You are on page 1of 13

PAGSUSURI NG NOBELA

DEKADA ‘70

Princess Murielle P. Catacutan


Baitang 9- Napier
Gng. Arlyn T. Austria
I. Pamagat
-Dekada „70
II. May-akda
Si Lualhati Torres Bautista, ipinanganak noong
Disyembre 2, 1945 sa Tondo, Maynila, ay isang
nobelista at tanyag na manunulat sa pelikula
at telebisyon. Ang kanyang mga magulang na
sina Esteban Torres at Gloria Torres ang naka
-impluwensiya sa kay Lualhati na gawing prope-
syon ang paggamit ng pluma‟t papel dahil sa
kanilang pagtangkilik sa panitikan. Nagtapos
siya ng elementarya sa Mababang Paaralan ng
Emilio Jacinto taong 1958, hayskul mula sa Mataas
na Paaralang Florentino Torres taong 1962 at
nakapag-aral ng journalism ngunit isang taon
lamang mula sa Pamantasang Liseo ng Pilipinas.
Iilan sa kanyang mga akdang nagtamo ng
parangal ay ang „Sakada‟, „Kung Mahawi
Man Ang Ulap‟, „Bulaklak ng City Jail‟, „Dekada ‟70‟
at „Bata, Bata, Pa‟no Ka Ginawa?‟. Nagsilbi siya Larawan ni Lualhati Torres Bautista
bilang bise-presidente ng Screenwriters Guild of
the Philippines, lider ng Kapisanan ng mga
Manunlat ng Nobelang Popular at miyembro ng
University of the Philippines Creative Writing
Center sa taong 1986.
III. Kahulugan ng Pamagat

A. Bago magbasa
Bago ko ibuklat ang pahina ng librong ito, naging palaisipan na sa akin kung anu-ano ang magiging
nilalaman nito. Naging paunang ideya sa akin ang mga kaganapan sa panahon ng 1970, ang panahong
namamayagpag ang batas-militar sa ating bansa dahil sa pamagat nito. Naging konklusyon sa aking
isipan na ito‟y papaksa sa mga kaganapan sa rehimen ng dating pangulo na si Ferdinand Marcos.
Misteryoso ang pamagat nitong „Dekada „70‟ kung saan mahihinuha ko bilang isang mag-aaral, parte ng
kabataan at isang Pilipino ang pagpaksa sa kapigha-pighating kalagayan ng bansa nang ako‟y hindi pa
isinisilang sa mundong ibabaw.
B. Pagkatapos magbasa
Ang Dekada ‟70 pala‟y hindi lamang basta-bastang pagpapahayag ng mapait na katotohanan. Hindi
lamang ito pagsasalaysay ng mga karumal-dumal na pangyayari kundi ang pagsiwalat sa katotohanang
naghirap ang bansang Pilipinas at ang mga payak na mamamayang naghahangad ng kaginhawaan sa
buhay. Namutawi ang kwento ng pamilya Bartolome at ang nagsasalaysay sa kabuuan ng obrang ito na
si Amanda Bartolome, isang maybahay na punong-puno ng mga katanungang hindi niya masagot-sagot
dahil sa hindi pantay na pagtingin sa kalalakihan at kababaihan. Nariyan ang karanasan niya bilang ina
ng mga supling na unti-unting nag-iba ang mga paniniwala at ang hinanakit ng isang nanay
nagmamahal sa mga anak niyang nasawi dahil sa paniniwalang dapat mag-alsa sa pamahalaang nasa
batas-militar noong kapanahunan. Napakalalim ng kahulugan ng pamagat nito, pinapaksa nito ang
sinapit ng bansa, hindi pantay na pagtingin sa mga sekswalidad, at ang hinagpis ng isang ina na walang
ibang minithi kundi ang kaligtasan ng kanyang buong mag-anak sa panahong delikado ang lahat.
IV. Mga Tauhan

1. Amanda Bartolome

Si Amanda Bartolome ay ang maybahay ni Julian Bartolome Sr. at ang ina ng limang anak na lalaki. Sa
simula ay mainit niyang tinanggap ang pagtingin ng lipunan sa tulad niyang kababaihan na ang
pawang silbi lamang ay magsilbi sa kanyang kabiyak at mag-alaga ng kanilang mga supling. Naging
mabuti siyang asawa at naging sunod-sunuran siya sa anumang sasabihin ng kanyang kabiyak. Mabuti
siyang ina na anuman ang paniniwala ng kanyang mga anak ay nirerespeto niya ito. Ngunit sa
kalauna‟y unti-unting napukaw ang kanyang kuryosidad at nagkaroon siya ng lakas ng loob upang
magkaroon ng boses sa loob ng kanilang tahanan.

2. Julian Bartolome Sr.

Siya ang kabiyak ni Amanda Bartolome at ama ng limang anak na lalaki. Siya ay tunay na apo ng isang
haciendero sa isang lugar sa Norte na may dugong Kastila, dugong maharlika at piyudal. Namamasukan
siya bilang inhinyero at siya ang bumubuhay sa kanyang mag-anak ngunit kakakitaan siya ng pagiging
patriarko sa tahanan. Responsable man siyang nag-aakyat ng perang kakailanganin ng mag-anak,
hindi man lang siya naglampin o tumulong sa anumang gawaing-bahay kahit noon man na nagbabawi
pa ng lakas si Amanda matapos magbigay-buhay sa kanilang mga anak. Maprinsipyo siyang ama at
naniniwala siya na “It‟s a man‟s world!”

3. Julian “Jules” Bartolome Jr.

Ang panganay sa limang supling nina Amanda at Julian Bartolome Sr. Bininyagan noong panahong uso
pa ang mga pangalang kolonyal. Siya ay naging aktibo sa mga aktibidades sa „campus‟ noon pa lamang
na siya‟y nasa sekundarya sa kolehiyo at tumakbo at nanalo bilang president ng „student council‟.
Namulat sa tunay na estado ng lipunang kanyang kinabibilangan kaya‟t sumasali sa mga welga at
protesta. Matindi ang kanyang paninindigan at kalauna‟y sumali na sa kilusan at madalang na umuwi
sa kanilang tahanan. Nagkaroon ng asawang nagngangalang Mara at anak na si Rev. Nakulong sa
Campo Crame at pinahirapan nang husto sa pamamagitan ng pambubugbog at pangunguryente.

4. Isagani “Gani” Bartolome

Isinunod ang kanyang pangalan sa paboritong pinsan ni Amanda na namatay sa tungkilin niya bilang
isang pulis. Aktibo siya sa mga programa at patunay nito ay ang kanyang pagsali sa „exchange visitors
program‟ sa pagitan ng Amerika at Pilipinas at ang kanyang paggugol ng ilang buwang pag-aaral sa
California. Maaga niyang pinasok ang pakikipagrelasyon kaya naman sa murang edad ay nakabuntis na
niya ang kanyang kasintahang si Evelyn. Dahil sa mahigpit na paniniwala, ipinakasal siya rito upang
hindi siya makasuhan at mapagkamalang nang-aagrabyado. Iniwan niya ang kanyang mag-inang sina
Evelyn at ang kanyang anak na si Anna Lissa upang pumpasok sa US Navy at magtrabaho sa San Diego.
Dahil dito, hindi nagtagal ang relasyon nila ni Evelyn at sila‟y naghiwalay. Nagkaroon siya ng bagong
asawang nagngangalang Jean at naniniwala siyang mas maraming oportunidad sa bansang Amerika
upang umasenso.
5. Emmanuel “Em” Bartolome

Nangangahulugan ang kanyang pangalan ng „tagapagligtas‟. Siya ang pinakamatalino sa limang


magkakapatid at kampeon siya sa „spelling bee contest‟. Marami siyang nadaluhang lektura at
„seminars‟ at kalauna‟y naging iskolar sa UP. Namulat din siya sa aspetong politikal at
kalauna‟y naging isang manunulat na mayroong prinsipyong inilalapat sa mga artikulong kanyang
isinusulat. Nagtrabaho sa „advertising company‟ pagkatapos niya sa kolehiyo.

6. Jason Bartolome

Siya ang pasaway sa limang magkakapatid ngunit napupunan niya ito dahil sa kanyang
pagiging „sweet‟ at mapagmahal na anak. Nang-„hijack‟ siya ng mga bulaklak sa
bakod ng kapitbahay upang ibigay kay Amanda sa Araw ng Mga Ina. Bulakbol siya sa kanyang pag-aaral
ngunit siya ang paborito ni Julian Sr. Nagkaroon ng mga barkada at kadalasa‟y gabi na kung pumanhik
sa kanilang tahanan. Nahulihan umano ng marihuwana ng mga pulis at naikulong ngunit siya‟y hindi na
nakauwi pang muli dahil siya ay na‟salvage‟ na pala at malamig na bangkay na lamang ang
sinalubong sa kanyang pamilya.

7. Benjamin “Bingo Bartolome”

Ang bunso sa supling nina Amanda at Julian Sr. Nangangahulugan ang kaniyang pangalan na „huling
anak na lalaki‟. Malapit siya sa kanyang Kuya Jules at sa mga kaibigang dumadalaw sa kanilang
tahanan ngunit katagala‟y napalayo ang loob nito. Inuunawa niya ang mga bagay na banyaga pa sa
kanyang payak na isipan sa tahimik na pamamaraan.

8. Willy

Matalik siyang kaibigan ni Jules at aktibo rin siya sa pag-aalsa laban sa pamahalaan. Miyembro siya ng
kilusan at mayroong pinanghahawakang prinsipyo bilang bahagi ng kanyang bayan. Namatay siya sa
engkwentro laban sa militar bilang isang NPA.

9. Evelyn

Siya ang kabiyak ni Gani. Nakatira man sa bubong ng pamilya ni Gani, matindi rin ang kanyang
pagsalungat sa gusto ni Gani kaya‟t madalas ay nagkakasagutan silang mag-asawa na nagpapakita ng
kanyang tapang at paninindigan kahit siya‟y babae. Hinahangaan siya ni Amanda dahil sa angkin niyang
pagpapasya sa mga bagay-bagay katulad na lamang ng pakikipaghiwalay kay Gani at pagtatrabaho na
nagpapakita ng kanyang nais na hinahadlangan ng lipunan ngunit kanyang isinakatuparan.

