You are on page 1of 6

Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

Republika ng Pilipinas
Commission on Higher Education
Benguet State University
College of Arts and Sciences
KAGAWARAN NG HUMANIDADES
PAARALANG GRADWADO

Mga Taga-ulat: Jose V. Valdez at Geraldine Gonzaga


Guro: Penelope F. Tica-a, PhD
Asignatura: FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas
______________________________________________________________________
ANG MAKULAY NA MUNDO NG DULA:
PAGDALUMAT SA KASAYSAYAN

I. PANIMULA
Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan.
Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa
pamamagitan ng panonood.
Ito ay nag- ugat sa salitang Griyego na ayon sa diksyonaryo, ang ibig sabihin ay
pampanitikang komposisyon na nagkukuwento sa pamamagitan ng wika at galaw ng mga aktor.
Ayon sa mga mananalaysay, ang dula o drama.
Sa isang dako, ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga unang
taon ng pangungupkop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na ang drama ay binubuo
ng tanghalan, iba’t ibang kasuotan, iskrip, “characterization”, at “internal conflict.” Ito ang
pangunahing sangkap ng tunay na drama ayon sa banyagang kahulugan. Sa kabilang dako, ayon
sa mga aklat, ang drama ay drama kahit wala ang mga sangkap na nabanggit. Ito ang dramang
Pilipino. Ayon pa rin kay Tiongson, mimesis ang pangunahing sangkap ng dulang Pilipino. Ang
mimesis ay ang pagbibigay buhay ng aktor sa mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng
mga Pilipino. Ito rin ang malaking pagkakaiba ng banyaga sa Pilipinong dula.
Inilalarawan sa tunay na Pilipinong dula, ang mga pangarap ng bansa. Dito ipinapakita
ang mga katutubong kultura, paniniwala, at tradisyon. Ikinukuwento rin ang paghihirap at
pagpupunyagi sa buhay ng mga katutubong Pilipino. Dito rin mamamalas ang iba’t ibang anyo
ng kanilang pamahalaan at uri ng lipunan. Samakatuwid, ang tunay na dulang Pilipino ay
nagbibigay ng mas malawak na pang-unawa sa kulturang Pilipino at nagbibigay ng kasagutan sa
mga pangangailangan ng mga Pilipino. Higit sa lahat, ito’y nagsisilbing gabay para sa kabutihan
ng mga mamamayang Pilipino.

II. ANG DULA SA IBA’T IBANG PANAHON

A. Panahon ng mga Katutubo


Ang kasaysayan ng dulang Pilipino ay isinilang sa lipunan ng mga katututbong Pilipino
bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop. Ayon kay Casanova, ang mga katutubo’y
likas na mahiligin sa mga awit, sayaw at tula na siyang pinag-ugatan ng mga unang anyo ng
dula. Ang mga unang awitin ay nasa anyo ng tula. Ang mga katutubo rin ay mayaman sa epikong
bayan na kalimita’y isinasalaysay sa pamammagitan ng pag-awit. Ang mga awit, sayaw, at ritwal
ay karaniwang ginaganap para sa pagdiriwang ng kaarawan, binyag, pagtutuli, ligawan, kasalan,
kamatayan, pakikipagdigmaan, kasawian, pananagumpay, pagtatanim, pag-aani, pangingisda,
atbp. Bago dumating ang mga dayuhang mananakop, ay mayroon ng ilang anyo ng dula ang mga
katutubong pilipino.

MGA KATUTUBONG DULA


1. Bikal at Balak- Ang bikal ay maaaring awitin ng dalawang babae o dalawang lalaki. ang mga
mang-aawit ay magkahiwalay na nakaupo sa magkabilang panig ng silid, habang nasa gitna
ang mga manonood. Sa mga berso ng awit ay nagtatalo ang dalawa at hinahalungkat ang mga
kasiraan o kapangitan ng bawat isa. Sa ganitong pagkakataon, lalong nag-iinit ang pagtatalo
dahil ang mga manonood ay may kanya-kanyang kakampi.
Ang balak naman ay ang pagsusuyuan ng isang dalaga’t binata sa pamamagitan ng
awit na umiindayog at matalinghaga. May mga pagkakataong gumagamit ang dalawa ng
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

kudyapi. Sa pamamagitan ng tugtugin ng kudyapi ay naipararating ng bawat isa ang kani-


