You are on page 1of 12

AMBON NG KRYSTAL

ni
ELMER L. GATCHALIAN

TINIG NG LALAKE 1: Noong una, nagkatuwaan lang kami… mga kabarkada ko... puro
kami mga gagong walang magawa sa buhay... katuwaan lang ang lahat...

TINIG NG LALAKE 2: Nag-elementarya ako sa mga tableta; ionamin, sudafed, efidrin. Sa


marijuana’t LSD nag-high school. Sa cocaine nag-kolehiyo’t nagtapos. Shabu? Pang-
master’s degree na ‘yon!

TINIG NG BABAE 1: My first try? Hanep, it was a super trip. Para akong may pakpak; lipad
nang lipad. Ang sarap lumipad!

TINIG NG LALAKE 3: I’m not a drug addict! I know how to control myself! Putang-ina, ba’t
n’yo ba ginagawang subject matter ang drugs! Can’t we talk about Picasso or Meryl Streep!

TINIG NG BABAE 2: Buti na lang nakita ko si Lord hangga’t maaga. Sana kayo rin. I pray
you find Jesus!

DENNIS: Wala akong ipagtatapat sa inyo. Kung akala ninyo’y madadala ako ng mga
kuwento nila, nagkakamali kayo. Wala kayong mapapala sa akin. (Katahimikan) Dinala ako
dito ng mga parents ko na parang nagtataboy ng maysakit. Kailangan ko daw ng terapi. Ha,
terapi. (Mangingisi) Terapi na ba ‘to? Terapi na ba ang ikuwento ko sa inyo ang buhay ko?
Idetalye kung paano ako nalulong at kung paano ako mabangag? Nakakagaling na ba ang
umupo dito at makipag-sesyon sa inyo? Buti kung may pinagpapasahan tayong joint...
Kaso wala. Wala kundi mga kuwento at mga karanasan. Mga kuwento ng barkadang
mahilig sa good time, mga magulang na walang pakialam. Mga karanasang ayaw matunaw
sa alaala... mga ingay na naririnig tuwing gabi, mga kaluskos na sumusunod hanggang sa
panaginip... mga tinig... mga tinig?

INA: Merry christmas, anak.

AMA: O Dennis, ba’t di mo pa binubuksan ang regalo mo? Magugustuhan mo ‘yan!


(Pagkabukas ng regalo) O, ayaw mo ba ng bongo drums?

DENNIS (BATA): Gusto po. Kaya lang, paano ko po ito patutunugin ng malakas?

AMA: Madali lang ‘yan, anak. Basta bibiglain mo lang ang hampas. At ‘wag kang titigil sa
pagtatambol.

DENNIS (BATA): Ganito, daddy? (kunwa’y sunod-sunod na hahampasin nang malakas ang
bongo)

AMA: Ganyan nga, anak. Ganyan nga.

DENNIS: Tatlong araw na tayong ganito. Walang ginawa kundi magpaligsahan sa


pagkukuwento. Kung sino ang may pinakamalungkot na karanasan, siya ang panalo.
Pagkatapos, ano? Saan ba nauuwi ang mga usapan na ito? Di ba’t sa sisihan din. Lalo lang
bumibigat ang problema, lalo lang sumasama ang kalooban natin. Dahil sa atin pa rin
nabubunton ang sisi. Tayo pa rin ang dinuduro—parang wala silang kasalanan. At para
tayong mga gago! Dinidikdik ang sarili, pinupukpok ang sarili!... wala akong kasalanan...
Hindi ko kailangang magpaliwanag. Baka sila: ang mga tinig na naririnig ko—mga tinig na
sa buong buhay ko’y nakapaligid sa akin. Sila ang dapat magpaliwanag, hindi ako. Dahil
wala akong kasalanan... wala... At hindi ako dapat makisama sa pagpupukulan nila ng
bato...

AMA: Good news, Ma! Kinuha ng isang manager ng five-star hotel sa Hong Kong ang banda
namin! Magpe-perform kami sa Hong Kong for six months!

INA: Talaga! Congratulations!

AMA: Si Dennis, nasaan? We have to celebrate! Let’s go out! Dennis?!

DENNIS: Dapat nga bang sisihin ang mga tinig na iyon? Kung minsa’y hinahanap ko pa rin
sila—ang pagligid nila sa akin—kailangan ko man sila o hindi. Lagi silang nasa likuran ko
—tuwing kakain ako o maglalaro…

AMA: Dear Ma, successful ang mga shows namin dito sa Hong Kong. Baka magtagal pa
kami dito...

DENNIS: ...mag-aaral...

INA: Naku, ang anak mo, sinamahan ko sa doktor para magpatuli. Sabik na sabik nang
magbinata ang loko. Sana raw ay nandito ka, para ikaw daw ang maglalanggas sa kanya.
(Tatawa)

DENNIS: ...magsisimba o mamamasyal...

AMA: (Kumakanta) “Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy
birthday, happy birthday to you. “ Sorry anak, wala ako sa 14 th birthday mo. Alam mo na
trabaho… (Eehem) Maganda ba ang boses ko sa tape?

DENNIS: …o sa tuwing magkakasakit ako—lalo na kung ayaw humupa ng ubo, o ayaw


maibsan ng mataas na lagnat—nandoon sila…

INA: Malamig ba sa Tokyo, Pa’? Sana nand’yan kami ni Dennis. Para sama-sama tayo sa
Pasko. Nami-miss ka na naming…Love, Mama.

DENNIS: …Matagal ko na silang hinahanap… matagal na silang nawawala… Pinalitan sila


ng mga tinig na kakaiba…

INA: Nakausap ko ang adviser ni Dennis. Apparently he’s not doing well in his class
standings. What shall we do?

AMA: Nakausap mo na ba si Dennis about this?

INA: Hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. He’s been so indifferent…

AMA: How did he go wrong? Just how did he go wrong?


DENNIS: …mga tinig na nakakapanibago dahil may galit, may takot, may pangamba; mga
tinig na hindi ko na makilala…

INA: So how did it happen?

DENNIS: (Balisa) I don’t know Mommy, I really don’t know…

INA: You failed two crucial subjects at hindi mo alam kung paano nangyari?

DENNIS: I’m sorry Mom.

INA: Mag-aaral ka na lang ng mabuti, iyon na lang ang gagawin mo. Hindi mo na kailangan
magkalkal ng basura o magbenta ng dyaryo!

DENNIS: Mommy, alam mo naman, hindi ba? Maski no’ng nasa grade school pa ako,
iginagapang ko na ang Math and Science subjects ko...

INA: Hindi iyon ang isyu. Ang isyu’y hindi mo pinagbuti ang pag-aaral mo dahil panay ang
barkada mo, panay ang tugtog mo sa banda na wala ka namang nahihita kundi puyat,
pagod, at ayan—namumulang report card! Kung nandito siguro ang daddy mo, at nalaman
niya ito, pihadong patitigilin ka no’n sa putris na banda mong yan!...

DENNIS: Sa mga oras na yon, hindi ba puwedeng maging mahinahon ang mga tinig? Hindi
ba puwedeng maging mapagmahal ang mga salita? Mahinahon at mapagmahal, gaya ng
mga patak ng ulan...

INA: (Papalakas) Dennis! Dennis! Dennis, anak! Sumilong ka na! Baka sipunin ka! Daddy,
pasilungin mo na ang anak mo! Sumilong na kayong dalawa! Kanina pa kayo pinapanood
ng mga kapit-bahay natin!

AMA: Hayaan mo sila! Halika na dito! Maligo ka na rin sa ulan!

DENNIS (BATA): Oo nga Mommy, masarap maligo sa ulan! Ang sarap! Ang sarap!

DENNIS: Ang ulan. Ang mga patak ng ulan na marahang dumadaloy sa noo ni Daddy,
tungo sa kanyang mga matang nanginginig tuwing napapatingala siya sa abuhing ulap,
tungo sa kanyang mga labi na may nakahandang ngiti, at sa kanyang mga bisig na laging
nakaliyad upang saluhin ang walang tigil na pagbuhos ng biyaya...

INA: Dennis!? Giniginaw ka na yata!? Huwag ka nang pakakatagal! Dennis! Anak!

DENNIS: Iyon ang pinakapaborito kong eksena. Iyon ang hindi ko malilimutan.

INA: Dennis! Dennis! Sumilong ka na!

DENNIS: Ang pagtawag ni Mommy sa aking pangalan. Ang pagbabalabal niya sa akin ng
tuwalya. Ang kanyang mahigpit na yapos. Mga yapos na nagpapahele sa akin sa isang
mahimbing na pagtulog—isang pagtulog na punong-puno ng magagandang panaginip
tungkol sa ulan, at ng mga tunog at tinig na kinagigiliwan kong marinig... tuwing
umuulan... tuwing umuulan lamang...
INA: (Papawala na) Dennis! Dennis, anak! Sumilong ka na! Dennis! Dennis...

