Isang malaking pagtanggi ang ibinibigay ko para sa pagpirma ng Enhanced
Defense Cooperation Agreement o EDCA kung ako man ang presidentE ng Pilipinas. Patunay ito na patuloy pa rin ang pagtanaw ng mga Pilipino sa Amerikano bilang tunay na tagapagtanggol at tagapagsalba kahit na malinaw na unti-unti nitong kinakain ang kapuluan upang bigyang aliw ang sarili nitong bansa. Ang lahat ng ito ay mismong nangyayari sa ating sariling lupa, sariling bansa, na napapasailalim sa sariling soberanya kung kaya ay malaki rin itong insulto para sa pagtataguyod ng pambansang kalayaan.
Sa Artikulo I hanggang II pa lamang ay pinapakita ang hating kapangyarihang
nais ibigay ng Estados Unidos sa Pilipinas. Ang mga napagkasunduang lokasyon ay nagiging kasangkapan ng puwersang Amerika upang mas mapalawig ang kanilang pagmamasid sa Pilipinas. Isang dahilan ay ‘para rin ito sa mas malakas na puwersa kaisa ng AFP o PNP’ ngunit mahihinuha na isa itong mainam na taktika upang magkaroon din ng unti-unting pagpasok sa kapangyarihan ng Amerika at diktahan muli ang pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa. Idagdag pa nga rito ang mga makinarya at mga proyektong itinatayo nila sa Pilipinas na siya namang tinutugunan ng mga namumuno sa atin na siya ring unti-unting yumuyuko sa ilalim ng bandila ng Amerika.
Mula sa Artkulo III hanggang IV, hindi ko maiwasang maisip na tayo ay
nagsisilbing baha -aliwan ng mga Amerikano na parang binibisita lamang nila ang lupain ng Pilipinas para sa pagpapalawig ng puwersa at sariling pangangailangan. Matatandaan na ang mga bagay na ipinagawa nila ay sa kanila rin mapupunta at alinsunod ito sa batas ng Amerika na sinusunod nila kahit na ang katotohanan ay nasa loob sila ng isang hiwalay na teritoryo-- isang kabuktutan ito para sa atin bilang demokratikong bansa. Ang ikaapat na panukala naman sa Artikulo V ang nagpapakita na hindi ganap ang tiwala ng Amerika sa Pilipinas dahil sa lubos na pagbibigay ng seguridad nito para sa kanilang ipinatayo sa loob ng ating bansa. Sa bahaging ito tila kailangan pa ng pahintulot nila para sa mga ito kung gamitin man ng Pilipinas ang mga ito para sa kapakanan ng marami kahit sa sarili nitong bansa ito itinayo. Ibinukod muli nila ang Pilipinas sa pagdedesisyon pagdating naman sa usapin ng pagkuha ng hilaw na materyales at mga kontraktor. Malaki ang implikasyon nito dahil sariling lupa natin ang ginagamit at may sarili tayong umiiral na batas upang panagutin ang sinumang magdudulot ng pagkasira sa sarili nating lupa dahil sa mga pagpapatayo nila ng mga kanilang gusali o base militar. Hindi ganap ang tiwala ko sa Artikulo IX dahil alam nating nakasira na sila ng yamang likas tulad ng Tubbataha Reef at naidaan lamang nila ito sa pagbabayad ng milyong dolyar. Higit na nakagagalit ang nilalaman ng Artikulo XI na para bagang natatakot silang dalhin ito ng Pilipinas sa panlabas na tribunal dahil alam nilang ang mga nakasaad sa kasunduang ito ay magiging instrumento ng pang-aabuso at mismong pagtapak sa soberanya ng bansang kanilang muling nais kontrolin.
Samakatuwid, ang kasunduang ito ay para lamang sa mga Amerikano at
muling nalinlang ang Pilipinas. Ito ang produkto ng pagsasakatuparan nila ng pagkikintal ng hindi pagsalungat na pagtingin. Hinding hindi makapag-iisa ang Pilipinas kung hindi nito kikilanin ang sarili niya bilang bansang may kakayahang protektahan ang kaniyang sarili, makapagmulat ng mga tao, at kumawala sa pandarayuhang labis na nagpawala sa sariling kamalayan nito.