You are on page 1of 2

Sandaang Damit ni Fanny A.

Garcia

1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik.
Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo nay tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap
ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga
kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok
sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na,
palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago
niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga
kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang matay masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang
mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang
kanyang pagkain at silay magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na
karaniway walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga
kaklase at siyay nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay
haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang
pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain.
Maibibili rin kita ng maraming damit.
7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang
kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa
malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase.
Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong
sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nilay bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at
puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong
pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. Alam ninyo, sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, akoy may sandaang damit sa bahay.
12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang
isinusuot mo?
13. Mabilis ang sagot niya, dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.
14. Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala! iisang sabi nila sa batang mahirap.
15. Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang
tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.
16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang
bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na
maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang
haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may
malapad na sinturon at malaking bulsa.
17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig.
Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging
masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayoy nabibigyan nila siya ng kapiraso ng
kanilang baong mansanas o sandwich.
18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw
at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-
sira at nakagiray na sa kalumaan.
20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na
kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon
nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng
pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita
nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda,
makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti.
Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa
paaralan na kailanmay hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanyay nakatago at iniingatan sa bahay.
21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.
GAWAIN 3

SAGUTIN ANG MGA SUMUSUNOD NA MGA KATANUNGAN SA INYONG GAWAING KUWADERNO

1 .Panuto: Kopyahin ang mga katanungan sa inyong gawaing kuwaderno at sagutan.

1. Ilarawan ang pisikal at emosyunal na katangian ng bata?

2. Bakit lagging tinutukso at inaapi ang bata sa kuwento? Katulad ka rin ba ng mga batang mang-aapi? Bakit hindi?
Bakit Oo ?

3. Paano mo matutulungan ang mga batang kagaya ng bida sa kuwento?

4. Ano ang kaya mong ibigay para sa iyong kapwa na nangangailangan ng tulong ?

5. Paano magiging mabuti sa mga nangangailangang kamag-aral ?

2. GUHIT BULILIT : Maraming katulad ng batang nasa kuwento ang buhay na buhay na nasa ating
lipunan. Sa pamamagitan ng pagguhit, iguhit mo ang iyong pangarap na gusting- gusto mong makamit. Isang
pangarap na kahit sa panaginip lamang ay makakamit.Iguhit ito sa inyong gawaing kuwaderno at kulayan.

You might also like