DENNIS: Pero lagi na lamang umaalis ang mga tinig nila. Umaalis ng walang paalam.
Umaalis sa mga gabing nilulusob ako nang nakapanlulugmok na ginaw, nang nakauupos
na panlalamig. Giniginaw ako, ngunit ang buong paligid ay nilalagnat. Ang mga dingding,
ang kama, ang silya, maging ang aking kinatatayuan ay nagliliyab sa init. Saan ako
pupunta?

TINIG NG LALAKE: (Mula sa malayo, papalapit) DENNIS! DENNIS! DENNIS!

DENNIS: Sa may burol?! Tama doon! May mga tumatawag sa aking pangalan! May
naririnig akong mga ingay! Mga tinig na handang dumamay! Si Bonchi…

BONCHI: ‘Wag kayong matakot, ‘dre, akong bahala sa inyo. Hindi tayo pababayaan ng
Papang ko. Matrobol man tayo, maraming tutulong sa atin.

DENNIS: Si Ambet…

AMBET: Gusto kong tumalon sa bangin na nakikita ko. Gusto kong banggain ang mga
pader na humaharang sa akin. Gusto kong makita kung ano ang nasa kabila. Dahil hindi
ako kuntento sa nakikita ko ngayon.

DENNIS: Si Allan…

ALLAN: (Umiiyak) Puwede naman kaming mag-usap na hindi niya ako binubugbog, a.
Magkakaintindihan naman kami. Hindi niya kailangang paduguin ang nguso ko. O
hambalusin ako ng dos por dos sa likod. Tatay ko siya, putang-ina, tatay ko siya.

DENNIS: Madalas kaming magkatagpo-tagpo sa burol na iyon. Magkakaiba ng kuwento at


karanasan, pero pinag-iisa ng galit at takot sa mga tinig na naririnig namin. Doon, sabay-
sabay kaming nalululong sa singhot, higop at hithit. Doon, sabay-sabay kaming sumisisid,
nagpapakalunod, sa mga maabaw na ilog, lumilipad sa mga abot-kamay na ulap…

BONCHI: Marijuana. Also known as Acapulco Gold, gangsa, grass, pot or weed. Botanical
name: Cannabis Sativa. Marijuana is a kind of pistillate hemp plant that yields cannabin,
chemically known as tetra-hydro cannabinol or THC. THC is the main psychoactive
substance contained in marijuana’s dried leaves and flowertops which when crushed and
smoked can produce intoxicating effects varying from distorted sense of time and space,
loss of memory, or impairment of judgement and learning ability. Marijuana use during
adolescence is particularly harmful, as it may prevent a teenager from becoming a healthy,
normal adult.

DENNIS: (Kasabay ni Bonchi) Marijuana. Nakasakay kami noon sa likuran ng fiera ni


Bonchi. Tangan-tangan ni Ambet ang kanyang gitara, si Allan—ang kanyang flute, at ako—
ang aking bongo. Nang mga oras na iyon ay wala na kaming lakas para patugtugin pa ang
aming mga instrumento. Papunta sana kami sa isang party pata tumugtog. Pero si Bonchi,
siya ang nagpumilit na tikman namin iyon.

BONCHI: The crushed dried leaves and flowertops of marijuana are put into pipes or rolled
into cigarette papers and smoked. When rolled, the cigarettes are known as reefer, joints,
sticks, and smoke. The smoke from the grass has a distinctively sweet odor, like that of a
burning dried grass or rope.

DENNIS: (Kasabay pa rin ni Bonchi) Hindi ko alam kung paano nga ba kami nakumbinse ni
Bonchi. Siguro’y dahil na rin sa pagtataka namin kung ano nga ba ang marijuana. At kung
bakit simula pa lang nang bata kami’y bahagi na ito ng listahan ng mga bagay na
ipinagbabawal sa amin. O siguro’y talagang malakas makakumbinse ang kagaya ni Bonchi
—mayaman at maimpluwensys—may mga magulang na nakahandang maging panangga sa
lahat ng kapahamakang sinusuong ng kanilang anak. Kay Bonchi kami nagkakaroon ng
lakas ng loob.

BONCHI: Putang-ina n’yo! Hindi n’yo ako kayang unahan!

DENNIS: Siya lang ang sa tingin ko’y nagdurog sa grupo namin na walang nakabuntot na
galit sa mga tinig na naririnig namin... Pero ewan ko, baka nagkakamali lang ako...

