You are on page 1of 28

SHS

Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang


Teksto Tungo sa Pananaliksik Ikatlong
Markahan – Modyul 1
Pagbasa at Pagsususri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
Ikatlong Markahan – Modyul 1: Kaalaman at Kasanayan sa Pagbasa:
Pagsusuri at Pagsulat ng Teksto
Unang Edisyon, 2020

Karapatang sipi © 2020


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anumang paggamit o


pagkuha ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Glaiza Joy M. Ortilano


Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr., P II

Tagapamahala:

ATTY. Donato D. Balderas, Jr.


Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, Ph.D
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, Ph.D, CID Chief
Virgilio C. Boado, Ph.D, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, Ph.D, EPS in Charge of Filipino

Michael Jason D. Morales, PDO II


Claire P. Toluyen, Librarian II
Pagbasa at Pagsususri
ng Iba’t Ibang Teksto
Tungo sa
Pananaliksik
Ikatlong Markahan – Modyul 1:
Kaalaman at Kasanayan sa
Pagbasa: Pagsusuri at Pagsulat
ng Teksto
Sapulin

Magandang araw sa iyo minamahal kong mag-aaral! Nakahanda at


sabik ka na bang mag-aral at matuto? Batid kong oo, kung gayon ikaw ay
maghanda na sa mga susunod na araling ating pag-aaralan.
Napakahalagang papel ang ginagampanan ng mga kagamitang
pampagtuturo sa ikatatamo ng mas mataas na antas ng karunungan lalo na
sa larangan ng edukasyon. Magsisilbing kasangkapan ito sa pagkatuto mo.
Ang Modyul na ito ay papaksa sa Batayang Kaalaman sa
Mapanuring Pagbasa at sa mga Kasanayan ng Mapanuring Pagbasa.
Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang matatamo mo ang mga
sumusunod:
Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELC)
1. Natutukoy ang paksang tinalakay sa iba’t ibang tekstong binasa
(F11PB – IIIa – 98) Week 1
2. Natutukoy ang kahulugan at katangian ng mahahalagang salitang ginamit
ng iba’t ibang uri ng tekstong binasa( F11PT – IIIa – 88) Week 1
Kaya kung nakahanda ka na, maaari ka nang magsimula sa mga gawain at aralin.
Aralin
Batayang Kaalaman sa
1.1 Mapanuring Pagbasa

Simulan

Gawain 1: Sa Aking Palagay…


Panuto: Gamit ang grapikong presentasyon, magtala ng iyong sariling kaalaman o
opinyon tungkol sa salitang PAGBASA. Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel.

PAGBASA

Mahusay! Matagumpay mong naisagawa ang unang gawain. Tunay


ngang ang pagbasa ay isa sa mahalagang makrong kasanayan sa
komunikasyon.Mula sa iyong paggising sa umaga, sa tanghali at/o maging
sa gabi ay nangangailangan ng pagbabasa.Ito ang nabibigay ng bagong
kaalaman, napapalawak ang talasalitaan, nahuhubog ang kaisipan at
paninindigan. Instrumento upang makakuha ng impormasyon. Batid kong
ilan lamang ito sa iyong inilista bilang pagpapakahulugan sa salitang
pagbasa. Halina’t iyong pagyabungin ang iyong kaalaman.Handa ka na ba?
Kung handa ka na ay atin nang simulan.

Kahulugan ng Pagbasa
 Isang proseso ng pagbuo ng kahulugan mula sa mga nakasulat na teksto.
Ito ay isang kompleks ng kasanayan na nangangailangan ng koordinasyon
ng iba’t iba at magkakaugnay na pinagmumulan ng impormasyon (Anderson
et al. (1985),)
 Isang proseso ng pagbuo ng kahulugan sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng:
1. imbak o umiiral nang kaalaman ng mambabasa;
2. impormasyong ibinibigay ng tekstong binabasa; at
3. konteksto ng kalagayan o sitwasyon sa pagbabasa
- Wixson et al. (1987)

 Isang proseso ng pagkuha,pagkilala at pag-unawa ng mga nakaimbak at


nakasulat na impormasyon o datos.
 Isang representasyon ng wika bilang simbolo na maeeksamin ng mata o
mahahawakan.
 Braille – pagbabasa ng mga bulag
 Notasyon o Pictogram – mga signs o simbolo
 Isang psycholinguistic guessing game kung saan ang nagbabasa ay
nagbubuong muli ng isang mensahe o kaisipan na hinango sa tekstong
binasa.( Goodman 1957,1971,1973)
 Isang pinakapagkain ng ating utak.( James Lee Valentine,2000)
 Ang pag-unawa sa kahulugan ng nakalimbag o nakasulat at pagbibigay ng
interpretasyon dito.(Hank ,1983)
 Napaka-komplikadong pag-unawa ng isang nakasulat na pahayag.
 Nangangahulugan ng imbak na kaalaman upang maiugnay ang teksto sa
realidad.
 Isang mental na interpretasyong may nakalimbag na simbolo.

