You are on page 1of 5

Kontraktwalisasyo

n
Repleksyon
Sa kagyat na pakahulugan, ang “kontraktwal” ay isang katayuan sa trabaho kung saan ipinagkakait ang
ugnayang employer-employee sa pagitan ng isang manggagawa at ng kapitalista o kumpanyang tunay na
nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Ipinagkakait sa kanya ang katayuang “regular employee” ng
naturang kumpanya o kapitalista. Tinutukoy naman ng “kontraktwalisasyon” ang kalagayan kung saan
umiiral ang mga kontraktwal at katunaya’y pinaparami pa nga.

Iligal ang isang masahol na modus operandi kung paano ito ipinapatupad: kukuha ang kapitalista o
kumpanya ng manpower agency o cooperative para magsuplay ng mga manggagawa. Tatanggalin sa
trabaho, o papalabasing tinatanggal sa trabaho, kada limang buwan ang manggagawa. Kadalasan,
muling ire-rehire o papalabasing muling ni-rehire ang manggagawa sa parehong trabaho, paulit-ulit.
Nakasaad kasi sa batas na kailangang gawing regular ang manggagawa kapag umabot siya ng anim na
buwan sa trabaho.

Pakitang-taong tinutuligsa ng malalaking kapitalista, ng gobyerno at mga tagapagsalita nila, ang


naturang modus operandi; sinasabi nilang “pag-abuso” ito sa kontraktwalisasyon. Pinapalabas nila na ito
lang ang kasingkahulugan ng “endo” o “end of contract” at “5-5-5” na siyang popular nang tawag, at
karanasan, sa kontraktwalisasyon.

Mula noong rehimen ni Noynoy Aquino hanggang ngayon sa rehimen ni Rodrigo Duterte, pinapalabas
ng gobyerno na ang mga manggagawa ay nareregular sa mga agency pagkatapos ng anim na buwan.
Pangontra umano ito sa modus operandi na “endo” o “5-5-5.”

Pero kontraktwalisasyon pa rin ito. Pagkakait pa rin ito ng ugnayang employer-employee sa pagitan ng
manggagawa at ng kompanya o kapitalistang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Wala pa
ring seguridad sa trabaho ang manggagawa. Pwede siyang mawalan ng trabaho nang wala o may
minimal lang na pananagutan ang kapitalista at agency sa batas.

Kahit pa sabihing ipinagbabawal ng batas at kinokondena ng mga kapitalista at gobyerno, talamak pa rin
ang nabanggit na modus operandi. Marami ring pagkakataong tumatagal ang manggagawa sa kanyang
trabaho, umaabot nang ilang taon, nang ang katayuan ay kontraktwal.
Atake ang kontraktwalisasyon sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa, at sa maraming
batayang karapatang kaugnay nito. Sabihin pa, ipinapatupad ang kontraktwalisasyon para tiyakin ang
papalaking tubo ng mga kapitalista.

Kalagayan. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay tumatanggap ng napakababang sahod. Kadalasang mas
mababa sa minimum ang pasahod sa kanila kahit bawal ito sa batas. Kadalasan silang pinagkakaitan ng
mga benepisyong itinatakda ng batas. Ang mga empresang matindi ang paglabag sa mga istandard sa
kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, puno ng mga kontraktwal.

Sa pamamagitan ng kalagayang pwede silang tanggalin sa trabaho anumang oras, hinahadlangan silang
mag-unyon. Sa kalagayan pa lang na kada limang buwan ay tinatanggal, mahirap nang mag-unyon.
Kapag natuklasang nag-uunyon ang mga kontrakwal sa isang kumpanya, at wala silang paglaban,
kadalasang maramihan silang tinatanggal. Mas masahol pa, dahil mismo sa kalagayang ito, pinupwersa
silang magkumahog na gawin ang lahat ng gusto ng kumpanya o kapitalista, kahit mawasak ang
pagkakaisa nila, at huwag gawin ang anumang ayaw nito, gaya ng pagtatayo ng unyon.

Sa pagpapahirap sa kanilang mag-unyon, pinagkakaitan sila ng armas para ipaglaban ang mas mataas na
sahod, regularisasyon, mga benepisyo, ligtas na lugar ng paggawa at iba pang karapatan.

