Professional Documents
Culture Documents
Tunog
ANDRÉS Segovia, Carlos Montoya, at Chet Atkins ay mga pangalang kilala ng milyun-
milyong tao sa buong daigdig. Sa ano sila magkakatulad? Inaaliw nila ang mga tagapakinig sa
pamamagitan ng pagtugtog ng isang delikado, yari sa kahoy, de-kuwerdas na instrumento—
ang gitara.
Ang tunog ng gitara ay naririnig sa buong daigdig, tinutugtog kapuwa ng isang amatyur at
propesyonal. Ang isa na may pananagutan sa lubhang paggalang dito ay ang yumaong
pangkonsiyertong gitaristang Kastila na si Andrés Segovia, na nagpatanyag sa gitara at
ginawa itong isang klasikal na instrumentong pangkonsiyerto.
Anuman ang maaaring dahilan ng popularidad nito, ang paraan ng pagkakagawa ng isang
gitara ay mahalaga sa tunog nito. Ang pinakamahuhusay na gitara ay kalimitan na ginagawa
taglay ang matinding pag-ibig at pangangalaga ng isang tao na kilala bilang
isang luthier (manggagawa ng mga instrumentong de-kuwerdas). Dalawin natin ang
pagawaan ng isang luthier sa Tennessee, E.U.A., at panoorin natin ang paggawa ng isang
gitara.
Panoorin natin ang ating luthier samantalang siya ay gumagawa ng isang klasikal na gitara. Sa
pangkalahatan ang mga gitara ay nababahagi sa dalawang kategorya: klasikal,
o Spanish, at steel string. Anu-ano ang mga pagkakaiba? Sagot niya: “Ang mga pagkakaiba
ng dalawa ay marami, subalit ang pagpili ng materyales para sa kuwerdas ang
pinakamadaling paraan upang makilala ang bawat uri. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan
nito, ang steel-string na gitara ay may mga kuwerdas na metál. Ito ay ginawa sa maraming
sukat at hugis. Sa kabilang panig naman, sa klasikal na gitara ang nylon o bituka ng
hayop, catgut, ang materyales na ginagamit para sa tatlong kuwerdas at metál na may ikid na
seda para naman sa tatlo pa.”
Mas gusto ng aming luthier na dalawin ng bawat mamimili ang kaniyang pagawaan upang
mapakinggan niya itong tumugtog. Sa ganitong paraan ay maibabagay niya ang isang gitara
para sa kaniyang kliyente. Papaano? Ganito ang paliwanag ng aming manggagawa:
“Pinagmamasdan ko kung gaano kalakas nila kinakalabit ang mga kuwerdas, ang uri ng tunog
na nililikha nila. Nais ko ring malaman kung papaano nila gagamitin ang gitara. Sa gayon ay
maiaangkop ko ang paraan ng paggawa upang maibagay sa kanila nang personal. Sila ba ay
tumutugtog nang marahan? Kung gayon ay tinitiyak kong mas manipis o mas maliit ang isang
bahagi ng gitara upang mas madali itong makalikha ng tunog. Sila ba’y agresibo? Kung
gayon ang gitara ay kailangang gawing mas mabigat ng kaunti.”
Paggawa—Hakbang-Hakbang
Ang ibabaw na katawan, o sound table: Ang aktuwal na paggawa ay nagsisimula sa pagpili ng
mga kahoy na gagamitin. Ang aming luthier ay maingat na pumipili mula sa salansan ng
abeto rojo at manakanaka’y inilalapit ang isang piraso sa kaniyang tainga at tinatapik ito ng
kaniyang daliri. Pinakikinggan niya ang maraming bagay; ang tunog ba ay malinaw, malakas,
musikal, at pangmatagalan, o ito ba ay may mahina at hindi magandang tunog? Halos lahat ng
ibabaw at likod ng katawan ay ginawa mula sa dalawang magkatugmang piraso ng kahoy.
Ang mga ito ay nilagari mula sa isang tabla lamang at pagkatapos ay ibinuka na parang isang
aklat. Sa ganitong paraan ang dalawang magkahati ay magkatulad na magkatulad at may
iisang potensiyal sa musika.—Tingnan ang larawan sa ibaba.
Ang palo de rosa mula sa Brazil ay kalimitang unang pinipili ng luthier para sa likod at mga
tagiliran dahil sa magaganda nitong haspe, sarisaring kulay, at mga katangian sa paglikha ng
tunog.
Ang ibabaw ngayon ay ikinokola sa mga tagiliran, subalit yamang ang mga tagiliran ay
napakanipis, ang mahaba’t makitid na pilas ng kahoy na tinatawag na lining ay hinuhubog at
ikinokola sa mga gilid. Ang kahoy na willow kung minsan ang pinipili dahil ito ay magaan at
madaling hubugin kapag nababad sa tubig.
