You are on page 1of 6

ANG MGA BATIS PANGKASAYSAYAN

Ni Arjay P. Capitle

Bahagi ng pag-aaral ng kasaysayan ang pagkilala sa mga bagay na pinagkukunan ng mga


tala at datos upang lubos na maunawaan ang kronolohiya, saysay at katibayan ng mga
kaganapan. Matapos na magbigay ng paksa ay isinasaalang-alang ng mga historyador ang mga
batis o sanggunian ng kasaysayan. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga sangguniang
pangkasaysayan sa pagtitiyak ng mga konklusyon at naratibo ng nakaraan. Dahil dito,
mahalagang kilalanin ang dalawang uri ng sangguniang pangkasaysayan na magsisilbing batayan
sa pagsulat ng kasaysayan.

Pangunahing sanggunian sa pag-aaral ng kasaysayan ang mga tinatawag na ​primaryang


batis. ​Ang mga ito ay ang bagay at mga tala na naglalaman ng impormasyon na galing mismo sa
bagay o tao na pinag-uusapan sa kasaysayan (de Viana, n.d.). Nangangahulugan na ang mga ito
ay mga uri ng bagay na umiral kasabay ng mga pangyayaring tinatalakay.

Ang mga primaryang batis ay maaaring uriin sa dalawa: nakasulat at ‘di-nakasulat. Ang mga
nakasulat na primaryang batis ay mga dokumento na naglalaman ng mga ulat ng kaganapan,
tala, opinyon, pananaw, at damdamin ng may-akda. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga
sumusunod:

a. Talaarawan​- tinatawag din itong ​diary ​o ​journal​. Ang mga ito ay naratibo ng mga
kaganapan na inakda ng mga tao na mismong nakaranas at nakasaksi sa mga pangyayari.
Kadalasan na ito ay isinusulat ng may-akda araw-araw. Isang halimbawa nito ay ang
diary ni Hen. Gregorio del Pilar na naglalarawan ng kanyang karanasan sa pakikibaka sa
mga Amerikano. Nagtapos ang kanyang pagsusulat nang siya ay mapaslang ng mga
Amerikano sa Pasong Tirad.

b. Awtobiograpiya​- tinatawag din itong talambuhay na isinulat ng may-akda na


pumapatungkol sa kanyang sarili. Mahahalagang mga kaganapan, lugar, tao at mga
pangyayari ang kadalasang paksa ng nasabing akda.

c. Liham​- ito ay ang mga sulat ng may-akda na naglalaman ng mensahe, pananaw o


damdamin na nais niyang iparating sa taong kinauukulan. Halimbawa nito ay ang Liham
ni Rizal sa Kadalagahan ng Malolos na may petsang Pebrero 22, 1889. Dito pinapurihan
ni Rizal ang kagitingan at katapangan na ipinamalas ng kadalagahan ng Malolos na
umalpas mula sa pagkaalipin ng kamangmangan sa pamamagitan ng paghiling nila sa
gobernador-heneral na makapagtayo ng isang paaralan na magtuturo ng wikang
Espanyol.

d. Diyaryo/Pahayagan​- isang dokumento na inilathala at inilimbag kaalinsabay ng mga


isyung panlipunan na tinatalakay sa mismong pahayagan. Maaari rin itong maglaman ng
ulat ukol sa mga kaganapang pulitikal, pang-ekonomiko at panlipunan. Tumatalakay din
ang mga pahayagan sa mga opinyon at pananaw ng mga eksperto sa isang partikular na
isyu. Isang halimbawa ng pahayagan ay ang Diariong Tagalog, na pinamatnugutan ni
Marcelo H. del Pilar. Ito ang kauna-unahang bilingguwal na pahayagan na nasusulat sa
wikang Tagalog at Espanyol (Almario, 2015). Isiniwalat ng nasabing pahayagan ang
pang-aabuso ng mga prayleng Kastila at ang pagmamalabis ng mga opisyal ng
gobyernong kolonyal.

