You are on page 1of 1

BUTSING MALOLENYO

Ni Ralph Vinze D.C. Agarcio

Mabilog. Mamantika. Puno ng Linga.

Ganito inilalarawan ang butsing kilala ng maraming Pilipino na siyang patok na handa tuwing Pasko o
Bagong Taon. Kung kaya’t ipinakilala nina G. at Gng Gregorio at Soledad Dela Cruz ang makabagong
estilo ng paggawa nito, ang BUTSING MALOLENYO. Ito’y isa sa kanilang ipinagmamalaking produktong
kakanin mula sa Barangay ng Atlag na dinarayo’t hinahanap ng panlasa ng masa.

Mula sa glutinous rice powder ay sasalinan ito ng tubig upang haluin at lamasin upang makabuo ng
tinatawag na galapong na siyang pangunahing sangkap din sa ginatan para sa bilo-bilo. Matapos haluin
gamit ang kamay ay kukuha ng maliliit na bahagi nito upang pipiin ang gitna at lagyan ng minatamis na
monggo at saka ito isasara na tulad sa pagbibilot ng dumplings upang maibilog. Gagawin ito ng paulit ulit
hanggang sa makabuo ng isang bilaong may katsang tela na puno ng binilog na galapong. Kung handa at
husto na ang dami, isasalang ang mga nakabilog na galapong gamit ang tela sa isang pausukan o
steamer sa loob ng dalawampung minuto.

Dahan-dahan itong aalisin sa pausukan kung natapos na ang oras ng pagpapalambot at ilalapag sa isang
mesa upang lagyan ng langis o coconut oil. Nararapat na sapat lamang ang dami nito upang hindi maging
sobrang dulas ang mga galapong na may monggo sa loob. Matapos ang paglalahok ng langis ay isasalang
na ito sa isang lutuang may baga sa taas na tulad ng sa puto bumbong.Lalagyan ito ng tinatawag na
palapot o gata mula sa niyog na hinalo sa asukal o brown sugar at pinakuluan hanggang sa maging
sobrang lapot. Ang paglalagay nito ay hindi sobrang nipis o sobrang kapal dahil ito ang magsisilbing
toppings o pang-ibabaw ng binilog na galapong. Lulutuin ito hanggang sa maging dark brown ang
palapot sa taas at saka ulit kakayurin at ipapatag ang palapot para sa ikalawang luto o final topping.
Matapos ito, ilalagay sa dahon ng saging na nakasapin sa bilao ang kabuuang butsi upang hiwain at
gawing pira-piraso sa kuwadradong hugis na babalutin sa dahon ng saging.

Kuwadrado. Kayumanggi. Palaman ay Monggo.

Sa pagbabagong bihis ng nakagisnang pagkain at sa kasiyahang dala nito sa bawat tahanan lalong
maitatanghal ang produktong nagpakilala sa Pamanang Kaluto ng bunying bayan.

Dahil sa lasa ng bagong butsi, ang Pilipino’y hinding-hindi makatatanggi. Vamos A Malolos!

You might also like