Professional Documents
Culture Documents
Isaalang-alang natin ang apat na mungkahi, at tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang
payo ng Bibliya para magkaroon ka ng mga katangiang hinahanap ng mga tao sa isang
kaibigan.
Kailangan sa tunay na pagkakaibigan ang commitment. Ibig sabihin, alam ng isang mabuting
kaibigan na may responsibilidad siya sa iyo, at talagang nagmamalasakit siya sa iyo.
Siyempre pa, pareho kayong dapat makadama ng gayong responsibilidad, at kailangan dito
ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Pero sulit naman iyan. Tanungin ang sarili, ‘Handa ko
bang ibigay ang aking sarili, panahon, at anumang mayroon ako para sa kaibigan ko?’
Tandaan, para magkaroon ng mabuting kaibigan, ikaw mismo ay dapat na maging isang
mabuting kaibigan.
“Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.
Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Lucas 6:31, 38) Dito,
pinasisigla tayo ni Jesus na maging mapagbigay at huwag maging makasarili. Kung gagawin
natin ito, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan. Kung handa mong ibigay ang iyong
sarili para sa mga kaibigan mo nang walang inaasahang kapalit, gugustuhin ka nilang maging
kaibigan.
Hindi lalalim ang tunay na pagkakaibigan kung walang komunikasyon. Kaya laging mag-
usap tungkol sa mga bagay na gusto ninyo. Pakinggan ang iyong kaibigan, at igalang ang
opinyon niya. Kung posible, papurihan siya at patibayin. May mga panahong kailangan niya
ng payo o pagtutuwid pa nga, at hindi ito laging madaling ibigay. Pero ang isang tapat na
kaibigan ay may lakas ng loob na itawag-pansin ang maling ginagawa ng kaniyang kaibigan
at magbigay ng payo sa mataktikang paraan.
Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa
pagkapoot.” (Santiago 1:19) Sa pagkakaibigan, mahalaga ang pakikinig. Pero kung ikaw lagi
ang nagsasalita, ipinadarama mong mas mahalaga ang opinyon mo kaysa sa opinyon nila.
Kaya makinig ka kapag nagsasabi sa iyo ng niloloob ang kaibigan mo. At huwag sasamâ ang
loob mo kapag may itinawag-pansin siya sa iyo. “Ang mga sugat na idinulot ng [kaibigan] ay
tapat,” ang sabi ng Kawikaan 27:6.
Habang nagiging malapít tayo sa isang kaibigan, mas nakikita natin ang kaniyang mga
kapintasan. Hindi perpekto ang mga kaibigan natin, pero ganoon din tayo. Kaya hindi tayo
dapat umasang hindi sila magkakamali. Sa halip, pahalagahan natin ang kanilang
magagandang katangian at palampasin ang kanilang mga pagkakamali.
“Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa
salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong
katawan.” (Santiago 3:2) Ang mga salitang iyan ay tutulong sa atin na maging mas
maunawain sa ating mga kaibigan. Kaya naman mapalalampas natin ang maliliit na
pagkakamali at pagkukulang na baka ikayamot natin. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy ninyong
pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan
sa pagrereklamo laban sa iba. . . . Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo
ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—
Colosas 3:13, 14.
Totoo na kailangan tayong maging mapamili pagdating sa kaibigan. Pero hindi ibig sabihin
nito na kakaibiganin lang natin ang mga kaedad o kapareho natin ng background. Kapag
nagpakita tayo ng interes sa lahat ng tao, anuman ang kanilang edad, pinagmulan, at lahi, mas
magiging maligaya tayo.