Pagdating ni Tata Pastor ay napag-usapan ang kalagayan ng mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Magat na nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng mga magsasaka’t manggagawa dahil ang problema nila’y problema rin ng bayan. Inilirawan din ni Pastor ang hindi pagkilala ni Don Segundo sa boses ng mga magsasaka. Minamasama ng asyendero ang kahilingan ng mga kasama at pinalalayas sa asyenda ang sinumang nagsusuwail na kagaya ni Pastor. Hindi rin sila makalapit sa gobernador para humingi ng tulong dahil kakuntsaba rin ito ni Don Segundo. Nang malaman ni Tata Pastor na dating mga gerilya ang kaniyang mga bisita ay itinanong niya kung nakilala nila ang pamangkin niyang si Andoy. Umoo naman si Mando, nakilala niya raw si Andoy sa Sampitan at nagbilin pa nga raw ito sa kanya na ibigay ang isang kahon kina Tata Pastor. Ipinaliwanag ni Mando na nakaligtaan niyang dalhin ang kahon at nangako siyang dadalhin niya ito sa kanyang pagbabalik sa asyenda. Nagdatingan sa bahay ni Tata Pastor ang iba pang mga magsasaka. Ipinaalam nila sa mga mamamahayag na sina Mando at Magat ang saligan ng petisyon nilang katarungang pang-agraryo. Ipinakita nila ang isang artikulo na itinuturing nilang Bibliya ng maayos na pagsasamahan sa bukid. Ito ang mga patakaran ni Presidente Quezon sa kanilang asyenda sa Arayat. Inilalahad dito ang pagkakaloob ng lupa at hayop sa mga magsasaka, pagbubura sa mga lumang pagkakautang at maging ang pagbibigay ng kalayaan sa kanila na pumunta sa husgado sakaling hindi nila nagustuhan ang patakaran sa asyenda. Sa kalagitnaan ng pag-uusap ay dumating si Dr. Sabio. Sinabi niya na kahit maganda ang pamamalakad sa Hacienda Quezon ay hindi pa rin ito ideal dahil paternalista pa rin ito—si Quezon pa rin ang tinitingalang panginoong maylupa. Ayon sa kanya, pinakamainam kung ang bumubungkal at ang gumagawa sa lupa ang siya ring magmay-ari ng mga lupain. Ipinaliwanag rin ng propesor sa mga magsasaka ang kahulugan ng kapitalismo, sosyalismo at komunismo. Nilinaw niya rin na magiging maayos ang kalagayan sa asyenda kung papalitan ang mga asyendero ng isang kooperatiba na pangunguhan ng Freedom University. Pagkalipas ng ilang araw, mag-isang bumalik si Mando sa asyenda. Dala niya ang kahon na inihabilin daw sa kanya ni Andy. Laman ng kahon ang isang liham, isang singsing na ginto na may brilyante, at perang umabot sa isang libong piso. Nang bilangin ni Pastor ang pera ay nahulog ang singsing sa sahig. Pinulot niya ito at iniabot sa kanyang anak. Tinangka ni Mando na isuot ang singsing sa daliri ni Puri pero tumanggi si Puri. Pakiramdam niya’y hindi bagay sa isang dalagang tagabukid ang magsuot ng mamahaling alahas dahil baka makasagabal pa ito sa kanyang trabaho sa bukid at baka isipin ng mga tagabaryo na nagyayabang siya.