10. Anna Lissa

Ang munting batang iniluwal sa mundo ni Evelyn. Nagbigay-saya sa tahanan ng mga Bartolome. Siya ang
apo nina Amanda at Julian Sr.

11. Domeng

Pinaniwalaang kasapi ng kilusan at nanatili sa bahay ng mga Bartolome. Ngunit kalauna‟y nalaman na
isa pala itong „adyaks‟ o espiya mula sa military.
12. Mara

Siya ang babaeng kasama ni Jules sa kilusan at sila‟y nagkamabutihan. Kalauna‟y umuwi sila sa
bahay nina Jules nang siya‟y nagdadalang-tao na at sinabing kinasal sila sa kilusan. Sila ay
magkatulad ni Jules ng prinsipyong ipinaglalaban. Epitomo siya ng isang babaeng malakas ang loob
at matindi ang pang-unawa. Ipinanganak niya si Rev nang wala ang kanyang asawa sa kanyang
tabi at patuloy na nagtago sapagkat siya rin ay umaalsa sa gobyerno.

13. Rev

Siya ang anak nina Mara at Jules. Hindi ninya nakita ang pamilya Bartolome sapagkat kasama niya
ang kanyang inang nagtatago sapagkat siya ay bahagi ng kilusan.

14. Danilo “Rene” Bagawisan

Siya ang dinalang binatang sugatan ni Jules sa kanilang tirahan. Napasabak siya sa engkwentro
umano sa pagitan ng mga miyembro ng kilusan at militar. Imbes na isang linggo lamang, nanatili
siya ng isang buwan at napalapit sa mag-anak.

15. Ronnie

Siya ang kaibigan ni Jason na tumawag kay Amanda upang ipaalam na si Jason ay nahulihan ng
marihuwana at nadampot ng pulis upang ikulong na hindi na nakauwi.

16. Lieutenant Liboro

Ang military sa detention center na patagong nagpapasok ng dalaw na itinuturing ni Amanda bilang
isang mabait na tao.

17. Colonel Valderama

Inakala ni Amanda na maari niyang lapitan upang ilapit ang kaso ni Jules sapagkat nakagaanan
niya ito ng loob at nangangamusta ito sa kanyang anak. Napag-alaman ni Amanda na si Colonel
Valderama pala ang naunang bumugbog sa kanyang anak na si Jules at walang awa itong sinaktan.
Bukod pa roon, may hinaharap pala itong dalawang kaso ng panggagahasa na inihain ng mga
babaeng nakakulong.

18. Colonel Banal

Siya ang colonel ng Judge Advocate General‟s Office at ang may hawak ng kaso ni Jules. Nang siya ay
mapromote, inirekomenda niya ang „release paper‟ ni Jules kaya naman nakalaya ito.

19. Marela

Siya ang batang survivor sa malagim na masaker sa isang baryo sa Samar noong 1981 na inuwi ni
Em sa kanilang tahanan. Iniligtas siya ng kanyang katalinuhan sapagkat nang magputukan ay
nagkunwari siyang patay at nanatiling nakadapa hangga‟t hindi umaalis ang naglalaban. Iniligtas
niya ang isang sanggol nang marinig niya ang uha nito.
V. Buod ng Nobela
Nag-umpisa ang nobela pagbibigay-kilala sa mga tauhan habang nagsasalaysay ang ina ng mag-anak na
si Amanda. Siya ay isang uri ng asawang alipin ng hindi pantay na pagtingin sa silbi, kakayahan at sa
tungkulin ng babae at lalaki. Una‟y hindi niya binigyang -pansin ang mga pangyayari sa kanyang
kapaligiran at nanantili siyang ignorante sa mga kaganapan sa kanyang lipunang kinabibilangan subalit
noong magsimula nang manaig ang damdaming aktibista at pagiging tuligsa sa pamahalaan
ni Jules at ang pagka-mapusok at pagiging disgrasyado ni Gani na nagbunga ng pagkabuntis sa isang
babae ay tuluyan na siyang nabahala nang husto. Sumibol ang kuryosidad sa kanyang puso at damdamin
kung ano nga ba ang rason ng ipinaglalabang prinsipyo at paniniwala ni Jules at bakit
ito tuluyan nang sumapi sa kilusang kalaban ng pamahalaan. Dahil dito, tila nanlamig ang relasyon at
koneksyon nila bilang isang mag-anak. Nakaranas din pati ang ilan pang anak ni Amanda at Julian Sr.
ng mga suliraning bunga ng batas-militar.
Pagkaraan pa ng mga taon, dumaluhong ang iba‟t ibang unos at pagsubok sa pamilya Bartolome na
patuloy siyang sinusubok bilang isang mag-anak. Naibilanggo si Jules, maagang paghihiwalay ni Gani at
Evelyn, pagsasawalang-bahala ni Jason sa pag-aaral, pagiging manunulat ni Em na minsa‟y natataguring
subersibo at patuloy na pagkalito at pagkwestyon ni Bingo sa mga kaganapang nangyayari sa paligid
niya. Walang awang pinatay si Jason, naging biktima siya salvaging kaya nagkaroon ng matinding away
sa pagitan ni Julian Sr. at Amanda na kamuntik nang magpalugbog sa relasyon nilang matagal nang
nagsimula at inakalang magwawakas. Hindi naman naganap ang binalak gawin ni Amanda na
makipaghiwalay at dahil ito ay patuloy na hinarap na magkasama ng magkabiyak ang lahat ng
mabibigat na problemang dumating at dumarating sa buhay nila bunga ng batas -militar.
Sa wakas, tagumpay na natapos ng mag-anak na Bartolome ang mga unos na nananatili bilang isang
pamilya pa rin hanggang sa dulo. Nakita kung gaano kahalaga ang pagiging matibay ng pundasyon ng
isang pamilya sa anumang dumating, dumarating at darating pang unos sa buhay ng bawat isa. Nagsilbi
ang nobela na magandanag halimbawa ng isang mag-anak na dumaraan sa mga pagsubok na inaakala‟y
hindi na malalagpasan sapagkat walang katapusan ngunit sa huli‟y mapagtatagumpayan din. Sinalamin
ng nobelang ito ang estado ng bawat paniniwala ng mga Pilipino, magmula pa noong dekada ‟70 at
hanggang sa kasalukuyang panahon.
VI. Pagsususri sa Nobela
A. Pagsusuring Pangnilalaman

