You are on page 1of 5

PAGSUSURI NG PELIKULA

Dekada '70
May Akda: Lualhati Bautista
Direktor: Chito S. Rono

1. Pagkilala sa May Akda

Si Lualhati Bautista ay isang bantog na babaeng Pilipinong manunulat. Kadalasan, ang


mga akda niya ay nasa anyong nobela o maikling kuwento, pero nakalikha na rin siya ng
ilang akdang-pampelikula.

Ilan sa mga nobela niya ang: Gapo, Dekada '70, at Bata, Bata, Pa'no Ka Ginawa? na
nakapagpanalo sa kanya ng Palanca Award ng tatlong beses: noong 1980, 1983, at
1984. Nakatanggap din siya ng dalawang Palanca Award para sa dalawa sa kanyang
mga maikling kuwento: Tatlong Kuwento ng Buhay ni Juan Candelabra (unang
gantimpala, 1982) at Buwan, Buwan, Hulugan mo Ako ng Sundang (pangatlong
gantimpala, 1983). Noong 1984, ang kanyang script para sa Bulaklak ng City Jail ay
nagwagi bilang Best Story-Best Screenplay sa Metro Manila Film Festival, Film
Academy Awards, at Star Awards.

2. Uri ng Panitikan

Ang pelikulang "Dekada '70" ay unang nakilala bilang isang nobela na nilikha ng isang
batikang manunulat na si Lualhati Bautista.

3. Kaisipan / Ideyang taglay ng Akda

Sumasalamin ang pelikulang ito sa mga tunay na nangyayari noong panahon ng Batas
Militar sa Pilipinas. Nais nitong ipabatid na mula sa panahon na iyon, labis na
karahasan, paghihirap, at pag aaklas ang nasa isip ng bawat tao. Malinaw na
inilalarawan nito ang ibat-ibang pangyayari na nararanasan ng bawat tao sa ilalim ng
isang diktaduryal na pamumuno.

BAHAGI NG PELIKULA

1. Pangunahing mga Tauhan

● Vilma Santos - gumanap sa papel ni Amanda Bartolome bilang ina ng pamilya.


● Christopher De Leon - gumanap sa papel ni Julian Bartolome bilang ama ng
pamilya. Asawa ni Amanda.
● Piolo Pascual - Ginampanan ang papel ni Jules Bartolome, ang panganay sa
magkakapatid na Bartolome. Isang komunista.
● Carlos Agassi - Gumanap bilang Isagani Bartolome. Pangalawa sa
magkakapatid at siya ang nagplanong mag ibang bansa upang maging isang
sundalo ng Estados Unidos.
● Marvin Agustin - Gumanap bilang Emmanuel Bartolome. Pangatlo sa
magkakapatid na Bartolome.
● Danilo Barrios - Gumanap bilang Jason Bartolome.
● John Wayn Sace - Gumanap bilang Benjamin Bartolome, ang bunso sa
magkakapatid na Bartolome.

2. Suliranin

Ang pelikulang ito ay nagpapakita ng maraming suliranin sa lipunang ginagalawan ng


tao. Ito ay naglalaman ng karahasan at karumal dumal na krimen dulot ng ipinaiiral na
Batas Militar. Sa pelikulang ito ipinapakita ang mga totoong nangyayari sa
mamamayang Pilipino noong dekada '70.

3. Tagpuan

Ang mga pangyayari sa pelikula ay naganap sa bansang Pilipinas noong dekada '70
habang ipina iiral ang Batas Militar sa panahon ng pamumuno ng dating pangulo na si
Ferdinand Marcos.

4. Banghay/Buod

Ang panahon ng Martial Law ay nagdulot ng ibayong hirap sa mamamayang Pilipino.


Isang di-makatao at di-makatarungang gobyerno na nagbibingi-bingihan sa daing ng
mamamayan. Laganap sa bansa ang iba’t ibang klaseng krimen gaya ng salvaging.
Magkabila ang rallies at iba pang demonstrasyon na kinabibilangan ng mga
estudyanteng imbis na nag-aaral ay nakikipaglaban upang makamit ang kalayaan at ito
ang lubhang bumagabag kay Amanda Bartolome, isang tipikal na maybahay, ina ng 5
anak na pulos lalaki. Ang kanyang buhay ay umikot na lang sa pagiging ina at asawa at
nakuntento na siya sa pagiging ganito kahit na kakulangan ang nadarama niya para sa
sarili. May mga pangarap siyang ninais din niyang matupad, itinuring niya na lang na
ang katuparan ng mga pangarap ng kanyang mga anak ay katuparan na niya rin.

