Professional Documents
Culture Documents
Ang tagpuan ng Dekada '70 ay noong kapanahunan ng Batas Militar sa kasaysayan ng Pilipinas. Noong 1970, ang Republika ng Pilipinas ay nasa ilalim ng pamamahala ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Noong Setyembre 21, 1972, idineklara ni Marcos ang Batas Militar na naglagay sa Pilipinas sa pamamalakad ng mga Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, ngunit pinanatili ang sariling kapangyarihan. Sa ilalim ng panahon ng Batas Militar, pinagisa ni Marcos ang lakas ng hukbong sandatahan, nilimitahan ang kalayaan sa pagpapahayag, at ikinulong ang mga kalaban sa pulitika.
Mga Tauhan
Amanda - ina sa limang lalaki na pangunahing tauhan sa kwento at asawa ni Julian. Pinakita ang katatagan ng loob sa lahat ng pangyayaring nasaksihan at naranasan sa ilalim ng rehimeng Marcos. Julian - asawa ni Amanda na kaagapay nito sa pagpapalaki sa mga anak. Naging mabuting ama sa kwento, kaantabay sa pagdedesisyon, pangangalaga at pagprotekta sa kanilang mga anak. Jules - panganay na anak nina Amanda at Julian. Pinagpasyahang tumulong sa mga rebeldeng NPA upang tuligsain at iwaksi ang rehimeng Marcos. Isagani - ikalawang anak ng mag-asawa na naging sailor at itinuring na cream of the crop ng pamilya. Nagkaroon ng simpleng pagkakamaling mabuntis ang kasintahang si Evelyn. Emmanuel - pangatlong anak ng mag-asawang Bartolome. Piniling maging manunulat ngunit hindi sinang-ayunan ng ama sa kadahilanang maliit lamang ang sweldo. Jason - pang-apat na anak na maituturing na isang tipikal na teenager. Napatay ng mga pulis ng rehimeng Marcos. Benjamin - bunsong anak ng mag-asawang Bartolome. Isang batang nasa kalagitnaan ng kanyang pagbibinata. Mara - babaeng nakilala ni Jules bago ito mabilanggo. Nabuntis at pinakasalan niya ito habang nakakulong. Evelyn - ang kasintahan ni Isagani na nabuntis. Kalaunan sila ay pinakasal dahil magkakaroon na sila ng anak.
Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y nagmamasid na sa mga nangyayari. Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar. Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan," wika nga ni Amanda. Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's world." Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran: "Ang inyong anak ay hindi n'yo anak, Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo" Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa! At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do'nTutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api? Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya. Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din." Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada. Unang naipakilala sa 'kin ang Dekada '70 noong Oktubre 1996 ni G. Christopher Amat, guro sa Komunikasyon sa College of Arts and Sciences ng University of Perpetual Help System-Laguna (UPHSL). Mula noon, hindi ko tinantanan ang pagbabasa ng aklat hanggang sa ito'y matapos ko sa loob lamang ng dalawang linggo. Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan. Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL, itinuring ko na ang nobela bilang
nirerekomendang reading material para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng organisasyon. Sa mga panahong gaya ng dekada 70-na dekada ng pagkamulat at pakikibaka-natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan ng bago. Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalungat sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos."