You are on page 1of 4

FILIPINO IV PANUNURING PAMPANITIKAN

Pangalan: DeAnne Rochelle L. Abdao Bilang sa Klase: 18


Seksiyon: IV - Charm Petsa: Ika-17 ng Pebrero, 2014
Pamagat ng Akdang Sinuri: Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez

Unang Bahagi: BUOD

Si Mando Plaridel o Andoy ay dating alila sa bahay ni Don Segundo Montero bago
siya palayasin at sumama sa mga gerilyero.1 Buhat sa payo ni Tata Matyas ay
natagpuan niya, sa tulong ng dalawa pang gerilyerong sina Karyo at Martin, ang
kayamanan ni Simoun na itinapon ni Pari Florentino sa dagat Pasipiko sa pagwawakas
ng El Filibusterismo.2 Sa kasamaang palad ay namatay ang kanyang dalawang kasama
sa pagahahanap sapagkat nakagat ng pating si Karyo at si Martin naman ay nasapian
ng ganid at tinangkang nakawin ang kayamanan para lamang sa sarili niya.3

Gamit ang kayamanan ni Simoun at sa tulong ni Magat, ang pinuno ng gerilya sa


Timog Luzon, ipinasya ni Mando na magtatag ng isang pahayagan na tinawag nilang
Kampilan.4 Upang lalong mapaigi ang Kampilan, nagpasiyang mangibang-bansa si
Mando para magpakadalubhasa, at sa kanyang paglalakbay, nakatagpo niya si Dolly
Montero na inabutan niyang inaabuso ng isang dayuhan kaya naman ipinagtanggol niya
ito at napalapit ang loob ng dalaga kay Mando ngunit dahil sa sama ng loob niya sa
mga Montero, naisip ni Mando na gamitin si Dolly upang makapaghiganti.5 Pagkauwi
nila sa Pilipinas, inanyayahan si Mando na dumalo sa isang handaan sa bahay ng mga
Montero kung saan pinag-usapan nina Don Segundo ang ukol sa negosyo nilang
pagbebenta ng mga kontrabandong armas, at napintasan rin ang Kampilan at
naakusahang laban sa administrasyon ngunit sinabi ni Mando na katotohanan lamang
ang kanilang mga isinusulat.6

Napalitan na si Pastor bilang katiwala ni Don Segundo at nagkaroon ng


pagpupulong ang mga magsasaka ukol sa mapang-aping pamamalakad ni Don Segundo
sa hacienda ngunit pagkatapos nitoy nasunog ang hacienda at isinisi kina Pastor, Mang
Tumas at Danoy ang nangyari.7

Sa isa nanamang pagkikita ng mga Montero at ni Mando sa Baguio ay nagtalo


nanaman sila ukol sa mga nilalaman ng Kampilan at inamin na ng binatang siya si
Andoy kayat nasaktan si Dolly at nakapaghiganti na rin ni Mando.8

Pinag-aral ni Mando si Puri at nang minsang dalawin niya ang dalaga ay


nagtapatan sila ng pag-ibig at sinabi ni Mando kina Puri at Tata Pastor ang buong
katotohanan na siyay si Andoy, ang nawawalang anak ng kapatid ni Pastor.9
Patuloy na tinuligsa ni Mando, sa pamamagitan ng kanyang pahayagan at
himpilan sa radyo, ang mga taksil sa bayan, lalo na ang mga pinuno sa gobyerno na
wala sa ayos ngunit sa dulo ay nauwi rin ang kanyang laban sa dahas para lamang
makamit ang kalayaan.10

Ikalawang Bahagi: PAGPAPAKILALA NG MGA TAUHAN

1. Mando Andoy Plaridel


Si Mando ang pangunahing tauhan ng nobela na naging isang gerilyero matapos
palayasin sa bahay ni Don Segundo.1 Siya rin ang nakatagpo ng kayamanan ni
Simoun at ginamit ito para sa kalayaan ng Pilipinas.2

2. Tata Matyas
Siya ay isang matandang rebolusyonaryong nakatira sa isang kubo sa Sierra
Madre na madalas dalawin ng mga gerilyero.1 Siya ang laging hinihingan ng payo ni
Mando at siyang nagbanggit kay Mando ukol sa kayamanan ni Simoun.2

3. Pastor
Si Pastor ay ang ama ni Puri at lider ng mga magsasaka sa Hacienda Montero.1
Tinanggal siya ni Don Segundo sa pagiging katiwala matapos niyang suwayin ang
utos ng Don.2

4. Puri
Si Puri ang magandang anak ni Pastor.1 Siya rin ang naging kasintahan ni
Mando bagaman sila ay magpinsang buo.2

5. Don Segundo Montero


Si Don Segundo ay isang mayaman na may-ari ng Hacienda Montero at puno ng
sindikato ng mga kontrabandista.1 Siya ay ganid at makasarili.2

6. Donya Julia Montero


Si Donya Julia ang asawa ni Don Segundo Montero at ina ni Dolly Montero.1 Siya
ay isang mahinang babae at kunsintidor sa mga maling gawain ng kanyang anak at
ng kanyang asawa.2

