You are on page 1of 5

ARALING PANLIPUNAN 7

UNANG MARKAHAN – MODYUL 1

Ang modyul 1 sa Araling Panlipunan 7 ay ginawa upang magbigay ng suplementaryong


kagamitan ang mga mag-aaral bilang gabay sa pag-aaral ng mga paksa sa Araling Panlipunan.
Ito ay binubuo ng mga paksa na kinakailangang matapos sa loob ng isang buwan.

MODYUL 1
HEOGRAPIYA NG ASYA

       Ang Pilipinas ay matatagpuan sa kontinente ng Asya. Bilang mga Pilipino, mahalagang


maunawaan ang ating pinagmulan para maitaguyod at maipagmalaki ang ating pagiging Asyano.
       Mahalagang bahagi sa pag-aaral ng kasaysayan ang pag-unawa tungkol sa Asya. Sa pag-aaral
ng kasaysayan, mahalagang maunawaan ang kaugnayan ng heograpiya sa kasaysayan at kultura ng
mga tao sa mga bansang Asyano.
       Ang heograpiya ay nagmula sa dalawang salitang Griyego na geo (daigdig) at graphein
(magsulat) na nangangahulugang paglalarawan sa daigdig. Nakatuon ang pag-aaral ng heograpiya
sa iba't ibang kalupaan at katubigan, kinaroroonan, sukat, at lawak gayundin ang klima at likas na
yaman ng mga lugar. Kabilang din sa pinag-aaralan ang interasyon ng tao sa kanyang kapaligiran at
ang epekto nito sa pag-unlad ng kanyang pamumuhay.
       Sa modyul na ito, pagtutuunan natin ng pansin ang heograpiya ng Asya bilang isang kontinente,
gayundin ang yamang tao at ang implikasyon nito sa pag-unlad ng mga bansang Asyano.
       Handa ka na bang pag-aaralan ang tungkol sa Asya? Kung handa ka na, halina at lakbayin natin
ang kamangha-manghang bagay tungkol sa heograpiya nito at tuklasin ang mga bahagi ng kultura ng
mga Asyano.

       May apat na bahagi at saklaw ng aralin na inihanda para sa iyo:


              Paksa 1: Kinaroroonan, Hugis, Sukat, at Anyo
              Paksa 2: Mga Anyong Lupa at Anyong Tubig
              Paksa 3: Kahalagahan ng mga Anyong Tubig at Anyong Lupa
Paksa 4: Kahalagahan ng Katangiang Pisikal ng Asya

Ano ang matututunan mo sa araling na ito

       Pagkatapos ng aralin na ito ay inaasahang malilinang mo ang mga sumusunod na kasanayan:


 Nailalarawan at naipaliliwanag ang mga katangian pisikal ng Asya
o kinaroroonan, hugis, sukat, at anyo
o anyong lupa at anyong tubig
 Napapahalagahan ang mga anyong lupa at anyong tubig sa Asya
 Naipapahayag ang kahalagahan ng pag-aaral sa katanginang pisikal ng Asya
Handa ka na ba? Subukan mong sagutin ang mga sumusunod na tanong.
Huwag kang mangamba sa pagsagot. May mga tulong sa pag-aaral na inihanda para sa iyo.

Aralin 1: KATANGIANG PISIKAL NG ASYA

Subukin Natin

       Kaya mo bang tukuyin ang pangalan ng mga kontinenteng ito? Handa ka na ba?

       Ihambing ang iyong sagot mula sa Susi sa Pagwawasto. Gaano kahusay ang ginawa mo?
Nakuha mo ba ang lahat ng mga sagot?    
 
Mahalagang Tanong

 Saang direksyon matatagpuan ang Asya?


 Paano mailalarawan ang lawak ng Asya kung ihahambing sa iba pang kontinente?
 Bilang Asyano, bakit mahalagang pag-aralan ang katangiang pisikal ng Asya?

Ang mga katanungang ito ang ating magiging gabay sa pagtalakay.

Mula sa paksang ating tatalakayin, malalaman kung bakit bilang mag-aaral sa Ikapitong
baitang na napakahalaga ng pag-aaral sa katangian ng Asya upang lubos na maunawaan ang
heograpiya nito.

Kung ikaw ay handa na sa pakikinig, sisimulan ko na natin!