Sa kabila ng dambuhalang tubo at yaman nila, o para nga rito, ang pinakamalalaking kapitalistang
dayuhan at lokal sa bansa ang mga pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon.

Espesyal na kaso ang mga empleyado sa sektor ng Business Process Outsourcing sa bansa. Sa kabila ng
relatibong mas mataas nilang sahod at benepisyo, sa esensya’y kontraktwal ang katayuan ng kanilang
pagtatrabaho.

Batas. Mismong Batas Paggawa o Labor Code ng 1974 ang nagsisilbing ligal na batayan ng
kontraktwalisasyon. Dito, sinasabing bawal ang Labor-Only Contracting habang ligal ang tinatawag na
Job Contracting. Binibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang Labor Secretary na maglabas ng mga
alituntunin para sa pagpapatupad ng Job Contracting. Sa aktwal, ang naturang mga alituntunin ay
pagtuturo sa mga kapitalista kung paano magkokontraktwalisa nang ligal.

Sa pakahulugan ng batas, tinutukoy ng Labor-Only Contracting ang kalagayan kung saan ang isang
kumpanya ang tunay na may kontrol sa mga manggagawa at dummy lang nito ang agency. Tinutukoy
naman ng Job Contracting ang kalagayan kung saan ang agency umano ang tunay na may kontrol sa
manggagawa at nagagawa nito ang gawain nang walang pakikialam ng kumpanya.

Ipinataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Paggawa sa pamamagitan ng Presidential Decree 442. Kaakibat
ng hakbanging ito ang pagtatayo ng mga Export-Processing Zones o EPZs na nagbibigay ng maraming
insentiba sa malalaking kapitalistang dayuhan na mamuhunan sa bansa, at ang pagtatayo ng dilawan,
maka-kapitalista at kontra-manggagawang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

Sa ilalim ni Cory Aquino, nagsabatas ng maraming pagsusog sa Batas Paggawa sa pamamagitan ng


Republic Act 6715. Tinatawag itong “Herrera Law,” nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na
dating lider ng TUCP. Hindi nito binago ang mga probisyon ng Batas Paggawa kaugnay ng
kontraktwalisasyon. Naging malaganap ang kontraktwalisasyon sa bansa sa panahon ng mga rehimen
nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Alinsunod sa Labor Code, naglabas ang mga sekretaryo ng Department of Labor and Employment ng
mga Department Order (DO) na siyang nagsilbing alituntunin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon.
Sa ilalim ni Arroyo, ipinatupad ang DO 18-02. Pinalitan naman ito sa ilalim ni Noynoy Aquino ng DO 18-A
Series of 2011.

Noynoy. Kumpara sa DO 18-02, may mga “papogi” ang DO 18-A Series of 2011. Una, itinaas nito ang mga
pamantayan para matawag ang isang agency na “lehitimong kontraktor,” kumpara sa hindi. Ikalawa,
itinakda nito ang pagtalima sa Labor Standards ng mga lehitimong kontraktor. Ikatlo, isinaad dito ang
pagregularisa sa mga manggagawa ng agency, hindi ng mga pangunahing employer o kompanya. Pero
matatapos ang kontrata ng manggagawa-agency kasabay ng pagtatapos ng kontrata ng kapitalista-
agency.

Sa isang banda, resulta ang naturang mga “papogi” ng mga pagkondena at protesta laban sa
kontraktwalisasyon. Umigting ang pagtutol sa kontraktwalisasyon dahil sa pagtanggal, noong 2010, ng
2,600 regular at unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines o PAL at pagpapabalik sa kanila sa
parehong trabaho nang kontraktwal, walang unyon, at sumasahod lang ng kalahati ng nauna nilang
sahod. Si Lucio Tan, pangalawang pinakamayamang Pilipino, ang siyang may-ari ng PAL – at ang
pagpayag sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kanyang kumpanya ay waring hudyat sa lahat ng
kapitalista na pwede silang magkontraktwalisa sa ilalim ng rehimeng Aquino.

Pero sa kabilang banda, pakitang-tao lang ang naturang mga probisyon, at sa esensya’y nagliligalisa pa
rin sa kontraktwalisasyon.

