You are on page 1of 10

Ang Simbahan ng Naic: Sandigan ng Bayan

Naic Cavite Online 2020

1600s

*Ang Kapilya ng Sityo Naic sa Karangalan ni San Isidro Labrador*

Ang misyon sa Silang na rating pinangungunahan ng mga Rekoletos ay napasailalim sa mga Heswita
noong Oktubre 1601. Tinatayang 1611, itinatag ni Padre Angelo Armano, isang Heswita, ang mga
parokya ng Indang at Maragondon. Noong 1690, itinatag ng mga Kastila ang Maragondon bilang isang
bayan.

Batay sa mga tala, ang napakalawak na Maragondon noon, saklaw ang kalupaang kinikilalang Naic
ngayon, ay ibinigay ng nagngangalang Pedro Oriosolo sa mga Heswita. Bago ito ay bigay lamang ang
malawak na lupa kay Heneral Esguerra ng Maynila noong unang yugto ng pananakop ng mga Kastila.
Ipinamana ang lupa sa anak na babae ng heneral na siya namang nagbenta kay Oriosolo. Kilala nang
pastulan ng mga baka ang lugar.

Taong 1693, naitalang sa pamumuno ni Padre Juan de Yrigoyen para sa misyong Silang, ginawang
asyenda ang baryo ng Naic na pinataniman ng tubo at palay. Tinawag ito ng mga Heswita bilang
Hacienda de Sarmiento. Noon ding 1693 ay nagkaroon ng kapilya ang Naic (sa ilalim ng Parokya ng
Maragondon) sa karangalan ni San Isidro Labrador, patron ng mga magsasaka. Sa ganito ay nakilala rin
ang asyenda bilang Hacienda de San Isidro Labrador.

1700s

*Ang Pagtatag ng Parokya at Bayan ng Naic*

Noong 1758, itinatag ng mga Heswita ang isang pamayanang nasa kanlurang bahagi ng kasalukuyang
poblasyon ng Naic. Tinawag itong sityo at pinaniniwalaang ito ay ang nasa bahagi ngayon ng Muzon o sa
dakong paroon.

Sa pag-usad ng mga dekada ay naitalang patuloy na lumawak ang sakop ng Naic matapos madagdagan
ang mga nayon nito. Napatalsik ang mga Heswita sa Pilipinas noong 1768; at mahihinuhang nagpatuloy
ang dati nang pagsasalin-salin ng pagmamay-ari sa asyenda mula sa iba’t ibang pamilya, indibidwal at
institusyon.

Bunga ng patuloy na pagdami ng populasyon sa pamayanang binuo, inihiwalay na ang Naic sa


Maragondon noong 1791. Makalipas ang limang taon, 1796, tuluyan nang kinilalang parokya ang
simbahan ng Naic. Kauna-unahang kura-paroko ng Naic si Padre Joseph de los Reyes, paring sekular.

Noong 1797 ay kasunod na naging kura-paroko ng Naic si B.D. Miguel dela Cruz, isa pa ring paring
sekular. Bunsod ng kalapitan noon ng sentro ng Naic sa sentro ng Maragondon, 1798, sa pangunguna ni
Padre dela Cruz ay napagpasyahang ilipat ang sentro ng Naic sa lugar kung saan nananatili ang
poblasyon nito magpasahanggang ngayon. Ang poblasyong pinaglipatan ng sentro ng Naic ay tinatawag
noong Imus ng Awa. Gubat at laganap ang alulong ng mga hayop sa bahaging ito noon. Mahihinuhang sa
naturang paglipat ng poblasyon ay ginapas at hinawan ang madawag at masukal na kakahuyang iyon ng
Naic. Napalilibutan ng ilog ang bagong sentro ng bayan, kasama na ang Ilog Balsahan na lumalagos sa
bukana ng dagat, na naging mahalaga sa transportasyon at kalakalan.

Mula 1796 ay wala nang patlang ang pagpapadala ng mga naging kura-paroko sa Naic.

1800s

*Ang Unang Simbahang Bato at ang Parokya ng Inmaculada Concepcion ng Naic*

Kasama sa inilipat sa pagwawakas ng 1700s ay ang simbahan ng Naic. Noong 1800, inilalarawan ang
simbahan ng Naic na yari sa mga kahoy at kawayang binubungan ng damong kugon. Noong 1806 ay
mayroon lamang itong kopa o chalice, pares ng bote o cruets, at ilang palamuti.

Upang maging mas kaiga-igaya umano ang simbahang inihahalintulad pa rin sa larawan ng noon ay isang
kapilya, ipinasyang ipagawa ang simbahan. Noong 1814, hiningi ni Padre Pedro Celestino, kura-paroko,
ang tulong ng mga taga-Naic upang maipaayos ang simbahan ng bayan.

Noong 1830, naitalang nabili na ng mga Dominikano ang asyenda ng Naic. Sinasabi ring mula noon,
tinustusan na ng kita ng asyenda ang mga pangangailangan ng simbahan. Sa kabila nito, nanatili
sa pamamahala ng mga paring sekular ang parokya.

