Nuong panahon nan gang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay
mayruong mag-asawa ng naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.
Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay
kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.
Maliit pa lang ay kinikitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.
Ilang lingo pa lang mula nang siya’y ipinanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.
Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol,
siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang. Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.
Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang
lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan sa masukal na kagubatan ng San Mateo.
Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait,
matulungin, at metatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay. Agad na nilusog ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.