Isang Pirasong Pangamba

You might also like

You are on page 1of 8

ISANG PIRASO NG PANGAMBA nci Arlan Camba

Enero 2015

Ano itong sumusurot sa isip?

Nang maalimpungatan

Ang orasan

Sa a las dos ng madaling araw,

Gumising na basa ng luha

Nang tangkaing itago

Sa antok

Ang pangamba at takot;

Sinisisi ng alalahanin

Ang kahinaan ng loob;

Kung bakit ngayon pang

Umiksi ang kumot

Ay saka nagkumahog

Na harapin ang mga pagtitiis...

Ngayo'y mapang-usig

Ang 'sang piraso ng pangamba,

Matalim ang sumbat


Sa konsensya

Hinahabol ng orasan

Panghihinayang

Sa ngumingising panaginip;

Halakhak ng bangungot

Sa baluktot na katwirang

Dumadagan sa dibdib

Muntik nang malunod

Sa 'sang basong tubig,

Walang binatbat ang kayabangan

Sa angas ng nandudurong

Pagpanaw...

Hindi ka handang mag-isa;

Ayaw mong magpaiwan

Hindi mo kakayanin

Nang walang katuwang...

Kung ganun;

Kabawasan bang siya

Ay samahan?

Aanhin pa ang damo


Kung patay na ang kabayo?

Kung ang iiwanang pasakit

Ay magiging latay sa kalabaw!

Tungkol sa may akda:

Si Arlan Manalon Camba ay ang manunulat ng mga aklat na pinamagatang Pagbasa at Pagsulat
tungo sa Pananaliksik, Himno ng Apoy sa Gubat ng Dilim, at Komunikasyon sa Akademikong
Filipino. Nagtapos siya ng batsilyer ng Artes sa Filipino maynor sa Edukasyon sa PUP, Sta.
Mesa, Maynila. Nagtapos siya ng kanyang pag-aaral sa masteral sa kursong Master in Filipino
minor in Instructional Arts sa Marikina Polytechnic College. Siya ay isang aktibong manunulat
ng Dyaryong Inang Bayan sa lalawigan ng Cavite. Siya rin ay naging isang direktor ng Unyon ng
mga Guro or UGPUP. Naging pangulo rin siya ng mga nagpakadalubhasa sa Filipino, ang
SUHAY-FIL. Ang mga akda ni Arlan Camba ay tumatalakay sa mga kasalukuyang kaganapan at
mga bagay o sitwasyong pinagdaraanan ng bawat indibidwal.

Pagsusuri:

• Ang tula ay nasa anyong MALAYANG TALUDTURAN, ito ay walang sinusunod na


sukat at tugma. Ang bilang ng bawat talata sa bawat taludtod ay hindi magkakatulad. Ito
rin ay isinulat sa paraang tuluyan.
• 10 saknong at 4 na taludtod bawat saknong
• Ayon kay Jonathan Culler na nagsulat ng aklat na pinamagatang Literary Theory: A Very
Short Introduction noong taong 1997, “literary theory is not the theory of literature, it is
actually the theory of ‘literariness.’” Tinatalakay nito kung paano naging parte ng
panitikan ang isang akdang pampanitikan. Ang isang akdang pampanitikan ay maaaring
magtaglay ng isa o higit pang teorya na naglalahad ng iba’t ibang perspektibo ng
manunulat na maaaring maging iba sa perspektibo ng mambabasa.
• Ang tula ni Arlan Camba na pinamagatang “Isang Pirasong Pangamba” ay naglalaman ng
Teoryang Siko-analitiko, nakatuon ang layunin ng teoryang ito sa kalagayan ng isang
tao. Maaaring sa pag-iisip o sa kanyang pag-uugali. Sinusuri rin ang kilos o gawi ng mga
tauhan gayundin ang pananalitang ginamit sa akda.

- Pagkabalisa

Patunay;
“Ano itong sumusurot sa isip
Nang maalimpungatan
Ang orasan
Sa a las dos ng madaling araw,”
(Saknong 1, Taludtod 1-4)

Paliwanag;
Ang saknong ay tumatalakay sa emosyon ng tauhan nang siya ay
magising mula sa kanyang pagtulog. Inilalarawan nito ang emosyong
kadalasan nararamdaman ng isang indibidwal sa tuwing nagigising ito ng
madaling-araw. Ang pagkabalisang gumuguhit dahil sa mga alaalang
biglang pumapasok sa isipan nang walang paalam.

- Pangangamba at Takot

Patunay;
“Gumising na basa ng luha
Nang tangkaing itago
Sa antok
Ang pangamba at takot;”

(Saknong 2, Taludtod 1-4)

Paliwanag;
Matapos magising nang puno ng pagkabalisa, nabalot ng takot at
pangamba ang tauhan sa akda. Ang mga alaalang gumuhit sa kanyang
isipan ay nagdulot ng pangamba na kahit pilit niya mang sabihin sa sarili
na itago ang emosyong ito, ang kanyang mga mata ay naging taksil, hindi
niya napigilan ang pagluha mula sa kanyang pag himbing hanggang sa
paggising.

