You are on page 1of 9

Katarungang Panlipunan ni Manuel L.

Quezon

Hindi maikakait na ang Pilipinas ay nagkaroon ng malaking pagkakasulong maging sa mga


suliranin ng pamayanan at maging sa suliranin ng pamumuhay sa loob ng huling tatlumpung taon.
Sa pamayanan at pamamahala ay nakaabot tayo hanggang sa tugatog nitong ating kalagayan,
halos taglay natin ang buong mga karapatan ng isang pamahalaang makasarili at sa ganito’y
matitiyak na tuloy ang pagdating ng ganap na kasarinlan. Sa pangkalakalan ng Amerika, ang
ating mga kalakal na panlabas at panloob ay nag-iibayo ang kalakhan – isang gabi, ang
kayamanang bansa natin at umunlad nang di-gaano lamang, Nakagawa tayo ng malaking
pag-unlad sa kalinisan, sa pagtuturo, at sa pagbubukas ng mga lansangan at lahat ng uri ng
pahatiran, at gumagamit tayo ng mga pamamaran at kasangkapang makabago sa pamumuhay.
Ngunit ang karamihan sa nagtatamasa sa mga kaunlarang ito ay ang mga mayaman at mga
nakaririwasa lamang.

Ang mga mayayaman ay maaring mabuhay sa gitna ng karangyaan. Ang ilan sa mga anak
nila ay lumalaki sa layaw at kasaganaan, at ang kanilang pag-iisip ay nahuhulog sa ugaling
walang minamahalaga kundi ang mga bagay na panlipunan, mga kasayahan, libangan at iba
pang mararangyang hilig ng katawan, anupa’t nangahihirati sa isang kabuhayang walang halaga,
di-maibigan sa paggawa at salat sa mga damdaming makatao. Ang mga nakaririwasa, na siyang
panggitnang uring di-mayaman at di-mahirap, ay nagkaroon naman ngayon ng lagay ng
pamumuhay na makapupong mataas kaysa noong panahon ng Kastila. Ang mga anyaya’t
pangangailangan ng kasalukuyang kabihasnan ay naabot na ng kanilang kaya at
napagtamasahan. Ang mga anak nilang lalaki’t babai’y napakakain nang mabuti, napaparamtan
ng magara, napag-aaral ng magaling – laksa-laksa sa kanila ang nagsisipag-aral ng lalong
mataas na karunungan.

Nakakalungkot sabihin, ngunit siyang katotohanan, na ang ganyang mga ginhawa ay


walang-wala sa ating baying manggagawa. Maging ang mga lalaki’t babaeng ngayo’y
nagsisigawa sa lupa, maging ang nagsisipasok sa mga pagawaan, ay bahagya nang may
ikinahihigit na kagaanan ng buhay sa mga kabuhayan ng mga mangagawa noong panahon ng
mga Kastila. Tunay nga na ang mga pasahod o upahan ngayon ay lumalaki kaysa sa mga
bayaran noong tayo’y nasa ilalim pa ng kapangyarihan ng Espanya, at ang mga kasahuran dito
ngayo’y mataas kaysa umiiral sa alinmang bayan dito sa Kasilangan, matangi sa Hapon.
Datapwat dapat naman nating alalahaning sa isang salapi noong panahong Espanya ay
maraming bagay o pangangailalangang nabibili kaysa sa isang salapi ngayon at saka, sa
pagsasamahan ng nagpapagawa nang mga panahong yaon, ay may isang uri ng
pagpapalayang makapupong mahal sa ganang isang mangagawa o kawani kaysa halaga ng
salapi.

Noon, ang mga nagpapagwa at mga manggagawa ay nagkakalapitan ng anupa’t


nagpapalagayan silang parang tunay na magmamagulang o magkakamag-anak, kaya
nabibigkis ng buklod ng pagmamaalang mapupong matibay kaysa tali ng salapi. Ngayon, ang
mga pagsasamahan nila’y tunay na sa mag-iibang tao, na walang kaanu-anumang buklod ng
pagmamalasakit, gaya na rin ng pangyayari ng mga ibang lupaing pinaghahari ng malaking
industriya. Ang ating mga ninuno naman, dala ng kanilang malaking kamangmangan, ay tikis na
nangasisiyahan sa mahirap nilang pamumuhay, paano’y may mapaniniwala silang ang gayong
mga paghihirap ay bagay na di maiiwasan sa ibabaw ng lupa pagkat siyang tadhana ng
Maykapal, na kailangang tiisin ng sinumang ibig magtamo ng gantimpla sa kalangitan.

Ngayon, ang manggagawang Pilipino, pagkahangal-hangal man, ay ayaw nang maiwalang


kalooban ng Maykalpal ang pangyayaring ilan sa kanyang mga nilikha’y mabuhay sa
kasaganaan at karangyaan samantalang ang iba’y mabuhay naman sa pagtitiis at karalitaan.
Ang mangagawang Pilipino ngayo’y may paniniwala nang siya’y minamahal din ng Ama ng
Sangkatauhan katulad ng alin pa mang tao ng kanyang nilikha, at sa ganito’y hindi ginawa ang
daigdig upang pakinabangan lamang ng ilan, kundi upang kabuhayang maligaya ng lahat.

Ang pagpapaunlad ng bansa sa katarungang panlipunan ay tiyakang ipinag-uutos ng


Saligang-Batas natin. Ang ating palatuntunan, siyang palatuntunang tinganggap at
pinanghawakan ng bayan sa pagkahalal sa inyo at sa akin man naman, ay nag-aatang sa atin ng
mabigat na tungkuling lumikha at makapagpairal ng mga manggagawa. Dapat tayong magsikap;
na sa alin mang batas na ating ilalagda ay huwag magkaroon ng ano mang uri ng pagtutulot na
ang mga nagpapagawa, ay makapagsamantala sa kanilang mga mangagawa, at huwag
payagan ang ano mang palakad o pamamarang sukat makabigo sa mga matuwid na iyon ng
katarungan. Sa pagpapatag ng kapalaran ng bagong bansa nating ito ay dapat tayong
manghawak na di-gaano sa landas ng batas, na gaya sa katibayan ng pagtatapat ng bawat
mamayaman sa kanyang pamahalaang ito na itinatag at pinairal nang dahil lamang sa adhikaing
sila’t paraparang matangkilik, at alang-alang sa kanilang ikakalaya at ikaliligaya.

Maging ang Kagawaran ng Katarungan at maging ang Kawanihan ng Paggawa ay kapwa


nalalaang tumutulong sa inyo sa paghahanda ng mga panukalang batas at kapasyahang sukat
makita sa mga batas na kasalukuyang umiiral, at nang sa ganito’y maisaayos at malunasan ang
mga katiwalian at kaapihang nananaig pa sa bayan, at upang matupad din naming mahusay ang
mga simulang ukol sa suliraning ito’y itinatadhana ng ating Saligang-Batas at gayon din ng mga
pangako nating nasasaad sa ating palatuntunang panghalalan.

You might also like