Gawain 2: Ipaliwanag Mo!


Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong sagutang papel.
Gusto mong bumili ng aklat kaya’t nagpasama ka sa iyong kaibigan sa
pagpunta ng bookstore. Sapat lang ang pera sa isang aklat o isang babasahin.
Alin sa sumusunod ang bibilhin mo? Lagyan ng tsek ( √) ang kahong katapat
nito.
isang magasin
aklat tungkol sa paborito mong libangan
aklat tungkol sa paborito mong isports
kalipunan ng maikling kuwento
talambuhay o memoir ng isa sa mga hinahangaan mo
aklat tungkol sa natatangi at kagila-gilalas
paper edition ng isang nobela mula sa wattpad
aklat na di – piksyon tungkol sa pang-araw-araw na paksa sa buhay
tulad
ng pakikiangkop sa iba o kung paano makapag - move on sa
anomang
problema
Iba pang uri ng aklat tulad ng

Bakit ang aklat o babasahing ito ang Ano ang naibibigay o naidudulot sa iyo
napili mo? ng pagbabasa ng ganitong uri ng aklat o
babasahin?Ipaliwanag.
Gawain 3: Karanasan Ko, Iugnay Ko!
Panuto: Magtala ng dalawang pinakapaborito mong aklat/ babasahin at punan ng
mga karanasang maiuugnay mo sa iyong mapanuring pagbabasa. Isulat ang mga
hinihiling na impormasyon sa talahanayan.

Una Ikalawa
Titulo/Pamagat

May-akda

Wika

Buod

Binabati kita sa matagumpay mong pagsagot sa mga gawain! Sakali mang


may mga konsepto kang hindi maunawaan, maaari mo itong balikang muli. Halina’t
magpatuloy pa tayo upang mas mapayabong pa ang iyong kaalaman hinggil sa
mapanuring pagbasa.

Lakbayin
Kahulugan ng Mapanuring Pagbasa
 Ito ay ang pagsisiyasat ng isang tekstong babasahin
 Nangangailangan ng maingat, aktibo,replektibo at mapamaraang
pagbasa.
Katangian ng Mapanuring Pagbasa:
1. Maingat
 Kailangang usisain, busisiin ang mga ebidensiya at suriin kung gaano
kalohikal ang teksto.
2. Aktibo
 Habang nagbabasa ay may pagtatala at anotasyong isinasagawa ang
mambabasa upang maging malinaw ang pagpapahayag ng teksto.
3. Replektibo
 Nabibigyang- katibayan o patunay ang nabasa kaugnay ng mga kaalaman at
sariling kaalaman o karanasan ng mambabasa.
4. Intensibo at Ekstensibong Pagbasa
 Intensibong Pagbasa
a. Kinapapalooban ng malalimang pagsusuri sa pagkakaugnay-ugnay,
estruktura, at uri ng diskurso sa loob ng teksto, pagtukoy sa
mahahalagang bokabularyong ginamit ng manunulat, at paulit-ulit at
maingat na paghahanap ng kahulugan.
b. Sa ganitong uri ng pagbasa, nakatutulong ang pagbabalangkas o
paggawa ng larawang konseptuwal upang lubos na maunawaan ng
mag-aaral ang isang teksto.
 Ekstensibo
 Ayon kina Long at Richards (1987), nagaganap ang ekstensibong
pagbabasa kapag ang isang mambabasa ay nagbabasa ng
maramihang babasahin na ayon sa kaniyang interes, mga babasahing
kadalasang hindi kahingian sa loob ng klase o itinatakda sa anomang
asignatura.
 Kadalasan, ang layunin ng mambabasa sa ganitong uri ng pagbasa ay
upang makuha lamang ang “gist” o pinaka-esensya at kahulugan ng
binasa na hindi pinagtutuunan ng pansin ang mga salitang malabo o
hindi alam ang kahulugan.
Estratehiya sa Pagbasa:
Scanning
 Mabilisang pagbasa ng isang teksto na ang pokus ay hanapin ang
ispesipikong impormasyon na itinatakda bago bumasa.
Kinapapalooban ito ng bilis at talas ng mata sa paghahanap
hanggang sa makita ng mambabasa ang tiyak na kinakailangang
impormasyon.
 Kung ang kahingian ay alalahanin ang pangalan, petsa, simbolo,
larawan, o tiyak na sipi na makatutulong sa iyo, scanning ang angkop
na paraan ng pagbasa na dapat gamitin. Ibig sabihin, may paunang
pag-alam o pagka-unawa na sa hinahanap na impormasyon at ang
layunin ay matiyak ang katumpakan nito na makikita sa mga libro o
iba pang sanggunian.
Skimming
 Mabilisang pagbasa na ang layunin ay alamin ang kahulugan ng
kabuuang teksto, kung paano inorganisa ang mga ideya o kabuuang
diskurso ng teksto at kung ano ang pananaw at layunin ng
manunulat.
 Nangangailangan ito ng mabilisang paraan ng organisasyon at pag-
alaala sa panig ng mambabasa upang maunawaan ang kabuuang
teksto at hindi lamang upang matagpuan ang isang tiyak na
impormasyon sa loob nito.
Contextualizing
 Pagsasaayos ng teskto sa paraang historikal, biograpikal at
nakabatay sa kontekstong kultural.
Apat na Antas ng Pagbasa:
1. Primarya
 Ito ang pinakamababang antas ng pagbasa at pantulong upang
makamit ang literasi sa pagbasa. Kinapapalooban lamang ng
pagtukoy sa tiyak na datos at ispesipikong impormasyon gaya ng
petsa, lugar, o mga tauhan sa isang teksto.
2. Mapagsiyasat
 Sa antas na ito, nauunawaan na ng mambabasa ang kabuuang
teksto at nakapagbibigay ng mga hinuha o impresyon tungkol dito.
3. Analitikal
 Sa antas na ito ng pagbasa, ginagamit ang mapanuri o kritikal na
pag-iisip upang malalimang maunawan ang kahulugan ng teksto at
ang layunin o pananaw ng manunulat.
4. Sintopikal
 Ito ay hindi lamang pag-unawa sa mga nariyan nang mga eksperto sa
isang larangan o disiplina, kundi ang pagbuo ng sariling sistema ng
kaalaman at pag-unawa mula sa pagbasa sa mga ekspertong ito. Ang
mga aklat na binasa mo ay mga kasangkapan lamang upang
maunawaan mo ang mga kaalaman na naipundar na ng mga
naunang iskolar.

Dagdag kaalaman…

Maaaring panoorin sa link na ito ang karagdagang kaalaman para sa iyo.

https://www.youtube.com/watch?v=F4iOjMLsHqo(ano
https://www.youtube.com/watch?v=p46rTel9vSw

Galugarin

Sa bahaging ito, pagyayamin pa natin ang iyong kaalaman sa


Mapanuring pagbasa. Iyong babasahin ang isang halimbawa ng Tula. Basahin
at unawain mo ito upang matukoy ang kahulugan at katangian ng
mahahalagang salitang ginamit, mensahe at layunin ng tula.
Tamang asal ng paglimot
ni Reagan R. Maiquez

Ang lahat ng basura ay palitan ng isang salita na malalaman mo mamaya

Bawal magtapon ng BASURA rito


Ilagay ang BASURA sa tamang lalagyan, dito ang nabubulok at dito ang di
nabubulok
Munting BASURA, Ibulsa muna
BASURANG Itinapon mo babalik at babalik sa iyo
May Pera sa BASURA

Ngayon, narito ang salitang ipapalit mo sa basura: ALAALA


Gawin nga natin,
Bawal magtapon ng alaala rito

Ilagay ang alaala sa tamang lalagyan, dito ang nabubulok at dito ang di
nabubulok
Munting alaala ibulsa muna
Alaalang itinapon mo babalik at babalik sa
iyo May pera sa alaala

Ngayon, alamin nga natin ang pagkakaiba ng dalawa


Na para bang may gusto kang itapon
Na alam na alam mong dati’y napakahalaga.
Na para bang ang basura ay isa ring alaala
At ang alaala ay maaari ring mga basura.
Gawain 4: Unawain Mo!
Panuto: Sagutin mo ang mga sumusunod na tanong at pahayag sa iyong
sagutang papel.
1. Ano ang paksa ng tula?

2. Paghambingin mo ang Basura at Alaala.

BASURA ALAALA

PAGKAKAIBA PAGKAKATULAD

3. Ano-ano ang mga kulturang Pilipino ang masasalamin sa tulang ito?

4. Ano ang mensahe at layunin ng nabasa mo?


Palalimin

Gawain 3: Iugnay Mo!


Panuto: Iugnay mo ang mga kaisipan o mensaheng nakapaloob sa tulang
Tamang Asal ng Paglimot sa iyong sarili, pamilya,pamayanan at lipunan.
Tularan ang grapikong presentasyon sa pagpapahayag ng iyong kaisipan sa
sagutang papel.

SARILI PAMILYA

MGA KAISIPAN MULA SA TULANG TAMANG ASAL NG PAGLIMOT

PAMAYANAN LIPUNAN
Aralin Mga Kasanayan ng Mapanuring Pagbasa
1.2
Binabati kita sa iyong masigasig at masinop na pagsagot sa mga
katanungan sa nakaraang aralin. Sa bahaging ito, malalaman mo ang mga
kasanayan sa mapanuring pagbasa. Ngayon, tayo’y magpapatuloy sa ating aralin.
Handa ka na ba? Sige magsimula ka na sa paunang gawain.

Simulan

Gawain 1: K-W-L Chart


Panuto: Maglista ng iyong sariling opinyon o kaalaman hinggil sa
kasanayan sa mapanuring pagbasa.. Gayahin ang pormat sa sagutang papel.

KNOW/ALAM WANT/NAIS MALAMAN LEARN/NATUTUHAN


1. 1. 1.
2. 2. 2.
3. 3. 3.
4. 4. 4.
5. 5. 5.

Napakahusay! Nagawa mo ang gawain. Sa pagkakataong ito ay iyong


mababatid ang mga kasanayan ng mapanuring pagbasa. Basahin at unawain mo
lang itong mabuti upang maintindihan mo.

Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa


 Bago Magbasa
- sa bahaging ito, iniuugnay sa inisyal na pagsisiyasat ang mga imbak at
kaligirang kaalaman upang lubusang masuri kung anong uri ng teksto
ang babasahin
- nakabubuo ng mga tanong at matalinong prediksyon kung tungkol saan
ang isang teksto batay sa isinagawang pagsisiyasat.
- pagsusuri ng panlabas na katangian ng teksto upang malaman ang
tamang estratehiya sa pagbasa batay sa uri at genre
- kinapapalooban ito ng previewing o surveying ng isang teksto sa
pamamagitan ng mabilisang pagtingin sa mga larawan, pamagat, at
pangalawang pamagat sa loob ng aklat.
 Habang Nagbabasa
- Nakapaloob sa bahaging ito ang:
1) Pagtantiya sa bilis ng pagbasa;
2) Biswalisasyon ng binabasa;
3) Pagbuo ng koneksiyon;
4) Paghihinuha;
5) Pagsubaybay sa komprehensiyon;
6) Muling pagbasa;
7) Pagkuha ng kahulugan mula sa konteksto.
- Sinisimulan ng isang aktibong mambabasa ang paglilipat ng
impormasyon sa matagalang memorya sa pamamagitan ng
elaborasyon, organisasyon, at pagbuo ng mga biswal na imahen.
 Ang elaborasyon ay ang pagpapalawak at pagdaragdag ng
bagong ideya sa impormasyong natutuhan mula sa teksto.
 Ang organisasyon ay pagbuo ng koneksiyon sa pagitan ng iba’t
ibang bahagi ng impormasyon na nakuha sa teksto habang ang
pagbuo ng biswal na imahen ay paglikha ng mga imahen at
larawan sa isipan ng mambabasa habang nagbabasa.
 Pagkatapos Magbasa
- Nakapaloob sa bahaging ito ang:
1. Pagtatasa ng komprehensiyon. Sagutin ang iba’t ibang tanong tungkol
sa binasa upang matasa ang kabuuang komprehensiyon o pag-unawa sa
binasa.
2. Pagbubuod. Sa pamamagitan ng pagbubuod, natutukoy ng
manunulat ang pangunahing ideya at detalye sa binasa.
3. Pagbuo ng sintesis. Halos kagaya rin ito ng pagbubuod, ngunit bukod
sa pagpapaikli ng teksto, ang pagbuo ng sintesis ay kinapapalooban ng
pagbibigay ng perspektiba at pagtingin ng manunulat batay sa
kaniyang pag-unawa.
4. Ebalwasyon. Pagtataya ng mambabasa sa katumpakan at
kaangkupan ng mga impormasyong nabasa sa teksto.

Gawain 2: Uriin Mo!


Panuto: Tukuyin mo ang mga sumusunod na salita/parirala kung anong
kasanayan ng mapanuring pagbasa Gayahin ang pormat sa sagutang papel.

Paghihinuha Ebalwasyon Previewing Pagsisiyasat saBiswalisasyon


teksto Realisasyon Interpretasyon
Pagsubaybay sa pag-unawa Pagbubuod
Pagpapalawak ng talasalitaan

BAGO MAGBASA HABANG NAGBABASA PAGKATAPOS MAGBASA


Lakbayin

Muli kitang binabati dahil malayo na ang iyong narating sa ating pag-aaral.
Sa bahaging ito, panibagong aralin pa ang iyong matutunghayan. Mahalaga ito
upang mas lalo pang malinang ang iyong pag-unawa sa ating aralin.

Pagkilala sa Katotohanan at Opinyon


Katotohanan
 mga pahayag na maaaring mapatunayan o mapasubalian sa pamamagitan
ng empirikal na karanasan, pananaliksik, o pangkalahatang kaalaman o
impormasyon
Opinyon
 mga pahayag na nagpapakita ng preperensiya o ideya batay sa personal na
paniniwala at iniisip ng isang tao. Maaaring kakitaan ito ng mga panandang
diskurso tulad ng “sa opinyon ko,” “para sa akin,” “gusto ko,” o sa “tingin
ko.”