e. Memoir​- isa itong uri ng primaryang batis na naglalarawan ng mga pangyayari habang
bumabanggit ng kanyang sariling kuro-kuro ang may-akda. Ipinapaliwanag ng may-akda
ang isang kaganapan sa paraang naratibo gayundin ang paglalahok niya ng kanyang
opinyon base sa kanyang paniniwala. Isang sikat na memoir ay ang ​The Philippine
Revolution ​o ang ​La Revolucion Filipina ​na inakda ni Apolinario Mabini. Tinalakay niya
rito ang pagtatagumpay ng Himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol gayundin ang
pagtatatag ng isang Republika na kinikilala ng mga bansa sa Asya at sa Europa noong
1899.

f. Mga Ulat​- Kadalasang mga opisyal na dokumento ang mga ulat na nanggaling sa isang
grupo ng tao na naglalayong maghatid ng impormasyon ukol sa isang partikular na
kaganapan. Ginagamit ang mga ulat sa mga imbestigasyon o sa mga pagdinig upang
magamit na basehan ng hakbangin ng pamahalaan. Halimbawa ng ulat ay ang dokumento
na inilabas ng Agrava Fact-Finding Commission na nagsiyasat sa mga kaganapan ukol sa
pagpaslang kay dating Senador Benigno Aquino Jr. noong 1983. Ginamit ang ulat ng
Komisyong Agrava sa pagsasampa ng kaukulang asunto sa Sandiganbayan laban sa mga
opisyal na pinaniniwalaang sangkot sa nasabing pagpaslang. Ilan pang halimbawa ng ulat
ay ang mga ​ulat ng lupon ​na ginagamit ng mga mambabatas sa pamahalaang lokal bilang
basehan ng mga ordinansa at gawaing lehislasyon.

g. Mga Talumpati​- isa ring uri ng primaryang batis ang mga talumpati. Ito ay ang mga
pahayag na binigkas sa mga mahahalagang okasyon, pagtitipon, gawaing panrelihiyon o
pulitikal. Kinakailangan na malathala ang mga nasabing talumpati bago mauri bilang
nasusulat na primaryang batis. (de Viana, n.d.) Sa bisa ng Artikulo 2 ng Kodigong Sibil
ng Pilipinas, minamandato ang paglalathala ng mga mahahalagang talumpati sa ​Official
Gazette​, ang opisyal na pahayagan ng pamahalaan ng Pilipinas. Ilan sa mga nalathala ay
ang mga talumpati ng Pangulo sa ilang mahahalagang pagdiriwang. Maaari ring isama sa
mga talumpati ang mga ​privilege speech n​ g mga mambabatas na nailalathala naman sa
mga dokumento ng Kongreso na tinatawag na ​journal.

h. Opisyal na mga Dokumento​- bahagi ng gampanin ng pamahalaan ang maglathala ng


mga opisyal na dokumento na naglalaman ng mga mahahalagang kalatas, anunsyo o
mandato. Dahil dito, nagagamit ang mga opisyal na dokumento bilang primaryang batis.
Ilan sa mga ito ay ang mga orihinal na kopya ng mga batas na ginawa ng Kongreso at
pinirmahan ng Pangulo gayundin ang mga desisyon ng hudikatura, kalatas ng mga
administratibong ahensya ng gobyerno, at iba pang mga katulad nito. Halimbawa ng mga
opisyal na dokumento ay ang ​Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo
Filipino na inakda ni Ambrosio Rianzares Bautista at binasa kaalinsabay ng deklarasyon
ng kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Isa ring primaryang batis ang
Proclamation No. 1081 ni dating Pangulong Marcos na nagdedeklara na ang buong bansa
ay nasa ilalim ng Batas Militar.

i. Mga Kasunduan​- kinokonsidera ring primaryang batis ang mga kasunduan na nilagdaan
ng mga pinuno ng pamahalaan o ng mga samahan. Isang halimbawa ng kasunduan ay ang
Kasunduan sa Biak-na-Bato na nilagdaan ng mga kinatawan ng pamahalaang
rebolusyonaryo at gobyernong kolonyal ng mga Espanyol.