Ang likod: Susunod, pasisimulan ng aming luthier na gawin ang likod na yari sa Brazilianong
palo de rosa. Mas gusto ng karamihan sa mga luthier na gumamit ng isang likod na katugma
ng kulay at haspe ng mga tagiliran. Pakinggan mong mabuti habang pinaninipis nang kaunti
ng ating manggagawa ang likod, hinahawakan ito at susubukan ang katigasan nito sa
pamamagitan ng pagbaluktot nito, tatapikin ito at pakikinggan ang taginting nito, at
pagkatapos ay ninipisan pa. Kapag sapat na ang nipis ng kahoy, ang tunog nito ay parang
taginting ng hinampas na metál. Ang tatlong magkakrus na mga suhay ang susunod na
ikokola. Ang mga ito ay kadalasang yari mula sa abeto rojo o kamagong, na pinili dahil sa
kanilang tibay, gaang, at katatagan sa pagbabagu-bago ng kahalumigmigan. Ang kanilang
tibay ay mahalaga, yamang ang likod ay napakanipis. Para sa susunod na hakbang, ang likod
ay ikinokola na katulad ng ginawa sa ibabaw.
Ngayon ay magsisimula na itong magtinging isang gitara. Ang ibabaw at likod ay hinayaan na
medyo malaki nang kaunti, kaya ito ngayon ay tinatabas sa pangwakas na hugis. Para
pangalagaan ang mga gilid ng gitara, ang maninipis na pilas ng kahoy ay ikinokola sa paligid
ng mga gilid ng ibabaw at likod. Ang palo de rosa ay kalimitang pinipili dahil sa ganda at
tibay nito.
Ang bridge ay isang maliit na piraso ng palo de rosa, na ikinokola sa ibabaw ng katawan,
kung saan nakatali ang mga kuwerdas. Ang kinalalagyan nito ay kasing-halaga rin ng
paglalagay ng agwat sa fret at itinatakda rin nang katulad na tiyakang sukat. Hindi, hindi
kailangang kalkulahin ito ng ating luthier sa bawat gitara. Gagawa lamang siya ng gitara na
iisa ang sukat at gagamitin ang gayong agwat sa bawat isa. Ang paraan ng pagkokola ng
bridge ay mahalaga. Ang ilang mga gitarista ay nagkaroon ng nakahihiyang karanasan na
nakalas ang bridge! At isip-isipin lamang, kung maaalaala mo na ang binanat na kuwerdas ng
gitara ay gumagamit ng lakas na mahigit na apatnapu’t limang kilo, at idagdag mo pa rito ang
puwersa na malilikha ng pagyanig ng mga kuwerdas.
Ang ating gitara ay halos tapos na. Ang natitira na lamang ay ang pangwakas na paglilinis,
pagpapakinis, at pagliliha. Minsang nasiyahan na ang ating luthier sa kinis at hugis ng
kaniyang ginawa, babarnisan na niya ito para mapangalagaan ang gitara.
Iba-iba ang opinyon ng mga luthier sa kung ano ang pinakamahusay na barnis para sa gitara.
Gayumpaman, karamihan sa makabagong mga luthier ay gumagamit ng isang madaling
matuyong barnis, na ini-isprey. Kung barnis ang ginamit, ang gitara ay maaari nang kinisin at
ang instrumento ay maaari nang patugtugin sa loob ng dalawang linggo. Aling pamamaraan
ng pagbabarnis ang makagagawa ng pinakamahusay ang tunog na gitara? Ang ating kaibigan
ay sumasagot: “Iba-iba ang mga palagay, subalit marami sa matatandang gitara mula sa
Espanya ay ginamitan ng isang uri ng barnis na Pranses. Gayunman, ang ganitong
pagbabarnis, ay kalimitan nang nangangailangan na ulitin pagkalipas ng mga limang taon.”
Musika sa Wakas!
Habang natatapos ang gitara ay lalo naman tumitindi ang ating pananabik! Ang mga
kuwerdas ay ikinakabit sa bridge at sa kabilang dulo sa pihitang pantono, o pegs, na nasa
uluhan ng gitara. Sa wakas ay ang pagtotono. Ihihinto na ang pagpihit sa kuwerdas at
pinananatiling nasa tono, sa tamang nota. Sa wakas, pagkatapos ng matagal at matiyagang
pamamaraan, mayroon na tayong isang gitara!
Subalit hindi pa iyan handa para sa propesyonal na gamit. Ganito ang paliwanag ng luthier:
“Kalimitang ang isang bagong gitara ay hindi pa nakaaabot sa pinakamagaling na kalagayan
nito kundi pagkatapos lamang ng mga anim na buwan na paggamit nito. Sa pangkalahatan,
marami kang masasabi tungkol sa potensiyal ng isang gitara sa sandaling matapos ang
pagkakagawa nito. Ang mga nota ba nitong mababa ay buung-buo at dumadagundong? Ang
matataas na nota ba ay tumataginting na parang isang maliit na kampanilyang kristal? Ang
gitara ba ay tumutugon sa katimbang na tunog saanmang dako ng fingerboard ito tugtugin?
Ang kalidad ng mga tunog na nililikha ng isang musikero ay nakasalalay nang malaki sa
kasanayan ng isang luthier na pumili ng pinakamahusay na materyales at pagsama-samahin
ito sa isang disenyo na magpapangyari na magamit ang pinakasukdulang potensiyal nito.”