Noong 1835, pinasimulan ang pagsasabato ng simbahan habang kura-paroko si Br. Don Pedro
Florentino. Binendisyunan ito ng noon ay kura ng San Roque (lumang bayang sakop ngayon ng Cavite
City) na si Br. Don Lazaro Salamat.

Taong 1845 naman ay sumulat ang noon ay kura-parokong si Padre Vicente Lopez sa pinuno ng Cavite
upang makapagpatayo rin ng kumbentong yari sa adobe. Hindi tiyak kung napagbigyan ang liham ni
Padre Lopez, ngunit naitalang sa panahon ng sumunod sa kanyang si Padre Modesto de Castro ay
naitayo ang isang kumbento maging ang isang sementeryo.

Noong 1861, nagtungo sa Naic si Padre Mariano Gomez upang basbasan ang bagong gawang simbahan
na itinalaga sa Nuestra Senora de la Purisima Concepcion.

Si Padre Gomez ang isa sa tatlong paring itinuturing ngayong bayani bilang Gomburza; habang si Padre
Modesto ay ang kilalang sumulat ng Urbana at Feliza na naging batayan ng tamang asal ng mga mag-
aaral hanggang sa pagpapalit ng siglo. Natapos ni Padre de Castro ang pagsusulat ng Urbana at Feliza sa
Naic subalit hindi na niya inabutan ang pagkakalimbag nito matapos siyang mamatay noong 1864.
Pinaniniwalaang isa si Padre de Castro sa mga tinamaan ng kolera nang maging epidemya ito sa Naic
noong panahong iyon. Pinaniniwalaan ding ang kinita sa kaniyang aklat ay ibinigay sa simbahan ng Naic
na ipinangtustos sa hagdanang bato ng kumbento na nagagamit hanggang sa ngayon.

Nobyembre 1864 nang makapagtalaga sa Naic ang mga Dominikano ng kura-paroko mula sa kanilang
orden. Humigit-kumulang isang taong nanungkulan bilang kauna-unahang Dominikanong kura-paroko
ng Naic si Padre Antonio Xabet. Nag-ugat ito sa isang Royal Order noong Marso 9, 1849 mula sa Kaharian
ng Espanya na nagsasabi sa mga Dominikanong pamahalaan ang Parokya ng Naic. Sa panunungkulan ng
mga Dominikano bilang mga kura-paroko ay kilala na ang Simbahan bilang Parroquia de la Inmaculada
Concepcion de Naic.
*Ang Bago at Pinakamalaking Simbahan sa Cavite*

Samantala, pinaguho ng malakas na lindol ang harap ng simbahan ng Naic noong 1872. Dahil dito,
bunsod na rin umano ng lumalaki pang populasyon ng Naic at upang mas maging kaiga-igaya pa umano
ang simbahan ay muli itong sumailalim sa rekonstruksyon noong 1874. Sa pangunguna ni Padre
Francisco Govea, katuwang ang mga taga-Naic, ipinatayo ang mas malaking simbahang bato. Sinasabing
sa loob ng humigit-kumulang 20 taong pagawain, ilang manggagawa ang nagbuwis ng buhay sa mga
aksidente sa konstruksyon. Kalimitan umano sa aksidente ay pagkahulog ng mga manggagawa sa
napakalalim na mga hukay para sa pundasyon ng simbahan, o kaya ay sa matatayog na tuktok nang
naititindig na ito.

Sa pagawaing pinangungunahan ni Padre Govea, naglimos at nagtakda-takda ang mayayamang taga-


Naic sa kung sino ang gagastos para sa haligi, biga, bintana, aranya, imahe ng mga santo para sa altar, at
iba pa. Napalipat ng parokya si Padre Govea subalit nagbalik sa Naic noong 1891. May talang
nagsasabing isinagawa ang inagurasyon ng simbahan noong 1892; at may talang nagsasabing natapos
ang mga pagawain noong 1895—mga panahong si Padre Govea na muli ang kura-paroko ng Naic.

Ang bagong simbahang bato sa panahon ni Padre Govea ay ang simbahang natutunghayan na hanggang
ngayon sa Naic. Ang neo-gothic na simbahang ito ng Naic ay ang pinakamalaki—pinakamahaba at
pinakamataas—sa buong lalawigan.

*Ang Pag-unlad ng Agrikultura sa Naic*

Kasabay ng pagpapalaki at pagpapatibay sa simbahan ng Naic ay ang pag-unlad ng agrikultura sa


asyendang pinamamahalaan ng mga Dominikano. Sa loob ng ilang dekada, pinalawak pa ang mga lupang
sakahan sa Naic; ipinakilala ang mga bagong pananim; nagpatayo ng mga dam, dike at tanel at umagos
ang mga patubig; ipinatayo ang mga tulay gaya ng Tulay ng Kumbento (nagdurugtong ngayon sa San
Roque at Malainen) na yari sa adobe ng mga naunang kumbento ng Naic, para sa mas mabilis na
transportasyon sa lupa; nagkaroon ng kiskisang pinagagana ng tubig na napadaloy hanggang sa ilat ng
poblasyon; nagkaroon ng mga trapitse o iyong panggiling o pangkatas ng tubo na pinaaandar ng mga
hayop; at ipinatayo ang bodega o camarin para sa mga ani, maging ang Casa Hacienda (pangunahing
gusali ngayon ng Naic Elementary School) na naging tanggapan ng mga Dominikano. Ang 1800s ay
siglong nagpalago at nagpasigla sa asyendang Naic.

