You are on page 1of 6

I.

Pamagat

Ang pamagat ng aming napiling nobela ay Unforgettable na isinulat ni Ash Manantan


Malanum, isa sa mga sumisikat na manunulat sa panahon ngayon. Sa wikang Filipino,
ang kahulugan ng Unforgettable ay hindi malilimutan. Ang nobelang ito ay isang
piksyunal na tumutukoy sa mga hindi malilimutang karanasan, pangyayari at mga aral
sa buhay ng pangunahing tauhan na si Jasmine na may sakit na ASD o Autism
Spectrum Disorder kasama ang kanyang Lola Olive at ang kaibigang aso na si Happy.

II. May Akda

Ang nobelang Unforgettable ay isinulat ni Ash Manantan Malanum. Isa rin siyang
manunulat ng mga teleserye at pelikula at ang Unforgettable ang kauna-unahang
nobelang kanyang naisulat. Ilan sa mga naisulat ni Ash na pumatok sa madla ay ang
I Love You to Death taong 2016 at Kiko Boksingero taong 2017. Isa rin siya sa mga
sumulat ng sikat na teleserye noon, ang Lola basyang.com taong 2015 at ng
Sleepless Series taong 2018. Sa hinaharap ay nagpaplano si Ash na sumulat pa ng
maraming libro na may iba't ibang genre. Bukod sa pagsulat, hilig rin niya ang
panonood ng mga pelikula at mga teleserye pati na rin ng mga palabas patungkol sa
Isports gaya ng Volleyball at Figure Skating. Sa katunayan ay gustong-gusto niya ang
Triple Axel Jump ni Yuzuru Hanyu.

III. Mga Tauhan

Jasmine- si Jasmine ang pangunahing tauhan sa kwento. Isang dalagang may sakit
na ASD o Autism Spectrum Disorder ngunit kahit gayon, siya ay matalino, mabait at
mapagmahal, ayon nga lang palagi siyang nakakasakit ng damdamin ng iba dahil sa
pagiging tapat niya sa lahat ng bagay, kung ano ang totoo ay iyon ang sasabihin niya.
Sa unang kabanata pa lamang ay ipinakita na kung anong buhay mayroon si Jasmine
at kung ano ang pag-uugali niya, pati na rin ang mga bagay na ayaw at gusto niya, at
mga nakasanayan na gawin sa araw-araw.

Lola Olive- Maituturing na ikalawang tauhan sa kwento. Siya ang nag-alaga kay
Jasmine at sa dalawa pa nitong kapatid na sa Maynila na naglagi. Dahil sa katandaan
ay nagkasakit siya ng Tubercolosis at Alzheimers. Maganda, mabait at mapagmahal
na lola si Lola Olive lalo na kay Jasmine, ang paborito niyang apo.

Happy- ang kaibigang aso ni Jasmine na tumulong at dumamay sa mga oras na


naghihirap si Jasmine. Ang asong nagligtas sa kanya ng maraming beses simula doon
sa magnanakaw (riding in tandem) at maging sa muntikang pagkakalunod niya sa
ilog.
Iba pang mga tauhan

Ate Dahlia- ang nakatatandang kapatid ni Jasmine, asawa ni kuya Carlo at mga ina
nina Cia at Sab.

Ate Violet- ang sumunod kay Ate Dahlia. Mas simple ang buhay nito kumpara kay
Ate Dahlia na mayaman.
Tita Dulce- ang pamangkin ni Lola Olive at tiyahin nina Jasmine na madalas mag-
organisa ng mga pagsasalo o reunion upang makatanggap ng mga papuri.
Kuya Carlo- asawa ni Ate Dahlia at mga ama nina Cia at Sab.
Dr. Santos- ang mabait na doktor nina Jasmine at Lola Olive.

1
Nurse Jena- ang may kahinaan sa loob na nurse na nag-alaga kay Lola Olive at
itinuring na ring kaibigan ni Jasmine.

Dr. Dong Garcia- ang gwapo't mabait na beterenaryo na tumulong kay Happy upang
gumaling ang mga sugat nito.
Manong- ang taxi driver na humold-up kay Jasmine dahil sa kahirapan ng buhay.

Janet- ang may-ari ng karinderya na tinulungan nina Jasmine at Happy sa pagse-


serve sa mga kumakaing kostumer, ang mabait na babaing tumulong kila Jasmine
upang makauwi sa Baguio.