A. Kinaroroonan, Hugis, Sukat, at Anyo

       Ang Asya ay isa sa mga pitong kontinente sa daigdig. Taglay nito ang halos lahat ng katangiang
heograpikal na maaaring taglayin ng isang kontinente.
       Ang Asya ay nagmula sa salitang Aegean na “Asu” na nangangahulgang "sinisikatan ng araw" o
"silangan".
       Mailalarawan ang heograpiya ng Asya batay sa kanyang kinaroroonan gayundin ang hugis,
sukat, at anyo nito. Kasama rin sa pag-aaral ang mga iba’t ibang kaanyuang pisikal gaya ng mga
anyong lupa, anyong tubig at klima ng Asya.
       Sa bahaging ito ng aralin, pagtutuunan lamang natin nang pansin ang naunang tatlong
kalagayang heograpikal.
       Isa sa mga paraan ng pagtakda sa lokasyon ng Asya ay sa pamamagitan ng pagkuha ng
latitude (distansiyang angular na natutukoy sa hilaga o timog ng equator) at longitude (distansiyang
angular na natutukoy sa silangan at kanluran ng prime meridian) nito.
      Ang tiyak na lokasyon ng Asya ay umaabot sa 10 o timog at 90o hilagang latitude at mula sa
11o hanggang 175o silangang longitude.
       Kung pagmamasdan ang mapa ng daigdig, matatagpuan ang Asya sa silangan ng Europa at
hilangang-silangan ng Aprika.
       Ang mga kalupaan at katubigang nakapaligid sa kontinente ay nagsisilbing hangganan nito sa
iba’t ibang direksyon.
       Ang pinakamahabang sukat ng Asya mula hilaga hanggang timog ay 8,000 kilometro at may
lapad na 9,600 mula silangan hanggang kanluran.
       Ang hilagang bahagi ng Asya ay binubuo ng malawak na lupain ng Russia na Siberia.
Matatagpuan sa katimugang bahagi ng Asya ang nakausling lupain ng India. Makitid naman ang
bahaging kanluran samantalang may kalaparan ang gawing silangan ng Asya. Sa timog-silangang
bahagi ng Asya matatagpuan ang iba’t ibang mga pulo tulad ng Borneo, Java, Sumatra at Luzon.
       Samantala, napaliligiran ang Asya ng tatlong naglalakihang karagatan: Karagatang Arctic sa
hilaga, Karagatang Pasipiko sa silangan at Karagatang Indian sa timog.
       Sa iyong unang tingin sa mapa ng mundo, ano ang mapapansin mong pinakalitaw na katangian
ng Asya?
       Kung ihahambing sa ibang kontinente, ito ang pinakamalaki sa lahat. Ito ay may kabuuang sukat
na umaabot sa 44,486,104 kilometro kwardrado. Sinasabing ang sukat nito ay sinlaki ng pinagsama-
samang lupain ng Australia, Hilagang Amerika at Timog Amerika at halos sangkapat ( 1/4) lamang nito
ang Europa. Tinatayang sangkatlong (1/3) bahagi ng kabuuang lupain sa mundo ang kabuuang sukat
ng Asya.
       Ang hugis ng Asya ay iregular. May ganap na pagkakaiba-iba ang pisikal na anyo ng Asya na
nakaaapekto sa pagkakaroon ng liko-likong dalampasigan at iba’t ibang uri ng kalupaan sa paghubog
ng hugis at anyo nito.

Gawin Natin

    
       Bago tayo magpatuloy, subukin mong sagutan ang nasa tsart. Magbigay ng limang (5)
halimbawa ng anyong lupa at anyong tubig na matatagpuan sa Asya o sa inyong lugar.
       Makatutulong ang mga sumusunod na larawan para madali mong masagutan ang gawain.
       May iba ka pa bang sagot maliban sa mga larawan? Kung oo, anu-ano ang mga ito?
       Nasagutan mo ba lahat? Kung oo, binabati kita! At kung hindi naman, huwag kang mag-alala,
makakatulong ang araling ito para maunawaan mo ang ilang mahahalagang konsepto ng anyong
lupa at anyong tubig.
       Ihambing ang iyong sagot mula sa Susi sa Pagwawasto. Gaano kahusay ang ginawa mo?
Nakuha mo ba ang lahat ng mga sagot?

B. Mga Anyong Lupa at Anyong Tubig

Sa Asya matatagpuan ang halos lahat ng uri ng anyong lupa at anyong tubig.

Sa katotohanan, ang kontinente ay katatagpuan ng nagtataasang kabundukan, mga aktibong


bulkan, malalawak at nagtaasang talampas, masaganang lambak at kapatagan, naglalakihang
tangway, at mayamang pulo at kapuluan.