kanilang niloloob at damdamin.
2. Bayok o Embayoka- Ito’y isang pagtatalong patula ng mga Maranaw na nilalahukan ng isang
lalaki at isang babae na binabayaran ng salapi o kasangkapan pagkatapos ng palabas. Ang
mga kasali rito ay dapat na mahusay sa berso sapagkat ang kunting pagkakamali sa
pagkakamit o pagpili ng salita ay maaaring humantong sa mainitang sagutan. Sa ganitong
pagkakataon, ito ay maaaring maging dahilan ng pag-aaway ng mga pami-pamilya.
3. Kasayatan-Kadalasan, ang bayok ay sinusundan ng isang laro ng panyo na tinatawag na
kasayatan. Ito ay sinasalihan ng mga dalaga’t binata at nahahati sa dalawang pangkat.
Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng tanghalan. Magsisimula ang
sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili kaya’y ng may-ari ng bahay na
pinagdarausan ng pagdiriwang. Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng
tanghalan. Magsisimula ang sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili kaya’y
ng may-ari ng bahay na pinagdarausan ng pagdiriwang.
Ang maybahay ay hihingi ng pahintulot na pasimulan na ang sayaw. Ito ay ginagawa
sa pamamagitan ng patula. Pagkatapos sumagot ng mga panauhin ay sisimulan niya ang
pakikipag-usap sa mga binata habang sumasayaw sa paligid ng mga iyon. Ipapatong niya sa
balikat ng isang binata ang isang panyo. Pagkatapos ay tutungo naman siya sa grupo ng mga
babae at ipapatong ang isa pang panyo sa isa sa kanila. Ang sayaw ay sinasaliwan ng mga
instrumentong kudyapi, kulintang, agong at kubing. Ang kanilang mga kilos ay waring
naglalarawan ng kanilang mga ninuno.
4. Dallot- Sa mga Ilokano ito’y awit ng pag-ibig. Ang lalaki ay tutula at nagpapahayag ng
pag-ibig at ito’y sasagutin ng babae nang patula. Pagkatapos ay aawitin nila ang tula sa saliw
ng kutibeng, gitara ng mga Ilokano. Ito’y itinatanghal kapag may binyag, kasalan o handaan.
            Habang nag-aawitan ang dalaga’t binata ay pinapasa ang oasi, isang uri ng alak.
Kapag ang babae ay tinanggap ang pag-ibig na iniluluhog ay ihahayag at itatakda ng mga
magulang ang kasal.
            Ang pagbabayo ng palay ay mahalagang bahagi habang itinatakda ang kasal. Ito ay
ginagawa sa saliw ng awit na Pamulinawen habang ang mga tao’y nagsasayawan.
            Gayundin, ang pagbibigay ng datos (dowry) ay bahagi ng kasalan.
5. Dung-Aw-Ang tradisyong Dung-aw ng mga Ilokano ay isang tulang panambitan na
binibigkas sa piling ng bangkay ng anak, asawa o magulang. Ang berso ay nagsasalaysay ng
paghihinagpis ng naulila at paghingi ng kapatawaran sa nagawang kasalanan o pagkakamali sa
namatay.
            Ang mga sumusunod ay halimbawa ng Dung-aw na sipi sa aklat nina Natividad,
Simbulan at Academia.

Ako’y kaawaan o aking kapatid


ako’y kaawaan o aking asawa
ikaw namatay o aking kapatid
ikaw namatay o aking asawa
ano ang natira’t sa akin naiwan
sa abang buhay kong walang kapalaran?
Ang lahat sa akin ay nakalilimot
pagkat parang sanggol sa iyo umiirog
ang mga mata ko pugto sa luha
ang abang puso ko babad sa luha.

6. Hugas-Kalawang-Isang tradisyon ng mga taga-gitnang Luzon. Isinasagawa ito


pagkaraan ng pagtatanim ng palay, ang mga magsasaka ay gumawa ng damara sa tumana o sa
taniman. Naghahandog ng premyo ang may-ari ng lupa para sa pinakamabilis magtanim.
Pagkatapos ng pagtatanim, sila ay naghuhugas ng kamay at susundan ito ng kainan at
magkakasayahan habang nagkakantahan, nagsasayawan, nagkukuwentuhan at nagtutuk-
suhan.Ang hugas-kalawang ay nagtataglay rin ng mimesis sapagkat ang mga gumaganap dito ay
mga magsasaka at may-ari ng lupa.
7. Dalling-Dalling- Ang dalling-daliing ay isang tradisyonal na anyo ng dula ng mga
Tausug sa Sulu. Nangangahulugang “Mahal Ko”, ang dalling-dalling ay isang ritwal na nag-
aanyaya sa mga manonood na umawit habang ang magsing-irog ay sumasayaw. Ang lalaki’t
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

babae ay nagliligawan sa pamamagitan ng pag-awit ng kanilang mga niloloob. Kadalasan, ang


mga manonood ay kumakanta rin nang may himig na panunudyo.