Datos ng gobyerno mismo ang nagpapakitang panlilinlang lang ang umano’y “regularisasyon” sa mga
ahensya. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumundag nang 16.3 porsyento ang bilang ng
kontraktwal noong 2014 mula noong 2012. Ayon dito, 30 porsyento, o 1.3 milyon, sa 4.5 milyong
manggagawang ineempleyo ng mga negosyong may 20 pataas na manggagawa ang kontraktwal.
Inilalabas ang naturang saliksik kada dalawang taon, at tiyak na konserbatibo ang bilang na inilalabas
nito

Ayon dito, ang konsentrasyon ng mga kontraktwal ay ang konstruksyon, manupaktura, wholesale at
retail trade, bagamat dumami ang hindi regular sa agrikultura, pangisdaan at paggugubat, sa financial
and insurance services, at sa repair ng mga kompyuter at iba pang gamit sa bahay. Sa pag-alam sa
kalakaran ng empleyo sa mga sektor na ito, madaling masabing mas malaganap sa 30 porsyento ang
kontraktwal.

Duterte. Nitong eleksyong 2016, nauna si noo’y presidentiable Rodrigo Duterte sa pangangakong
tatapusin ang kontraktwalisasyon. At hindi lang ito pangakong inanunsyo ng midya; laman ito ng mga
poster niya na nakadikit sa mga komunidad. Naghahabol siya noon ng boto, at malaganap ang
diskuntento sa naturang iskema ng pag-eempleyo.

Ayon kay Duterte, nagdudulot ng kahirapan at kagutuman ang iskema, at sumisira sa lakas-paggawa at
sa ekonomiya ng bansa. Malinaw sa kanya na bangga ang pangako sa interes ng mga kapitalista, at
palaban niyang sinabihan sila na ilipat ang suporta kung ayaw sa kanyang pangako. Nagsunuran ang iba
pang kandidato sa parehong pangako kaya para makaungos, malinaw niyang sinabi na tatapusin ang
kontraktwalisasyon sa loob ng isang linggo matapos niyang manalo. Ilang beses din niyang inulit ang
pangako matapos niyang manalo. Pero tiyak, igigiit ng mga maka-kapitalista sa gobyernong Duterte ang
pamosong pag-iiba ni Budget Sec. Benjamin Diokno ng “Duterte bilang kandidato” at “Duterte bilang
pangulo.”

Globalisasyon
Repleksyon

Ang globalisasyon ay isang paraan ng pagaasahan ng mga bansa sa isa’t isa. Ang globalisasyon ay ang
pagtutulungan ng mga bansa sa buong mundo upang malayang makaikot ang mga produkto at serbisyo
sa bawat bansa. May mga mabuting epekto ang globalisasyon sa isang bansa. Napapagaan nito ang mga
gawain ng isang tao. Mas umunlad ang agham at teknolohiya sa isang bansa. Nagkaroon ng mga
pagbabago pagdating sa transportasyon at komunikasyon dahil sa paglilimbag ng mga makabagong
sasakyan tulad nalang ng mga tren, eroplano, barko at maraming pang iba. Pagdating naman sa
komunikasyon nagkaroon ng mga cellphones, internet at satellite. Sa pamamagitan ng globalisyon ay
mas naging mabilis ang daloy ng mga balita at pangyayari sa iba’t iabng panig ng mundo. Higit na mas
nakatulong ito sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao sa tulong ng makinarya pangmedikal. Ngunit
kaakibat ng mabuting epekto ay may hindi rin ito mabuting naidudulot. Maraming mga hayop at
kapaligiran ay unti unting nasisira. Nararamdaman ng mga mahihira ang agwat nila sa mga mayayaman.

Ayon sa aking nakikita, ang Globalisasyon ay isang pangyayaring hindi na mapipigilan. Kasama sa paglaki
ng populasyon ng mundo ang matinding pangangailangan ng mga produktong magmumula sa ibang
bansa. Isa rin ang pagpasok ng kultura ng “consumerism”, na kung saan ang indibiduwal ay nahihikayat
bumili ng isang bagay na hindi naman talaga niya kailangan. Wala ng nasyon na maaaring tawagin na
“truly independent” o “self sustaining”. Ang globalisasyon ay magbubunga ng kaunlaran sa isang sektor
at kahirapan naman sa iba. Makakabuti para sa ating bansa ang makapaghanda sa larangang ng
edukasyon, pasilidad, at impraestruktura para harapin natin ang hamon nito.  

You might also like