Dahil dito, natural lamang na magkakaiba-iba ang buhay at kultura ng mga Asyanong
naninirahan dito.

Samakatuwid, ang malawak na kontinente ay nagtataglay ng maraming kalupaan at katubigan


na may malaking naitutulong sa mga Asyano.
Gawin Natin!

       Subukin ang iyong kaalaman tungkol sa mga anyong lupa at anyong tubig ng Asya sa
pamamagitan ng mga larawan at pagbuo ng mga ginulong titik. Handa ka na ba?
       Ihambing ang iyong sagot mula sa Susi sa Pagwawasto. Gaano kahusay ang ginawa mo?
Nasagutan mo ba lahat ng mga katanungan? Binabati kita!

C. Kahalagahan ng mga Anyong Tubig at Anyong Lupa

       Ang Asya bilang isang malawak na kontinente ay isang kayamanan sapagkat nabiyayaan ng
iba't ibang anyong lupa at anyong tubig na lubos na nakaaapekto sa uri pamumuhay at
kultura ng mga Asyano.

       Anu-ano ang mga kahalagahan ng anyong lupa at anyong tubig sa pamumuhay ng mga
Asyano?
 Malaki ang ginampanang papel ng mga anyong tubig sa pamumuhay ng mga Asyano
sapagkat nagsisilbing likas na depensa, rutang pangkalakalan at pinagkukunan ng mga
pagkain, inumin (tubig-tabang) at yamang mineral.
 Ang bulubundukin ay nagsisilbing likas na tanggulan o depensa ng isang lugar laban sa mga
mananakop at proteksyon o harang sa malalakas na bagyo.
 Ang mga disyerto, baybay-gilid at kabundukan ay nagbibigay ng samu't saring mga yamang
mineral (metal, di-metal, at gas).
 Ang mga bundok at gubat ay nagbibigay ng mga hilaw na materyales, bungang-kahoy,  mga
herbal na gamot at panirahan ng mga hayop.
 Ang mga kapatagan at lambak ay karaniwang pinaninirahan ng higit na maraming bilang ng
tao. Nililinang ng tao ang mga kapatagan at mga lambak para sa mga pananim at ang mga
damuhan at mga burol ay ginagawang pastulan.

D. Kahalagahan ng Katangiang Pisikal ng Asya

       Bilang Asyano, bakit mahalagang pag-aralan ang katangiang pisikal ng Asya?


 Napakahalagang pag-aaralan ang pisikal na kapaligiran ng Asya dahil nakapalaking
impluwensiya nito sa pamumuhay at kultura ng mga Asyano.
 Ang mga kaganapan sa kasaysayan at pagbabagong kultural ay maaaring hatid at epekto ng
kapaligirang ginagalawan ng tao.
 Nakatutulong ang pag-aaral sa katangiang pisikal ng Asya para maunawaan ang mga
pangyayari sa kapaligiran at tamang pangangalaga sa kalikasan.
 Nakatutulong upang mapanatili ang maayos na ugnayan ng tao at kapaligiran sa pamamagitan
ng tamang paglinang sa mga anyong lupa at anyong tubig.

TANDAAN

 Sa pagtatapos ng ating aralin, narito ang mga dapat mong tandaan.


o Mahalang pag-aralan ang katangiang pisikal ng Asya upang lalong maunawaaan ang
mga kaganapan sa kasaysayan at pagbabagong kultural ng Asya.
o Mailalarawan ang heograpiya ng Asya batay sa kanyang kinaroroonan, hugis, sukat, at
anyo.
o Ang mga anyong lupa at inyong tubig ay may malaking implikasyon sa pamumuhay at
kultura ng mga Asyano.
o Ang Asya ay tahanan ng iba’t ibang uri ng anyong lupa: kapuluan, bundok, kapatagan,
talampas, disyerto at kabundukan.
o Ang Asya ay dinadaluyan ng mga ilog at lawa na lubhang napakahalaga sa buhay at
kalinangan.

PAGLALAPAT
       Bilang paglalapat sa ating mga tinalakay, narito ang mga katanungan na dapat mong pagnilayan.
 Bilang mag-aaral, gaano kahalaga ang katangiang pisikal ng Asya sa pamumuhay at kultura
ng mga Asyano?
 Anu-ano ang mga hakbangin upang mapangalagaan ang mga anyong lupa at anyong tubig sa
bansa?
PAGSASANAY

GAWAIN 1: GEOGRAPHIC PROFILE NG ASYA


Ilarawan ang katangiang pisikal ng Asya. Gamitin ang tsart sa pagbuo ng Geographic Profile.