B. Panahon ng Pananakop ng mga Espanyol (1565-1872)


Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong 3Gs. Dumating sila na ang
pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong
mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Napakaraming dulang
panlibangan ang ginanap ng ating mga kalahi noong panahon ng kastila. Halos lahat ng mga
dulang ito ay patula. Narito ang mga sumusunod:
1. Tibag- ipinapakita at ipinapaalala sa dulang ito ang paghahanap ni Sta. Elena sa
kinamatayang krus ni Hesus sa pamamagitan ng pagtitibag ng bunduk-bundukan.
2. Lagaylay- sa mga Pilarenos ng Sorsogon, isang pagkakataon at pagtitipon-tipon kung
buwan ng Mayo ang pagtatanghal na ito. Abril pa lamang ay namimili na si Kikay, ang anak
ng sakristan mayos ng mga dalagang sasali rito para sa panata na ginagawa dahil sa
pagkakasakit o sa isang pabor na nais makamtan. Layunin nitong magbigay paggalang,
papuri, at pag-aalay ng pagmamahal sa mahal na krus na nakuha ni Santa Elena sa bundok
na tinibag.
3. Panunuluyan - prusisyong ginaganap tuwing bisperas ng Pasko. Ito ay tungkol sa paghahanap ng
bahay na matutuluyan ng Mahal na Birhen sa pagsilang kay Hesukristo.
4. Panubong-isang mahabang tulang nagpaparangal sa isang may kaarawan o kapistahan na
kung tawagin ay panubong ay ginaganap bilang parangal sa isang panauhin o may
kaarawan.
5. Karilyo- dulang ang mga nagsisiganap ay mga tau-tauhang karton. Pinapagalaw ang mga ito sa
pamamagitan ng mga nakataling pising hawak ng mga tao sa itaas ng tanghalan.Ang mga taong
nagsasalita ay nasa likod ng telon. Madilim kung palabasin ito sapagkat ang nakikita lamang ng mga
tao ay kanilang mga anino.
6. Moro-moro- itinatanghal sa pinasadyang entablado. Itinatanghal tuwing araw ng pista ng
bayan o ng nayon upang magdulot ng aliw sa tao at lagging ipaalala sa mga ito ang
kabutihan ng relihiyong Kristiyano. Ang mga moro-moro ay may hari’t reyna at mga
mandirigmang kawal. Pinaniniwalaang nag-ugat ito sa sagupaan ng mga Kristiyano at
Pilipinong Muslim noong ika-16 siglo.
7. Karagatan- uri ng sinaunang panitikang larong patula na kadalasang ginagawa sa lamayan.
Ang paksa ng karagatan ay tungkol sa isang prisesa na nawala ang singsing sa karagatan.
Nagpapasikatan ang mga binata sa kanilang mga husay at talento (na isinasagawa sa
pamamagitan ng pagtula). Kung sino man sa kanila ang makakakuha ng singsing ay
magiging asawa ng prinsesa.
8. Duplo- ito ang humalili sa karagatan. Isang paligsahan ng husay sa pagbigkas at
pangangatwiranan patula. Hango sa Bibliya, sa mga sawikain, at mga kasabihan.
Karaniwang nilalaro ito sa paglalamay sa gunita ng isang namatay.
9. Saynete- itinuturing na dulang panlibangan nang mga huling taon ng pananakop ng mga
Espanyol. Ito ay paglalahad ng kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kaniyang pamumuhay,
pangingibig, at pakikipagkapwa. Hal. La India Elegante Y El Negrito Amante ni
Francisco Balagtas.
10. Sarsuela-isang melodrama o dulang musical na tatatluhing yugto. Ito ay tungkol sap ag-
ibig, paghihiganti, panibugho, pagkasuklam, at iba pang masisidhing damdamin.
Karaniwang nagpapakita ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Upang lalong
magustuhan ng manonood ay nilalahukan ito ng katatawan na laging ginagampanan ng mga
katulong sa dula. Sinasabing ito ang nagsilbing libangan sa mga huling taon ng pananakop
ng mga Espanyol. Hal. Walang Sugat ni Severino Reyes.

