You are on page 1of 17

Sandaang Damit

Ni Fanny Garcia

May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang
imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang
nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga
kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na
pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay
halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-
kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang
pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang
dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase
gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .

Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano
ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong
tinapay na karaniwa’y walang palaman. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng
mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo,
at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag
mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng
masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”

At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang
kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang
makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa
panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.

Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong
sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa
kanyang isip. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang
natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang
babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang
kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
“Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma
ang isinusuot mo?” Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma
agad.”

“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap. “Hindi ko
madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas,
kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”

At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye
ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang
tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat.
Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang
puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.

Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang
nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging
mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan
nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.

Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na
araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga
kaklase at guro.

Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay
sira-sira at nakagiray na sa kalumaan. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay
pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa
isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw
ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa
may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga
drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo
at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit
pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan
ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.

Sandaang damit na pawang drowing lamang.


Utos ng Hari

Ni Jun Cruz Reyes

“See you in my cubicle after lunch.” Pahabol sa akin ni Mrs. Moral Character kanginang matapos ang klase.
Si Mrs. Moral Character ang teacher namin sa Social Science. Siya rin ang adviser namin.

Para naman akong g.go na isip nang isip kung ano na naman ang sasabihin nito sa akin. Nawalan tuloy ako
ng ganang mananghalian. Halos tiyak ko nang sermunang umaatikabo na naman ito. Kamakalawa lamang ay
halos ilabas niya ang kanyang calculator para makita kung gaano ako “katanga” at kung gaano katama ang
kanyang pagsuma sa aking mga 5. Isinunod niya ang mga absences ko at tapos ay ang aking mga lates. Hindi
naman maikatwirang “Paano ‘ko di masi-5, kung kailan ako absent ay saka ka magbibigay ng quiz. Kung kelan
tinatamad mag-recite, saka namimilit. Saka pag sinabi ko naman ang gusto kong sabihin, kakapain yung
pulangball pen.”

Pero tipong maganda naman ang kanyang mood sa klase kanina. Katunaya’y yung kanyang paboritong
paksa ang pinag-uusapan namin...Yung kanyang dazzling Malaysian at ang kanyang paboritong pabango.
Nagtsismis din siya (tulad ng dati). Kesyo si Mr. Espejo raw kaya tumandang binata dahil dalawang beses niyang
binasted noong dalaga pa siya. Si miss kuwan daw, kaya wala sa eskuwelahan, hindi dahil nag-study leave, nagpa-
abort sa America. Magbi-bell na nang maalala niya ang leksyon namin, ang normalization process sa gobyerno.

Sabi niya kangina. “Para tayp maging fully democratic, kailangang mataas ang literacy rate.” (Sinabi na
yon ni Rizal) “May sapat nacommunication system ang pamahalaan at may mataas na moralidad ang mga
mamamayan. At higit sa lahat, kailangang maging westernized ang ating pamantayan. By doing so, hindi tayo
magiging uncivilized sa western standards.”

Nang tanungin niya ako, sabi ko’y mas basic ang dapat na pamamaraan sa pagtingin sa problema.
Halimbawa’y bakit hindi umpisahan sa economic condition ng bansa. Kung kuntento ang mga tao, normal ang
takbo ng pamahalaan. Pero kung maraming dissatisfied, natural na abnormal ang sistema. Hindi basta effective
communication process, hindi rin basta mataas na literacy rate. Mga manipistasyon lang ito ng talagang problema.
Nabigla siya. Doon na inabutan ng bell.
Ay konsumisyon sa buhay, gusto kong lagnatin. Kay layo ng kahapon sa kasalukuyan. Pag nasa bahay, ako
ang bida. Pag ang kababayan ko ang magkukuwento, ako ang sikat. Pero dito sa eskuwelahan, walang isko-scholar
ng bayan.

Talagang gusto kong maghinto, pero ayaw ni Tatay. Kung sabagay, sino bang ama ang matututwang
magkaanak ng drop-out. Talagang sawa na akong mag-aral. Kay ganda sanang isiping hindi ako nakatali sa sintas
ng sapatos ng teacher ko na kasama ko sa bawat hakbang. Ipaling kung saang sulok ko gustong puntahan, ilakad-
kaladkarin kahit gustong mamahinga. At isa pa, kahit ako ang masaktan.