BONCHI: Don’t dare me assholes! Eat my shit!

DENNIS: Tawa nang tawa noon si Bonchi. Hindi ko alam kung saan niya kami dadalhin.
Parang demonyo ang nagmamaneho sa amin. Si Ambet—paminsan-minsa’y tatayo siya,
sasalubungin ang hangin sa highway, parang si Kristo na nakapako sa krus ang porma,
tangan ang gitara sa kanang kamay at ang stick ng marijuana sa kaliwa.
AMBET: Isang hithit pa nito, papailanlang na ko!

DENNIS: Nasa isang sulok lang noon si Allan, panay ang kanta ng bago niyang
komposisyon, pero ang mga linya’y ‘di ko maunawaan…

ALLAN: (Kumakanta) “I hate seeing myself drowning in dreams of you… I hate feeling
unloved, feeling restless and blue…”

DENNIS: …At ako. Tahimik lang ako noon. Payapang nakikinig sa mala-demonyong
halakhak ni Bonchi, payapang nanonood sa mga ginagawa nina Ambet at Allan, habang sa
utak ko’y lumilipad ang bawat madaanan naming puno, tinatangay ng hangin ang mga
bahay, at ang mga kambing na nasa damuhan ay biglang nagkapakpak at nagsiliparang
kasin-taas ng mga agila.

AMA: Sige pa, Dennis, ilayo mo pa!

DENNIS: Marijuana. Para akong saranggolang inihahatid sa mga ulap.

AMA: Sige pa, Dennis! Teka, teka! ’Yung buntot ng saranggola, kumakawit sa braso mo!

DENNIS (BATA): Daddy, ilalayag ko na!

AMA: Sige! Lakasan mo ang hagis!

DENNIS (BATA): Isa, dalawa, tatlo! Ayan, dad! Tumaas agad!

AMA: ‘Wag mong bibitiwan ang panali. Isunod mo lang ang kamay mo kung saan
gumagawi ang saranggola.
DENNIS: Marijuana. Nang hapong iyon, sakay ng fiera ni Bonchi, sa may highway, kapiling
ang mga kaibigan, isa akong saranggolang pumapailanlang. Walang tigil sa pagtayog,
hanggang sa mahalikan ko na ang paanan ng Diyos…

AMBET: LSD. LSD is the abbreviation for lysergic acid diethylamide. It is a very potent
hallucinogen, and tolerance builds quickly. An average dose, no bigger than a speck of
dust, can produce effects that last eight to ten hours. A dose can be taken on a sugar cube,
a cracker or a cookie. LSD can also be taken in the form or a pill. LSD has no current
medical use.

DENNIS: (Kasabay ni Ambet) Chips a hoy na may LSD. Sound tripping sa Antipolo. Drag
racing sa Greenhills—napakabilis ng takbo ng buhay. Napakatulin ngunit walang
pinatutunguhan. Isang kotseng tumatakbo ngunit walang nagmamaneho. Isang kotseng
nawalan ng preno.

AMBET: LSD users experience physical changes, such as increase in heart rate or a rise in
blood pressure. Chills, fever, trembling, loss of apetite, and nausea can also occur. Some
users see strange visual images, and brighter, more intense colors. Music may appear as
colors or colors as flavors or odors.

DENNIS: (Parang natutulilig, may iniiiwasang tinig na ayaw marinig.) Oo Ambet. Alam ko,
matagal mo na sa aking ikinukuwento ‘yan. Noon pa. Noong una tayong magka-kilakilala
nina Allan. Ikinuwento mo na sa akin yan.

AMBET: Alam n’yo nung bata ako, ambisyon ko, maging circus player. Mahilig kasi akong
tumulay sa mga makikitid at matataas na pader, umakyat sa puno ng mangga at
maglambi-lambitin. Lagi kong iniimadyin ang sarili ko, bumubuga ng apoy, nagtatambling
sa mahabang-mahabang hibla ng buhok at lumulusot sa mga dingding.

DENNIS: Oo. Narinig ko na rin ‘yan. Narinig ko na rin ang mga kuwento ng daddy mo.
Narinig ko na ang tungkol sa agimat ng lolo mo, tungkol sa mga multong ginagawang
bakasyunan ang bahay ninyo sa Nueva Ecija, o sa hindi matahimik na kaluluwa ng iyong
lola na may langgam sa bunganga. Alam ko na ‘yon. Para ka ng sirang plaka sa
pagkukwento n’yon.

AMBET: Some LSD users experience panic when they realize that these effects cannot be
stopped.