Nanette- ang ina ni chuchay na nag-alaga kay Jasmine nang siya'y lagnatin at
tumulong sa paghahanap kay Happy.

Chuchay- ang anak ni Nanette na tumulong kay Jasmine na hanapin si Happy at


sumama sa kanya pauwi sa Baguio.
Lalaki sa Café- ang lalaking suspetsa ni Chuchay na may gusto kay Jasmine.
Cia at Sab- mga pamangkin ni Jasmine, ang mga anak ni Ate Dahlia.

IV. Mga Tagpuan


A. Pook

Nagsimula ang kuwento sa Baguio kung saan lumaki at namuhay si Jasmine at Lola
Olive. Dito rin sila nagpatayo ng Café na siyang kabuhayan nila.

Nabanggit din sa kuwento ang Maynila kung saan nakatira ang dalawang kapatid ni
Jasmine na sina Ate Dahlia at Ate Violet. Nang magkasakit si Lola Olive ay dito muna
namalagi si Jasmine, sa bahay ng kanyang ate Dahlia. Dito rin sa Maynila nakilala ni
Jasmine ang kaibigang si Happy.

Ang Cubao. Dito naman nakilala ni Jasmine ang may-ari ng karinderyang si Janet
nang sila'y maligaw matapos manakawan ng taxi driver.

Veterinary Clinic sa loob ng subdivision nila Ate Dahlia. Dito nakilala ni Jasmine si Dr.
Dong Garcia, ang gumamot kay Happy.
Sa palengke. Sa may harap ng tindahan nina Nanette at Chuchay nakitang walay
malay si Jasmine at dito nila ito nakilala.
B. Panahon
Sa nobelang ito ay walang eksaktong araw o petsa ang nabanggit. Ito ay ang ilan sa
mga nabanggit na panahon sa kuwento.

Papasikat palang ang araw ay gising na si Jamine... gustong-gusto talaga niya ang
malamig na klima ng Baguio. (p.6)

Maaga pa lamang ay matiyagang pumila sina Lola Olive at Jasmine sa Lotto Outlet.
(p.15)

Dumating ang Family Reunion... sa isang hotel ballroom sa Baguio ginanap ang
kanilang reunion. (p. 25)
Maaga siyang nag-umpisang magluto... (p. 44)
Unang araw ng breakfast na kasama nila si Happy...(p.89)
Samantala, magigising si Lola Olive sa gitna ng gabi para...(p.92)
Magigising si Jasmine sa nakakasilaw na sikat na araw. Umaga na pala... (p.123)

2
5:30 am. Magri-ring ang alarm...(p.211)

V. Buod

Papasikat palang ang araw ay gising na si Jasmine, kinuha niya ang kanyang unan
at niyakap ito. 5:28 am palang, aantayin niyang mag eksaktong 5:30 am bago
umpisahan ang nakasanayan niyang gawin sa araw-araw. 5, 4, 3, 2, 1, tutunog na sa
wakas ang kanyang alarm at sisigaw siya ng today is a new day.

Nagsimula ng magligpit at maghanda ng almusal si Jasmine para makakain na sila


ni Lola Olive. Pagkatapos kumain ay magtutungo sila sa malapit na lotto outlet para
tumaya, palabas na sila ng gate ng biglang ipasiguro ni Lola Olive kay Jasmine kung
nakainom na ba ito ng gamot at kung natanggal ba sa saksakan ang ginamit na
plantsa na agad naman nitong sinunod.

Pagkatapos magtungo sa lotto outlet ay dumiretso na sila sa pagmamay-ari nilang


Café at nagsimula ng magtrabaho. Simple lang ang kanilang Café at itinayo nila ito
upang magkaroon ng kabuhayan si Jasmine kung sakaling mamatay na si Lola Olive,
kumuha rin sila ng mga tauhan na gaya ni Jasmine ay mayroon ding ASD o Autism
Spectrum Disorder. Sa kanilang Café ay pumasok ang mukhang mayaman ngunit
maarte nilang kostumer kasama ang anak nito at yaya, maarte itong umorder at
tinarayan pa si Jasmine dahil hindi raw ito nagsulat sa notebook ng mag-take order
ito ngunit walang ano-ano'y ni-recite ni Jasmine ang eksaktong sinabi ng kostumer at
binigyan pa ng libreng pagkain ang kasama nitong yaya na hindi manlang inorderan
ng amo nito. Mapapangiti si Lola Olive.