Ay buhay estudyante. Magkauno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong
maliwanag. Tumango-tango ka naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin.
Pakisama lang talaga. Konting kumpromiso, konting tango at yes man lang, dos na yon o tres. Kungbakit naman
kasi nauso pa sa mundo ang diploma. Kung wala kang diploma, sino naman ang maniniwalang may kaubrahan
nga ako. Sana’y di nauso ang grade, di sana’y di ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila aide. Kung
graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin. At kung tapos nga, nakakahiya namang
pati trabahong pangmahirap ay pagtiyagaan ko.

Grade lang naman, problema ba ‘yon? Kung 5, tapos ang usapan, bakit kailangang pahabain pa? Bagsak
kung bagsak. Kickout. Pero hindi naman talaga ako dapat bumagsak. O.K. matigas ang ulo ko, rugged at medyo
bastos pa raw, pero bakit kailangang isali pati conduct at ayos ng katawan sa usapan? Hindi namn ito military
school, hindi rin naman seminaryo, bakit panay “yung conduct mo” at “appearance” ang panakot nila.

Ano ba ang sama nang bumagsak? Kung si Recto, bar flunker pero isa sa kinikilalang constitutionalist
ngayon. Si Einstein, bumagsak sa Physics at grammar school pero big time scientist. Kahit teacher niya hindi
alam ang theory niya sa relativity. Kung sa bagay, hindi ako si Recto o si Einstein. Si Jojo lang ako kung ang
walang sinabi kong teachers ang tatanungin. Sa mga kapitbahay namin, pambihira raw ako. Biro mong sa
probinsya namin ay ako lang ang nakarating sa Maynila para mag-aral nang libre. Kung nalalaman lang nila.

Aral nang aral. Aral sa umaga, aral sa tanghali at aral pa ulit sa gabi. Hindi ko naman maintindihan kung
para ano ang pinag-aaralan. Hindi na naubusan ng ipari-research. Walang alam kung itanong kung hindi “What
is our lesson for today?” Parang mga Diyos na sila lamang ang may monopolyo ng tama. Kaya hindi puwedeng
tanungin at lalung hindi puwedeng pagsabihan ng mali.

Ay ang teacher sa mundo, bakit ba ginawa pa ng kung sinong hayupak. Tulad ni Mrs. Moral Character,
bago mag-umpisa ng leksiyon, magsesermon muna ng virtue of honesty, kesyo masamang mandaya, kasalanang
mortal ang magturo sa kaeskuwelang nakalimutn ang sagot dahil sa pagkataranta, krimen ang magkodigo at kung
anu-ano pa. Lahat na yata ng masama at bawal sa mundo ay alam. Pero ang kanyang lihim ay buko na namin.
Noon daw nakaraang referendum, ang teacher namingmorally upright ay biglang nabulag at nabobo. Nang mag-
watcher daw ito sa presinto, tatlong letra lang ang kabisadong basahin. Katuwiran daw nito’y “Anong sama roon,
kahit matalo, panalo pa rin. Bakit, me magagawa ka ba?” Kaya naman ngayon, hindi na siya si Mrs. Moral
Character sa amin, Mrs. Eraser na lang.

Tapos nagtataka pa kung kangino kami nagmana sa mundo.

E, sino naman kaya sa kanila ang pwedeng gawing idolo? Yungteacher ko sa English, walang pakialam sa
mundo. Basta magamit lang biya yung nalalaman niya sa voice and diction, maligaya na siya sa buhay. Basta
kami ang papel lang namin, tagapakinig sa kanyang mga sides. Para patuloy kaming pang-theraphy niya lang. At
ang kanyang paboritong paksa, yung kaniyang nuno na purong Kastila raw na nagpatayo ng simbahan sa kanilang
bayan. Antique siyempre yung simbahan (tulad niya at ng kanyang lolo). Ibig lang niyang palabasin na may
dugong bughaw siya. Sarap sanang bukuhin na ang Kastilang napunta rito noong araw ay mga butangero at
kriminal sa Espanya. Kesa nga naman maging problema sila sa gobyerno nila, di Pilipinas na lang ang bahalang
magtiis ng kunsumisyon. Yung gaanong sistema ang namana niya sa kanyang lolo, ang mangunsumi ng mapagtiis.
Pag nabuko mong hindi nag-aral, lagot ka. Pagsasabihan ka nito ng “What? Iyon lang ang hindi mo pa alam
hanggang ngayon? O.K. that’s your assignment for tomorrow.” Saka niya sasabayan ng bura ang maling nakasulat
sa blackboard.