Ipinaalam ni Mando kina Tata Pastor ang nalalapit niyang paglalakbay sa
Europa at ang balak ng Freedom University na bilhin ang Hacienda Montero para gawing isang laboratoryong pang-agrikultura at pangsosyolohiya. Sa asyenda rin susubukin kung gaano kainam ang isang kooperatiba sa pagpapainam ng kalagayan ng mga magsasaka. Ipinaalam naman ni Tata Pastor kay Mando ang balak niyang bumili ng sakahan sa dulong baryo sa tulong ng perang nasa kahon. Bago tuluyang umalis, inalala ni Mando ang isa sa pangunaahing layunin niya sa pagpunta sa Europa: ibenta ang mga alahas sa pinakamabuting presyo. Maliban dito, umupa rin siya ng isang ahenteng magbebenta ng ilan sa mga alahas ni Simoun sa Maynila. Umabot sa kalahating milyon ang naibentang alahas sa mga miyembro ng alta sosyedad kagaya nina Donya Julia, Minnie, kagawad ng gabinete, milyonaryong ginang, isang senador, at limang matronang nagreregalo sa isang gigolo. Karamihan sa mga bumili ng hiyas ay may layuning ipanregalo ito sa kanilang mga kabit, kulasisi, o kaagulo kaya nga inihambing ang Maynila sa mga makasalanang lungsod ng Sodoma at Gomora. Ang kinita sa bentahan ng hiyas ay gagamitin ni Mando sa paglalakbay at ipantutustos sa operasyon ng Kampilan. Samantala, pagkatapos na magpalaglag sa Hongkong ay pumunta si Dolly sa Paris para mag-aral ng interior design. Umuwi naman si Donya Julia sa Pilipinas. Naging abala naman si Don Segundo sa pagpapaayos ng palasyo nila sa Singalong. Kinuha niyang arkitekto ang anak ng negosyanteng si Son-Tua na si Pong Tuason. Si Son-Tua ay isang Tsinong ipinuslit lamang sa barko kaya nakarating sa Maynila. Naging katulong siya ng isang Tsino, naging mambubulok, negosyante ng tela hanggang sa makapangasawa ng mayaman at namuhunan sa sugal at pahithitan ng apyan. Ang ilan sa mga anak niya’y naging asawa ng mga makapangyarihan sa lipunan. Ang isa’y asawa ni Heneral Bayoneta na nagbibigay ng proteksiyon sa kanyang mga ilegal na negosyo. Sa pagpaayos ng magara niya nang bahay, hiniling ni Don Segundo na mahigitan ang ringal ng Malakanyang. Dahil din sa proyektong ito, daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan sa paligid ng bakuran ng mga Montero dahil ginawan ng paraan ng Don na maaangkin ang katabing mga lote. Kaibigan din ni Don Segundo si Gobernador Doblado, isang anak-mayamang hindi pinagbuti ang pag-aaral pero dahil sa impluwensiya at sa asawang mayaman ay nailuklok sa puwesto. Pabaya rin siya sa kanyang tungkulin sa kapitolyo dahil pumipirma-pirma lang siya ng mga papeles sa umaga at umaalis sa hapon para mag- inspeksiyon o magpasugal sa isa sa kanyang mga mansyon. Sa bahay ng gobernador madalas nagaganap ang sesyon ng poker ng mga kasosyo sa negosyo ni Don Segundo. Sa pagkakataong ito’y maaga pa ay ipinahanda niya na ang mga pagkain at alak para sa mga bisita. Kasama sa mga dumadalo sa sugalan sina Obispo Dimas, Senador Botin, Don Segundo, Huwes Pilato, at Heneral Bayoneta. Nang hapong iyon pinag-usapan sa harap ng alak at pagkain ang kainaman ng paninirahan sa Pilipinas lalo na kung maraming pera ang isang tao at balak niyang magpagawa ng mansiyon. Ipinagpasalamat din nilang malaya silang nakapagsusugal dahil ang ipinasasara lamang ng militar ay ang maliliit na pasugalan. Huling dumating sa sesyon si Heneral Bayoneta dahil dumalo pa raw ito sa isang kumperensiya tungkol paglipol ng mga ‘daga’ sa Mindanaw. Nag-umpisa ang paglalaro ng poker. Umabot sa 23 lote ang naipahamahagi sa mga manlalaro (ang bawat lote ay halagang isang libong piso). Sa palitan ng mga salita ng mga manlalaro matutuklasan kung saan nila kinuha ang kanilang pantaya. Ayon kay Obispo Dimas, kay rami-raming ritwal muna ang kanyang pinamumunuan bago makaipon ng pantaya samantalang si Senador Botin naman ay umaasa sa mga sideline at allowance niya bilang isang senador. Natalo nang husto si Heneral Bayoneta sa laro dahil napaghandaan ni Obispo Dimas ang kanyang taktika. Habang naglalaro ng baraha ay inumpisahan ni Don