7. Dolly Montero
Si Dolly ang nag-iisang anak nina Don Segundo at Donya Julia Montero.1
Bagaman magandat makabago, maraming beses siyang nasawi sa pag-ibig.2
Ikatlong Bahagi: PAGSUSURI

Ang unang bahagi ng nobela ay naganap sa panahon ng pananakop ng mga


Hapon sa Pilipinas at nagwakas naman sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.1
Ipinakita kung paano tratuhin ng Hapones ang mga Pilipina tulad ni Dolly na niloko
lamang ni Heneral Moto at ang pagmaltratong ginawa ng sundalong Hapon kay Andoy.2
Sinabi rin sa nobela kung paano nagpabango ang mga Amerikano sa mga Pilipino at
kung gaano kadali nila tayong nasakop dahil dito.3

Malawak ang kaalaman ng may-akda ukol sa pananakop ng mga Hapon at


Amerikano sapagkat nabuhay siya mula 1903 hanggang 1970.4 Siya ay naging
intelligence officer din ng guerrilla noong panahon ng Hapon.5 Ayon kay Epifanio San
Juan, Jr., na nagsulat ng Panghuling Salita ng libro, ang mga pangyayaring nakatala sa
aklat ay kaugnay sa mga karanasan sa buhay ng may-akda.6 Makikitang may mga
pagkakatulad ang mga karanasan ng mga tauhan sa kuwento at ang mga karanasan ni
G. Hernandez lalo na buhat sa kanyang pagkakapiit sa bartolina ng Muntinlupa.7

Ang karakter ni Mando ay may pagkakaparehas kina Juan Crisostomo Ibarra at


Simoun, mula sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.8 Ipinakita sa
nobela kung paano siya nagbago at kung paano siya naging matagumpay sa ilan sa
mga nais gawin ni Simoun para sa Pilipinas.9 Tulad ng salamin ni Simoun na ginamit sa
pagbabalatkayo, ang pilat ni Mando ang nagbigay daan sa panibagong pagkakataon
upang gumawa ng hakbang na makakabuti sa lahat.10 Siya ang sumisimbulo sa
kabataang kumilos para mapabuti ang bayan dahil naging biktima ng karahasan at ng
pagiging gahaman. 11

Si Tata Matias naman ang Pilosopo Tasyo o wise man ng nobela.12 Siya ang
parating hinihingan ni Mando ng payo.13 Siya rin ang nagsimula ng pagbabago sa
pagkatao nito sa pamamagitan ng pagpapahanap niya kay Mando sa kayamanan ni
Simoun.14

Sinisimbulo ng pamilya Montero ang bulok na sistema ng lipunan ng Pilipinas.15


Si Don Segundo ang katumbas ng mga ganid na pulitiko at korapsyong laganap sa
pamahalaan at sa matataas na antas ng lipunan sa Pilipinas o ang mga tinatawag ni
Hernandez na mga mandaragit ng lipunan.16 Si Donya Julia naman ang katumbas ng
mga mamamayang hinahayaan lamang na mamayani ang kasamaan at pang-aabuso
samantalang si Dolly ang sumisimbulo sa mga biktima ng mga mang-aapi at
manloloko.17

Si Pastor ay tila kahawig ng karakter ni Kabesang Tales sa El Filibusterismo


sapagkat napakabait niya at mabuti siyang katiwala ngunit nang siyay abusuhin at
kumampi sa mga kalaban ng administrasyon, napahamak siya at nabawian pa ng
buhay.18 Siya ay sumisimbulo rin sa mga mahihirap o sa pinakamababang antas ng
lipunan na siyang nagsisilbi sa mga nasa itaas ngunit sila rin ang naagrabyado.19
Maraming aral na hatid si G. Amado V. Hernandez sa pamamagitan ng nobela
ngunit marahil, ang pinakmalaking isyu na kailangang harapin ay ang ganid sapagkat
lahat ng katiwaliang nangyari sa nobela ay resulta lamang ng ganid at pagkamakasarili
ng mga tauhan.20 Ganid ang nagpatakbo sa buhay ni Don Segundo.21 Dahil sa ganid,
siya ay nakapagsinungaling at nakagawa ng mga ilegal na bagay.22 Marami rin siyang
karamay ngunit hindi na nila naisip na marami silang tinapakang tao.23 Dahil rin sa
ganid kaya namatay si Martin.24 Ninais niyang angkinin ang mga alahas ni Simoun at
gamitin ito para sa kanyang sariling interes ngunit sa huli ay si Mando pa rin ang
nagtagumpay dahil si Mando ay simbolo ng pag-asa sa bayang winasak na ng mga
gahaman.25 Hindi lamang mga pulitko ang gahaman.26 Ang bawat isa sa atin ay
ipinanganak na makasarili at marami tayong mga kagustuhan at pangarap sa buhay
pero tulad ni Mando, nasa mga kamay pa rin natin ang desisyon para gumawa ng mas
makakabuti sa lahat, lalo na para sa bayan.27

You might also like