Kunsumihin ka ba naman araw-araw, pag naging g.go ka nagtataka pa. Hindi ka na mga pwedeng magwala,
hindi ka pa rin pwedeng maglibang. Kung sa pagtitiis ng kunsumi ay sigarilyo at beer ang mapiling pagbuntunan
ng sama ng loob, ayun at “Sinasabi ko na nga bang masama sa pag-aaral ang bisyo,” ang agad ikakatuwiran ng
mga ito.

Kung bisyo naman ang pag-uusapan, masama raw sa katawan ng tao ang alkohol at nikotina. Para na rin
sinabing pag teacher ka na ay pwede. Dahil estudyante ka pa lang, tiis. Itanong mo kay Mr. Discipline at alam
niya ang sagot. Huwag mo nang itanong kung nagdaan din siya sa pagkabata, kung noong araw ay g.go rin siya,
dahil ang isasagot nito’y “Kaya nga ayaw niyang matutuhan n’yo ang bisyo dahil pinagdaanan niya na yan.”

Sa amin sa barkada, dalawa kaming mag-gu-goodbye my school goodbye. Kickout ako sa kagag...n daw.
Si Minyong nama’y sa kabobohan daw.

Kung paano nila natiyak na dapat nga kaming palayasin sa pinakamamahal naming paaralan, ganito raw
ang naging takbo ng usapan nina Mrs. Moral Character (Eraser). Mrs. Gles-ing, Mr. Mathemathician, Miss
Spermatozoa at Mr. Discipline.

“Hindi naman korum, say qourom, kuwow, quorom. That’s correct, that Jojo Boy has no sense of
deqourum. I feel though he is brilliant, only my reservation is that...”

“Only he is stubborn. Papasok yan sa klase ko nang nakainom, para pang nag-iinis at lalapitan ka.
Ipapaamoy sa iyo ang hininga.”
“How true, how true, I swear to God that’s true.”

“Hindi lang yan, minsan gusto pa mandin akong kulitin sa klase na akala mo’y mahuhuli niya akong hindi
prepared sa lesson ko. Tambakan ko nga ng research work, di atras siya.”

“And he is always absent. Sometimes, i don’t want to give him an excuse slip anymore.”

“So what is the verdict of the group?”

“I could not pass him.”

“Ako rin.”

“I second the motion.”

“God will punish his naughtiness.”

“I will report the matter to his parents immediately.”

Ang masama ay ang akusayon nila kay Minyong. Nababaliw raw. Tuwang-tuwa silang pagtsismisan ito.
Iyon ay kung hindi sila tinatamaan ng mga pinagsasabi ni Minyong. Pah medyo kinabubuwisitan nilang co-teacher
ang tinatamaan, “hi-hi-hi-hi” lang ang sagot nila. Pag-bulls eye, si Minyong.

“My God, baliw talaga, hindi alam ang sinasabi,” ang katuwiran nila.

Si Minyong kasi ay cultural minority. Hindi naman nagprisinta sa kanila yung tao na rito sa Maynila mag-
aral. Kinuha-kuha nila sa bundok, tapos pilit pinaniwalang makasasabay ito sa standard ng exclusive school,
pinaniwalang dito matutuhan ang paghango sa kahirapan ng kanilang tribo, saka ngayon, basta na lang pinagsalita,
para raw mahasa nang gayo’y mawala ang inferiority complex nito. Ayun, nang matutong magsalita ang tao, na-
shock silang marinig ang katotohanan.

Sabi ng pangkat ng mga Hari.

“I find him kinda weird lately.”

“So what shall we do with him?”

“Definitely, I could not pass him.”

“Oo nga naman. Gagawa tayo ng masamang precedent. Mauuso ang bobo sa eskuwelahan. Remember,
Philippine School of Science and Technology ito. Tapos magpapasa tayo ng estudyanteng bobo? Hindi pwede.”

‘Pero cultural minority yan.”

“And so what?”
“Kailangng babaan batin ang standard sa kanya.”

“Excuse me, mayroon lamang isang standard ang excellence at wala nang exception pa.”

“What now?”

“Ano pa, di ibagsak.”

“Saka sila nagkurus ng “Ibagsak.”