Segundo ang usapan tungkol sa peace and order sa bansa. Agad na sinabi ng heneral na hindi lang siya ang dapat konsultahin tungkol sa usapin. Sinabi ni Gobernador Doblado na ang giyera ang dahilan kung bakit nagkaroon ng desempleo, paghihikahos at gutom na nag-udyok sa mga tao na magnakaw at gumawa ng iba pang krimen. Pinasubalian ito ni Obispo Dimas na nagsabing ang kaguluhan ay bunga ng pagkalimot sa Diyos ng mayayaman at mahihirap. Ipinagtanggol naman ni Huwes Pilato ang husgadong kadalasang pinagbibintangang hindi patas sa pagpataw ng parusa kaya marami ang pinipili na lamang na maging tulisan. Sinabi ng huwes na hindi sila puwedeng sisihin dahil sinusunod lamang nila ang batas. Ganito rin ang pananaw ni Heneral Bayoneta, ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho pero sila pa raw nasisi at pinagbibintangang marahas. Pinaringgan ni Senador Botin ang heneral at ipinahiwatig niyang wala sanang gulo kung sumusunod lamang sa sistemang demokratiko ang mga ahensiya ng gobyerno pati na ang army. Habang nagdedebate ang mga manlalaro ng poker ay tahimik palang nakikinig sa kanila si Dr. Sabio na pumunta roon para kausapin ang may-ari ng Hacienda Montero tungkol sa balak ng Freedom University. Sumali ang propesor sa usapan at sinabi niyang hindi puwedeng isisi sa giyera ang kaguluhan sa bansa kundi sa pananamantala ng tao sa kapwa tao sa bisa ng kanyang katungkulan, salapi, o dunong. Samantala, sa tanggapan ng Kampilan ay tumanggap si Andres ng mga ulat mula kay Santillan tungkol sa mga pangyayari nang araw na iyon kasama na ang pananaksak ng isang ina sa dalawa niyang anak at ang paghahandog ni Mrs. Gordo ng sayawan sa Manila Hotel. Binalak ni Andres na pagtapatin ang dalawang balita sa unang mukha ng diyaryo. Pinag-usapan din nina Andres at Magat ang kahalagahan ng pahayagan sa isang estado. Dahil inihahanda ang editoryal para sa araw na iyon, inungkat nina Magat ang makasaysayang editoryal na Aves de rapina na nalathala sa El Renacimiento noong 1908. Hinangaan nina Magat at Andres ang manunulat na nagpahayag ng maaanghang na batikos sa isang Amerikano. Sa huli’y ipinahihiwatig na magiging mabagsik na tagapuna rin ang Kampilan na hindi lang naglalayong magwasak kundi bumuo rin. Samantala, may naganap na sesyon sa Senado tungkol sa Pilipinisasyon ng mga kalakal na tingian. Dapat sana’y ikasiyam ng umaga magsisimula ang sesyon pero alas-onse na’y wala pa ang maraming senador. Maraming taumbayan ang sumusubaybay sa panukala kaya puno ng miron ang bulwagan. Naroon din ang madla para manood ng palabas dahil maraming mga kakatwang tauhan sa Senado kagaya ni Senador Discurso na hindi tumitigil magsalita hangga’t hindi lumulundag ang kaniyang pustiso at ni Senador Batalla na mahilig mangontra kahit ang kinokontra niya ay ang kaniyang sariling mga panukala. Si Senador Estrellado nama’y tinutulugan lang ang mga sesyon. Bago magsimula ang sesyon, sinabi na ni Senador Batalla na hindi ito puwedeng umpisahan dahil walang korum. Pinagtawanan lang ang katwiran ng senador dahil mali-mali ang pagbigkas niya ng mga salitang Ingles. Inumpisahan ni Discurso ang pagbatikos sa panukalang Pilipinisasyon. Ayon sa kaniya, kapag napasakamay ng mga Pilipino ang mga negosyo sa bansa ay pagsasamantalahan lang nila ang kanilang mga kababayan. Walang nakaintindi sa mga paliwanag ni Discurso at pinagtawanan lang siya dahil lumundag na naman ang kaniyang pustiso. Sumunod na nagsalita si Senador Maliwanag. Kahit pinilit siyang magsalita sa wikang Ingles o Kastila ay ipinahayag niya ang kaniyang katwiran sa Filipino. Ipinaliwanag niyang ang pamamahala ng mga dayuhan sa mga kalakal na tingi ay sintomas lamang ng mas matinding sakit na kolonyalismo. At dahil dito, ang mga Pilipino ay naitatalaga lamang sa produksiyon ng mga kagamitang hilaw. Mura ang mga tinda niya; mahal ang kaniyang binibili kaya siya naghihirap. Marami ang nakumbinsi sa paliwanag pero hindi rin napagtibay ang panukala dahil wala ngang korum.