Una, ang panganay na si Jules, may liberal na pag-iisip. Naging isang komunista, di
man matatawag na isang tunay na propesyon dito na niya natagpuan ang katuparan ng
kaniyang pangarap, pangarap ng isang makataong lipunan para sa anak nila niMara at
sa iba pang kabataan naghahangad ng mabuting kinabukasan. Sumunod ay si Gani,
maagang nag-asawa’t nagkaanak ngunit mabilis din silang nagkahiwalay ni Evelyn.
Pagkatapos, siya’y nanirahan na sa abroad kapiling ng kaniyang bagong pamilya. Ang
pangatlo si Em, pinakamatalino sa magkakapatid naging isang magaling na manunulat
sa isang lingguhang pahayagan na tumutuligsa sa Martial Law.
Ikatlo, ang pinakamalambing na si Jason, ang kakulangan niya bilang estudyande ay
matagumpay na napagtatakpan na katangian niya bilang anak. Isang araw, sa di-
inaasahang pagkakataon, natagpuan ang kaniyang bangkay sa isang basurahan, hubo’t
hubad, labimpito ang saksak, tagos sa baga ang iba tuhog pati puso. May marka din ng
itinaling alambre sa pulso, talop halos ang siko, tastas pati hita’t, tuhog, basag pati
bayag. Malagim at malupit ang pagkamatay ni Jason, salvage dahil kung bakit at kung
sino ang may gawa walang makapagsabi. Ang kaso ng pagkamatay ni Jason ay hindi na
nagkamit ng hustisya.

Pagkatapos, ang bunsong si Bingo namulat sa mundong walang katahimikan at walang


katiyakan, ngayo’y magtatapos na ng kolehiyo.

Iba’t iba ang kinahinatnan ng buhay ng mga anak ni Amanda. Sa loob ng 27 taon ng
pagiging asawa at ina, sa kaniyang palagay hindi siya ganap na umunlad bilang tao.
Nagsilbi na lang siyang bantay sa paghahanap at pagkatagpo ni Julian ng katuparan
niya bilang tao, sa paglaki ng kaniyang mga anak at pagtuklas ng kanilang kakayahan at
kahalagahan.

Si Julian naman ay naging manhid at parang walang pakialam sa kakulangan nadarama


ng kaniyang asawa, naging walang kibot sa mga problemang kinakaharap ng kanilang
pamilya. Kaya minsan napag-isip-isip ni Amanda na makipaghiwalay na dito, sa kauna-
unahang pagkakataon nagawa niyang ipaalam kay Julian ang pagkukulang niya sa
kaniyang pamilya, lalo na kay Amanda. Pinigilan siya ni Julian at nangakong
magbabago at kaniya namang tinupad ang pangakong iyon.

Paulit-ulit na binabalikan ni Amanda ang masasayang alaala ng kabataan ng kaniyang


mga anak. Masarap ang maging ina habang maliliit pa ang mga anak mo, habang wala
pa silang sinasaktan sa ‘yo kundi kalingkingan ng paa mo na natatapakan nila sa
kasusunod at kapipilit magpakarga pero hintayin mo ang panahong kasintaas mo na
siya, ‘yong panahon ng pagkakaroon niya ng sariling isip at buhay, buhay na hiwalay na
sa’yo, at matitikman mo sa kamay niya ang mapapait na kamatayan habang inihahanda
mo ang kasal na hindi niya gusto. Habang nagpuputukan sa tapat ng kongreso sa isang
pagkakataong hindi pa siya umuuwi. Habang binabasa mo ang balitang nasugatan siya
sa isang sagupaan. Habang ibinibigay nila sa’yo ang selyadong kabaong ng batang
kailanma’y di mo malilimutan hinugot mula sa tiyan mo.