Kung sabagay, nang mabalita ang kaso ni Minyong sa eskuwelahan, humigit kumulang ay nakapagpasiya
na sil sa mgiging dulo ng istorya. Ganito raw iyon.

“Have you considered his case lately?”

“Anong gagawin natin sa kanya? Meron ba tayong policy sa ganyang kaso?”

“Mabuti siguro’y pauwiin natin sa kanilang tribo.”

“Dapat nga, naka manakit pa ‘yan at maraming madamay.”

“Oh, how i abhor violence.”

“Baka ‘ka mo manunuog pa ‘yan. Uso pa naman sa Maynila ang sunog ngayon.”

“E kung ipa-confine natin sa mental?”

“At sino ang magsu-shoulder ng bill?”

Tapos ang kaso ni Minyong bago pa man pasimulan ang deliberasyon.

Hindi naman sila parating ganoon kabilis magbaba ng hatol. Paminsan-minsan nama’y humane sila, ikan
nga. Tulad halimbawa ng kaso ni Oasis at Armando, mga kaiskuwela rin namin.

“Ipasa na natin si Oasis.”

“Pero mababa ‘yan sa Physics.”

“Sus naman, ito, e, talaga namang mahirap ‘yang klase mo.”

“Thoughtful ‘yang batang ‘yan. Kahit saan ka makita ay panay ang good morning.”

“Talaga. At prisintado agad ‘yan pag nakasalubong ka na maraming dala.”

“How about Armando? Another cultural minority?”

“Excuse me. He is not a thoroughbred minority. It is only the mother. The father is an Ilocano who migrated
to Mountain Province.”
“Ang sweet-sweet ng batang ‘yan. Manang-mana sa Tatay niya.”

“Pogi pa talaga.”

“You bet. Doctor pala ang ama n’yan.”

“Ipapasa ko yan. Kaya lang naman ‘yan mababa, kasi matagal umabsent. Nagkasakit kasi.”

“Ano, pasado na ‘tong dalawa?”

“Approve.”

Mahirap talaga sa mundo ang hindi pogi at walang amang duktor.

“Come on in. Sit down.” Sabi ni Mrs. Moral Character matapos aking kumatok at papasukin sa kanyang
cubicle. Inabutan ko siyang nagsasalansan ng mga libro.

“Called you for two reasons. Regarding our lesson and your attitude in class.” Idiniin niya yung your
attitude. Heto na naman kami sa loob-loob ko. Kung bakit kasi hindi na lang ako nagkasakit. Sana’y natuloy na
ang lagnat ko para wala nang sermunang naghihintay.

“Jojo, ang tao’y hindi pulos tiyan tulad ng gusto mong palabasin.” Sabi niya habang nakataas ang isang
kilay.

Huwag kang kikibo, paalala ko sa aking sarili. Konting tiis. Mahirap makipagtalo sa teacher. Ngiti ka lang
basta. Titigil din pag nagsawa. Pero tipong wala siyang balak mag-short cut ng sermon.

“Walang essence ang pinagsasabi mo kanina. Iyon ay isang halimbawa ng priori statement. Do you get
me?” Tumango naman ako.

“Good. Now, alam mo sigurong wala kang pinanghahawakang data,which I happened to have. Panay
speculation lang ang pinagsasabi mo at walang katuturan ito sa scientific world. Our lesson is more complicated
than you thought. What you mean probably is the role of economic determinism in contemporary Philosophy,
which is all together wrong. Bakit hindi mo gamitin ang power or elite approach? Behavioralism and trendngayon
sa west. Bakit hindi ka makigaya?”

Huwag mong pansinin, ngiti lang. Paalala ko uli sa sarili ko. Hayaan mo lang siyangn magsalita nang
magsalita. Pasasaan ba’t mauubusan din iyan ng sasabihin. Pasok sa kanang tenga. Labas sa kaliwa. Siya ang
teacher kaya ang pakiramdam niya’y siya lang ang pwedeng tama.

“Do you get me?”

Tango pa rin ako. At ngayon, ang part II ng kanyang sermon.


“To be honest about it, I don’t like your attitude in class. Smart aleck!” Yuko na lang ako. Saka ako
bumulong ng “I’m sorry, mam.”