Sa pagsasalarawan sa mga taga-Naic noon, sinasabing lahat sila ay Romano Katoliko. Sila ay mga banal,
mababa ang loob, mapagbigay, at mahusay tumanggap ng mga panauhin. May magandang ugnayan ang
magkakapitbahay. Madalang na madalang silang hindi nakadadalo sa mga misa at bihira silang hindi
nakagaganap sa mga tungkuling pang-simbahan; kahit kinakailangan pa nilang magsaka o mangisda.
Tuwing anihan, ang may paani ay naghahanda para sa mga kamag-anakan bilang pasasalamat sa
mabuting sakang ipinagkakaloob ng Diyos. Bilang pasasalamat ay sumasayaw rin sila ng pandango sa
saliw ng plawta noong wala pang banda musiko.

*Panahon ng Himagsikan sa Naic*

Samantala, ang bagong simbahang bato ng Naic ay naging saksi sa mahahalagang yugto ng himagsikan
noong 1890s. Sa pagsiklab ng rebolusyon noong 1896, nilisan ng mga pari ang simbahan at Naic dahil sa
banta sa kanilang buhay. Kasunod nito ay sinalakay ng mga taga-Naic ang Casa Hacienda at bodega ng
palay, at nilimas ang mga naroroong gamit at ani bilang pag-aaklas. Naging himpilan ng mga Katipunero
at manghihimagsik ang Casa Hacienda. Fiesta noong 1896, dumalo pa sa misa sa simbahan ng Naic si
Andres Bonifacio na mula sa casa ay sinundo pa gamit ang ciriales at fallo.
Sa paglisan ng mga Dominikano ay humalili ang paring sekular na si Fr. Valentin Velasco sa Simbahan.
Siya ang nangalaga sa mga gamit ng simbahan at sinasabing tumulong din sa himagsikan. Nagpatuloy
ang mga misa at pagdarasal ng rosaryo lalo at may mga labanan sa lalawigan.

Sa pagpapatuloy ng himagsikan noong 1897, naitalang sa pagbabalik ni Bonifacio sa Naic noong Pebrero
ay ipinapatay niya ang tatlong paring bihag. Mula sa kulungan ng Casa Hacienda, isinakay sa karitelang
hatak-hatak ng kalabaw ang mga pari at binitay sa Muzon. Matapos ay nagbunyi ang mga
manghihimagsik na bumalik sa liwasan sa saliw ng banda.

Dumagsa naman ang mga nag-alsa balutang taga-Cavite sa Naic noong Marso hanggang Abril bunsod ng
unti-unting pagkakabawi ng mga Kastila sa iba’t ibang bayan ng lalawigan. Sa dami ng mga taong hindi
na nagkasya sa mga bahayan at natutulog na sa mga daan, nalantad ang bayan sa gutom at epidemya.
Nasa 20 ang namamatay araw-araw na nang hindi na magkasya sa sementeryo ay inilibing na lamang sa
mga kabukiran at kagubatan ng Naic.

Sa mga buwan ding nabanggit, nangyari sa Casa Hacienda ang tanyag na pagbubuo ni Pangulong Emilio
Aguinaldo sa kaniyang gabinete mula sa hindi natapos na halalan sa Tejeros. Sa Casa Hacienda rin
nangyari ang Kasunduan sa Naic na pinangunahan ni Andres Bonifacio na sumasalungat sa naturang
halalan. Ito ang itinuturong dahilan upang akusahan si Bonifacio ng pagtataksil sa bayan. Mula Indang,
unang ikinulong at nilitis si Bonifacio sa Casa Hacienda bago inilipat sa Maragondon.

Naging madugo ang mga sagupaan ng mga maghihimagsik at mga Kastila sa iba’t ibang dako ng Naic.
Mayo 3, matapos ang mga pagkapanalo ay nagimbal sina Aguinaldo sa Naic nang pagkakanyunin sila ng
mga Kastila. Lumusob sa iba’t ibang dako ng Naic ang mga kalaban na nagpaurong sa mga naiwang
buhay kasama si Aguinaldo. Kasunod nito, nag-uunahan ang mga Kastila sa pagpanhik sa kampanaryo ng
Naic habang pinagbababaril ang mga larawan at rebultong madaanan. Naniniwala silang ang makauuna
sa kampanaryo ay magkakamit ng mabuting pala. Sa kampanaryo ng simbahan, dali-daling iniladlad ang
bandila ng Espanya at tuloy-tuloy na pinatunog ang kampana. Ang sigaw nila, “Viva Espana! Viva el rey!
Viva Alfonso XIII!”