1. Kalagayang Sosyal
Sa panahong ni Pangulong Marcos, marami sa mga pamilyang Pilipinong ang nagdidildil ng asin. Ngunit
kung sa pamilya Bartolome titingnan, kabilang sila sa normal o „middle-class‟ na uri ng pamilya. Sapat
ang kinikita ng kanyang asawa bilang inhinyero at natutugunan naman ang mga pangangailangan nila.
Hindi kinakailangan ni Amanda na maging „breadwinner‟ ng pamilya niya. Sapat lamang ang kanilang
salapi hindi katulad ng mga pamilyang mayroong gintong kutsara sa bibig at hindi rin naman isang
kahig, isang tuka tulad ng mga taong hindi nabiyayaan ng masaganang buhay o dukha. Isa ang pamilya
ni Amanda sa mga pamilyang hindi apektado ng papaurong na sulong at papabagsak na ekonomiya ng
Pilipinas noon. Isa ang pamilya niya sa hindi gaanong apektado kung patungkol sa disposisyon sa
trabaho upang magkaroon ng kita na magpapakain sa kumakalam na sikmura ng isang pamilya.
2. Kulturang Pilipino
Namayagpag ang hindi maipagkakailang kultura ng bawat Pilipino mula noon hanggang sa
kasalukuyan. Heto ang iilan sa mga kulturang nakalap mula sa obra maestrang Dekada ‟70:
1. Magiliw sa mga panauhin. Ipinahahayag sa nobela ang mainit na pagtanggap ng pamilyang
Bartolome sa sinumang kaibigang dinadala ni Jules o ng iba pang anak nina Amanda‟t Julian sa bahay.
Pinagsisilbihan nila ang mga bisitang dumadalo at nakapaglalagi sila nang walang pag-aalinlangan sa
tahanan. Halimbawa, noong dinala si Willy at Domeng na nakapalagayan ng loob ni Amanda. Noong
dinala si Rene at naging malapit ang loob nito kay Bingo at inalagaan siya hanggang sa siya‟y
gumaling.
2. Matatag na pundasyon ng isang mag-anak. Isa sa mga kulturang naging kongklusyon sa payak kong
isipan kung gaano katatag ang samahan nila bilang pamilya. Sa mga unos na nagdaan, sinikap nilang
harapin ang mga ito nang magkakasama at dahil dito, matagumpay nilang nalagpasan ang nagdaang
panahon ng pahirap, pasakit at paghihinagpis.
3. Walang kapantay na pagmamahal ng magulang sa kanyang anak. Kung mayroon mang isang kultura
na litaw na litaw sa akda, ang walang humpay na pagmamahal ng magulang na si Amanda sa kaniyang
mga anak. Sa mga panahong hindi pa alam ng kanyang mga anak kung anong landas ang balak nilang
tahakin, nariyan ang mga magulang. Sa panahong lumalaki ang mga anak, gumagabay ang mga
magulang. Nang makagawa ng sala ang mga anak, nagpapatawad ang magulang. At sa kahit anumang
hamon at pagsubok, ang mga magulang ay nasa likuran lamang.
4. Hindi pantay na pagtingin sa kasarian. Isa pa sa mga kulturang mahihinuha sa akda ay ang hindi
pantay na pagtingin sa kababaihan at kalalakihan. Hindi man ito isang uri ng isang kulturang
maganda, bahagi pa rin ito ng kultura ng ating bansa noong panahon ng 70‟s. Sa tingin ng tao, ang
mga babae ay nabuhay upang magsilbi sa kanilang asawa, mag-alaga ng mga anak at doon na
magtatapos ang kanilang tungkulin. Hindi katulad ng mga lalaki na mas marami ang oportunidad at
pagkakataon sa lahat ng aspetong panlipunan.
5. Relihiyosong paniniwala. Naisaad sa akda na ipinagisang-dibdib si Gani at Evelyn sa kadahilanang si
Evelyn ay nagdadalang-tao na. Malabo man kung isipin, ito ang paniniwala ng karamihan sa mga
Pilipino nang dahil sa relihiyong kanilang kinabibilangan na kapag ang magkasintahan ay aksidenteng
magkaroon ng isang bagay na pribado at para lamang sa mag-asawa at ang sinapupunan ng babae ay
magbunga ng bata, kinakailangan na nilang ikasal.
6. Nasyonalismo. Ang lumalagablab na pagmamahal ng mga Pilipino sa kanilang bayan ang namutawi
sa akda. Ang taong handang mamatay para sa bayan niya ay isang bayaning hindi kailanman
mapapantayan ang kagitingan. Katulad na lamang ng tahasang pagsama ng mga tao sa kilusan upang
ipagtanggol at ipagsigawan ang hinihiling nila at iniinda laban sa gobyernong dahas at kamay na bakal
ang ginagawa.
7. Kolonyal na mentalidad. Hindi lubos na maitatago na si Gani ay isang halimbawa ng Pilipinong
naniniwala na mas marami ang oportunidad kung sa ibang bayan maglilingkod. Halimbawa rin ay ang
mag-asawang si Amanda at Julian na ang pangalang ibinigay sa kanilang anak ay pawing ibang
lengguwahe. Katulad ng marami sa atin, tinatangkilik natin ang mga kolonyal na pamamaraan at
paniniwala mula pa noon hanggang sa kasalukuyang panahon ng modernisasyon kung saan mas bukas
na ang isipan ng iilan patungkol sa pagbabago ng iba‟t ibang aspeto nang dahil sa kaalaman at kilos ng
tao sa kaniyang lipunan.
8. Pagkakaisa. Tulad ng naganap sa akda, ang mga Pilipino ay mayroong pagkakaisa nang
mapawalang-bisa ang batas-militar dahil sa boses ng sambayanan upang maatim ang tunay na kalayaan.
Naniniwala ang karamihan sa mga Pilipino na ang hawak-kaway na paggawa ay may bungang para sa
lahat.