Kahit hindi ko siya tingnan, alam kong tatangu-tango siya sa tuwa. Lihim na namang pumapalakpak ang
kanyang tenga sa tuwa. Napaamo niya ang suwail ng eskuwelahan. Sana’y kasing honest din niya ako, di sana’y
nasabi ko ring “The feeling is mutual. I also don’t like you, mam.” Sa halip, ang nasabi ko na lang ay “Can i go
now, mam?”

“I’m not yet through.” Ibig pa palang sabihin, may part III pa ‘tong usapang ito.

“They saw you in the chapel last night.”

Diyos me, pati pala personal life ko’y pinakikialaman na rin nila ngayon, sa loob-loob ko. Naramdaman ko
ang init ng kanyang titig sa aking mukha.

“How young are you Jojo? Speak up.”

“15, mam.”

“15 and already you are...” Saka niya dinugtungan ng “I’ll let your mother know about this,” bago ako
tuluyang lumabas ng kanyang cubicle.

Gusto ko na talagang magwala. Gusto ko siyang balikan. Gusto kong isambulat sa mukha niya ang lahat
ng hinanakit ko sa mundo. Sana’y kasing tapang ako ng gusto kong mangyari. Ano bang masama sa ginawa ko
sa chapel? Magkahawak lang kami ng kamay ni Tess. Masama ba ‘yon? Siguro ang masama’y kung bakit biglang
napasyal si Mrs. Gles-ing sachapel nang ganoong oras ng gabi. Kawawang Tess. Halos natitiyak ko nang gagawin
na naman itong halimbawa ng mga Mrs. Moral Character ng kung ano hindi dapat maging ang isang babaeng
estudyante. Si Mrs. Gles-ing, tiyak na halos pumasok ang dila sa ilong sa pagbabando ng kanyang scoop.

Ano pa ang magagawa ko, di suntok na lang sa hangin at magbubulong na balang araw, kung mababaliw
ako tulad ni Minyong, siguro’y hindi nila ikatutuwa, pero natitiyak kong ipagtataka nila kung bakit.

Nasa lobby ang mga kabarkada kong alaskador.

“Jojo, balita nami’y bida ka na naman.”

“Hayaan mo ang mga hayupak na ya’t magsasawa rin yan.”

“E, kasi naman, pa chapel-chapel pa kayo. Alam mo nang teritoryo ng mga santo yon.”

“Kung nagmu-motel kayo, di wala sana silang alam.”

“Tigil,” sabi ko.


“Ano ba talaga ang ginawa nyo’t nagpuputok ang butsi ni Mrs. Gles-ing sa klase namin kanina?”

“Isa pa to, anong magagawa ko sa chapel kahit ka may madyik, walang himalang mangyayari roon,” sabi
ko.

“Ligawan mo kaya si Mrs. Gles-ing?”

“Tar....o, isa ka pa.” Buwisit na buhay ito, alaskado na naman ako.

“Malay mo, baka lalong malahing Mrs. Robinson yon.” Saka sila nagtawanan. Nakitawa rin ako kahit
naiinis na ako sa buhay.

“Tara na lang sa Cubao,” yaya ko sa kanila.

Yung isang round ng beer ay nasundan ng isa pa nga at isa pa ulit. Saka pinabuntunan ng one for the road.
Kung gaano kabilis ang boto ngbeer ay ganoon din kabilis ang oras.

“Ano ba talaga ang ginawa mo sa chapel?”

“Ano pa. Di holding hands. Masama ba ‘yon? Para nagsumpaan lang kami sa harap ng altar na hindi
maghihiwalay kahit ako ma-kick out. Kabastusan na ba iyon? Bakit kasi ang dudumi ng isip nila. Akala mo’y
hindi nakipag-holding hands noong mga bata.”

“Sila kaya, paano naging tao?”

“Nagtinginan lang, nabuntis na.”

Saka sila nagtawanan. Buti pa sila, kahit paano’y masaya. Ako yata, kahit sa paglilibang ay mga teachers
ko pa rin ang nakikita. Sobra na ito. Bakit ba ayaw nilang makakita ng katotohanang iba kaysa kinagisnan nila?
Bakit ba kasi gusto nilang maging kamukha nilang lahat ang tao sa mundo? Dahil ba sa kanilang palagay ay sila
ang nakadiskubre ng mina ng talino at tama, kaya wala nang natira sa amin para diskubrihin? Pero hindi ba yung
tinatawag nilang expertise, yung dalawampung taon sa serbisyo, ang ibig lang sabihin, isang taong karanasang
pinatagal ng dalawampung taon?