Pagtukoy sa Layunin, Pananaw, at Damdamin ng Teksto


Layunin
 Ito ay tumutukoy sa nais iparating at motibo ng manunulat sa teksto.
Mahihinuha ito sa pamamagitan ng uri ng diskursong ginamit sa
pagpapahayag.
 Halimbawa, naglalarawan ba ito o kaya ay nagkukuwento lang ng isang
tiyak na karanasan o sitwasyon? Maaari ring nangangatuwiran ito o
kaya naman ay hinihikayat ang mambabasa na pumanig sa opinyon o
paninindigan niya.
 Sa layunin, tinutukoy rin ang suliranin o pangunahing tanong ng akda
na nais solusyonan ng may-akda.
Pananaw
 Ang pagtukoy kung ano ang preperensiya ng manunulat sa teksto. Ibig
sabihin, natutukoy rito kung ano ang distansiya niya sa tiyak na
paksang tinatalakay.
 Nasa unang panauhan ba ito na maaaring magpakita na personal ang
perspektiba niya sa paglalahad, o kaya naman ay nasa ikatlong
panauhan na nagbibigay ng obhetibong pananaw at paglalahad sa
paksa?
 Mula sa mahusay na pagtukoy ng pananaw, nahihinuha rin ng
mambabasa kung ano ang kahihinatnan ng isang teksto.
Damdamin
 Ang ipinahihiwatig na pakiramdam ng manunulat sa teksto. Maaaring
nagpapahayag ito ng kaligayahan, tuwa, galit, tampo, o kaya naman ay
matibay na paniniwala o paninindigan tungkol sa isang pangyayari o
paksa.
 Dahil sa damdamin na ipinahahayag ng teksto, hindi naiiwasan na ito
rin ang nagiging pakiramdam ng mambabasa sa pagbasa nito. Sa
katapusan ng pagbasa, maaari ding tasahin ng isang mambabasa kung
nagtagumpay ba ang manunulat na iparamdam ang layunin ng teksto.
Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak, at Rebyu
Paraphrase
 Ito ay tumutukoy sa muling pagpapahayag ng ideya ng may-akda sa
ibang pamamaraan at pananalita upang padaliin at palinawin ito para
sa mambabasa.
 Mahalaga ito sa pananaliksik upang tukuyin ang pinagmulan ng isang
ideya o kaisipan at ipahayag ito sa pamamaraan na makatutulong sa
pananaliksik.

Abstrak
 Isang buod ng pananaliksik, tesis, o kaya ay tala ng isang
komperensiya o anomang pag-aaral sa isang tiyak na disiplina o
larangan.
 Ito ay nakatutulong upang mabilis na makita ng isang mambabasa ang
kabuuang latag ng pananaliksik kabilang ang mga layunin at
kinalabasan nito. Sa ilang publikasyon, tinatawag din itong precis o
sinopsis.
May Tatlong Uri ng Pagsulat ng Abstrak
1. Abstrak para sa isang Pananaliksik
2. Abstrak para sa isang Modyul o Aklat
3. Abstrak para sa Pelikula
Rebyu
 Ito ay isang uri ng pampanitikang kritisismo na ang layunin ay suriin
ang isang aklat batay sa nilalaman, estilo, at anyo ng pagkakasulat
nito.
 Naglalaman din ito ng pagtataya o ebalwasyon ng akda batay sa
personal na pananaw ng mambabasa na nagbibigay ng rebyu. Ang mga
nagsusulat ng rebyu sa mga pahayagan o online portal ay gumagamit
ng panunuri upang magpalaganap ng sariling kaalaman na
sumusuporta o kaya ay nagpapasubali sa nilalaman ng aklat.
 Maaaring ito ay naglalaman ng maikling buod ng aklat upang
magkaroon ng ideya ang mga mambabasa.
Galugarin

Sa bahaging ito ay iyong basahin at unawain nang mabuti upang


matukoy ang mga mahahalagang salitang ginamit sa teksto. Halina’t
umpisahan na ang mapanuring pagbabasa.

MALL, MALLING, NAMO-MALLING


ni Rolando B. Tolentino
Isipin na lang natin ang salitang “malling”, na isang partikular na
karanasan sa pagtangkilik ng kulturang popular sa Pilipinas. Galing sa
salitang “mall”, ang “malling” ay nangangahulugan ng pamamasyal sa loob ng
mall, pagpapalipas ng oras, pagwi-window shopping, paggawa ng errands sa
espasyo ng mall.

Kakatwa na ang salitang “mall” ay ginawang present tense, at mas


kakatwa na ang karanasang malling ay kino-conjugate: nag-malling, nagmo-
malling, magmo-malling. Dahil hiram na salita, ang baybay ay hiwalay pa rin
sa pagbigkas. Galing sa global na struktura ng konsumerismo ang malling at
kaiba lang ang adaptasyon ng negosyante at konsumeristang Filipino sa
strukturang ito.