Ito ang nadama ni Amanda nang pumunta sila sa burol ni Willy, kaibigan at kasamahan
ni Jules sa NPA na napatay sa isang engkwentro. Naging mahirap para kay Amanda na
tanggapin ang pagkamatay ni Jason at ang pagsali ni Jules sa NPA, hindi niya mapigilan
ang sarili sa pag-aalala sa kalagayan nito na minsan pa nga ay nagdadala ng mga
kasamahang sugatan sa kanilang tahanan upang ipagamot sa ina. Maging ang
pagkasira ng relasyon nila Gani at Evelyn. Ang pagkakamali at mga kabiguan ng
kanyang mga anak ay nagagawa niyang isisi sa sarili, iniisip niya na marahil mayroon
siyang pagkakamali sa pagpapalaki sa mga ito. Natamo niya ang kaganapan ng
kanyang pagkatao sa pagtulong na kaniyang ginagawa sa mga sugatang kasama na
dinadala ni Jules. Pagtulong na bukal sa kanyang puso, tungkulin hindi naman iniatas sa
kanya ninuman o isang obligasyon, na kahit gaano man kapanganib ay nagawa pa rin
niyang gampanan.Tuloy pa rin ang laban tungo sa kalayaan, nakaalpas man tayo sa
pagmamalupit ng diktador, tuloy pa rin ang laban na sinumulan pa ng ating mga ninuno
at hindi ito matatapos hanggang may mga taong gahaman sa kapangyarihan.

Sa madaling sabi, marami pang buhay na handang ibuwis at marami pang tulad nila
Jules at Mara na handang makipaglaban upang makamtan ang kalayaan ng ating
bayan. Bilang pagtatapos, natutuhan niyang pangibabawan ang kahinaa’t kahirapan. Sa
mga kamay ng kaaway o sa larangan man. Magiting siyang nanindigan.

5. Genre ng Pelikula

Ang Dekada '70 ay isang uri ng pelikula na nagpapakita ng karahasan, paghihirap, at


labis na paggamit ng masisidhing damdamin. Ito ay n may genre na drama dahil ang
bawat pangyayari sa pelikula ay nagpapakita ng makabag damdamin na eksena at
dayalogo. Ang pelikulang ito ay may kakayahan na mapukaw ang emosyon ng bawat
manonood. Ito ay naglalarawan sa hirap na pinagdaanan ng pangunahing tauhan at
pagpapahayag ng makatotohanang paglalabas ng damdamin.

6. Tunggalian

Tao laban sa Lipunan - ipinapakita nito ang di makatarungang pagtrato ng lipunan sa


mga normal na mamamayan tulad ng pangunahing tauhan. Sinubukan labanan ni Jules
ang gobyerno gamit ang kanyang mga salita upang ipahayag ang kanyang hinaing sa
lipunang kanyang ginagalawan.

DULOG/TEORYANG PAMPANITIKAN

Ang pelikulang "Dekada '70" ay gumamit ng dulog na "Sosyolohikal" dahil ito ay nakapokus sa
lipunang ginagalawan ng mga tauhan sa kwento. Malaki ang papel ng lipunan sa istorya dahil
ito ang nagsilbing dahilan kung bakit nalikha mismo ang pelikula. Nabigyang diin ang bawat
pangyayari sa pelikula dahil sa lipunang mayroon ito sapagkat dito nagmula ang mga suliranin
ng pangunahing tauhan sa kwento.

Ang pelikulang ito ay gumamit ng teoryang realismo dahil ang buong kwento mismo ay hango
sa tunay na pangyayari. Ang lahat ng mga eksena ay maihahalintulad sa mga pangyayaring
tunay na naganap sa tunay na buhay. Maging ang suliranin na nakapaloob sa kwento ay
makatotohan din sapagkat ito talaga ay ang pinaka malaking suliranin na kinakaharap ng mga
Pilipino noong panahon ng Batas Militar. Ang mga lugar kung saan ginanap ang bawat eksena,
ito ay makatotohan at maging ang mga tunggalian, ito ay tunay na nangyayari maging sa
kasalukuyan.
Bilang pagbubuod ng aking pagsusuri, ang pelikulang ito ay maituturing ko bilang isa sa pinaka
matagumpay na pelikula sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas. Ang pelikulang ito ay talagang
nakakamangha at nagawa nitong mapukaw ang damdamin ng mga manonood. Kaya hindi na
kataka taka na nanalo ito ng maraming parangal dahil ito talaga ay isang magandang produkto
ng mahusay na paggawa ng pelikula.

You might also like