DENNIS: At hindi na rin kailangang sabihin. Alam ko na ring gustung-gusto mong marinig
ang kuwentong iyon bago ka matulog, lalong-lalo na’t ang daddy mo ang iyong tagapag-
kuwento. Sa tinig lamang ng daddy mo’y buhay na buhay na sa imahinasyon mo ang mga
tauhang iyon ng iyong pagkabata. Alam ko. Kagaya ko, pinalaki ka rin sa tinig ng iyong
ama. Ang tinig na nagsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong ikilos, kung ano ang dapat
mong sabihin. Halos sambahin mo ang tinig na iyon. Halos lunurin na ng mga tinig na
iyon ang mga daing at hikbi ng iyong ina sa gabi... pero ngayon, Ambet, bakit hindi mo
masabi sa amin? Bakit hindi mo ikuwento kung paano isang gabi’y ginising ka ng iyong
ama.

AMBET: Ang daddy ko... ang putang-inang daddy ko...


DENNIS: Namulat kang nasa paanan mo siya, nakalubog ang mukha sa dalawang palad.
Hinuhugot sa hangin ang mga salita. Akala mo’y magkukuwento siya. Pero hindi, Ambet.
Hindi.

AMBET: Trese anyos na ako noon. Nakakaintindi na ako. Pero bakit noon pa? Noon pang
nagsisimula na akong magbinata... ang hirap tanggapin... Si daddy... ang daddy ko... bakla
siya... bakla ang daddy ko… (Mapapahagulgol)

DENNIS: (Makakaramdam ng ginaw) Bakit nga ba tuwing dumidilim ay dumarating ang


kaaway? Bakit kaaway ko ngayon ang ulan? Ang ulan na nagpapaalala sa akin ng ginaw ng
pag-iisa? Nasaan na ang dating ulan? Ang ulan ng aming pagkabata? Bakit ngayo’y
nilulunod kami ng lakas ng ulan? Hinahagupit nang walang-awang pagbuhos?
ALLAN: What did the Incas and Sigmund Freud have in common? Sagot naman kayo. Ano?
Siret? They were all users of cocaine.

DENNIS: Cocaine. Also known as big C, coke or nose candy.

ALLAN: Alam n’yo ba kung saan nagsimula ang cocaine? Doon sa Peru. Kilala n’yo ba ang
mga Incas? Sila ang mga unang nakadiskubre ng sarap ng cocaine. Hanga nga ako sa
kanila, e. Biruin mo, ngumangata lang sila ng dahon, nagti-trip na sila… Uso na kaya noon
ang drug orgy? (Tatawa) Pati nga si Sigmund Freud, nag-try din ng cocaine. Kaya ang wi-
weird ng mga ideas ng gago na ‘yon, e. Hiyang sa cocaine. (Tatawa) May kato talaga sa ulo
ang gago. ‘Pag nakita ko ang Sigmund Freud na ‘yan, ang una kong itatanong sa kanya:
binugbog ka rin ba ng tatay mo?(Tatawa)

DENNIS: (Parang may yakap) Tama na, Allan. Tumahan ka na. Para ka namang bakla
n’yan, kanina ka pa ngalngal nang ngalngal. Para ka namang hindi nasanay sa tatay mo.

ALLAN: ‘Tay, ‘wag po! Huwag po sa mukha, ‘tay!

DENNIS: Sabi ko na sa’yo, ‘wag mong titiyempuhan na maninit ang ulo. At ‘wag kang
makikipagtitigan sa kanya. Di ka na nasanay. Gano’n lang talaga ang tatay mo. Nami-miss
niya lang siguro ang trabaho niya, saka ang nanay mo. Makakalimutan niya din ‘yun...
Huwag ka na umiyak, pare. Baka ma-turn off ang mga chicks sa’yo pag nakita ka nilang
ganyan.

ALLAN: Maski po saan, huwag lang po sa mukha.

DENNIS: (Tatawa) Tahan na, pare. Kanina ka pa pinagtatawanan nina Bonchi at Ambet,
alam mo ba? Gusto mo ba ‘yon? Pinagtatawanan ka? Sige pare, hindi na, hindi na... Huwag
ka nang umiyak. Hanga pa naman ako sa’yo, saka sa mga tula at kantang ginagawa mo.
Sino bang romantiko ang makagagawa no’n?

ALLAN: (Bangag na) Pakinggan n’yo naman ang tula ko.

BONCHI AT AMBET: ‘Wag na. Hindi na uso ’yan!