Una, ang malls sa bansa ay nasa sentro, nagsisiksikan sa


pangunahing lansangan, tulad ng EDSA at Roxas Boulevard. Hindi tulad ng
malls sa Amerika na nasa laylayan ang malls, tulad sa freeways, ang malls
sa Pilipinas ay nasa pagunahing kalsada. Kaya mas siksik ang trapikong
sasakyan at pedestriano.

Ang malls ang nagiging natural na open space, tulad ng sa plaza.


Isiniksik sa kalsada, at dahil sa pagkilos na ito, ito rin ang rekurso sa
nagsisiksikang kalsada. Hindi nga rin ba, sa pangarap ni Henry Sy, ang
pangunahing mall developer sa bansa na nagstandardisa ng disenyo at gamit
sa mall, pati sa frachise sa karanasang malling, ay nagkaroon ng mall sa
pangunahing kalsada ng Metro Manila kada 30 minutong biyahe?
Ikalawa, kakatwa rin ang disenyo ng mall, ito ay higanteng kahon at
malinaw na nagmamarka ng espasyo (ang loob at labas ng mall), at ang
amenities na nagpapatingkad nito (aircon sa loob, mainit sa labas; maayos sa
loob, magulo sa labas), pero nagmamarka rin ang pagkalito sa panahon
(parating tanghaling tapat ang panahon sa mall kahit pa pagabi na sa labas).
Hanggang sa mga nakaraang taon, ito ang unang klase ng disenyo ng
naglalakihang malls.

Dumating ang Gateway sa Cubao, Trinoma at ang inaayos na SM North


EDSA, at ang disenyo ay mas naging pakurba, kahit pa ganito, kahon pa rin
ang panlabas na estruktura. Binuksan ang espasyo sa loob para makapasok
ang elemento ng labas; nagkaroon ng garden na gamit ay tunay na halaman
(kumpara sa plastic na puno ng niyog sa Glorietta), at daluyan ng tubig.
Inilahok sa bagong disenyo ng mall ang iba pang pampublikong gamit sa
labas: mismong ang parke ay ipinaloob, at pati serbisyo ng simbahang

Katoliko at outdoor tiangge ay natatagpuan na rin sa mall.


Gawain 3 : Unawain Mo!
Panuto: Sagutin mo ang mga sumusunod na tanong at pahayag sa iyong
sagutang papel.

1. Ano ang paksa ng tekstong binasa?

2. Ano-ano ang mga kulturang Pilipino ang masasalamin sa tekstong binasa?

3. Sa iyong palagay ano ang layunin,pananaw at damdamin ng may-akda


sa pagsulat ng teksto?Ipaliwanag.

4. Ano ang mensahe ng tekstong binasa sa mga mambabasa?

Gawain 4: Mala-Diskyunaryo
a.Panuto: Bigyang – kahulugan mo ang ilang mahahalagang salitang naging
bahagi ng tekstong binasa gamit ang sarili mong pananalita batay sa iyong
pagkaunawa sa bawat isa.

1. Amenities

2. Malling

3. Errands

4. Global
5. Kino-conjugate

6. Kulturang popular

7. Nagstandardisa

8. Open -space

9. Mall developer

10.Sentro

Palalimin

Sa bahaging ito, pagyayamin pa natin ang iyong kaalaman.Iyong


babasahin ang isa pang teksto.Basahin at unawaing mabuti upang
maisakatuparan ang susunod na gawain.

BANGKANG PAPEL
ni: Genoveva Edroza-Matute

Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang


pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam
nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa
laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.
Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang
tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang
isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang
papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na
nakagugulat
.Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas
na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit
pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na
pumapatak mula sa kanilang bubungan.
Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano
man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang
dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang
nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang
bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim
ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa
kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay
ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si
Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman
nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang
sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila
niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang
kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling
kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa
nalabing kalahati.
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya
ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang
sahig.
Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling
ipinasok muli sa kumot.

“Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay
magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”
Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi
masisira ng tubig.
Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng
kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng
baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng
kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at
pabulong na nagsalita:
“Siya, matulog ka na.”
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng
malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
“Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala
niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa
kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.Sinipat niya ang mukha upang alamin
kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang
balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha
sa kanilang tapat...
At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap
ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay
na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-
uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay
dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan.
Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan.
Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
Pupungas siyang bumangon.
Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng
paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang
ulirat.
Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si
Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng
tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon
nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang
kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na
hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati.
Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong.
“Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi
pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap
nila’y biglang natigil nang siya’y makita.
Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
Hindi niya maunawaan ang ang lahat.
Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang
ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y
patuloy sa pagtatanong...“Bakit po? Ano po iyon?” Walang sumasagot sa kanya.
Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang
balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.

Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na
kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man.
Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito...
Kaya’t walang maaaring maiwan.”
Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay,
ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang
bagay.
Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas
ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga
paa sa paghakbang.
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”

Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na


lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay
nagsalita.
“Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
Samantala...
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na
kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at
ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang
sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga
katanungang inihahanap ng tugon.
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik
sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong
malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...