9. Pagkakaroon ng prinsipyo. Masasalamin sa akda na mayroong mga pansariling paniniwala ang mga
tauhan katulad na lamang ni Jules at Mara na matindi ang pagsalungat sa batas-militar, kay Julian Sr. na
naniniwala na ang lipunan nga ay „a man‟s world‟.

10. Amor propio. Ang amor propio o pagpapahalaga ng tao sa kanyang dignidad at prinsipyo ay
mamamataan din. Nang si Jules ay madakip ng militar at tahasang pinahirapan, hindi ninya tinalikuran
ang kanyang tungkulin at dignidad na isinuko sa kilusan na hinding-hindi magbibigay-kaalaman sa
awtoridad.

3. Pilosopiyang Pilipino

Ang mga pilosopiyang ito ay nasalamin ko sa pagbabasa ng Dekada ‟70 na ipinahayag ko na lamang sa
pamamaraan ng pagbibigay ng kasabihan.

“Ang tinig ng sambayanan ang kinabukasan ng bayang kanilang kinabibilangan. Ang bawat pagtuligsa
sa mga gawain ng pamahalaang tumatapak sa karapatan ng bawat isa ang pag-asa ng isang bansang sa
dusa‟y nalugmok na.”

“Ako bilang tao ay mayroong bahaging hinahanap upang mapunan ang pagkukulang ko sa aking sarili.
Ako bilang ako ay mayroong obligasyon sa aking bansa, sa aking lipunang kinabibilangan, sa pamilyang
aking minamahal at sa mismong ako na naghahangad ng kasagutan sa mga tanong sa aking
isipan.”

“Ang prinsipyo ko bilang tao ang magiging batayan ko sa buhay na ito. Ang mga prinsipyong
iningatan ko ang aking gabay sa pagdaan sa pedestal ng buhay na buhay na pawi‟y isang gulong na
may mga pagkakataong maligaya‟t nagdurusa.”

“Hindi lamang mundo ng kalalakihan ang mundong gina galawan ko, mundo ito ng bawat isa
na dapat nagtatamo ng pantay na karapatan sa bawat aspekto ng lipunan.”

“Kung ang nais ko‟y magtamo ng pagtanggap ng lipunang ito, ako mismo ang dapat na humakbang
patungo rito. Ako mismo na taong uhaw sa karapatan at ang tingin saki‟y pawang babae lamang ang
maglalagak ng dugo‟t pawis upang patunayan na ako‟y hindi lamang babaeng yaon ang kayang
pangatawan.”

B. Suring Pampanitikan

1. Paksa/ Tema

Malalim ang naging paksa ng Dekada ‟70. Nariyan ang usaping pampamilya, panlipunan at pampulitikal.
TInalakay sa akdang ito ang kahalagahan ng pamilya sa panahon ng mga unos na dumaraan sa loob at
labas ng kanilang tahanan. Ipinaksa rin ang paunti-unting pag-alam ng tao sa kanyang tunay na
gampanin at dapat na gawin sa kanyang lipunan. Naitampok din ang mga sensitibong usapin katulad na
lamang ng maagang pagbubuntis at ang pagiging mapusok ng kabataan at paggawa ng mga bagay na
itinuturing na immoral kung wala pa ang biyaya ng simbahan. Ipinahayag ng akdang ito ang
paghahanap ng tao ng tunay na importansya niya sa kanyang sarili at kung ano nga ba ang tungkulin
niya. Ipinaksa ang karumal-dumal na pamamaraan ng gobyernong may paggamit ng dahas at pagkitil
sa karapatan ng nakakarami. Samakatuwid, marami ang paksang inatampok dito na makatutulong sa
mga mambabasa na paigtingin ang kanilang damdamin na magising sa tunay na kinaharap ng kanilang
bansa.