Ihambing ang iyong sagot mula sa Susi sa Pagwawasto. Gaano kahusay ang ginawa mo?
Nasagutan mo ba lahat ng mga katanungan? Binabati kita!

GAWAIN 2: ASYA: KONTINENTE NG MGA PINAKA!


Tukuyin ang mga natatanging anyong lupa at anyong tubig ng Asya.

Karagdagang Gawain

GAWAIN 1: MGA OPORTUNIDAD AT PANGANIB


 Anu-anong hamon ang dulot ng anyong lupa at anyong tubig sa ating bansa?
 Paano tinutugunan ng mga Pilipino ang mga oportunidad at banta o panganib sa mga anyong
lupa at anyong tubig?

GAWAIN 2: LOOP A WORD


Hanapin sa anumang direksyon ang mga salitang naglalarawan tungkol sa katangiang pisikal
ng Asya.

GAWAIN 3: PAGHAHANAY
Gumuhit ng mga linya upang tumugma sa mga salita o pangungusap na may larawan.

TALASALITAAN
 Arkipelago/Kapuluan - grupo ng mga isla
 Bulkan - anyong lupa na naglalabas ng mainit na "lava" tuwing pagputok
 Bulubundukin - hanay ng mga bundok na magkakadikit
 Bundok - mataas na anyong lupa na nagtataglay ng mga bato at lupa
 Disyerto - rehiyong may malawak na tuyong lupa at buhangin.
 Kapatagan - malawak na lupang pantay o patag
 Kontinente - pinakamalaking dibisyon ng lupain sa daigdig
 Lambak - lupaing patag na makikita sa pagitan ng mga bundok o gilid ng mga ilog
 Latitude - distansiyang angular na natutukoy sa hilaga o timog ng equator
 Longitude - distansiyang angular na natutukoy sa silangan at kanluran ng prime meridian
 Pacific Ring of Fire - malawak na sona na nagtataglay ng maraming hanay ng mga aktibong bulkan
 Peninsula/tangway - bahagi ng pulo o kontinenteng nakausli sa anyong tubig
 Pulo - masa ng lupang napaliligiran ng tubig
 Talampas - mataas na lupang patag sa ibabaw

SANGGUNIAN
Mga Aklat
Mateo, PhD., Grace Estela C., et. al. Asya: Pag-usbong ng Kabihasnan
Vibal Publishing House Quezon City, Philippines. 2008
Asya: Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakaiba Modyul para sa Mag-aaral
Kagawaran ng Edukasyon Meralco Avenue, Pasig City. 2014
Cruz, PhD., Romela M., et. al. Araling Asyano Tungo sa Pagkakakilanlan
Vibal Publishing House Quezon City, Philippines. 2015
Samson, Maria Carmelita B., et. al. Kayamanan Araling Asyano Batayan at Sanayang Aklat sa Araling Panlipunan
Rex Book Store, Inc. 2015
Aguilar, Analyn B., et. al. Alab Araling Asyano
The Inteligente Publishing, Inc. 2017
Lozanta, Alfredo Jr. A., et. al. Araling Panlipunan sa Makabagong Siglo: Araling Panlipunan 7
Salesiana Books by Don Basco Press, Inc. 2014
PROJECT EASE (Effective Alternative Secondary Education) Araling Panlipunan II
Department of Education DepEd Complex, Meralco Avenue Pasig City
Mga Website
https://clipartmag.com/images/world-map-clipart-free-18.png
https://www.clipartkey.com/mpngs/m/85-854255_proud-to-be-pinoy-clipart-png-download-holistic.png
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/6/62/Latitude_and_Longitude_of_the_Earth.svg/1280px-
Latitude_and_Longitude_of_the_Earth.svg.png
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/b/b4/%D4%B1%D5%A6%D5%A1%D5%BF_
%D5%A3%D5%A5%D5%BF.gif
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/7/77/Zakynthos_island_3D.GIF
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/1/14/Muntii_Taga%2C_3D.gif
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/e/e2/Arge%C5%9F_County_Romania_bgiu.jpg/800px-
Arge%C5%9F_County_Romania_bgiu.jpg
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/f/ff/North_Aral_Sea_2000_and_2011.gif
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/9/9c/Mayon_Volcano_-_panoramio_%281%29.jpg/800px-
Mayon_Volcano_-_panoramio_%281%29.jpg

You might also like