You are on page 1of 2

Bakit ka nagdarasal ng rosaryo?

Kung ako ang tatanungin mo, ito marahil ang aking isasagot.

1. Ang rosaryo ay isang debosyon sa buhay-katoliko. Ipinapaalala sa akin ng rosaryo


ang kasaysayan ng aking pananampalataya. Gaya ito ng nangyaring conversion sa buhay ni
San Pablo. Sa totoo lang, hindi masyadong relihiyoso ang pamilya ko. Hindi deboto ang
aking mga magulang. Habang lumalaki ako, dumadalang ang pagsama nila sa pagsisimba.
Hinahayaan na lang nila ako magsimba. Ang Lolo ko ay isang miyembro ng Knights of
Columbus. Pero hindi ako pinalaking nagpupunta sa mga mahahabang nobena. Kung may
isang maaalala ako tungkol sa pag-ibig ng aking pamilya sa Diyos, iyon ay ang tuwinang
pagdarasal ng rosaryo ng aking yumaong Lola. Tuwing dapithapon, bago maghapunan,
sumasama kami sa pagdarasal. Nagpapatuloy ito hanggang ngayon.

2. Ang rosaryo ay hango sa Banal na Kasulatan. Ang rosaryo ay isang mahalagang gamit
namin noong nasa elementarya at hayskul ako. Naaalala ko yung mga living rosaries na
isinasagawa noon tuwing Oktubre. Malaking bahagi ng binibigkas sa rosaryo ay mekanikal:
paulit-ulit na Aba Ginoong Maria at Ama Namin, at ang pagkakabisado sa apat na Misteryo
Kung meron mang bagay na natutunan ako sa mga pag-uulit-ulit na ito, iyon ay ang
makabisado ko ilang bahagi ng Bibliya. Ang Aba Ginoong Maria ay hinango sa Lukas 1:28
mula sa pagbati ng Anghel Gabriel at sa Lukas 1:42 mula sa salita ni Elisabet, ang pinsan ni
Maria. Ang Ama Namin ay galling naman sa Lukas 11 at Mateo 6. Gayundin, ang
panalanging Luwalhati ay dasal sa Santisima Trinidad. At higit sa lahat, nakabisado ko ang
buhay ni Kristo. Kapag nakabisado mo ang mga misteryo ng Santo Rosario, makakabisado
mo ang buhay ni Kristo. Hindi ito nalalayo sa kasaysayan. Noong panahon ng Middle Ages,
ang edukasyon ay tanging pribilehiyo ng mga monghe. Malaking bahagi ng populasyon ay
walang natatamasang edukasyon. Upang maintindihan nila ang mensahe ng salita ng Diyos,
itinuro sa kanila ng mga monghe ang Aba Ginoong Maria, Orasyon (Angelus) at Pater
Noster (Ama Namin). Ang rosaryo ay ginamit noon sa edukasyong pangkateketikal.

3. Ang rosaryo ay isang meditasyon sa buhay ni Hesus. Tinuruan ako ng rosaryo na


pahalagahan ang buhay ni Hesus. Mas madalas kong dinarasal ang rosaryo tuwing
nagbibiyahe. Inaamin ko, magandang paraan iyon upang hindi mainip sa kawalan ng
Gawain sa pagbibiyahe. Madalas, nakakatulog ako. Pero ang gusto ko sa pagdarasal ng
rosaryo ay ang maraming paraan kung paano ito dasalin. Pwede mong dasalin ang buong
misteryo, o maaari mong dasalin lamang ang unang misteryo at magkaroon ng meditasyon
sa particular na aspeto ng buhay ni Kristo, o dasalin lang ito upang sa pagtulog ay Diyos ang
iyong huling gunita. Mabuting matulog sa yakap ng Diyos.

Kung ihahambing ko ang buhay ko ngayon kay Kristo, kailangan ko ang paulit-ulit na
meditasyon sa buhay Niya. Isang bagay na dapat klaro sa ating lahat: hindi natin sinasamba
si Maria---tanging ang Diyos na Santatlo ang ating sinasamba. Ngunit binibigyan natin ng
pinakamataas na pagpapahalaga si Maria. Sa maraming imahen ni Maria, bawat galaw o
hilig ng katawan (gesture) ay may kahulugan. Halimbawa ang sa Ina ng Mapag-ampon. Isa
sa gestures niya ang dala sa batang Hesus. Ipinapakita niyang sa paglalim ng ating
debosyon kay Maria, naihahatid niya tayo sa kanyang anak na si Hesus. Hindi aksidente
lang na tinatawag din natin ang rosaryo bilang debosyon. Ang pagdedebosyon ay
nagpapalalim sa ating pagmamahal, pagtitiwala at pananabik sa isang tao, gawain o bagay.
Sa ganang akin, ang pagdedebosyon kay Maria ang magpapalakas ng ating pagmamahal sa
kanyang Anak na ating Diyos.

4. Nag-uulit tayo upang maalala; umaalala tayo upang mag-ulit. Kapag tinanong
kumbakit paulit-ulit ang rosaryo, hango kasi ito sa totoong buhay. May namamayaning
kultura ngayon na gustong-gusto ng pagbabago. Ang kahit na anong nag-uulit ay boring.
Ngunit mag-isip muli. Maraming bagong bagay ang nagmula sa pag-uulit. Ang isang
siyentipikong imbensyon ay bunga ng paulit-ulit at madalas ay palpak na eksperimento.
May mga bago at dagdag na ideya dahil sa paulit-ulit na pag-aaral ng mga dalubhasa.
Nahahasa ang ating talento at kakayahan dahil sa paulit-ulit na ehersisyo at disiplina sa
sarili. Lumalalim ang pag-ibig dahil sa paulit-ulit na pagbigkas sa salitang "I love you," at
maraming paraan upang ipakita ito: araw-araw na paghahanda ng nanay sa hapag-kainan,
araw-araw na pagpapadala ng text messages, regular na dates at selebrasyon. Lahat ito'y
paulit-ulit. walang magaganap na pagbabago hangga't hindi paulit-ulit itong gagawin. Kung
nais mong mahalin si Hesus, paulit-ulit mong ulit-ulitin ang Kanyang buhay. Hindi ka lang
nagkakaroon ng habit, ikaw mismo ang magiging habit. Dasalin mo ang buhay ni Hesus, at
magiging tulad mo siya.

Iyan ang rosaryo para sa akin. Ito ang mga dahilan kung bakit dinarasal ko pa rin ito
hanggang-ngayon.

You might also like