You are on page 1of 6

Mga Panlapi, Mga Salitang ugat

ni Aurora E. Batnag

 
Panimula:
Karaniwan, hindi binibigyan ng
pansin ng mga estudyante at
maging ng mga guro man kung
paano nabubuo ang mga salita sa
wikang Filipino. Kadalasang
eksena sa maraming silid-aralan
ang usapan sa ibaba:

Guro: Ano ang salitang ugat ng


salitang “matalo”?

Estudyante: Talo.

Guro: E ano naman ang salitang


ugat ng salitang “manalo”?
Estudyante: Nalo?
 
Ang masaklap sa eksenang ito,
tanungin mo ang guro at pareho
rin ng sagot ng estudyante ang
ibibigay niya.
Manalo at matalo, parehong talo
Ang totoo, iisa ang salitang ugat
ng manalo at matalo. Pero
magkaiba ng kahulugan ang
dalawang salita dahil magkaiba ng
panlaping ginamit.
Kapag natalo ka, ikaw ang
tumanggap ng kilos ng pandiwang
talo. Kapag naman ikaw ang
nanalo, ibig sabihin ay ikaw ang
nagsagawa ng kilos na nagbunga
ng pagkatalo ng ibang tao.

Tulad din ito ng salitang ugat na


bili. Kapag ikaw ay nagbili, ikaw
ang nagtinda, o nagbenta. Pero
kapag naman sinabing ikaw ang
bumili, ikaw ang pinagbentahan.
Ganito ang pagkakabuo ng mga
salitang matalo at manalo:
Salitang ugat Panlapi Nabuong
salita
talo ma- matalo
talo mang- mangtalo
Nagkaroon ng pagbabago sa anyo
at tunog kaya ang mangtalo ay
naging manalo.
Maraming iba pang ganitong
halimbawa ng mga salita. Hindi na
halos makilala ang salitang ugat
na pinagmulan ng maraming salita
dahil sa pinagdaanang
pagbabago sa anyo at tunog.
Iba pang mga salitang ugat
Ano ang salitang ugat ng iwan?
Karaniwang sagot: iw?
Tanong pa ulit: Ano naman ang
kahulugan ng iw?
Sagot: Tahimik na, hindi na
makapangatwiran, ang
nanghuhulang tinanong.
Ang tamang sagot: iwi. Ang
panlapi ay –an. Kaya: iwi + -an =
iwian = iwan.
Ano ang ibig sabihin ng iwi?

Kilala natin ang kahulugan ng


salitang iwi sa mga halimbawa sa
ibaba:
1.Ang kandidata ay may iwing
likas sa kagandahan.
2. Nag-iiwi siya ng biik para sa
kapitbahay.
3. May iwing sanggol ang mga ina
na dumalo sa pulong.

 
Ano ang karaniwang kahulugan ng
iwi sa mga halimbawang
pangungusap sa itaas? Di ba
“taglay” o “iniingatan”? Ngunit
kapag ang panlapi ay –an,
baligtad ang kahulugan ng
nabuong salita. Kapag iniwan ang
isang tao o bagay, hindi na ito
nangangahulugang taglay o
iniingatan kundi nilayuan.
Iyan marahil ang dahilan kung
bakit parang mahirap iugnay ang
salitang ugat na iwi sa iwan.

 
Narito ang isa pang salita: sauna.
Akala ng marami, Swedish ang
salitang ito. Ang totoo, ito ay
matandang salitang Tagalog, na
mas kilala sa anyong sinauna. Ang
hindi pinapansin ng marami, ang
sa- ay gamit sa pagbubuo ng
maraming salita, tulad ng
sumalangit (sa- + -um- + langit),
isaaklat (i- +sa-+ aklat), salab
(sa-+alab), at marami pang iba.

 
Ano naman ang salitang ugat ng
maging? Akala ng marami, ito ay
isang buong salita, na wala nang
iba pang sangkap. Ngunit kung
mahilig lamang kayong magmasid
at matamang makinig,
matutuklasan ang tunay na
pinagmulan ng salitang ito.
Binubuo ito ng magi at pang-
angkop na –ng.
Paano ito mapapatunayan? May
ilan pang nagsasabi ng ganito,
lalo na sa mga pook na rural:
Ayaw ko na magi siyang salbahe
paglaki.
Alin ang tama: hangga ngayon o
hanggang ngayon?
May dalawang nagtatalong
pangkat hinggil sa kung alin ang
tama: hangga ngayon, o
hanggang ngayon. Simpleng-
simple, napakadaling sagutin ang
tanong. Maglista lamang ng mga
anyong parallel, o mga anyong
katulad. Subuking palitan ang
ngayon ng mga katulad na anyo,
tulad ng bukas, sa muli, mamaya.
Ano ang gagamitin kapag ang
mga ito na ang ginamit? Di ba
hanggang bukas, hanggang sa
muli, hanggang mamaya?
Samakatuwid, hanggang ang
tama. Nalito lamang siguro ang
mga taong gumagamit ng hangga
ngayon dahil sa dalawang
magkasunod na tunog na
kinakatawan ng ng.
Ang batayang anyo ng hanggang
ay hangga na nilagyan ng pang-
angkop na –ng.

 
Iba pang mga salitang ugat at
panlapi

Ano naman ang salitang ugat at


panlapi ng panginoon? Maraming
nag-aakala na poon ang salitang
ugat nito. Ang totoo, pabiro nating
masasabi na ang salitang poon ay
“palayaw” o pinaikling anyo ng
panginoon.
Nabuo ang salitang ito sa
ganitong paraan:

Salitang ugat: tuon

Mga panlapi: pang-+ -hing-


pang- + hing- + tuon =
panghingtuon

Nagkaroon ng mga pagkakaltas o


pagbabawas ng mga tunog/letra
kaya ang naging resulta ay
panginoon. Ano naman ang ibig
sabihin ng tuon? Sa Sebuwano at
Hiligaynon, nangangahulugan ito
ng “turo o aral.” Malinaw na, di
ba?
Ang panlaping hing- ay isa sa
mga “patay na panlapi,” na
tinatawag na ganito dahil hindi na
ginagamit sa mga salita maliban
sa mga dati nang salitang
nilalapian nito, tulad ng
himagsikan, hinguto, hingalay,
himalay, himatay, atbp.
 
Kongklusyon:
Kung matutunton natin ang
salitang ugat at panlapi ng mga
salita, mas maiintindihan natin
ang kahulugan ng mga salita. Mas
mauunawaan din natin ang ating
wika kung malinaw sa atin kung
paano nabubuo ang mga salita.
Maraming iba pang mga salita na
hindi na halos matunton ang
salitang ugat at panlapi, o kung
matukoy man ang salitang ugat ay
hindi naman maipaliwanag kung
paano nabuo ang mga salitang ito
sa kasalukuyan nitong anyo. Mga
halimbawa: kanluran, pangalawa,
makinig, atbp. Sa susunod naman
tatalakayin ang mga ito.
 

You might also like