Ang mga primaryang batis naman na inuuri bilang ​‘di-nakasulat ay yaong mga hindi
matatagpuan sa anyong pasulat. Ito ay mga bagay o gamit na naiwan ng isang kaganapan na
naging saksi sa mga pangyayari. Ito ay maaaring ginamit ng mga tao sa isang partikular na
panahon at mga ebidensya ng pag-iral ng isang tao at pangyayari. Ang mga halimbawa nito ay
ang mga sumusunod:

a. Artipakto​- ito ay tinatawag ding ​liktao ​na


halaw sa aklat ni Prop. Zeus Salazar na
nalathala noong 2004. Ito ay mga bagay
na nahukay ng mga arkeologo mula pa sa
unang panahon na ginamit at hinubog ng
tao ayon sa kanilang kultura. Ilan sa mga
halimbawa ng artipakto ay ang ​balangay,
isang uri ng sinaunang sasakyang
pandagat na nahukay at natagpuan sa
lungsod ng Butuan noong 1978. Ang
balangay ay isang katunayan na may kakayahan at kahusayan na ang mga sinaunang
Pilipino sa pagsasagawa ng malalaking sasakyang-pandagat na sumasalamin sa
kabihasnang maritimo bago pa man ang pagdating ng mga Europeo. Isa rin halimbawa ng
artipakto ang hikaw na natagpuan sa Yungib Duyong ng Palawan na tinatawag na
Lingling-o​ na sumisimbolo sa karangyaan ng sinaunang pamayanang Pilipino.

b. Relikya​- ito ay mga labi ng mga bagay na may buhay gaya ng tao, hayop, halaman at iba
pa. Ito ay maaaring mga buto ng hayop at tao o mga bakas (imprints) ng mga halaman sa
mga yungib o bato. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang buto ng daliri sa paa (metatarsal)
ng Taong Callao na natagpuan sa Yungib Callao sa Cagayan. Ayon sa mga eksperto, ito
ay tinatayang may 67,000 taon na. Isa pa ring halimbawa ng relikya ay ang natagpuang
bagang (molar) ng stegodon. Ito ay isang dambuhalang elepante na tinatayang nabuhay sa
Pilipinas. Ang nasabing relikya ay natagpuan sa Hilagang Luzon.

c. ​ asaysayang Oral​- isang uri ito ng primaryang batis na ‘di-nakasulat. Ito ay ang mga
K
sali’t saling pahayag, kwento, o salaysay na maaaring tiyak o hindi tiyak ang pinagmulan.
Halimbawa ng mga kasaysayang oral ay ang mga alamat, epiko, sawikain, bugtong, at
kwentong bayan. Halimbawa ng mga ito ay ang Biag ni Lam-ang, isang Ilokanong epiko
na binigyang bikas ni Pedro Bukaneg.
d. Larawan at dibuho​- Ang mga ito ay nagsisilbing
primaryang batis. Ito ay bunga ng mga likha ng tao sa
pamamagitan ng dunong at teknolohiya. Ebidensya ang mga
larawan sa pagpapatibay na ang mga tao ay naroon nga sa
binabanggit na lugar o pagtitiyak na naganap nga ang isang
pangyayari. Ilan sa halimbawa ng dibuho ay ang Spolarium ni Juan
Luna na nakatanghal ngayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas.
Ipinapakita ng dibuhong ito ang karahasan at pang-aabuso ng mga
mananakop na Espanyol sa mga Pilipino. Isa namang halimbawa
ng larawan ay ang larawan ng tatlong propagandistang sina Dr.
Jose P. Rizal, Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce habang sila
ay nasa Europa.

Sa kabilang banda, ang mga ​sekondaryang batis naman ay mga


lathalain na nakaangkla sa mga tala at impormasyon halaw sa
primaryang batis. Binibigyang-diin dito ang pagsangguni ng mga
sekondaryang batis sa mga primaryang batis bilang pinagmulan ng
mga ito. Karaniwan na ang mga batayang aklat, brochure at magazine ay halimbawa ng
sekondaryang batis. Dagdag pa rito ang mga nalathalang artikulo sa internet. Nakakatulong ang
mga sekondaryang batis upang makilala ng mga mananaliksik ang mga primaryang batis.
Nakakaambag sa paunang kaalaman ng mga mananaliksik ang pagkakilala nila sa mga
sekondaryang batis upang mas maunawaan ang nilalaman, konteksto at naratibo ng mga
primaryang batis (Navarro, 2000).