C. Panahon ng Pagbabagong Isip (Propaganda) at Himagsikan (1872)


Nagising pagkatapos nang higit sa tatlong daang taong pagkahimlay ang mga natutulog
na damdamin ng mga Pilipino nang isangkot sa digmaan sa Cavite ang tatlong paring sin Gomez,
Burgos, at Zamorra at patayin sa pamamagitan ng garrote nang walang matibay na katibayan ng
pagkakasala. Dahil ditto nabuo ang Kilusang Propaganda na binubuo ng pangkat ng mga
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

intelektwal sa gitnang uri tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena,
Antonio Luna, Mariano Ponce, Jose Ma. Panganiban, Pedro Paterno at iba pa.

Ilan sa mga dulang naisulat sa panahong ito ay ang mga sumusunod:


1. “El Consejo De Los Dioses” (Ang Kapulungan ng mga Bathala) ni Jose Rizal-
Ito ay isang dulang pantanghalang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes.
2. Pagpugot kay Longino ni Mariano Ponce- isang dulang tagalog na itinaghal sa
liwasan ng Malolos, Bulacan.

D. Panahon ng mga Amerikano (1898)


Ayon sa mga manunulat, ang matatawag na tunay na uri ng dula ay nagsisimula sa mga
unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Bagaman may mga dulang napanood at
pinaglibangan ang mga katutubong Pilipino bago sumapit ang panahong ito, ang mga tunay na
dulang sinasabing nagtataglay ng pinakamalalim na pangarap ng isang bansa, naglalarawan ng
sariling kaugalian, naglalahad ng buhay ng katutubong tulad ng nasa lona at nagpapakilala ng
papupunyagi ng mga tao ng isang bayan upang mabuhay, ay wala noon.
Sa pagpasok ng mga Amerikano, sina Severino Reyes at Hermogenes Ilagan ay
nagsimula ng kilusan laban sa moro-moro at nagpilit na magpakilala sa mga tao ng mga lalong
kapakinabangang matatamo sa sarsuela at tahasang dula. Narito ang ilan sa mga akdang dula ba
nakilala sa panahong ito:
1. Severino Reyes-ang tinagurian “Ama ng Dulang Tagalog,” ang tanyag na may-
akda ng walang kamatayang dulang “Walang Sugat”
2. Aurelio Tolentino- ang ipinagmamalaking mandudula ng mga Kapampangan.
Kabilang sa kaniyang mga dulang isnulat ay ang “Luhang Tagalog” na itinuturing niyang
obra maestra, at ang “Kahapon, Ngayon at Bukas” na siya niyang ikinabilanggo.
3. Hermogenes Ilagan- nagtayo ng isang samahang ‘Companya Ilagan” na
nagtanghal ng maraming dula sa kalagitnaang Luzon.

Nakilala rin si Atang de La Rama bilang Ina ng Sarsuela, Reyna ng Kundiman sa


kaniyang paglabas sa mga sarsuela sa wikang Espanyol tulad ng “Mascota”, “Sueno de un
Vals” at “Marina” at sa edad 15 nga ay lumabas siya sa pelikulang Dalagang Bukid, na
sinundan ng iba pang pelikula katulad ng La Venganza de Don Silvestre, Oriental Blood, Ang
Kiri, at iba pa. Bukod sa pagiging artista at mang-aawit, naging prodyuser din siya sa teatro,
manunulat at talent manager. Ilan sa kanyang ginawang dulang pang-teatro ay ang “Anak Ni
Eva”, “Aking Ina”, “Puri at Buhay” at “Bulaklak Ng Kabundukan”.
Hindi lamang sa mga sikat na teatro gaya ng Teatro Libertad at Teatro Zorilla siya
lumalabas, kundi maging sa mga plaza ng iba’t ibang lugar sa kapuluan, mula Luzon hanggang
Visayas at Mindanao, sapagkat naniniwala siya na ang arte ay Sining ay para sa lahat, kaya’t
ipinakilala niya ang sarswela at kundiman sa mga katutubo at maging sa ibang bansa ay
ipinakilala niya ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pag-awit ng mga kundiman
sa mga concerts sa iba-ibang siyudad sa mundo gaya ng Hawaii, San Francisco, Los Angeles,
New York City, Hong Kong, Shanghai at Tokyo.