DENNIS: Kaya tumahan ka na. Eto’ kuhanin mo na ‘tong parte ko. Sige na, huwag ka nang
mahiya. Eto na, o. Singhutin mong mabuti... Oo, mahal ka namin. Mahal na mahal ka
namin. Sige, Allan, singhutin mo na ‘yan. Huwag kang magtitira. Pagkatapos, kantahan mo
kami.
ALLAN: (Bangag na bangag na) Tama, kakanta na lang ako, pare. Isang banat pa. Alright
ba, mga pare?

DENNIS: Sige, pare. Singhot pa, sige pa, singhot pa. Ayan... galing! Happy trip, ’dre...
ALLAN: Sumugod tayo sa ulan! Tara, mga pare! Maligo tayo sa ulan!

DENNIS: Ulan. Wala akong nakikita kundi ang marahang pagbuhos ng ulan sa isang
napakalawak na lupain. Kinakampayan ako ng mga mamasa-masang dahon sa mga puno,
habang naririnig ko ang awit ng humahaginit na hangin. At ang ulan. Parang umaambon
ng durog na kristal sa tuwing matatamaan ng kidlat ang mga patak ng ulan. Parang
umaambon ng durog na kristal.

DENNIS (BATA): Mommy! Daddy! Ang sarap maligo sa ulan!

BONCHI: Metamphetamine sulfate, commonly known by its folk slang shabu, is usually
sniffed in powder form by using a cylindrical tube. It is then absorbed by the mucous
membranes of the nose and throat...

DENNIS: (Halakhak—isang inosenteng halakhak)

AMBET: What is a shabu high? It is similar to a strong amphetamine high. It is a


temporary feeling of pleasure and quietude. Fatigue seems to vanish, and apetite is
reduced...

DENNIS: Sarap! Sarap!

ALLAN: A feeling of depression and sometimes paranoid fear follows when the effects of
shabu wear off. Shabu can severely damage the nasal membranes. And it can increase the
heart rate by 50 percent and speed respiration as well...

BONCHI: Ano mga pare! Patapangan na lang! Akala siguro ng ulan na ‘to, matutunaw tayo!
Tingnan ko lang! Mga kasama, hubad! Sige, hubad!

DENNIS: (Susunod na parang bata si Dennis. Huhubarin niya ng kanyang t-shirt at maong,
hihiyaw siya at hahalakhak na parang nakalaya. Magbabago ang timpla ng ilaw. May isang
spot sa tanghalan na pupuntahan ni Dennis. Doon ay magtatampisaw siya, magbababad at
magwawala sa kunwa’y mga patak ng ulan.)

AMBET: Sana tamaan tayo ng kidlat!

ALLAN: Hayop ka ulan! Hayop ka!

ELLEN: (Parang may ginigising) Dennis... Dennis... Dennis...

DENNIS: (Matitigil si Dennis. Lilingunin ang tinig, hahanapin sa karimlan ang pinagmumulan
ng tinig na iyon habang nilalaro ang mga patak nang halos papatila nang ulan.)

ELLEN: Magbihis ka nga. Ang dumi-dumi mo. Kasindumi mo na ‘tong kuwarto mo.
Magbihis ka.
DENNIS: (Susunod si Dennis. Pupulutin niya ang mga pinaghubaran, mula itong isusuot na
parang may nag-uutos sa kanyang gawin ito. Uupo siya, at kunwa’y may kakandiliin sa
mga bisig at kandungan.) Nagkatagpo ang aming mga mata. Si Ellen. Isang gabi. Sa tabi ng
dagat. Kasama ang mga kaibigan. Biruan. Tawanan. Si Ellen. Tinutunaw ko siya sa aking
mga titig. Nilulusaw naman ako ng kanyang mga ngiti. Si Ellen. May buwang nakamasid.
May bituing nakangiti sa langit. At may apoy sa aming pagitan. Si Ellen... Si Ellen...

ELLEN: Mahal na mahal kita, Dennis...

DENNIS: (Tutugon sa tinig na maririnig) Huwag mo akong iiwan.

ELLEN: Hindi ko kayang maglakad nang mag-isa. Wala akong lakas kapag hindi kita
kasama.

DENNIS: May isang langit na hindi pa natin nararating.

ELLEN: (Nagtataka) Dennis? Dennis?

DENNIS: Isang tikim lang, Ellen? Para sa akin...

ELLEN: Mahal na mahal kita Dennis...

DENNIS: Isang tikim pa...