Mula sa sandaling iyon ay ginawang himpilan ng mga sundalong Kastila ang simbahan ng Naic. Ganito
ang sitwasyon hanggang sa iproklama na sa Kawit ang kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.
Kaya naman, binabanggit sa naturang proklamasyon na tanging Naic (at Indang) na lamang ang hawak
ng mga Kastila sa Cavite.

Samantala, maidaragdag na sa pagpapahayag sa Kawit ng kalayaan ng Pilipinas ay ang pagwawagayway


ng watawat ng Pilipinas. Kagaya ang bandila sa kasalukuyan ginagamit ng bansa, maliban sa ang araw
nito ay may mukha. Sa ilang naunang bandila ng Katipunan ay gumamit na ng araw sa disenyo ng
watawat. Kaugnay nito, mapapansing ang pulang watawat na idinisenyo sa Naic, sa pakikipagpulong ni
Aguinaldo sa Casa Hacienda, noong hawak pa nila ang Naic, ay may puting araw sa gitna at mayroon
ding mukha. Tinatawag na “Sun of Liberty of the Naic Assembly,” sinasabing ito ang unang watawat na
ginamit para sa republika.

May hinuhang ang mukha sa araw ng watawat ay halaw sa araw na may mukha na makikita sa paanan
ng imahe ng patrona ng Naic, Inmaculada Concepcion. Maaari umanong nakikita nina Aguinaldo ang
araw na iyon tuwing mapapadaan noon sa simbahan ng Naic. Bagaman walang malinaw na paliwanag
kung bakit may ganoong araw dahil hindi ito karaniwan sa isang imahe ng Inmaculada Concepcion,
inilahad ni Fr. Isagani Avinante, kasalukuyang kura-paroko ng Naic, ang palagay ng isang Dominikanong
dumalaw nito lamang sa simbahan. Maaari umanong ang araw na iyon ay katumbas ng simbolong araw
sa puso ni St. Thomas Aquinas, Dominikanong kinilalang santo noong 1323. Kung gayon ay mahihinuha
ring ang paglalagay ng araw na may mukha sa imahe ng Inmaculada Concepcion ay pagpaparangal
naman sa naturang santo ng mga kapwa Dominikanong namamahala noon sa Naic. Mapapansin ding
ang pamantasang kumikilala sa santo bilang patron, at isang institusyong Dominikano, ay may ganito
ring araw na mukha sa kanilang selyo, ang University of Santo Tomas.

1900s

*Panahon ng mga Amerikano at Pamamahagi ng Lupa sa mga Taga-Naic*

Magkasunod na ipinadala sa Pilipinas ni Pangulong William McKinley ng Amerika ang Komisyong


Schumar (1899) at Komisyong Taft (1900). Kabilang sa pakay ng mga komisyon ay suriin ang kalagayan
ng mga lupaing pagmamay-ari ng mga prayle, kabilang na ang asyenda ng mga Dominikano sa Naic.

Matapos ang mga pag-uusap, napagpasyahang bilhin ng Amerika ang mga lupa. Alinsunod sa Komisyong
Taft ipinasarbey ng mga Dominikano ang Naic na natapos noong 1903. Sinasabing ang Naic ay may
kabuuang sukat na 7,922 ektarya at 29 arya. Ang asyenda ay may primera klaseng palayan sa sukat na
3,119 ektarya at 28 arya. May lupain din ang Naic na kinatatayuan ng mga gusali sa kabayanan sa sukat
na 40 ektarya at 1 arya. Mayroon din itong kakahuyan na nasa 4,763 ektarya. Isinama rin sa sarbey ang
mga dam at bodega ng palay. Sa kabuuan, aabot sa 770,996.76 Mehikanong dolyar ang halaga ng Naic.
Hindi kasama sa sukatan at bentahan ang simbahan, kumbento, sementeryo at iba pang hanggang sa
kasalukuyan ay pag-aari ng Simbahan.

Muli namang ipinasarbey ng Amerika ang mga asyenda at natapos ito noong Nobyembre 1, 1907.
Natuklasan ditong labis ang naunang sarbey ng 298 ektarya matapos isama ang mga lupang naibenta na
sa iba.

Nagpatuloy ang mga pag-uusap at naayos ang presyuhan sa asyenda ng Naic noong Marso 21, 1910.
Nangyari ang bayaran pagsapit ng Hunyo 24. Kasunod nito, upang makuha ang loob ay ipinamahagi ng
Amerika ang lupa sa mga magsasaka at pinabayaran sa murang halaga sa loob ng itinakdang haba ng
panahon.

*Ilang Pagbabago sa Panahon ng Amerika*

Matapos maging pag-aari ng Amerika ang Casa Hacienda, binuksan ito sa bayan bilang paaralan na
hanggang sa kasalukuyan ay kinikilalang Naic Elementary School (NES). Sa logo ng NES ay mababasang
nagsimula ito noong 1922.

