You are on page 1of 3

PICTORIAL ESSAY

“SISIKAT DIN ANG PAG-ASA”

Sa buhay ng tao, hindi maaaring mawala ang dilim at katahimikan. Gaano man karami ang
iyong itinawa sa maghapon. Hindi maipagkakaila na kapag sumapit na ang dilim ay mamumutawi na ang
lungkot at kabi-kabilang iniisip. Ang ibig kong sabihin, napakaraming dahilan upang sumaya ngunit hindi
maiiwasan ang mga problemang patuloy na nananatili sa ating hindi perpektong mundo. Kadikit na ng ating
buhay ang problema, magaan o mabigat na parang pasan mo na ang mundo. Ngunit hindi lahat ng problema
ay nananatiling problema. Gaya ng paglipas ng gabi at pagsilip ng araw.

Madilim man ang buhay gaya ng gabi, hindi ibig sabihin nitong kalungkutan lamang ang dapat na
maramdaman sa tuwing tahimik at walang ilaw ang daan. Minsan sa buhay, ang kadiliman at katahimikan ay
nakapagpapakalma ng damdamin. Sa maghapong pag-iisip at paghahanap ng ikabubuhay, gabi ang pumapawi
ng lahat ng pakiwari ng isipang buhul-buhol. Ang madilim na gabi ay hindi ibig sabihing malungkot ang langit.
Dahil kung susuruin ang iyong kapaligiran, mayroong ilaw na gumagabay sayo sa tuwing ika’y naglalakad sa
dilim. Gaya ng problema, pakiramdam man nating pasan natin ang mundo hindi maipagkakaila na ang mga
problemang ito ay siyang gumagabay at nagpapalakas sa ating mga tunguhin. Gaya ng gabi na mayroong
liwanag ng buwann at bituin, hindi kalungkutan ang dala ng kadiliman ng problema dahil sa likod nito,
mayroong liwanag ng pag-asa.

Ang katapusan ng madilim ay ang pagpapakita ng liwanag ng araw. Simbolo ng bagong umaga sa ating
nagdadaang buhay sa mundo. Bagama’t mainit at mahapdi sa balat, ang maramdamang mayroong sikat ng
araw ay nakapapawi ng bigat sa kalooban. Ang malamang mayroong araw sa iyong paggising ay nakadaragdag
ng pag-asa. Dahil sa kabila ng kadilimang namumutawi sa gabi, sa iyong paggising ay sasalubong ang
maaliwalas na paligid. Aminin man nating lahat o hindi, ang araw-araw na pagsikat ng araw ay ang pag-asa ng
ating buhay. Dahil ang sikat ng araw ang tumutulong upang pagtrabahuhan ang buhay. Lahat tayo ay sa araw
kumikilos upang bigyang solusyon ang mga problemang sumasakop sa ating mga isipan tuwing papalubog na
ang pag-asa, ang araw.
Ngunit ang paglubog ng araw ay hindi natin mapipigilan. Kailangan nitong mamahinga at patuluyin ang
gabi. Gaya natin, hindi maaaring magdamag tayong kumilos at maghanap ng solusyon. Dahil tulad ng araw,
kailangan nating magpahinga at huminga ng malalim. At sa muling pagsapit ng gabi, hayaang mapuno ang isip
ng mga problemang kailangang solusyunan pagdating ng araw. Dahil hindi gaya ng pag-asa ang araw na
papalubog.

Maaliwalas at maliwanag man ang langit o puno ng kadiliman at katahimikan, mayroon pa ring
pag-asa ang buhay. Araw man o gabi, magaan o mabigat man ang problema mayroong sisibol na pag-asa.
Hindi ang paglubog ng araw ay siya ring pagkalukmok ng ating mga sarili. Dahil ang paglubog ng araw ay
pamamahinga lamang upang sa muling pagsikat nito ay makapagbigay ng mas maaliwalas at maliwanag na
pag-asa. Sa ating buhay, lagi mong asahang mayroong pag-asa sa lahat ng bagay. Magtagal man ang pagdating
nito, sisibol at sisibol yan.

You might also like