ELLEN: Para sa iyo...

DENNIS: Isa pa...

ELLEN: Mahal na mahal kita...

DENNIS: Isa pa...

ELLEN: (Paudlot-udlot) Mahal...

DENNIS: Mahal na mahal kita, Ellen...

ELLEN: (Umiiyak) Hindi ko na kaya, Dennis. Kung anu-ano na ang nakikita ko...

DENNIS: Mawawala din ‘yan... Isang panaginip lang ang lahat...

ELLEN: May mga lumilipad na kutsilyo sa hangin! (balisa) Tutusukin nila ako!

DENNIS: Isang masamang panaginip lang ang lahat...

ELLEN: Tutusukin nila ako! May mga kutsilyong lumilipad sa hangin!

DENNIS: Ssshhh...

ELLEN: Tutusukin nila ako, hindi mo ba nakikita? Tutusukin nila ako! Ayoko na Dennis!
Tigilan na natin... Hindi ko na kaya Dennis... Ayoko na...
DENNIS: Ellen?... Ellen?

ELLEN: (Matagal, pinag-isipan) Aalis na ako.

DENNIS: Huwag.

ELLEN: Dapat pa ba akong magtagal? Dapat ko pa bang hintayin na sabay tayong


lumubog? Gusto kitang isalba pero lalo mo lang akong hinahatak pababa. Hindi ko kayang
mabuhay sa isang bangungot... ang magpakabangag para lang maintindihan kita, ang
magpakabangag para lang mahalin mo ako... Wala na akong lakas, Dennis... Wala na...

DENNIS: Ipinangako mo sa akin. Hindi mo ako iiwan. Mahal mo ako, hindi ba?

ELLEN: Mahal kita. Pero hindi ko na makakayanan ang ginagawa mo sa akin. At sa sarili
mo.

DENNIS: Ellen?... ELLEN!!!

DENNIS: (Umiiyak) Hindi ako dapat naniwala. Hindi ako dapat naniwala. Sa buhay ko,
kahit kailan, ay walang tinig na magtatagal. Gago lang ang naniniwala. Gago lang ang
naniniwalang magtatagal ang lahat. Hindi. Mali. Kahit ang tinig ay para ding usok na
tatangayin ng hangin. Dahan-dahan. Unti-unti. Isa-isa. Uubusin muna ang iyong lakas.
Gagapukin muna ang iyong katawan at alaala. At saka maglalaho... Mga putang-ina nilang
lahat. Silang lahat na umiwan sa akin. Sila ang may kasalanan. Sila ang dapat magsisi.
(Sasaktan ang sarili. Makikipagtunggali sa sarili.)

INA: Hindi ka ba nahihiya, Dennis? Ang mga kaklase mo nakagradweyt na, pero ikaw,
nasaan ka? Nasa fourth year ka pa rin—napag-iiwanan! Ni hindi mo na kami binigyan ng
kahihiyan ng daddy mo!

DENNIS: (Hahampasin muli ang sarili. Bawat hampas ay may kaukulang tinig na maririnig.)

AMBET: Addicts often begin using heroin by sniffing or smoking the drug in powdered
form. A practice called main-ligning heightens the effects of heroin as it is injected to the
veins. Under heroin influence, senses become dull, tension and fear ease, and hunger and
thirst are reduced.

DENNIS: Ibalik ninyong muli ang tinig! Ibalik ninyong muli ang tinig ng aking pagkabata...
AMA: Why don’t you talk it out with him?! Alam mo namang sa drums and guitar lang
kami nagkakasundo ng anak mo?

INA: Ganyan ka naman palagi, e. Pag may problema tayo, ako lagi ang pinahaharap mo.
Kaya nagkakaleche-leche ang buhay ng anak mo dahil wala kang pakialam. Ayaw mong
harapin ang problema dahil takot ka.

DENNIS: (Hahampasin muli ang sarili.)

BONCHI: Putsa, dapang dapa ka talaga pare, e. Ikaw lang ang puwedeng kumuha ng
shabu sa bag ko!
AMBET: Huwag mo akong pagbibintangan, ‘tang-ina ka! Palibhasa, tae na utak mo! Tae na
ang utak mo!

ALLAN: Is your son staggering and disoriented? Are his eyes red and watery? Are his lips
chapped? Does he perspire profusely? Is he fond of wearing sunglasses and long sleeved
garments? Any tremor of hands? Any drastic loss of weight? Then, your son must be a
drug addict!

DENNIS: (Makakaramdam ng sakit, parang tinutusok ng kung anong bagay.)