E. Panahon ng mga Hapon (1941-1945)


Nagkaroon ng puwang ang dulang tagalog nang Panahon ng Hapon dahil napinid ang mga
sinehang nagpapalabas ng mga pelikulang Amerikano. Ang mga malalaking sinehan ay ginawa
na lamang tanghalan ng mga dula. Karamihan sa mga dulang pinalabas ay salin sa Tagalog mula
sa Ingles. Ang mga nagsipagsalin ay sina Francisco Soc Rodrigo, Alberto Cacnio, at Narciso
Pimentel. Sila rin ay nagtatag ng isang samahan ng mga mandudulang Pilipino na pinangalanan
nilang “Dramatic Philippines”. Ilan sa mga nagsisulat ay ang sumusunod:
1. Jose Ma. Hernandez- sumulat ng “Panday Pira”
2. Francisco Soc. Rodrigo- sumulat ng “Sa Pula sa Puti”
3. Clodualdo del Mundo- sumulat ng “Bulaga”
4. Julian Cruz Balmaceda- sumulat ng “Sino ba Kayo?,” “Dahil sa Anak” at
“Higanti ng Patay”

F. Panahon ng Isinauling Kalayaan (1946)


Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

Muling sumigla ang panitik ng mga Pilipino sa panahong ito. Ang halos nagging paksa ng
mga akda ay tungkol sa kalupitan ng mga Hapon, ang kahirapan ng pamumuhay sa ilalim ng
pamamahala ng mga Hapon, ang kabayanihan ng mga gerilya at iba pa.
Inilunsad sa panahong ito ang Timpalak-Palanca o Palanca Memorial Awards for Literature
na siyang nagpasigla sa ating mga manunulat sa Pilipino. Ang ilan sa mga akda at manunulat na
nakilala rito ay ang “Hulyo 4, 1954 A.D.” ni Dionisio Salazar ang kauna-unahang nagwagi sa
larangan ng pagsulat ng dula. Ang dulang ito ay naglalahad ng pagsasagawa ng isang
mapanganib at madugong misyon ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na ibagsak ang
pamahalaang Pilipino noong panahon ni Pangulong Magsaysay.

G. Panahon ng Aktibismo (1970-1972)


Nagsimulang mapanood ang mga pelikulang malalaswa na nakasisira sa kaugaliang
silanganin-ang tinatawag na mga Pelikulang Bomba. Dito rin dumagsa ang mag komiks at iba
pang babasahin na ang mga larawang iginuhit at walang mga saplot sa katawan.

H. Panahon ng Bagong Lipunan (Ika-21 ng Setyembre 1972)


Nanguna sa pagpapanibagong-buhay ng ating mga sinaunang dula ang naging Unang
Ginang ng bansa na si Gng. Imelda Romualdes Marcos. Binuhay niya ang sarsuela ng mga
Tagalog, Sinakulo, at Embayoka ng mga Muslim na pawing itinaghal sa ipinakumpuning
Metropolitan Theater at ipinatayong Folk Arts Theater at Cultural Center of the Philippines.
Marami ring mga paaralan ang at samahan ang nagtanghal ng naiibang dula. Ang
Mindanao State University ay nagtanghal sa CCP ng isang dulang pinamagatang “Sining
Kambayoka”.
Ang “Tales of Manuvu” ni Bienvenido Lumpera na isang makabago o istilong rock na
operang ballet ay nakadagdag din sa dulang Pilipino noong 1977. Tinampukan ito nina
Celeste Legaspi, Leah Navarro, Haji Alejandro, Boy Camara, Anthony Castelo, Rey Dizon,
Gina Mariano, at iba pa. Isinulat ito ni Bienvinido Lumpera at ang koryograpi ay kay Alice
Reyes.
Maging si Imee Marcos ay nagging artista ng dulaan sa kaniyang pagkakaganap bilang
pangunahing papel sa “Santa Juana ng Koral” at “The Diary of Anne Frank.”
Lalong nakapagpasigla sa dula nang panahong iyon at maging sa kasalukuyang panahon
ang sumusunod na samahang pandulaan:
1. PETA- nina Cecille Guidote at Lino Brocka
2. Repertory Philippines- nina Rebecca Godines at Zenaida Amador
3. UP Repertory-ni Behn Cervantes
4. Teatro Filipino-ni Rolando Tinio