- Lungkot at Pangamba

Patunay;
“Sinisisi ng alalahanin
Ang kahinaan ng loob;
Kung bakit ngayon pang
Umiksi ang kumot”

(Saknong 3, Taludtod 1-4)

“Ay saka nagkumahog


Na harapin ang mga pagtitiis…
Ngayo'y mapang-usig
Ang 'sang piraso ng pangamba,”
(Saknong 4, Taludtod 1-4)

Paliwanag;
Ang mga alalahanin na unti-unting bumabalot sa tauhan ay siyang
nagdulot ng kahinaan ng loob at kawalan ng tiwala sa sarili. Ang maiksing
kumot ay nagpapahiwatig ng kahirapan sa buhay, at kung paanong ang
sitwasyong kanyang kinasasadlakan ay siyang nagdudulot ng lungkot sa
kanyang puso. Kung kailan ang tauhan ay may kinakaharap na kahirapan
sa buhay, ang mga alaala ay muling gumising sa kanya upang mabalot
siya ng pangamba. Inuusig ng pangamba ang kanyang buong pagkatao, at
nang dahil sa hirap ay nahihirapan siyang harapin at labanan ang mga
pangambang ito.

- Pagsisisi

Patunay;
“Matalim ang sumbat
Sa konsensya
Hinahabol ng orasan
Panghihinayang”

(Saknong 5, Taludtod 1-4)

“Sa ngumingising panaginip;


Halakhak ng bangungot
Sa baluktot na katwirang
Dumadagan sa dibdib”

(Saknong 6, Taludtod 1-4)

Paliwanag;
Ang mga pangamba, lungkot, at takot na nararamdaman ng tauhan
sa mga unang saknong ay nagkaroon ng bunga, at ito ay pagsisisi. Ang
mga alaala ay tila sinusumbatan sya tungkol sa mga bagay na sana ay
ginawa niya. Ang mga pagsisising ito ay hindi na muling maibabalik kahit
habulin pa ng tauhan ang mga kamay ng orasan, ang tanging magagawa
niya na lamang ay manghinayang. Ang mga alaalang nabalot ng pagsisisi
ay tila naging isang halimaw na may nakakatakot na ngisi at halakhak. Sa
bawat pagkakataong ninanais ng tauhan na magbigay ng katwiran, ang
kanyang mga pagsisisi ay tila isang mabigat na dumadagan sa kanyang
dibdib at hindi niya matakbuhan.

- Pagkumbinsi
Patunay;
Muntik nang malunod

Sa 'sang basong tubig,

Walang binatbat ang kayabangan

Sa angas ng nandudurong

(Saknong 7, Taludtod 1-4)

Pagpanaw...

Hindi ka handang mag-isa;

Ayaw mong magpaiwan

Hindi mo kakayanin

(Saknong 8, Taludtod 1-4)

Nang walang katuwang...

Kung ganun;

Kabawasan bang siya

Ay samahan?

(Saknong 9, Taludtod 1-4)

Aanhin pa ang damo

Kung patay na ang kabayo?

Kung ang iiwanang pasakit

Ay magiging latay sa kalabaw!

(Saknong 10, Taludtod 1-4)

Paliwanag;
- Nagsimula nang kumbinsihin ng tauhan ang kanyang sarili na
hindi kasalanang at kawalan ang humingi ng tulong sa iba. Hindi kahinaan
kung kailangan mo bilang isang indibidwal ng makakasama. Dahil
lulunurin ka ng pag-iisa, lulunurin ka ng pagsisisi na sana pala ay may
ginawa ka.

• Ang akda ay nagsimula sa pananaw ng mismong tauhan, ito ay nagpakita ng iba’t ibang
emosyon ng isang taong nababalot ng pangamba. Nang nasa kalagitnaan na ng akda, ang
point of view ay tila nag-iba. Hindi na pinapaliwanag ng tauhan ang kanyang
nararamdaman, at tila kinakausap na nito ang kanyang sarili at pinapangaralan patungkol
sa mga dapat gawin upang unti-unting mawala ang pangamba. Natapos ang akda sa
pagbibigay ng aral na walang taong kayang mabuhay mag-isa, hindi sensyales ng
kahinaan ang maghingi ng tulong sa iba.

Aral:
- Ang mga alaala ng pagsisisi ay kadalasang kumakatok sa mga oras na hindi natin inaasahan,
nais man natin itong takbuhan at takasan, hindi natin ito magagawa. Patuloy tayong ikukulong ng
mga alaalang hindi natin hinaharap at dinadala sa liwanag. Kailangan nating tanggapin na hindi
natin kayang mag-isa, na kailangang natin ng makakasama at masasandalan.

Sanggunian:

Abellera, J. I. (2016). Ang Teoryang Sikolohikal sa Panitikan: Isang Pag-uulat. Academia.

https://www.academia.edu/40370446/Ang_Teoryang_Sikolohikal_sa_Panitikan_Isang_P

ag_uulat

Buban, L. R. (2016). Sino si Arlan M. Camba. Prezi.Com. https://prezi.com/bfyyzrkhhkg1/sino-

si-arlan-m-camba/

Culler, J. (1997). Literary Theory: A Very Short Introduction - Jonathan Culler - Oxford

University Press. Issuu.

https://issuu.com/376746/docs/literary_theory___pdfdrive.com__
Pelonio, E. G. (2015). Mga Teoryang pampanitikan Panunuring Pampanitikan. Academia.

https://www.academia.edu/37300152/Mga_Teoryang_pampanitikan_Panunuring_Pampa

nitikan

You might also like