Nagkaroon din ng pagkakataong magsimula at maipakilala ang mga bagong paniniwala at relihiyon. Sa
Naic, ilan sa mga unang nagsimula ay ang Iglesia ni Cristo (1926) na ang unang kapilya ay naipatayo sa
Humbac noong 1931, ang Iglesia Filipina Independiente na pinamahalaan ang dating kapilyang Katoliko
sa Labac, ang Kapatiran ng Litaw na Katalinuhan sa Malainen Luma (1940s), at ang Protestante at
Budismo.
Sa kabila nito, nanatiling Katoliko ang marami sa Naic. Noong 1939, sa populasyon ng Naic na 13,813 ay
nasa 12,247 sa kanila ang Katoliko.

*Ikalawang Digmaang Pandaigdig*

Ilang linggo mula nang salakayin ng mga Hapones ang Maynila, narating nila ang Naic noong Enero 1942.
Bago ito, kaagad ipinag-utos ng noon ay mayor ng Naic na si Emilio Arenas na lisanin ng mga
mamamayan ang bayan. Tumalima ang mga taga-Naic at nagtago sa mas mga liblib na lugar, hanggang
sa Maragondon, Tanza, at Indang.

Sa Naic, ginawang pangunahing tanggapan ng mga Hapones ang Naic Elementary School. Naging
himpilan din nila ang simbahan at lugar-masiran ang kampanaryo.

Upang talunin ang mga Hapon, kinanyon ng mga hukbong Amerikano-Pilipino na nasa Korehidor ang
Naic. Nawasak ang malaking bahagi ng simbahan ng Naic sa pagtama rito ng bomba. Wasak maging ang
mga altar ng simbahan at ipinagpasalamat ng sambayanang na ilang gasgas lamang ang sinapit ng
patrona. Nahinto ang mga gawaing pansimbahan noong yugtong iyon.

Kapagdaka ay ipinag-utos ni Fr. Rosalino Veneracion, kura-paroko, na ilikas ang imahe hanggang sa
dinala ito sa panulukan ng Kalye Pelaez at Kalye Jocson, at doon ipinagpatuloy ang mga gawaing
pansimbahan.

Nilinis ang bungad ng wasak na simbahan at nagtayo ng pansamantalang altar. Noong 1943 ay naibalik
ang imahe ng Inmaculada Concepcion sa simbahan.

Nang mabawi ng hukbong Amerikano-Pilipino ang Naic, nagsilbing pagamutan ang kumbento ng Naic.
Ibinalik sa Naic Elementary School ang mga klaseng unang inilipat sa kumbento. Maraming kababaihan
ang tumulong sa pagamutan. Sa gitna ng layong gamutin ang mga sugatang mandirigma, marami pa rin
ang namatay na mga Amerikano at Pilipino. Inilibing ang marami sa mga bangkay sa paligid ng simbahan.

Maidaragdag na sinira ng mga Hapones ang Tulay ng Kumbento.

Matapos ang digmaan, pinasimulan ang pagsasaayos ng simbahang maiging nasalanta. Iniayon sa sa
dating anyo ang pagbubuo sa simbahan subalit sa kakulangan ng pondo ay may mga detalyeng hindi na
naibalik. Nakakuha ang simbahan ng damage claim sa pangunguna ng kura-paroko noong 1946 na si Fr.
Pedro Hilario. Sa 73,000 piso, hindi na naibalik ang dating anyo ng mga altar ng simbahan. Sa mga
sumunod na dekada ay nagpatuloy ang mga pagawain at pagsasaayos sa simbahan.

*Ang Pandiyosesanong Dambana ng Inmaculada Concepcion*

Sa pagkilala sa 1796 bilang taong pagkakatatag ng parokya, ipinagdiwang ng Naic ang ika-200
anibersaryo nito. Malawak at mahaba ang mga pagdiriwang noong 1996 na pinangunahan ni Fr. George
Morales.

Nagkaroon ng mga patimpalak sa iba’t ibang paaralan gaya sa pagsulat ng tula at paggawa ng poster.
Nagpagawa ang Simbahan ng maliliit na imahe ng Inmaculada Concepcion na ang ilan ay naging premyo
sa mga patimpalak.
Tampok sa pagdiriwang ang dedikasyon ng parokya. Noong Nobyembre 17, kinonsagra ni Ricardo
Cardinal Vidal ang simbahan ng Naic. Bago naman ang kapistahan noong taon ding iyon, siyam na
Obispo ang nagmisa sa Naic bilang paghahanda sa deklarasyon upang kilalaning Pandiyosesanong
Dambana ng Inmaculada Concepcion ang simbahan. Kasunod nito, Disyembre 8, 1996, idineklara na ang
simbahan bilang Diocesan Shrine of the Immaculate Conception ni Obispo Manuel Sobreviñas. Ang
sinumang dadalaw sa simbahan ay makatatanggap ng indulhensya.