Bata pa lamang ng mamatay ang mga magulang nina Jasmine, Dahlia at Violet at
tanging si Lola Olive na ang nag-alaga sa tatlong bata. Di lumaon, lumawas ng
Maynila ang dalawang kapatid ni Jasmine at doon na naglagi samantalang siya ay
nabuhay kasama ang kanyang lola sa Baguio. Lahat ng magagandang asal ay
natutunan ni Jasmine mula sa kanyang lola ngunit hindi parin maiiwasan na
makasakit siya ng damdamin ng iba dahil na rin sa sobrang tapat niya palagi, kung
ano ang nakikita niya ay iyon ang sasabihin niya.

Maganda at masaya ang bawat araw ni Jasmine kasama ang kanyang lola subalit ng
magkasakit ang kanyang lola ng Tubercolosis ay kailangan nitong manatili sa ospital
upang magpagaling at si Jasmine naman ay napilit na sumama sa Maynila, sa bahay
ng ate Dahlia niya dahil wala siyang makakasama sa Baguio. Dito nagbago ang
buhay ni Jasmine, hindi siya sanay sa buhay sa Maynila at hindi siya makapag-adjust.
Dito niya nakilala si Happy, ang isang madungis na aso na naging kaibigan niya
simula ng iligtas siya nito sa mga magnanakaw ng isang araw ay maglayas siya at
ng ma-realize din niya na kamukha ito ng dating aso ni Lola Olive na Happy din ang
pangalan kaya niya ito pinangalanang Happy.
Ang sakit na TB ni Lola Olive ay nadagdagan pa ng Alzheimers, mas lalo pa itong
lumala. Nalaman ito ni Jasmine at nagpasyang umuwi ng Baguio mag-isa dahil alam
niyang hindi siya papayagan ng mga ate niya.

Ito ang unang desisyong ginawa niya sa tanang buhay niya, ang pag-uwi sa Baguio
para sa Lola Olive niya kasama si Happy dahil naniniwala siya na mapapagaling ni
Happy ang kanyang lola. Maraming pagsubok na pinagdaanan si Jasmine bago
marating ang Baguio. Maraming masasamang tao ang nakasagupa niya at marami
ring mga bagong kaibigan ang tumulong sa kanya kaya nakauwi siya ng ligtas.

Malala na ang sakit ni Lola Olive at hindi na talaga magtatagal, inaalala na lamang
nito ang pinakamamahal nitong apo na si Jasmine. Mahal ni Jasmine ang kanyang
lola at kahit na alam niyang mahirap mabuhay ng wala ito lalo na't araw-araw niya

3
itong mami-miss ay tinanggap niya na hindi habang buhay makakasama niya ang
lola niya. Sinanay ni Jasmine na mabuhay mag-isa, mabuhay ng hindi dumedepende
sa kanyang lola. Pinili niyang manatili sa Baguio habang lingo-lingo naman siyang
binibisita ng kanyang mga ate na simula ng mawala ang kanilang lola ay nagkasundo
rin sila at pinahalagahan ang isa't isa. Pinagpatuloy ni Jasmine ang nakagawian
niyang routine sa araw-araw at nagtatrabaho kasama si Happy at ang bago niyang
kaibigan na si Chuchay na sa Café na rin nagtatrabaho.

Sa ngayon ay masasabi na ni Jasmine na kayang-kaya na niyang harapin ang buhay


para sa kanyang lola at para sa sarili niya.

VI. Teoryang Pampanitikan

Ang akda ay isang piksyunal at mapupunta ito sa teoryang Siko-Analitiko dahil


nakatuon ito sa kalagayan ng isang tao. Maaaring sa pag-iisip o sa kanyang pag-
uugali. Ito rin ay pag-aaral sa kilos o gawi ng mga tauhan at pananalita ng mga
tauhan.

Kaya nasabing ito ay papasok sa teoryang siko-analitiko dahil ang pangunahing


tauhang si Jasmine ay may sakit na ASD, nabanggit sa kuwento ang kanyang
kalagayan na sa kabila ng kanyang sakit ay nakapamuhay siya ng normal tulad ng
iba iyon nga lang ay iba ang kanyang talino at pagiging tapat, ayaw rin niya ang
hinahawakan siya ng tao at tanging sa kanyang lola lamang. Nabanggit rin ang
palagiang pagbigkas niya sa letrang R para siya'y masanay.