2. Talinghaga/Terminolohiya

1. burgis- nangangahulugan ito ng „middle-class‟ na uri ng tao sa lipunan na madalas ay


inilalarawan bilang kumbensyunal, konserbatibo at materyalistiko

2. guerilla- isang pangkat o grupo ng mga taong tumutuligsa sa gobyerno sa pamamagitan ng


pakikipaglaban o paggamit ng dahas

3. piyudal- na ang ibig sabihin ay superyor ang mga kalalakihan sa mga kababaihan o
itinuturing na Diyos at ang mga kababaihan ay tagapagsilbi o alipin lamang

4. imperyalismo- batas o pamamaraan ng pamamahala kung saan ang mga


makakapangyarihang bansa ay naghahangad upang palawakin ang kanilang
kapangyarihan sa pamamagitan ng paglungsad ng mga pataban na pang kabuhayan at
pampulitikal sa ibabaw ng ibang mga bansa

5. pilantropo- taong nagkakawang-gawa para sa mga nangangailangan

6. welga- malayang pamamahayag o pagpapakita ng oposisyon, hinaing o pagsusumamo sa


gobyerno, hudikatura, lehislatura, pribadong opisina o ahensya

7. alimpuyo- mabilis at bayolenteng pag-ikot ng hangin

8. pagkakatigagal- pagkabalisa o pagkabagabag

9. mapaniil- mapang-api o mapang-abuso

10. subersibo- nagpapahayag ng pagtuligsa sa pamahalaan

3. Tunggalian

1. Tao laban sa sarili

Si Amanda bilang babae ay nakulong na sa paniniwala kung ano ang kanyang gampanin bilang isang
babae. Dahil sa makalumang tradisyon at pagtingin ng lipunan, patuloy na nababagabag si Amanda sa
mga bagay na iniisip niya. Hindi niya maipahayag ang nais niyang sabihin sa asawa dahil nga hindi
makaluma rin ang paniniwala nito.
Si Julian ay nagkaroon rin ng tunggalian sa kanyang pinanghahawakang prinsipyo. Kung noon sa
umpisa‟y masyado siyang nabulag ng kanyang paniniwala, unti-unti itong nagbago lalo na noong
magkaroon ng sari-sariling paniniwala ang kanyang mga anak na kung minsa‟y sinasagot na siya.
Ang asawa niya ring si Amanda ay nagbukas ng isipan niya kaya‟t sa dulo‟y may pagbabagong
naganap sa kanya.

Ang limang anak din ay nakaranas ng tunggalian laban sa sarili. Si Jules ay nagkaroon ng matayog
na prinsipyong ipaglaban ang kanyang bayan. Si Gani na nagdesisyong magtungo sa ibang bansa
upang magkaroon ng direksyon ang buhay. Si Em na ginamit ang pluma‟t papel upang ipahayag
ang kanyang paninindigan. Si Jason na naging bulakbol at kalauna‟y nasalvage at ang bunsong si
Bingo na pressured sa mga bagay-bagay kaya‟t pinili na lamang na maging inhenyero tulad ng
ama.

2. Tao laban sa tao

Halimbawa nito ay ang kilusang kinabibilangan ni Jules na sumasabak sa engkwentro laban sa


militar upang sila‟y tuligsain na mayroong sugatan at namamatay. Tulad na lamang ni Willy na
napatay at ni Rene na nasugatan.

3. Tao laban sa lipunan

Malinaw na masasalamin sa akda ang tunggaliang ito kung saan mayroong mga aktibista kabilang
ang anak ni Amanda si Jules na naglalayon ng karapatan at kalayaan dahil naniniwala silang
nilulugmok na ang bansa at mga mamamayan.

4. Kasukdulan

Ang pagkamatay ni Jason ang nagpaalab sa damdamin ni Amanda. Nang dahil dito,
nagkaroon ng lakas ng loob si Amanda na magkaroon ng boses at ipahayag ang kanyang
nararamdaman sa asawa. Dito niya pinatunayan na bukod sa pagiging asawa nais niya ring
gumawa ng aksyon para sa namayapang anak. Habang si Julian naman ay natauhan sa kung
ano nga ba ang himutok ni Amanda. Si Jules at Em ay patuloy na kumilos bilang aktibo sa
pamamaraang rebolusyonaryo at panitikan.

5. Teoryang Pampanitikan

Makabuluhan ang naging mga kaganapan sa Dekada ‟70 at maari itong ugnayan ng iba‟t
ibang teorya sapagkat naglalayon itong gisingin ang damdamin at isipan ng mambabasa sa
bawat kabanata. Heto ang mga teoryang naugnay ko:

1. Teoryang Historikal- Naglayon ang panitikan na ipakita ang mga kaganapan ng isang
lipunan na masasalamin sa kasaysayan.