Ngayon ko lang naiisip, kung buhay siguro si Beethoven at kukuha ng eksamen sa eskuwelahan, kahit
bilang estudyante o teacher ay titak na hindi siya tatanggapin. Philippine School for Science and Technology ito,
ang eskuwelahan ng mga magiging scientists balang araw, tapos pakikitunguhan at ituturing na tao ang isang
kung sinong bukod sa tamad magbihis ay madalang pang maligo?

Si Einstein kaya? Hindi rin pwede, mabisyong tao yan. Bawal ang lasenggo sa klase. E, si Maxim Gorky
kaya, ang greatest Russian writerpara kay Chekhov at Tolstoy, pwede kayang magturo ng comparative literature
rito? Sa palagay ko’y hindi rin. Bukod sa wala siyang unit sa English ay wala rin siyang diploma sa education.
Si Kristo kaya kung mabuhay ulit at magpunta sa Science? Maestro raw siya kahit walang M.A. at Ph.D.
papapasukin kaya sa gate pa lang? Hindi pwede, kung makasalubong siya roon ni Mrs. Moral Character o ni Mrs.
English, baka ma-shock pa ang mga ito. Palagay ko, ganito ang sasabihin nila. “Imagine, kay lakas ng loob, ang
bastos naman ngappearance. Long hair, hindi nag-aahit, tapos nakasandalyas pa. Maano kung anak siya ng Diyos,
wala naman siyang sense of dequorum.” Saka kung magsermon dito si Christ, baka mabuko lang siya ng “Who
is your authority, where is your data, behavioralism na ang trend ngayon sa west. Bakit hindi ka makigaya?”
Siguro kaya sa sabsaban na lang ang napilingbirth place niya, dahil kung sa Science siya ipapanganak, mababago
ang kasaysayan ng Kristiyanismo sa mundo.

Ay, sense of propriety at dequorum, talagang nakatataranta. Clean cut (pagsuklayin mo si Einstein). White
polo shirt at black pants(pagdisentihin mo si Kristo). Naiisip ko tuloy kung propriety rin yung tawag sa mga
teacher kung makadamit civilian sila kapag Miyerkules. Yun bang parang a-attend sila ng party. Yun bang ang
tipo ng tela ay mapapansin agad at mapagsasabihang “Ang ang ganda, saan mo nabili? Siguro ang mahal ano?”
Na sasagutin naman ng kausap na “Mura lang yan, gawang Rustan.” At para talaga mapansin, kailangang
humahalimuyak din sila sa bango. Yung parang walking pharmacist. Saka kukulayan ng brilyante ang tenga, leeg,
dibdib, braso at mga daliri. Sa kanilang ganda at ningning, para kang nanakita ng X’mas tree sa isang mahal na
araw. Yun ang propersa kanila.

Kung sa bagay, hindi na maiino yon. Noong gabing mahuli kami ni Tess ni Mrs. English, noon ko lang
napansin ang ayos ni Kristo. Ininsulto raw ito ng mga Hudyo kaya ipinako nang hubo sa krus. Pero naiinsulto sa
hubo ang mga Mrs. Moral Character, Mrs. English, Mrs. Spermatozoa, Mr. Mathemathecian, at Mr. Discipline at
kanilang mga katribo. Kaya siguro nila tinakpan ang kahubdan ni Kristo sa pelus na nangingintab sa dami ng
borloloy. Si Virgin Mary ay asawa ng hamak na karpintero, pero sa bikas niya ngayon ay nistulang peacock at
X’mas tree na rin siya. Pati nga ang kanyang luha ay ginawang perlas.

Ang hindi nila naging kamukha ay agad nilang napapansin. Ang taong naniniwala sa sarili ang gusto nilang
lapastanganin. Sino nga ba naman si Jojo sa kanila na “isang kung sino lang.” Noon kayang mga estudyante pa
sila, nakapasa kaya sila sa Science? Scholar din kaya sila? Pero bakit naging teacher lang sila sa loob ng mahabang
panahon? Iyon lang kaya ang alam nila sa buhay, ang magturo? Para silang hindi naging bata. Para bang nang
ipanganak sila’y alam na nila ang lahat ng bagay. Baka akala nila’y biru-biro ang maging estudyante. Yun kayang
conduct nila sa klase noong araw ay panay uno? Kung talagang hindi sila nagkakamali, dapat itong i-report agad
sa Santa Papa sa Roma. Nasa Pilipinas lang pala ang mga living saints.