Papasok rin ang akda sa teoryang Feminismo dahil nagpapakita ang pangunahing
tauhang babae ng kalakasan at kakayahan sa pagharap ng anumang pagsubok sa
buhay at ganoon nga ang nangyari kay Jasmine.

VII. Mga Pansin at Puna


A. Sa Tauhan

Si Jasmine, Lola Olive at Happy ay ang mga tauhang mamahalin mo ng sobra sa


kuwento, hindi dahil sila ang mga pangunahing tauhan kung hindi dahil sa mga
katangian na kanilang taglay. Si Jasmine kahit na sa paningin ng iba ay hindi normal
ay nagawa pa ring mabuhay ng normal kasama ang kanyang Lola Olive. Alam naman
ng lahat na sa realidad hindi lahat ng may sakit na ASD ay nagagawang mamuhay
ng normal ngunit kung matututukan at mabibigyan ng wastong gabay ay magagawa
nila ito ng mas madali na nagampanan naman ng mahusay ni Lola Olive. Siya ang
nagbigay ng lahat ng pagmamahal na kailangan ni Jasmine. Si Happy naman, ang
kaibigang aso ni Jasmine na isa rin sa nagbigay sa kanya ng lakas para mabuhay. Si
Happy ang nagpatunay na ang mga aso ay ang Man's bestfriend.
B. Istilo ng Awtor

Pasalaysay ang ginamit ng awtor upang maikuwento ang buhay ni Jasmine at third
person's point of view ang kanyang paraan sa pagsasalaysay. Makikita rin sa akda
pagpapalit ng awtor mula sa paggamit ng wikang Filipino ay magiging Ingles,
halimbawa ay, " Kailangan kong madala si Happy kay Lola. Dati nung may sakit siya,
dahil sa dog bigla siyang gumaling. Baka ngayon, mase-save siya ulit", na winika ni
Jasmine. Mapapansin din na wasto ang paggamit ng awtor sa gramatika. Sa kabuuan
ang buong kuwento ay maganda at mahusay.
C. Galaw ng Pangyayari

4
Bawat pangyayari sa kwento ay nakakadala lalo na ang mga emosyon na nakapaloob
dito. Bawat eksena ay magkakarugtong kaya mauunawaan mo talaga ang takbo ng
pangyayari. Ang buong kuwento ay nakatuon sa pangunahing tauhang si Jasmine at
ang ilan naman ay sa perspektibo ni Lola Olive.

VIII. Bisang Pampanitikan


A. Bisa sa Isip

Habang binabasa ang kuwento makakaramdam ka ng iba't ibang uri ng emosyon,


pagkatuwa, paghanga, pagkamangha, pagkalungkot at sa huli pa'y maiiyak ka dahil
sa mga karanasan at kaganapan sa buhay ni Jasmine. Ang akdang ito ay piksyunal
ngunit maaari mo itong maiugnay sa realidad, sa mga totoong pangyayari rin sa ating
lipunan. Naipakita rin dito ang tipikal na pag-uugali ng mga Pilipino halimbawa na
lamang kapag tayo ay nagkakamali ay nararapat na humingi tayo ng patawad sa
taong nagawan natin ng pagkakamali.
B. Bisa sa Damdamin

Maaantig ang iyong puso habang binabasa mo ang akdang ito ni Ash Manantan
Malanum, dahil sa napakahusay ng kanyang pagsulat ay mararamdaman mo ang
damdaming nakapaloob dito, lalo na ang bawat eksena ni Jasmine. Nakatutuwa rin
ang katangian ng karakter ni Jasmine dahil sa kabila ng lahat ay naging positibo pa
rin siya sa lahat ng oras, lahat ay kinakaya niya at sinisikap na maging maayos kahit
na sa huli ay wala na ang kanyang pinakamamahal na lola at dahil na rin kay Happy
na hindi siya iniwan.
C. Bisa sa Lipunan

Naipakita rin sa akdang ito ang kahirapang dinaranas ng Pilipinas, bagamat iilang
eksena lamang ay mapupukaw pa rin ang iyong atensyon. Sa eksena kung saan
nahold-up si Jasmine ng taxi driver pauwi niya papuntang Baguio dahil sa hirap ng
buhay at pagkakaroon ng malubhang sakit ang kanyang anak. Minsan kasi ang
kapwa natin Pilipino ay nakagagawa ng krimen dahil sa kahirapan ng buhay gaya ng
mga riding in tandem na nabanggit rin sa kuwento.