REPOSITORYO NG MGA SANGGUNIANG BATIS

Ang mga sangguniang batis na ito ay tinipon at kinalap ng mga mananaliksik, historyador
at mga arkeologo. Ang mga ito, maaaring primarya o sekondaryang batis man ay maaaring
matagpuan sa mga sumusunod na repository sa Pilipinas:
● Pambansang Museo ng Pilipinas (​National Museum of the Philippines​) -
matatagpuan sa Lungsod ng Maynila at dating gusaling lehislatibo ng
pamahalaang Komonwelt. Nakalagak dito ang mga sikat na primaryang
batis gaya ng bahagi ng balangay mula sa Lungsod ng Butuan, ang
dibuhong Spolarium ni Juan Luna, ang bangang Manunggul, at ang hikaw
na Lingling-o.

● Pambansang Sinupan (​National Archives of the Philippines​) - Nakalagak


dito ang mga opisyal na dokumento gaya ng______

● Gusali ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (​Cultural Center of the


Philippines​) – nakalagak sa repositoryong ito ang mga dokumento na may
kinalaman sa mga Pambansang Alagad ng Musika at Teatro na si
Honorata “Atang” dela Rama.

● Gusali ng ​National Historical Commission of the Philippines-​


kinalalagakan ng mga mahahalagang pahayagan, peryodiko at mga aklat
na mga mapagkakatiwalaang manunulat ng kasaysayan ng Pilipinas.

● Pambansang Aklatan ng Pilipinas (​National Library of the Philippines)​


– tahanan ng mga mahahalagang aklat, dokumento, artikulo, pahayagan at
peryodiko kagaya ng mga orihinal na kopya ng mga nobela ni Rizal na
Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

● Intramuros Administration​- isang ahensya na nasa ilalim ng Tanggapan


ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nangangalaga ng mga
dokumento at gamit na gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng
Intramuros.

● Mga museo at aklatang lokal​- karaniwan na may mga aklatan at museo


ang mga lalawigan at bayan sa Pilipinas. Isang halimbawa nito ang
Aklatang Panlalawigan ng Bulacan na naglalaman ng mga aklat,
peryodiko at artikulo na may kinalaman sa kalinangan at kasaysayan ng
Lalawigan ng Bulacan. Gayundin ang Museo ng Kasaysayang Pampulitika
ng Pilipinas na nasa Dambana ng Casa Real sa Lungsod ng Malolos.
Itinatanghal ng nasabing museo ang iba’t ibang tagpo sa kasaysayang
pampulitika ng Pilipinas mula sa pagtatatag ng mga kabihasnan sa ilaya at
ilawud hanggang sa pagkakamit ng soberanyang tinatamasa ng bawat
mamamayang Pilipino sa kasalukuyan.

● Pambansang Dambana​- ang mga dambana ay lugar kung saan


nakahimlay ang mga labi ng mga kinikilalang bayani ng bayan. Kadalasan
na may mga museo rin na matatagpuan sa mga ito. Isang halimbawa ng
dambana ay ang Dambana ni Gat. Marcelo H. del Pilar na matatagpuan sa
Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan. Dito ang pook-kapanganakan ni del
Pilar na ipinasunog ng mga Espanyol, muling ipinatayo at ipinaayos ng
pamahalaan, at kinalalagakan ng kanyang mga labi na buhat pa sa
Barcelona, Espanya.

Nagsisilbing lagakan ng mga primarya at sekondaryang batis ang mga gusaling ito.
Itinuturing na yaman ng bayan ang mga primaryang batis maski ang mga repositoryo kung saan
ito matatagpuan. Kung kaya, masidhi ang pag-iingat na hinihingi ng pamahalaan sa mga
mag-aaral, mananaliksik at historyador na nagsasadya sa mga repositoryo.

You might also like