2000s

*Panunungkulan ni Fr. Inocencio “Jun” Poblete Jr.*

Naging kura-paroko ng Naic si Fr. Jun noong 1997. Sa panahong iyon ay laganap sa sambayanan ang mga
haka-hakang magwawakas ang daigdig o hindi kaya ay titigil ang paggana ng mga computer dahil sa
pagbabago ng milenyo. Panalangin ang isa sa nagpapayapa sa sambayanan.

Bukod sa mga gawaing pansimbahan, isa sa mga naging proyekto ni Fr. Jun ay ang pagpapaganda pa sa
Hardin ni Maria sa pagpapatanim doon ng marami pang halamang namumulaklak.

*Panunungkulan ni Fr. Nonilon “Noni” Tibayan*

Ang pagdating ni Fr. Noni sa Naic noong 2003 ay sinalubong na masamang balitang ninakaw ang
Santisimo Sakramento sa Adoration Chapel. Sa kabila ng itinuturing niyang paglapastangan sa
Eukaristiya at sambayanang Katoliko, naging masigla ang mga gawaing pansimbahan sa anim na taon ng
kaniyang panunungkulan.

Pinakamatatandaan ang kaniyang panahon kung kailan ipinagawa ang altar mayor at dalawang altar
minor ng simbahan. Katuwang ng simbahan ang mga taga-Naic, maging yaong mga nasa ibang bansa.

Abril 26, 2007 nang matapos ang ilang buwang pagawain, binasbasan at binuksan sa sambayanan ang
bagong altar mayor ng Naic. Bahagi ng pagpapakilala pa sa simbahan bilang dambana ay ang paglalakas-
loob ni Fr. Noni upang itaguyod ang proyekto. Paraan din umano ito upang itugma sa neo-gothic na
arkitektura ang disenyo ng altar.

Sa minsanang pagkakataon, iprinusisyon sa kabayanan ang mismong imahe ng Inmaculada Concepcion


bago ito iniluklok sa altar. Si Obispo Luis Antonio Tagle ang nanguna sa redidikasyon at pagbabasbas ng
altar mayor.

Nang ibaba ang telong itinakip muna sa altar mayor, nakaluklok na sa tuktok ng altar ang imahe ng
Hesus Resurreccion na palatandaang si Hesus ang daan patungong kalangitan. Nailuklok na rin ang
patrona. Bakante muna noon ang kabilaan ng Inmaculada Concepcion na inilaan para kay San Jose, ang
kaniyang kabiyak; at kay San Isidro Labrador, itinuturing ngayong ikalawang patron ng Naic. Iniluklok ang
imahe ng dalawang santo sa kani-kanilang kapistahan.

Pagsapit ng Disyembre 6 ng 2007, pinangunahan muli ni Obispo Tagle ang Misa Concelebrada at
pagbabasbas naman sa binago ring mga altar minor. Ang kabila ay ang para sa Tabernakulo at ang sa isa
ay para sa Santo Rosario.
Ilan pa sa mga pagdiriwang na kinalahukan ng Naic ay ang Taon ni Maria noong 2004 hanggang 2005,
kaugnay na rin ng ika-150 anibersaryo ng dogma ng Inmaculada Concepcion, at ang ika-100 taon ng
Apostolado ng Panalangin sa Naic noong 2006.

*Panunungkulan ni Fr. Virgilio “Vir” Saenz Mendoza*

Isa sa mga agad na proyekto ni Fr. Vir sa Naic noong 2009 ay ang pagpapaganda pa sa loob at labas ng
kumbento ng Naic. Sa panahon din niya ipinagawa ang dalawa pang altar minor sa simbahan—Santo
Entierro at Jesus Nazareno.

Sa lahat ng kaniyang proyekto, pinakapinag-usapan ng sambayanan ang pagpapalitada ng apog sa labas


ng simbahan. Sa gitna ng mga sabing nawala ang orihinal na imahe ng simbahan, binigyang diin ni Fr. Vir
na restorasyon ang isinasagawa sa simbahan upang higit pa itong maiwangis sa anyo nito noong 1890s.
Nagsimula ang pagpapalitada ng apog noong 2012 kung kaya puting-puti noon ang simbahan. Paraan din
umano iyon upang mapagtibay pa ang simbahang may mga bahaging nadudurog o napupulbos na.

Noong 2014, mariin namang binatikos ni Fr. Vir ang tila walang habas umanong pagpatay sa lupang
sakahan ng bayan. Ito ang tema ng kaniyang homilya sa kapistahan ng San Isidro Labrador, Mayo 15.
Tinalakay niya ang kasaysayang nagpapatunay na mataba, masagana at mayaman ang lupa ng Naic.
Ayon sa homilya, kasakiman ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit naglalaho ang mga taniman
sa Naic. Sa layon umanong magkamal ng limpak-limpak na salapi, agad-agarang nadadala ang mga may-
ari ng lupa upang ibenta ang kanilang mga sakahan. Kaugnay umano nito ang layon pa ng malalaking
negosyante upang magtayo ng mga subdivision, pabrika at iba pang anyo ng industriyalisasyon, na kung
hindi na mapakikinabangan ay maaaring humantong sa pagkatiwangwang na kailanman ay hindi na
mapakikinabangan.