Naipakita rin dito ang pakikitungo ng mga tao sa naiba sa kanila, sa kagaya na
lamang ni Jasmine na maituturing na iba dahil sa isa siyang autistic na tao at para sa
iba ay hindi siya normal. Madalas na masama ang trato sa kapwa natin na problema
sa pag-iisip at ang iba pa ay hindi maunawaan ang kanilang kalagayan. Makikita ito
sa pag-uugali ng karakter na si Tita Dulce na tiyahin nila Jasmine.

IX. Aral na Nakapaloob

Sa pagbabasa ng akdang ito, hindi ka lamang madadala sa mga emosyon na


nakapaloob dito kundi kapupulutan rin ito ng magagandang aral na maaari nating
isabuhay at ibahagi na rin sa iba pa na alam mong nangangailangan ng ganitong mga
aral sa buhay.

Ang pagtulong sa kapwa sa lahat ng oras ikaw man ay mayaman o mahirap kahit na
sa maliit na bagay ay tumulong ka. Si Jasmine ay napakabait, napakamapag-bigay
at matulungin kaya hindi na ako nagulat na kahit hindi siya lubusang kilala ng mga
taong bago pa lamang niya nakilala ay bukas-palad ang mga itong nagbigay ng tulong
upang makauwi siya sa kanyang lola. Napakasarap sa pakiramdam ang tumulong at
walang mawawala sa atin kung gagawin natin ito sa lahat ng oras, at lagi ding
tatandaan na kapag tumulong tayo ay hindi dapat tayo maghangad ng kapalit.

5
Ang pagbibigay ng pagmamahal hindi lang sa taong malapit sa atin kundi sa lahat.
Naniniwala ako na kapag ang buong mundo ay napuno ng pagmamahal at
pagmamalasakit sa isa't isa, wala ng problema pa ang hindi kayang lagpasan at
solusyonan.

At panghuli kong natutunan sa kuwentong ito ay ang pagtanggap sa pagkakaiba-iba


nating mga tao. Sa pamamagitan nito magagawa natin ang una at pangalawa.

Ito ang mga aral na natutunan ko sa pagbabasa ng nobela ni Ash Manantan Malanum
at naniniwala ako na ako, kayo, lahat tayo kayang magawa ito lalo na kung ating
sisikapin at isasapuso. Ito ang aral na napulot ko na alam kong kailangan ko ding
maibahagi sa iba.

X. Mga Mungkahi
A. Sa Lipunan

Sa pagbabasa ng akdang ito marami kang kapupulutan ng aral. Bilang mag-aaral ay


imimungkahi ko na simulan ding basahin ang akdang ito hindi lang upang maantig sa
kuwento kundi upang malaman niyo kung anong mga aral ang natutunan ko sa
pagbabasa nito na alam kong malaki ang maitutulong sa paglago ng ating pagkatao.
Ang mga aral na mapupulot dito ay malaki rin ang maitutulong sa ating lipunan.
B. Sa Ekonomiya

Sadyang mahirap ang ekonomiya ng ating bansa lalo na ngayon ngunit hindi ito sapat
na dahilan upang gumawa tayo ng mga bagay na makasasama sa ating kapwa
maging sa ating mga sarili. Laganap ang krimen sa buong bansa at kahit mismo sa
akdang ito ay makikita mo iyon. Bakit nga ba may mahirap samantalang mayroon
namang mayayaman rin sa Pilipinas, para sa amin dahil kulang tayo sa
pagmamalasakit sa isa't isa, dahil imbes na tumulong tayo sa ating kapwa ay mas
mababa pa ang tingin natin sa kanila. Minumungkahi ko na sana para lamang sa
ikauunlad ng kaunti ng ating ekonomiya ay isipin naman natin ang kapakanan ng iba.
C. Sa Sarili

Ang lipunan at ekonomiya ay hindi magiging maayos at maunlad kung mismo ang
ating sarili ang nagkukulang. Tayong indibidwal ang dapat na manguna, tayo ang susi
ng pag-unlad. Gaya ko na sinisikap na gawin ang mga natutunan ko sa akdang ito
sana kayo rin ay magampanan ito ng buong husay at taos sa puso.

You might also like