Alin na lang kaya ang pwedeng pakialaman? Saan kaya pwedeng maging bida sa mundo? Buti pa
referendum, kasali kami. Alin kaya ang mahalaga, ang kapalaran ng Pilipinas o ang moral character? Yung
kapalaranng Pilipinas pwedeng isugal, pero kung sino ang mas seksi, si Alma Moreno o si Elizabeth Oropesa ay
hindi naman pwedeng pagpasiyahan, for adults lang kasi yon.
Ops, nakadi-jingle mag-isip. Yung barkada, iba na ang usapan.

“Lagyan kaya natin ng thumb tacks yung upuan ni Mrs. English.”

“Di aaray ‘yun!”

“Hi-hi-hi.”

Buti pa sila at nakukuhang ngumisngis. ako kaya, kanino pwedeng magreklamo? Sulatan ko kaya si
Valencia? Baka naman sagutin ako nito ng “Uminom ka ng kape.” Si Marcos kaya? Santambak ang problema
nito sa buhay, biro mong problemahin nito pati kapalaran ng Pilipinas, tapos ipasasagot pa ito sa kanya sa
kasaysayan, paano ako nito mapapansin? Mag-report kaya ako kay Carter, issue rin ito ng human rights, ang
kapalaran ng mga sinasadistang estudyante, pero mahirap namang um-Ingles. Saka interesado lang ito sa giyera
na naluluma sila.

Sa Diyos na lang kaya ako susulat? Pero nasa lahat ng lugar at sulok daw ito, kaya tiyak na alam na Niya
ang problema ko. Bakit nga pala sa sermon on the Mount of Sinai wala yung “Blessed are the poor students for
they shall inherit...” siguro’y dahil wala na siyang langit o lupang pwede pang ipamana sa iba.

Ayaw kong maging Minyong. Kailangang magsalita na ako, baka ako mabaliw. Ayaw kong maging robot,
ayaw kong maging bato. Hindi balengdrop-out, basta tao lang ako. Maliit ang comfort room kung doon ko isusulat
ang aking mga sumbong. Marami na roong mauna. “What you’re holding now is the future of the fatherland.”
“IF you can reach this high, you shall be great.” “Ibagsak ang pasismo.” “LABAN.” “Alpha Phi Omega.” “Wanted
pen pal.”

Magrereklamo rin ako sa pader kung kailangan, hanggang may makabasa at makarinig ng aking sumbong.
Pero sa ngayon, idi-jingle ko na lang muna ang sama ng loob.
Panata sa Kalayaan

Ni Amado Hernandez

Bilanggo: piit ng malupit

na kapangyarihang bihag din ng kanyang

takot sa matuwid;

ilang panahon nang kinulong at sukat

nang sukdulang higpit: daming mga araw, ang aking asawa ay di makalapit,

kawawang bunso ko ay di madampian ni isa mang halik:

mga kaibigan, kasama’t kapatid,

bawal ang sa aki’y makipag-ulayaw kahit ilang saglit:

ibong piniit na’y walang habag pa ring pinutulan ng bagwis

mistulang salarin o isang maysakit,

bilang iniligpit

at itiniwalag nila sa daigdig;

ang aking higaa’y tablang maligasgas at wala ni banig

na iisang dangkal sa amoy-libingang simentong malamig,

ang aking pagkain ay laging mapait,

ang kasuotan ko ay laging limahid;

ang mukha ng araw, ano bang tagal nang sa aki’y nagkait?

ang luom na hangin ay singaw ng lason ang inihahatid,

ang yabag ng kawal na bantay ay dinig sa gabing pusikit,

ang tiktak ng oras, tila tanikalang di mapatid-patid…

Ako’y nagtitiis…

A, labis at labis
Ang binabata kong tiisi’t hinagpis!

Bakit? bakit? bakit?

Walang sumasagot; walang umiimik…

Ako ba’y suminsay sa batas kung kaya pinagdusang tikis?

nandaya? pumatay? nanggaga? nanggahis?

nagpayaman baga sa pamumulubi ng bayan kong amis?

Gising ang Bathala’t kanyang nababatid

na kung tunay akong nagkasala’y dapat purihin nang higit:

kasalanan kayang magdilat ng mata’t magbuka ng bibig?

kasalanan kayang magtanggol-itindig

ng katotohana’t karunungang lupig?

ng bayang mahirap –ng dustang paggawa’t aping magbubukid?