Gawain 5: Mala-Diskyunaryo, Payabungin Natin!


a. Panuto: Magtala ng limang salita mula sa tekstong binasa.Isulat ang mga ito sa unang
hanay. Sa ikalawang hanay ibigay mo ang kahulugan, at sa ikatlong hanay naman ay gamitin
ang mga salita sa makabuluhang pangungusap. Gayahin ang pormat sa iyong sagutang papel.

Salita Kahulugan Makabuluhang


Pangungusap
1.

2.

3.

4.

5.
Gawain 6:Palawakin natin ang iyong kaalaman
Panuto: Dugtungan ang mga sumusunod na pahayag batay sa iyong pagkaunawa
sa tekstong binasa. Gayahin ang grapikong presentasyon sa pagpapahayag ng
iyong kaisipan sa sagutang papel.

Ito ay patungkol sa… Sinisimbolo nito ang…

.
.

Bangkan
g Papel

Napagtanto kong … Ang layunin at / mensahe nito


ay…

.
.
Gawain 7:Buoin Natin!
Panuto: Sa pamamagitan ng grapikong presentasyon iyong pagsama-samahin
ang mahahalagang pangyayari o impormasyon sa iyong tekstong
binasa.Gayahin ang grapikong presentasyon sa pagpapahayag ng iyong
kaisipan sa sagutang papel.
BANGKANG PAPEL
ni: Genoveva Edroza-Matute
Una Ikalawa

Ika-apat Ikatlo

Ikalima Ika-anim

Huli Ika-pito
Sukatin

Mahusay! Kinagagalak kong ika’y dahil nakaabot ka sa bahaging ito. Tiyak


marami kang natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa Modyul na ito. Ngayon, ating
tatayahin ang iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang mga sumusunod na tanong. Isulat sa
iyong sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
Ang Mag-asawa’y Hindi Biro
Dapat bang pairalin ang batas na diborsyo sa Pilipinas? Kung
mangyayari ito, ano kayang damdamin ang mamamayani sa kalooban ng
mga bata… lumbay, lungkot, pighati? Naghihinagpis ang kanilang puso
dahil sa dalamhating dulot nito. Napakahirap… Tulong na marahil ang
batas na ito sa mag-asawang hindi magkasundo ngunit paano nga naman
ang mga anak na lubhang naapektuhan nito? Totoong ang pag-aasawa ay
hindi kaning isusubo na iluluwa kung mapaso

1. Ano pinapaksa ng tekstong binasa?


A. Huwag mag-asawa C. Mahirap ang buhay may-asawa
B. Hindi masayang mag-asawa D. Pinag-iisipang mabuti ang pag-aasawa

2. Ano ang kahulugan ng salitang nasalungguhitan sa teksto?


A. nalilito B. nagdurusa C. nagsisisi D. nagtatampo

3. “Ang pag-aasawa ay hindi kaning isusubo na iluluwa kapag napaso” Nais


ipahiwatig nito na
A. Dapat mag-asawa ng marami .
B. Dapat pag-isipan ang pag-aasawa.
C. Maaaring maghiwalay kapag ayaw na.
D. Mabuti pang hindi mag-asawa.

4. Batay sa teksto, kung maisasakatuparan ang diborsyo sa Pilipinas ay


maaaring .
A. Lalong dumami ang populasyon.
B. Maraming anak ang magdurusa.
C. Mapadadali ang paghihiwalay ng mag-asawa.
D. Matutuwa ang mag-asawang hindi magkasundo.

