You are on page 1of 2

ANG ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon, may isang kaharian ng luntiang mga bukid, malinaw na mga
batis at asul na mga burol sa Lanao. Pinamumunuan ito ng isang maganda, mabait at
napakarunong na prinsesa kaya ginagawa ng kanyang nasasakupan ang lahat upang mapaligaya
siya.
“Pasaganain natin ang ani sa ating mga bukirin,” wika ng mga lalaki. “Sa gayon,
maliligayahan ang ating reyna.”
“Panatilihin nating malinis ang ating mga kabahayanan at maayos ang ating mga
tahanan,” wika naman ng mga kababaihan. “Sa gayon, ikararangal tayong lahat ng ating reyna.”
“Maging masunurin at magpakabait tayo,” sabi ng mga kabataan. “Sa gayon, palagi
tayong mamahalin ng ating mga magulang at ng reyna.”
At ginawa nilang lahat ang kanilang ipinangako. Sinunog ng mga kalalakihan ang
kanilang mga sabungan at sugalan at gumawa sa mga bukid sa buong maghapon. Pinanatiling
malinis at makintab ng mga babae ang kanilang tahanan. Nagpakabait nang husto ang mga
kabataan kaya itinapon nang lahat ng mga magulang ang kanilang pamalong patpat,
samantalang itinurong mabuti ng mga guro ang mga araling nararapat ituro sa mga mag-aaral.
Lumipas ang mga taon at patuloy ang reyna sa pamumuno nang nag-iisa.
Ngunit may isang taong hindi nasisiyahan sa kaharian. Isa siyang masamang pinsan ng
reyna. Nais niyang siya ang mamuno sa kaharian at nag-isip ng maraming masasamang bagay
upang maagaw ang trono ng reyna.
Marami pang taon ang nagdaan. Nag-iisang pinamumunuan ng reyna ang kaharian.
Napakaraming mangingibig mula sa ibang mga bansa, mga hari at prinsipe ang nagmamakaawa
sa kanyang pag-ibig, ngunit sinagot sila ng reyna ng: “Kapag tinanggap ko ang isa sa inyo,
magagalit ang iba. Magkakaroon ng digmaan. Mamabutihin ko pang manatiling walang asawa
at maging payapa ang aking kaharian kaysa mag-asawa at maging dahilan ng kaguluhan.”

Samantala, lihim na may pag-ibig ang masamang pinsan ng reyna sa isa sa kanyang mga
mangingibig. Nagbalak siya at binulungan niya ito: “Bakit ka nagsasayang ng oras? Mahal ka ng
pinsan kong reyna. Hindi lamang niya matanggap ang iyong pag-ibig sapagkat maglulunsad ng
digmaan ang iba niyang mangingibig. Dalhin mo rito ang iyong mga kawal at ipapatay mo ang
iyong mga karibal at ang mga guwardya ng reyna. Pasukin mo ang lungsod, at magiging iyo ang
reyna at ang kanyang kaharian.”
Pinaniwalaan siya ng mangingibig at matuling umuwi sa kanyang bayan. Tinipon niya
ang pinakamahuhusay niyang mga sundalo at nagbalik sa kaharian ng reyna.
Isang matingkad na kulay ng ibong may mahiya, ang Nori, ang nakarinig sa pataksil na
pakana ng pinsan ng reyna at ng mangingibig. Lumipad ang Nori sa may bintana ng reyna,
iwinasiwas ang kanyang mga pakpak at nagsabi: “Pakinggan ninyo ako, mahal na reyna. May
nais akong sabihin sa inyo.”
“Magsalita ka,” sagot ng reyna.
“Dapat po ninyong malaman na may balak ang isa ninyong mangingibig na patayin ang
lahat niyang karibal at ang inyong mga guwardya. Binabalak din po niyang agawin kayo nang
sapilitan at pakasalan kayo. Ngunit hindi iyan ang lahat. Nais ng inyong pinsan ang inyong
korona at hindi siya titigil hangga’t hindi niya kayo napapatay at nakakamit ang pag-ibig ng
inyong asawa.”
Matapos makapagsalita ay lumipad nang papalayo ang ibong may mahiya. Lubhang
nabahala ang reyna.
“Aba,” hinagpis niya, “sinikap kong pamunuan ang aking kaharian nang buong husay at
katalinuhan. Sinikap kong mabigyang-kasiyahan ang aking mga tauhan sa lubos ng aking
makakaya. Ngunit ang sarili kong pinsan pala ang magtatraydor sa akin”.
Natigib ng kalungkutan ang kanyang puso. Buong pait siyang nanangis na parang
madudurog ang kanyang puso, ngunit hindi niya ipinakita ang kanyang pighati kaninuman.
Nang sumapit ang gabi, inutusan niya ang lahat ng nasa palasyo – mga katulong,
mensahero, at mga guwardya – na lumabas sa bakod ng palasyo. Nag-alinlangan ang mga tao
kung bakit gumawa ng ganoong pakiusap ang reyna, subalit naisip nilang may mainam na
dahilan ang reyna sapagkat wala pa siyang nagagawang anumang bagay na hindi
makatarungan.
Nang makalabas na ang lahat, kinulong ng reyna ang sarili sa kanyang silid at sinilaban
niya ang silid. Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang mga silid. Nakita ng mga tao ang apoy
at tinangka nilang apulahin ito. Ngunit isinusi ng reyna maging ang mga pinto ng palasyo kayat
natupok siya kasama ng buong palasyo.
Ipinagluksa ng mga tao ang pagkamatay ng kanilang reyna. Nagtayo sila ng magarang
bakod sa palibot ng kanyang mga abo. “Nararapat natin siyang dakilain sapagkat minahal nila
tayo ng lubos,” wika nila.
Isang umaga, hindi pa natatagalan pagkaraan noon, isang mahiwagang halaman ang
lumitaw sa bunton ng mga abo. Malalaking pahaba ang berde nitong mga dahon na nakakapit
sa isang tuwid na putting sanga. Walang tinik sa katawan ng puno at iwinasiwas sa hangin ang
mga dahon nito.
Nakilala ang halaman bilang saging. “Ito ay ang ating reyna,” sabi ng mga tao sa isa’t isa.
“Nabuhay siyang muli.”
Tumubo ang halamang saging at hindi nagtagal, isang hugis-pusong bulaklak ang
lumitaw mula sa ubod nito. Hubog-daliring mga bunga ang lumitaw mula sa mga bulaklak nito.
Nang mahinog ang bunga, tinikman ito ng mga tao at nagsabi: “Napakasarap! Handog ito ng
ating reyna sa atin.”
Kinain nila ang bunga at lahat ay sumang-ayon na handog sa kanila ng kanilang reyna ay
kasintamis niya.
Ginawang tsonggo ng Diyos ang masamang pinsan ng reyna. Natuklasan nitong
napakatamis ng handog ng reyna kaya naging paborito niya ito sa lahat ng mga prutas.

Mga Aral ng Alamat:


1. Huwag manibugho at magnasa ng hindi mo pag-aari.
2. Maging matapat at mabait.
3. Maging maayos, malinis sa tahanan at kapaligiran.
4. Paunlarin at maging masipag sa Kabuhayan.
5. Maging magalang at masunurin sa mga magulang.
6. Ang bawat kasipagan ay may katapat na kaunlaran at kasaganaan.

You might also like