2. Teoryang Moralistiko- Nailahad ang iba‟t ibang pamantayang nagiging sukatan ng isang
tao ng kanyang moralidad. Nailahad ang iba‟t ibang pilosopiya ng mga tauhan at mga
proposisyong nagsasaad ng tama o kamalian.
3. Teoryang Sosyolohikal- Naipakita ng akda ang kalagayan at mga suliraning panlipunan ng
lipunang kinabibilangan. Naipakita ang mga paraan ng tauhan sa paglutas ng mga problema at
pagsabay sa kalagayan ng lipunan na maaring magsilbing gabay sa mga mambabasa sa pagpuksa
ng mga katulad na suliranin.

4.Teoryang Markismo- Naipakita ang layon ng teoryang ito na ipakita na ang tao na sumasagisag
sa tao ay mayroong sariling kakayahan na umangat sa kanyang antas na nagsisilbing inspirasyon
at modelo para sa mga mambabasa.

5. Teoryang Eksistensyalismo- Malinaw na naipakita ang layunin ng teoryang ito na ipakita na ang
tao ay may kalayaang magdesisyon para sa kaniyang sarili na itinuring na sentro ng kanyang
human existence.

6. Teoryang Saykolohikal- Naipakita ang layunin na magpaliwanag sa pagbuo ng natural behavior


ng isang tao sa isang akda. Dahil dito, nagkakaroon ng pagbabago sa behavior ng isang tao.

7. Teoryang Arkitaypal- Ito ang uri ng teoryang nagpapakita ng mahahalagang bahagi sa isang
akda sa pamamagitan ng simbolo.

8. Teoryang Feminismo- Nagpapakita ng kalakasan at kakayahan ng mga kababaihan na


naglalayong iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga babae.

9. Teoryang Realismo- Layunin nitong ipakita ang karanasan at mga kaganapang saksi mismo
ang may-akda.

10. Teoryang Humanismo- Naglayon na ipakita na ang tao ang sentro ng mundo.

6. Istilo ng Pagsulat

Makabuluhan ang pamamaraan ng pagsulat ng Dekada ‟70. Ginamit ni Bautista ang kaniya-
kaniyang prinsipyo ng mga tauhan niya at sa dulo‟y nagpakita ito ng epekto sa kanila mismo.
Hindi lamang ito umikot sa kwento ng pamilya bagkus pati sa panahon ni Pangulong Marcos.
Magkahalong Ingles at Tagalog ang lengguwaheng ginamit sa akda kaya‟t mas nauunawaan ito
ng mga mambabasa. Naglalaman ng iilang malalalim na salita at talinghaga. Unang persona ang
ginamit na pamamaraan upang mabisang mapanatili ang pokus ng mambabasa at hindi
maguluhan. Tila nagsasalaysay ng karanasan ang pangunahing tauhan na mayroong halo ng
paglalarawan sa kung ano ang lipunan. Patungkol sa pamilya pati na rin sa kalunos-lunos na
kaganapan sa bansang Pilipinas noong Dekada ‟70 ang naging tema ng kabuuang akda.

C. Bisang Pampanitikan

1. Bisa sa isip

Bilang bahagi ng kabataang hindi namuhay sa panahong pinapaksa ng akda, napakarami kong
napag-alaman nang matapos ko itong mabasa. Tumatak sa isip ko ang mga kaganapan na unti-
unting binubuhay ng imahinasyon ko ang mga taong uhaw na uhaw sa kalayaang ipinagkait sa
kanila. Napag-alaman kong ang mga taong uhaw na uhaw sa kalayaang ipinahayag ko ay
sumugal para lamang maatim ang minimithi nila. Hinding-hindi makakamit ang tunay na
kapayapaan sa pamamaraang dahas. Namulat ang mga mata ko na ito pala ang sinapit ng mga
tao noong panahon ng rehimeng Marcos. At hindi lang basta-basta na pahirap at paghihikahos
ng mamayan ang napag-alaman ko, kundi pati na rin ang hindi pantay na pagtingin sa mga
kababaihan ng lipunan. Ang mentalidad ng nakararami na ang mga lalaki ang superyor at ang
pawang mga kababaihan lamang ay sunod-sunuran sa anumang nais nila. Nang dahil sa
nobelang ito, mas nakilala ko ang bansang kinabibilangan ko, ang kulturang nagpasalin-salin
na sa mga taong nakasalamuha ko at ang pinagdaanan ng mga taong kalahi at kadugo ko.

2. Bisa sa damdamin

Halo-halong emosyon ang nadama ko nang isarado ko ang huling pahina ng libro. Paghanga,
pighati at poot. Lubos akong humahanga kay Amanda na sa kabila ng lahat ay nanatiling
matatag kahit marami siyang dinaramdam. Kahit pinagkaitan niya ang sarili dahil sa lumang
tradisyon na pinaniniwalaan niya. Hanga ako na sa dulo ay nagkaroon siya ng tinig upang
ipahayag ang sarili at kumilos nang ganap nang naayon sa kanyang nais at paniniwala.
Matagumpay niyang ginampanan ang pagiging ina at asawa hanggang sa dulo ng kanilang
istorya at sa huli ay matayog pa rin ang kanyang pamilya. Pighati sapagkat kalunos-lunos ang
sinapit ng mga Pilipino sa panahong iyon. Panahong puno ng mga dagok at unos na tila hindi
na malalampasan. Pighati sapagkat tulad ng inang si Amanda ay may mga taong halos hindi na
alam ang gagawin sa lubusang pag-aalala. Poot naman sapagkat masyadong inabuso ng
pamahalaan ang pribilehiyong ibinigay sa kanila upang mamuno. Naniniwala kasi ako na
anumang uri ng dahas ay hindi nararapat. Poot na napakaraming nasaktan at ang pagkatao‟y
niyurakan.