Ayon pa sa homilyang iyon ni Fr. Vir, ang mga maling konsepto umano sa pagsasaka ang isa pa sa
nagbibigay daan upang tuluyan na itong talikdan maging ng mga kabataan. Gayong nariyan at mayaman
ang lupa, tinitingnan umano ang pagsasaka bilang mababang uri ng paggawa o propesyon dahil sa putik
at duming hatid nito sa magsasaka. Subalit ayon kay Fr. Mendoza, kung pinagtuunan at pinagtutuunan
lamang umano ng pamahalaan at mga dalubhasa ang isyu sa sakahan, gaya sa ibang bansa, teknolohiya
ang susi tungo sa mas mataas na antas ng pagsasaka. Sa tamang pamamahala at teknolohiya umano,
maaaring maging malinis, mabilis at masigla ang pagsasaka. Kaya kung kita rin lamang umano ang
sinasabing dahilan upang pasukin ng industriyalisasyon ang mga sakahan, may kayamanan na umano sa
taniman.

Bilang karagdagan, Setyembre 2014 naman ay ipinagdiwang ng simbahan ang ika-150 anibersaryo ng
Urbana at Felisa na tinapos isulat ni Fr. De Castro sa kumbento ng Naic.

*Mga Bagong Parokya sa Naic*

Sa populasyon ng Naic na aabot na sa 70,000 noong magwawakas ang ika-1900s, malaking hamon na
para sa Parokya ng Naic na tugunan ang mga pangangailangan ng buong bayan. Kaugnay nito, itinatag
ang mga quasi-parish sa mga baranggay ng San Roque at Bancaan. Ang kapilya sa San Roque na
nagsimula noong 1885 ay itinalagang Quasi-Parish of San Isidro Labrador, habang ang kapilya naman sa
Bancaan na nagsimula noong 1899 ay itinalaga bilang Quasi-Parish of Sto. Nino de Bancaan. Bilang mga
quasi-parish, nanatili ang suporta ng Parokya ng Naic sa kanilang mga pangangailangan.
Noong Setyembre 4, 2012, ganap nang idineklara ang Simbahan ng San Isidro Labrador bilang isang
nagsasariling parokya. Nagkaroon ng Misa Concelebrada na dinaluhan ng may 60 mga pari sa simbahan
ng San Isidro Labrador. Kaisa rin sa gawain si Cavite Bishop Emeritus Manuel C. Sobreviñas.
Pinangunahan ni dati ring Obispo ng Cavite, ngayon ay Arsobispo ng Maynila, Lubos na Kagalang-galang
Luis Antonio Tagle ang misa. Dagsa ang sambayanan sa simbahan. Dating coordinator ng quasi-parish,
itinuturing ngayon bilang kauna-unahang kura-paroko ng San Isidro Labrador si Fr. Orlando Jimenez.

Pagsapit ng Mayo 31, 2013, ganap na ring idineklara ang simbahan ng Sto. Niño de Bancaan bilang isang
nagsasariling parokya. Matapos pamunuan ang isang misa sa Parokya ng Naic, halos 9:00 AM, dumalaw
si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Bancaan upang bumati at magpaabot ng mensahe sa
bagong parokya. Ayon sa cardinal, “madaling maging parokya subalit mahirap magpaka-parokya.” Bago
tuluyang umalis ay iniwan niya sa sambayanan ang hamong tugunan ang mga tawag ng isang parokya.
Kaisa ang mga kaparian ng Diyosesis ng Imus, pinangunahan ng tagapangasiwang si Msgr. George
Morales ang pagdiriwang. Samantala, itinalaga rin si Fr. Nico Tagulao bilang kauna-unahang kura ng
parokya.

Sakop ngayon ng Parokya ng San Isidro Labrador ang Palangue, Calubcob, Halang, San Roque, Malainen,
Molino, Muzon. Sakop naman ng Parokya ng Sto. Nino de Bancaan ang Sapa, Bucana Malaki, Bagong
Kalsada, Mabulo, Bancaan at Labac.

Nananatiling sakop naman ng Parokya ng Inmaculada Concepcion Ibayo Silangan, Latoria, Makina,
Sabang, Munting Mapino, Bucana Sasahan, Timalan Balsahan, Timalan Concepcion, at iba pang
baranggay kakawing ng poblasyon.

*Panahong Digital*

Ang pagsapit ng digital age ay naging kasangkapan upang mapaunlad ang paglilingkod ng simbahan. Sa
pamamagitan din nito ay naging mabilis na naihahatid at naidodokumento ng halos kahit sino ang mga
gawaing pansimbahan.