Tunay na Solusyon sa Basura


Maraming nahabag sa mga naging biktima ng gumuhong bundok
ng basura sa Payatas noong 1999. Pinagpiyestahan ito at nagmistulang
subjek sa lahat ng sector ng medya at mamamayan sa bansa. Ngunit alam
ba ninyo na dalawang taon mula ngayon, magkakaroon muli ng mga
bundok ng basura ang Metro Manila?
May mensaheng hatid itong dapat malaman ng bawat isa. Sa
ngayon, wala pang suliranin sa basura sapagkat nagagawan pa ng paraan.
Ayon kay dating Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman
Bayani Fernando batay sa ginagawang pagtataya ng Asian Development
Bank na kapag hindi gumawa ng pangmatagalang solusyon ang
pamahalaan, tiyak na mararanasang muli ang krisis. Nakaaalarma na ito.
Paano ba naman, sa araw-araw mahigit 6,000 cubic meters ng
basura ng mga taga-Metro Manila ang itinatapon sa mga itinalagang
“dumpsites”. Bukod pa sa mga baradong kanal at esterong ginawang
basurahan ng mga Pilipinong walang disiplina. Halimbawa, dapat iwasan
ang pagtatapon ng basura kung saan-saan. Dapat ding magresiklo upang
maiwasan ang sobrang pagdami ng basura.
Kaugnay nito, mahalaga ang pagtutok ng pamahalaan sa
pagkakaroon ng desisyong maipatupad ang pagreresiklo at pagtatayo ng
mga “sanitary landfill.” Maaaring umpisahan ang mga ito sa bawat
pamayanan. Oo, isang lugar na mapagdadalhan ng mga basurang
ihihiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok at ireresiklo. Sasailalim
sa proseso ang mga nabubulok upang maging “fertilizer” o pampataba ng
pananim na mapagkakakitaan. Malaki ang maitutulong ng pakikipag-
ugnayan sa Kagawaran ng Agrikultura kaugnay sa pagbebenta ng
nagawang pataba. Sa ganitong paraan, kikita ang pamayanan. Tunay na
nasa ating nagkakaisang palad at isip ang solusyon.
5. Ano ang paksa sa unang talata ng teksto?
A. Pagbibigay-lunas sa suliranin sa basura
B. Pagpapabaya ng mga mamamayan sa kapaligiran
C. Paggising sa damdaming maka-kalikasan ng mga Pilipino
D. Pagsariwa sa naganap sa Payatas at prediksyon sa basura
6. Ano naman ang paksa sa panghuling talata ng teksto?
A. Pagkakaisa, solusyon sa suliranin ng bansa
B. Paglalantad ng katotohanan sa mamamayan
C. Pagsasanay sa mga gawaing pangkapaligiran
D. Paninisi sa pagkasira ng kapaligiran at kalikasan
7. “Nasa ating palad at isip ang solusyon.” Ano ang kahulugan ng pahayag na
ito?
A. Pinagsamang palad at isip
B. Tuwinang paglilinis ng paligid
C. Pakikiisa at disiplina sa bayan
D. Marubdob na pag-ibig sa bayan
8. “Huwag kang magbasa, gaya ng mga bata upang libangin ang sarili, o gaya
ng mga matatayog ang pangarap, upang matuto. Magbasa ka upang
.”
A. Gumanda B. Mabuhay C.Maka-move on D. Tumalino
9. Ito’y mabilisang pagbasa na ang layunin ay alamin ang kahulugan ng
kabuuang teksto.
A. Ekstensibo B. Intensibo C. Skimming D. Scanning

10. Bago magbasa, alin sa mga sumusunod ang hindi kabilang sa mga dapat
mabilisang tignan sa tekstong babasahin?
A. Bilang ng salita B. May-akda C. Larawan D. Pamagat

11. Sa prosesong ito, nangyayari ang pinakamalaking bahagi ng paggamit ng


isip sa pagbasa.
A. Bago Magbasa
B. Habang Nagbabasa
C. Habang Nag-iisip
D. Pagkatapos Magbasa
B. Tukuyin kung anong mga pamamaraan upang maging epektibo ang pagbasa
ang binabanggit sa bawat bilang. Piliin ang sagot sa loob ng kahon. . Isulat sa
iyong sagutang papel ang letra ng tamang sagot.

A. Pagtantiya sa Bilis ng Pagbasa B. Biswalisasyon ng Binabasa .


C. Pagbuo ng Koneksiyon
D. Paghihinuha E. Muling Pagbasa
F. Pagkuha ng Kahulugan mula sa Teksto

12. Pagpapayaman ng ugnayan sa pagitan ng teksto at imbak na kaalaman


upang matiyak ang komprehensiyon.
13. Binabago-bago ng mambabasa ang bilis o bagal ng pagbasa batay sa teksto
at personal na kakayahan sa pagbasa.
14. Gamit ang mga impormasyon mula sa teksto at imbak na kaalaman,
bumubuo ang mambabasa ng mga imahen sa kanyang isip habang
nagbabasa.
15. Muling basahin ang isang bahagi o kabuuan ng teksto kung kinakailangan
kapag hindi ito naunawaan.

C. Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang mga sumusunod na pangungusap.


Isulat sa iyong sagutang papel ang TAMA kung ang pangungusap ay Wasto at kung
ito’y hindi wasto , isulat naman ang MALI saka isulat sa sagutang papel ang salita
/ mga salitang nagpamali sa pangungusap.

16. Ang pagbasa ay isang proseso ng pagbuo kahulugan mula sa mga nakasulat
na teksto.
17. Ang mga pahayag na nagmumula sa sariling preperensiya o batay sa
personal na karanasan ay tumutukoy sa Katotohanang pahayag.
18. Nakatutulong ang pagbabalangkas ng larawan upang lubos na maunawaan
ang teksto.
19. Ang Primaryang antas ng pagbasa ay ang pinakamababang antas.
20. Isang psycholinguistic guessing game ang pagbasa ayon kay James Lee
Valentine.

atapatan sa bawat gawain. Alam kong dahil matagumpay mong natutuhan ang mga Batayang Kaalaman at Kasanayan sa
Susi sa Pagwawasto

You might also like