

Ykalima. Pagpilitan mo ang katimawaan ng iyong bayan bago ang iyong sarili, at papaghariin mo sa kanya
ang bait, ang katowiran at kasipagan; sa pagkat kun tyimawa siya ay matitimawa rin ikaw at ang iyong
kamag-anakan.

Ykaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ng iyong bayan, sa pagkat ikaw lamang ang tunay na
makapagmamasakit sa kanyang ikasusulong at ikatatanghal, ang kanyang kasarinlay siya mo naming
kalayaan o kaluwagan, ang kanyang pagkasulong ang kayamanan mo sa lahat ng bagay at ang kanyang
pagkatanghal ang siya mo naming sariling kabantugan at kabuhayang walang hangan.

Ykapito. Huwag mong kilalanin sa loob ng iyong bayan ang pangyarihan nino mang tawona hindi sa lagay
ninyong magkakababayan, pagkat ang boong kapangyarihay sa Dios nagmumula at ang Dios ay sa
konsiencia ng bawat isa nangungusap; kayat ang tawong ituro at ihalal ng mga konsiencia ng
sangkabayanan ang siya lamang makapagtataglay ng tunay na kapangyarihan.

Ykawalo. Ihanap mong pilit ang iyong bayan ng Republica, yaon baga ang lahat na namamahala ay
palagay ng bayan, at huag isipin kailan man ang Monarquia, ang pagkakaroon baga ng hari; sa pagkat
ang hari ay walang binibigyan ng kamahalan kundi isa o ilang angkan lamang, upang maitayo niya ang
kanyang sariling angkan na siyang pangagalingan ng lahat na maghahari; hindi ganito ang Republica na
nagbibigay ng kamahalan at karapatan sa lahat palibhasay ang kabaitan ang pinaiiral, at ang bayay
nagiging dakila alang-alang sa kalayaan o kaluagan, at marilag at masagana gawa ng kasipagan.

Ykasiyam. Ibigin mo ang kapua mo tawo paris ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sa pagkat siyay binigyan ng
Dios, at ikaw ay ganon din naman, ng katungkulang tulungan ka at huag niyang gawin asa iyo ang di niya
ibig na gawin mo sa kaniya; ngunit kapag ang kapua mo tawo ay nagkukulang dito sa kamahalmahalang
katungkulan at pinagtatangkaang lipulin ang iyong buhay at kalayaan at pag-aari, ay dapat mo naming
ibual at lipulin siya, pagkat ang mananaig ay ang kaunaunahang utos ng Dios, mag-ingat ka at iningatan
kita.

Ykapuo. Palalaloin ng kaonti sa loob mo ang iyong kababayan sa iyong kapua tawo; aariin mong palagi
siya na parang isang katoto, kapatid kaya o kasama man lamang, palibhasay iisa ang inyong kapalaran,
iisa din ang inyong tuwa at kapighatian at magkakaayon din naman ang inyong mga hinahangad at pag-
aari.

Kaya habang di pa napapaui ang mga patuto ng bawat bayan o kaharian, na itinayo at inaalagan ng mga
lahi at angkang walang pinagsasakitan kundi ang kanilang sariling kaginhawahan, sa kanya lamang dapat
kang makisama sa ganap na pakikipag-isa, tungkol sa hinahangad at pag-aari, upang magkalakas ka hindi
lamang sa pakikilaban sa kaaway ng lahat, kundi naman ng maidaos ang lahat ng pinupunta ng
kabuhayan ng tawo.
Unang tagobilin. Walang itinuro sa atin ang namahalang Kastila at ang mga paring religioso, kundi ang
itaas natin sa isang balobalong langit ang ating mga mata at ang boo nating pag-iisip, upang bayaan natin
sila sa pagtatamong mahinusay ng mga kagalingan dito sa lupa. Dahil ditoy hindi nila inibig na makakita
at makabasa tayo ng mga librong magpapatalastas sa atin ng mga katotohanang ito, na kun maganap
natin ay matatamong walang sala ang ating kaginhawahan sa buhay na ito at sa kabila ang ating
kalualhatian at kabuhayang walang hangan.

Ykalawang tagubilin. Ang bayan ay hindi lamang ang provincia, hindi rin yaong bayang sakop ng provincia
at hindi rin naman ang lugal na pinangangkan sa bawat isa. Ang lahat na provincia, ang lahat ng mga
bayan at ang lahat na lugal na pinangangkan sa kangino mang taga Filipinas, kahit ano ang mga
sinasampalataya niya at ano man ang wika, ito ang siyang tunay na bayan o Ynang bayan nating mga taga
rito sa Kapuluan.

You might also like