Isa ang Naic Cavite Online (NCO) sa mga unang blog na nagbukas sa Naic nang nagsisimula ang internet
sa bayan noong 2001. Sa layong maihatid ang mga kuwento at kasaysayan ng bayan, isa ang mga
gawaing pansimbahan sa mga laman ng NCO. Si Fr. Noni na hayagang tagasuporta ng NCO ay minsang
kinilala sa isang Christmas Eve Mass ang aniya’y pagsisikap ng NCO na itala at ihatid sa sambayanan ang
mga kwento at kasaysayan ng Naic. Mula 2004 hanggang sa kasalukuyan, nakasinop ang daan-daang
mga larawan, mga sulatin, at video ng NCO hinggil sa simbahan. Sa natatanging pagkakataon, inilunsad
din ng NCO sa Facebook page at Youtube accounts nito ang drone video shots nito sa halos lahat ng
anggulo ng loob at labas ng simbahan ng Naic.

Panahon din ni Fr. Noni nang gumamit ang simbahan ng multimedia projector upang matunghayan
hanggang sa likod ng simbahan ang mga tagpo sa unahan na kinukuhanan gamit ang video camera.
Hanggang sa kasalukuyan, may mga television set na sa simbahan na monitor upang higit pang
masabayan ng sambayanan ang mga banal na pagdiriwang. Powerpoint ang gamit sa kasalukuyan na
gabay sa pagkakasunod-sunod ng gawain, mga linya ng awit, mga tugon, at iba pa.

Noong 2010, nagbukas naman ang Facebook page ng Parokya ng Naic bilang “Diocesan Shrine of the
Immaculate Conception of Mary.” Dito naipaaabot ng Simbahan ang mahahalagang patalastas at
gawain. Sa pamamagitan din nito ay naging posible ang paghahatid pa ng Mabuting Balita, maging ng
mga online novena.

*Panahon ni Fr. Nestor Isagani “Gani” Avinante*

Sa pagdating ni Fr. Gani sa Parokya ng Naic, kapansin-pansing pangunahing layon niya ay higit na
maituon sa patrona ang mga gawaing banal sa simbahan. Unang naging kapansin-pansin ito sa
pagdiriwang ng Flores de Mayo noong 2016. Ipinatigil ng kura-paroko ang magagarbong bulaklak na
halos makatabon na rin sa imahe ng Inmaculada Concepcion. Maging ang bihis sa hermanahan ay
ipinayong maging payak upang mawala ang tutok ng sambayanan sa garbo ng mga hermana. Hinikayat
niya ang mga nakatipid sa paggastos sa bulaklak na tumulong sa proyekto ng simbahan na maghandog
ng mga gamit pampaaralan para sa mga mag-aaral ng bayan. Gaya ng ipinayo ng kura, naging
pangkaraniwang alay sa Birhen ang mga bulaklak na nakukuha sa bakuran ng mga deboto, gaya ng
bougainvillea , yellow bell, santan, sampaguita, at calachuchi. Ipinayo ring gawing simple ang mga
susunod na istandarte gayong katangian ng Birhen ang kapayakan.

Sa gitna naman ng naging kabi-kabilang kriminalidad sa lipunan at balitaan, may payo rin si Fr. Gani sa
sambayanan. Sa isang homilya noong Agosto 27, 2017 sinabi ni Fr. Isagani Aviñante, kura, na mahalaga
ang “positive vigilance” upang mapanatili ang kapayapaan sa pamayanan. Sa kanyang halimbawa, ang
sinuman umanong makapapansin na may mga dayo at mga taong may kahina-hinalang kilos ang
umaaligid sa isang lugar, ay marapat lamang na tawagin ang pansin ng otoridad, gaya ng Baranggay o
kapulisan. Sa ganito umano, maaaring mapigilan kung may nagbabantang nakawan, pananakit o
pagpatay.

Sa Misa Concelebrada naman para sa kapistahan ngayong 2019 na pinangunahan ni Obispo Reynaldo
Evangelista, walang Hermana de Fiesta na nag-alay ng bulaklak sa patrona. Taong 1996 nang magsimula
ang pag-aalay ng bulaklak ng hermana, bahagi ng ika-200 anibersaryo noon ng parokya.

Pangunahing proyekto sa panahon ni Fr. Gani ay ang pagsasaayos ng sahig ng simbahan. Sa kasalukuyan,
ang sahig ng Naic ang may pinakamalaking marble mosaic installation sa buong Pilipinas. Nagkakahalaga
ang proyekto ng 13.5 milyong piso na nabuo sa pagtutulungan ng sambayanan. Inilalatag namang
susunod na proyekto ang kisame ng simbahan na mas akma umano sa neo-gothic na disenyo ng
simbahan. Inaasahang magsisimula ito sa 2020.

Sa patuloy na pagdami ng mga pabahay, subdibisyon at populasyon ng Naic, isa pa sa tinututukan ni Fr.
Gani ay ang itinataguyod na kapilya sa Ciudad Nuevo. Layon umanong maging quasi-parish ito sa
hinaharap, at pagdaka ay isang nagsasariling parokya.

You might also like