Kasalanan nga bang ang buhay ng dukha’t dangal ng maliit

Ibangon nang buong pagmamalasakit?

Laban sa tirano, di ba kabanalan ang paghihimagsik?

Ngunit hindi lihim sa kahit na sino:

pag ang namumuno sa isang gobyerno

ang unang hangarin ay pananagano

sa kapangyarihan, at gintong akibat ng trono,

ulong sa putikan pupulutin bawat di yumukong ulo…

Ganyan ang istorya magmula kay Kristo

hanggang kina Burgos, Rizal, Bonifacio,

at maging nito mang itinitimpalak na malaya na tayo,

lumuhod sa puno’t humalik ng kamay sa palalong dayo

ang di mababaling tuntuni’t panuto,


at pagkakasala sakaling matuto

ng pangangatwiran: Itong Pilipinas sa Pilipino!

Ako’y ikinulong ng mga kaaway ng laya’t liwanag—

ng laya sa gutom, ng laya sa takot at layang mangusap,

ng layang sumamba sa Bathala’t hindi sa Diyos na huwad;

salamat, at libong salamat…

talastas kong ako’y hindi nag-iisa sa ganitong hirap,

talastas kong ako’y hindi mag-iisa sa pakawakawak;

pupuong libo, laksa, yuta’t angaw ang kaisampalad

ng tagapagmana ng masayang Bukas;

ang taghoy ng bawat inang nagging Sisa sa dusang dinanas,

ang mga luhang dasal ng nagluksang balo sa asawa’t anak,

ang iyak ng batang sa kasanggulang pa’y ulila nang ganap—

mga walang malay na di iginalang ng bangis at dahas,

ay dinig kong lahat,

mabisang balsam sa kirot ng aking kaluluwang may sugat,

Ang libong nasadlak sa mga piitan

na kawangis ko ring pinapagkasala’y walang kasalanan,

ang laksang inusig at pinarusahan kahit walang sakdal

ni hatol ng aling may hukuman,

ang hindi mabilang na pinaglupitan

sa bukid ay nayon, sa lunsod at bayan,

ang lahat ng dampa, kubo, barung-barong na nilapastangan,

at ipinalaman sa apoy, pati na ng naninirahan,


ang mga nailibing nang walang pangalan

ni kurus man lamang, di makalimot ni malilimutan,

at ang tinig nila’y abot sa pandinig ng kinabukasan.

Yaong mataimtim sa panalangin

yaong tumatangis sa gitna ng dilim ng gabing madilim,

yaong sa libinga’y malimit abutin ng maputlang sinag ng mga bituin,

yaong tigib-hapis ang ligaw na daing

nagmula kung saang anakin ay buntong-hininga ng hangin

yaong naglalamay sa parang, sa gubat at bulubundukin

supling Elias at Kabesang Tales ng liping magiting

na sumumpang hindi magpapaumanhin sa pang-aalipin;

sa tahasang turing: lahat ng siniil na may karapatan at nasang maningil,

sila’y handa’t gising

at kaisanglayon ng tanang sa baya’y hindi nagmamaliw,

isang bansang lakas na di mapipigil,

isang mundong buhay na di masusupil,

siyang sasalubong sa gintong liwayway ng gintong mithiin!

Ang aking katawa’y oo nga’t bilanggo,

Ngunit ang isipan at tibok ng puso

Ay di mangyayaring kulungin saglit man ng bakal o ginto;

Ang pananalig ko at malayang kuro,

Kasama ng hangin at sikat ng araw sa lalong malayo;

Sa huni ng ibon, sa sigaw ng alon at angil ng punlo,


Sa tutol ng madla sa lahat ng utos na buktot at liko,

Sa sumpa ng tao sa kawalang budhi ng masamang puno,

Ay nakikisaliw ang kaluluwang walang pagkahapo,

Hanggang s amakamtan ng bayan ang taal na lupang pangako—

At kahit na tila kitilin ang buhay ko’t biyakin ang bungo,

Sa bungo ko’y buong nakalimbag pa rin sa sariwang dugo;

“Pilipino akong sa pambubusabos ay hindi susuko!”

Bilangguan ng Hukbo
Camp Murphy
Oktubre ng 1951

You might also like