ELLEN: Mahal na mahal kita, Dennis. Mahal na mahal kita...

DENNIS: (Mapapayukod, umaalog ang mga balikat sa pag-iyak.)

INA: (Umiiyak) Ano’ng nangyari sa’yo, Dennis? Bakit ka nagkaganyan? Ano’ng kasalanan
namin? Anong kasalanan namin?... Sorry, anak... Anak...

DENNIS: (Magigising. Parang naalimpungatan. Ibang tinig)


Saan tayo pupunta? Gaano pa katagal ang biyahe? Malayo pa ba, Mommy? ‘Wag mong
aalisin ang jacket. Giniginaw ako. Yakapin mo ako, Mommy. Hawakan mo ang kamay ko,
Daddy. Nanlalamig pa rin ba ako? Hindi ko alam kung bakit nanlalamig pa rin ako.
Kasama ko kayo ngayon pero nanlalamig pa rin ako... Matagal na natin itong hindi
ginagawa, hindi ba? Nakasakay tayo sa isang kotse, nagbibiyahe, isang pamilya... Pero
hindi ko alam kung saan tayo pupunta... hindi ko alam kung saan n’yo ako dadalhin...
Nakikita mo pa ba ang daan, Daddy? Ako, wala nang maaninag. Parang mausok ang daan.
Parang may mga taong tumatawid sa kalsada. Parang tinatakpan nila ang dinadaanan
natin... Wala ba kayong naririnig? Parang may bumabagsak na mga bato sa ibabaw ng
kotse... Parang nayuyupi na ang bubungan ng kotse natin... Parang... Umuulan ba?...
Tama, umuulan nga. Naaaninag ko sa mga mukha ninyo ang mga patak ng ulan...
gumagawa sila ng mga anino sa mukha ninyo... Parang mga lumot ang anino... Naririnig
n’yo ba ako? Mommy? Daddy?

(babalik sa dating malungkot na tinig)


Noong inihahatid nila ako rito, isa-isang gumuguho sa daan ang mga litrato ng masasayang
alaala... Para akong isang napatid na saranggola... Paulit-ulit akong dinadalaw ng tagpong
iyon; naliligo ako sa ulan kasama si Daddy. At si Mommy, tangan pa rin niya ang tuwalya,
pinasisilong niya ako mula sa lamig. Noong inihahatid nila ako rito’y ganoon din ang tagpo.
Si Daddy. Si Mommy. Ang ulan. Ang lamig. Magkakasamang kaming muli, magkakayakap,
ngunit isang tagpo na hindi namin gusto… (Mapapaluha. Ilang saglit) Alam ko… hindi na
ninyo kailangan pang sabihin sa akin… Ako ang dahilan. Ako lamang ang dapat sisihin
kung bakit kami humantong sa tagpong iyon. (Ilang Saglit) Patawarin n’yo ako. Mommy?
Daddy? Patawad sa lahat. Pasensya na, ha Mommy? Hindi ko sinasadya… Nagkataon lang
na nag-iisa ako, walang iniisip kundi ang pag-iisa ko… Sorry… Sorry sa lahat ng trobol,
pare… Bonchi, Ambet, Allan… Sorry… Ellen?

Naririnig n’yo pa ba ako?


Ako ito, si Dennis. Huwag na kayong lumayo… huwag ngayon… Ako ito, ako lang ito, si
Dennis… Pakinggan n’yo ako… Makinig kayo sa akin… Huwag na ninyo akong iiwan…
(Mapapaluhod siya sa pag-iyak. Unti-unti, malulugmok siya sa sahig)

DENNIS: (Katahimikan. Ilang saglit. Sa mga susunod ay voice-over na lang ni Dennis ang
maririnig.)
Kahapon. Inilibing nila ako kahapon. Panay ang iyak ni Mommy. Hindi niya siguro akalain
na magagawa ko ‘yon… Tumakas ako sa center. Napakadali lang palang tumakas sa center.
Nagpakalango akong muli sa alak at shabu, hanggang sa kapusin ako ng hininga,
hanggang sa hindi na ako nakahingang muli… Inilibing nila ako kahapon… Umuulan
noon… Malakas na malakas ang buhos ng ulan. Ngunit dalisay. Walang kasing-dalisay.
Para pa ring mga durog na kristal ang patak ng ulan kapag tinatamaan ito ng kidlat…
Kahapon, inilibing nila ako sa mga durog na kristal…

-WAKAS-

You might also like