3. Bisang kaasalan

May pananagutan ako sa aking sarili, sa aking lipunan at sa bansang aking kinabibilangan.
Iyan ang natatanging bagay na tumatak sa aking puso‟t isipan. Matapos ang halos tatlumpu‟t
isa‟t kabanata ng Dekada ‟70, naging hinuha ko na ako bilang kabataan ay parte ng
kinabukasang hinuhubog ng mga tao sa kasalukuyan. Ako ay may boses at dapat na
magkaroon ng prinsipyo na magiging batayan ko bilang tao. Nahinuha ko na dapat ako‟y
magkaroon ng kamalayan sa kung anumang kaganapan at gumawa ng mga aksyong may
sakop ng paggalang at limitasyon sa iba ko pang kapwa. Sa murang edad ko, masaya ako na
nagkaroon ng pagkakataong maging bukas-isip pa sa mga isyung panlipunan sa tulong ng
aklat na ito sapagkat mas hinubog ako nito upang mas maging maalam sa bagay na dapat ko
nang malaman. Ang obligasyon ko sa halos ng aspeto ay mas mauunawaan ko na nang may
kaalaman, may pakialam at mayroong paninindigan.

VII. Reaksyon
Nagsimula ang nobela sa introduksyon ng politikal na kalagayan ng bansa bago nagtungo sa mga
isyung naganap Dekada ‟70. Umikot muna ito sa drama sa pagitan ng mag-asawa at kanilang limang
anak at ang unti-unting pagtubo ng kanilang pagiging bahagi ng pambansang pulitika.

Hindi ko lubos maisip kung papaano kaya kung maranasan ko at ng aking pamilya ang naranasan ng
pamilya Bartolome. Hindi ko alam kung kakayanin ba naming maging matatag katulad ni Amanda na
naipit sa problema niya bilang babaeng mababa ang tingin ng tao ultimo kanyang asawa, mga anak
niyang nagkakaroon ng sari-sariling buhay at pananaw at problemang kinahaharap ng kanyang bansa.
Hindi ko rin makita ang sarili bilang isang mumunting bata na makakasaksi sa kaganapang puno ng
kaguluhan.

Sa isang banda, saka ko napagtanto na maswerte ako. Maswerte ako na hindi ko naranasan ang
naranasan ng mga tao noon. Maswerte akong higit sapagkat namumuhay ako sa panahong may
kalayaan. Ngunit sa likod ng pasasalamat ko dahil sa biyayang ito ay ang takot na baka dumating ang
panahon at maulit ang lahat ng mga kaganapang nabasa ko sa librong ito.

Malupit ang batas-militar. Masyadong makapangyarihan ang pamahalaan at masyado nila itong
naabuso. Walang pagkakapantay-pantay, walang paggalang, walang dignidad, at walang bagay na
kung tawagin ay karapatan. Ang lahat ng gagawin ng pamahalaan ay hindi maaring kwestyunin
sapagkat sila ang batas, sila ang umaastang Diyos sa kanilang nasasakupan.

Masakit malaman na parte ito ng kasaysayang hindi mabubura kailanman. May kirot sa pakiramdam
ang pag-alala sa mga kababayang naghirap sa panahong ito. Pero madilim man ang naging
kasaysayan ng bansa, hindi man tayo agad naging demokratiko, ngayo‟y namumuhay na tayo nang
dahil sa pag-aalay ng mga noong tumuligsa at buong tapang na naglaan ng buhay para sa bayan nila.

Nababalot man ng dilim ang ating kasaysayan, sa kasalukuyan naman ay ang pagkakataon nating
pagandahin ito. Pagkakataong gamitin ang pribilehiyo at baguhin ang noo‟y nadungisang pangalan ng
ating bansa. Sapagkat ngayon, taas-noo kong sasabihin na tayo ang pag-asa ng bansang ito. Tayo ang
magiging sandigan at kinabukasan upang hindi na muling maulit pa ang madilim na nakaraan.

VIII. Rekomendasyon

Ang nobelang ito ay naglalaman ng mga kasidhi-sidhing kaganapan na mayroong katotohanan noong
rehimeng Marcos pa lamang. Kapupulutan ito ng mga aral at mas lalo mong makikilala ang karanasan
at kasaysayan ng Pilipinas. Maaantig ang puso mo sa bawat kaganapan at mas lalawak ang pang-
unawa mo sa bawat pagbuklat ng pahinang ito. Makabuluhan ang paglalapat ng mga ideya ni Lualhati
Bautista sa bawat kabanata na nagbibigay-atensyon din sa iba pang mga isyu sa lipunan at sa loob ng
isang tahanan. Kaya naman, inirerekomenda ko ito sa sinumang mambabasa.

You might also like