Ang Radiyo ay patuloy pa ring tinatangkilik nang panahong ito. Ang kaniyang mag
dutungang dula tulad ng “Si Matar”, “Dahlia”, “Ito ang Palad Ko” “Mr. Lonely,” at iba pa ay
siyang pampalipas oras o libangang pakinggan ng mga wala pang telebisyon. Samantala ang mga
dula sa Telebisyon nang panahong ito ay labis na tinangkilik ng marami ay ang Gulong ng Palad,
Flor De Luna, Anna Liza, at iba pa.
Nagkaroon naman ng taunag pista ng mga Pelikulang Pilipino. Nagsilabas sa panahong ito
hanggang 1979 ang mga pelikulang walang romansa o seks subalit tinangkilik dahil sa kakaibang
kayarian nito tulad ng:
1. “Maynila…Sa mga Kuko ng Liwanag”- Sinulat ni Edgardo Reyes. Isinapelikula sa
direksyon ni Lino Brocka at sa pangunguna ni Bembol Roco.
2. “Minsa’y Isang Gamu-gamo” ang pangunahing bituin dito ay si Nora Aunor.
3. “Ganito Kami Noon… Pano Kayo Ngayon”-pinangunahan nina Christopher De
Leon at Gloria Diaz.
4. “Insiang”-pinangunahan ni Gilda Coronel.
5. “Aguila”-pinangunahan nina Fernando Poe Jr., Jay Ilagan, at Christopher de Leon.

I. Panahon ng Ikatlong Republika


Nagpatuloy pa rin ang pagdiriwang ng taunang Pista ng mga Pelikulang Filipino nang
panahong ito.
Lalong di napigil ang pagkagiliw ng mga tao sa mga pelikulang nahihinggil sa sex. Kaya
naman sinamantala ng mga ganitong uri kahit na ito ay nakapagpapababa sa moralidad ng mga
Pilipino.
Ang Maikling Kuwento at Dula sa Bawat Panahon FL 391: Pampanitikang Genre ng Pilipinas

Sa larangan ng dula, tanging ang unang gantimpala noong 1983 ang dula ni Reanto O.
Villanueva na pinamagatang “Ang Huling Gabi sa Magondon”

J. Panahon ng Kasalukuyan
Maririnig na sa kasalukuyan na nakapagpapahayag na ng mga tunay na niloloob nang walang
takot o pangamba ang mga tagapagsalita sa radio o lumalabas sa telebisyon. May ilan sa mga
dulang katatawanang ipinalalabas sa telebisyon ang nagsasadula ng mga nakaraan at
kasalukuyang pangyayari sa ating abnsa. Kabilang sa mga ito ang Chicks to Chicks, Eh Kasi
Babae, Sa Baryo Balimbing, at marami pang iba.
Sa Gawad Palanca ay unang gantimpala ang “Bayan Ko” ni Bienvenido Noriega Jr. na
tumanggap ng Php12,000.00. At ikalawang gantimpala naman ang “Ang mga Tatoo ni
Emmanuel Ressureccion” ni Reynaldo Duque na nakatanggap ng Php7,000.00

III. PAGLALAHAT
Ang dula sa ating bansa ay kasintanda ng kasaysayan ng Pilipinas. Bahagi na ito ng ating
tradisyon. Mga tradisyong nagbibigay ng katauhan sa mga Pilipino. Sa paglipas ng mga taon,
nagbabago ang anyo ng mga dulang Pilipino. Ngunit iisa ang layunin ng mga mandudula: ang
aliwin ang mga mamamayang Pilipino at higit sa lahat, bigyang buhay ang mga pangyayari sa
buhay Pilipino.
Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag na iskrip.
Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na dula ay yaong
pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at batay sa isang iskrip.
 
SANGGUNIAN
1. Casanova, Arthur P. “Kasaysayan at Pagunlad ng Dulaang Pilipino”. Rex Printing Co.
Maynila: 1984.
2. Santiago, M. et al. “Panitikang Filipino: Kasaysayan at Pag-unlad: National Book Store.
Manila:2006.
3. Sebastian, Federico B. “Ang Dulang Tagalog”. Bede’s Publishing House. Queson City:
1951.
4. Sauco, Consolacion P. at Salazar, Dionisio S. “Sulyap sa Dulang Tagalog”. National
Bookstores. Manila:1987.
5. Tiongson, Nicanor G. “Dulaan”. Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Philippines: 1989.
6. Tiongson, Nicanor G. “What is Drama?” PETA. Philippines: 1983
7. Arrogante, Jose A. 1991. MAPANURING PAG-AARAL NG PANITIIKANG
FILIPINO. Manila City: National Book Store, Inc.

8. Belvez, Paz M. et. al. 1994. WIKA AT PANITIKAN. Quezon City: Rex Printing
Company, Inc.
9. Kahayon, Alicia H. at Celia A. Zulueta. 2000. PHILIPPINE LITERATURE Through The
Years. Mandaluyong City: National Book Store

You might also like