You are on page 1of 7

Ngayong HUWEBES ay ARAW NI SAN ROQUE, sama-sama tayong mintuho sa ating Mahal na Patron

upang maipanalangin tayo sa Diyos na tayo'y iadya sa pagkalat ng COVID-19.

---

PALAGIANG NOBENA KAY SAN ROQUE

Para sa Panahon ng Salot

PAMBUNGAD NA PANALANGIN

Panginoon kong Diyos na walang hanggan at bukal ng lahat ng kagalingan, ako'y nagpapakumbaba sa
harap ng inyong kadakilaan. Sinasamba't dinarakila Kita nang taimtim sa loob, sapagkat Ikaw nga ang
Ama ko't Panginoong may gawa ng lahat at Ikaw lamang ang pinanggagalingan ng grasya at
kaluwalhatian. Ninanasa kong makatulad ng mga banal sa lupa at sa langit na lubos ang pagsamba sa
Iyo. Nagpapasalamat ako nang walang humpay dahil sa di mabilang ng mga biyayang ipinagkaloob Mo sa
akin, lalung-lalo na ang pagkaligtas ko sa kasalanan. Kinikilala ko ang pagbibigay Mo sa akin ng malinaw
na pag-iisip at malayang kalooban, at ako nama'y kinalinga Mo hanggang sa oras na ito. Gayon din, ako'y
tinubos Mo, ako'y naging Kristiyano't sangkap ng Santa Iglesia Katolika, binigyan ng maraming
pagkakataon na makapagsisi sa aking mga kasalanan, at pinagkalooban ng grasya sa pagbabalik-loob at
sa pagbabagong asal.

Sumasampalataya ako sa Iyong mga aral na itinagubilin ng Santa Iglesia at sa pananampalatayang ito'y
ibig kong mabuhay at mamatay.

O Diyos na kagalingang walang hanggan! Sinisinta Kita nang buong puso, at iniibig Kita nang higit sa lahat
ng bagay dito sa mundo, higit pa rin sa aking buhay at katawan man. Totoong ako'y nagkakasala sa Iyo
nang madalas at totoo rin namang hindi ka pinasalamatan ang Iyong kaloob na awa sa akin.

Ngunit sa malaking tulong ng grasyang ibinigay Mo sa akin, kinikilala ko ring lubos ang mga kamalian ko.
Kinalimutan ko ang dati kong pagwawalang loob sa Iyo, at ipinahahayag ko ngayon ang pagkapoot ko sa
kasalanan. Sa kaibuturan ng aking puso't kaluluwa, pinagsisihan ko ang lahat ng aking mga kasalanan.
Inihahandog ko sa Iyo ang aking buhay, mga gawain at kahirapan bilang bayad puri sa aking mga
kasalanan. Nagsisisi ako nang lubos at nangangakong di na muling magkakasala. Bagamat ako'y
nangangamba sa karupukan ng aking kalooban, nananalig akong mananatili Ka sa akin upang makamit
ang Iyong awa at grasya. Dito lamang ako nananalig, Panginoon ko, sapagka't ibig ko pang ako'y
mamatay huwag lamang magkasala sa Iyo. Ako'y magpapakasakit sa abot ng aking kaya, upang ako'y
makabayad sa aking mga kasalanan. Gagampanan ko ang mga tungkulin bilang tunay na Kristiyano at
pagbubutihin ko ang aking asal. Taglay ang matibay na loob, ako'y mananatili sa pamimintuho't
paglilingkod sa Iyo, magpasawalang hanggan. Amen.
NATATANGING INTENSYON – PARA SA PANAHON NG SALOT

O Panginoong Hesukristo, ikaw ang Liwanag sa aming kadilaman, ikaw ang pag-asa sa gitna ng aming
pangamba. Kami’y dumudulog ngayon sa iyong kalinga para sa aming bayan. Hiling naming sa iyo, O
Dakilang Manggagamot, ang pag-adya sa mga banta ng sakit at salot na bumabalot sa amin ngayon.
Inaalala namin ang iyong pagpapagaling sa mga may karamdamang lumalapit sa iyo. Ginugunita namin
ang iyong pagbibigay sa amin ng iyong sarili bilang lunas sa sakit ng katawan at kaluluwa.

Kaya naman, Panginoon, dalangin namin sa iyo, sa tulong ni Maria, kagalingan ng maysakit, at ni San
Roqueng tagapagtanggol laban sa salot at peste, na kami’y lukuban ng iyong pagkalinga. Iligtas mo kami
sa banta ng nakahahawang sakit. Dulutan mo kami ng pananampalatayang matatag upang sa aming
paglalakbay dito sa lupa, kami’y manatili sa iyong pag-ibig. Hiling rin namin, Panginoon, ang kagalingan
ng mga kapatid naming nakararanas ng sakit, lalo’t higit ang mga nakaratay sa banig ng karamdaman.

Tahimik nating ipanalangin ang mga kapatid nating maysakit.

Pagalingin mo kami, Panginoon. Ikaw na siyang aming tanging pag-asa. Ngayon at magpasawalang
hanggan. Amen.

Magdasal ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati...

HULING PANALANGIN

Panginoon Kong Diyos, sinasamba ka namin at pinupuri sapagkat nagdulot ka kay San Roque ng isang
bagay na anghel. Pinadalhan rin siya ng kaputol na tabla, na doo'y pinagtibay Mo ang pangako sa kanya.
Magsalita ka at kami'y tatalima sa Iyong hangarin. Ipagkaloob Mong maligtas kami sa salot na
nakamamatay sa kaluluwa at katawan, pakundangan sa mga merito ni San Roque at alang-alang kay
Jesukristong Panginoon namin. Amen.

MGA DALIT KAY SAN ROQUE

Aba, matibay na moog ng taong nasasalot.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.


Araw na ipinanganak ka

sa katawan mo'y nakita

tandang isang krus na maganda,

buhay mong banal na sadya.

Sa sikmura'y isang krus

ang ikinintal ng Diyos.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Pagkawili mong mataman

sa Reyna ng kalangitan

tanang adhika mong asal,

siya ang tinutularan.

Bata ka pa'y naghahandog

Ng pagpapadayukdok

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Nang ikaw ay maulila

binahagi mo pagdaka,

yamang sa dukhang lahat na

sa ama't ina mo'y mana.

Alab ng sinta sa Diyos

ang puso mo'y nalipos.


AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Nagdamit kang Peregrino

Aquapendente'y tinungo,

doo'y ang natagpuan mo

namuksang salot sa tao.

Kusa kang nakipanggamot,

nag-alaga sa nasasalot.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

N: Ang salot sa iyong harap,

napapawing agad-agad,

himalang ito'y natatanggap

sampung bagsik mo pang lahat.

Ang sa ngalan mo'y tumuos

gumagaling na tibuhos.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Ang sambayanang Cecena

gayon din ang taga-Roma

sa iyo'y kinamtan nila.

Isang bayaning pagsinta.

Paglipol doon ng salot

lubhang kakilakilabot.
AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Ibiniyo ka ng sinta

napasa-bayang Placencia,

pinagaling ang lahat na,

at doo'y nagkasakit ka.

Pinaalis ka at ibinukod

dahil sa sakit at salot.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Sa tahanan mong dampa,

Diyos ika'y kinalinga,

gumaling ka kaipala,

himalang tantong mistula.

May aso na nagdudulot

kanin mong ikabubusog.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Katawan mong natitigib

ng madalang pagal at sakit

ibinilanggo at piniit

sa bintang at maling isip.

Limang taong mong sinayod,


hirap na kalunos-lunos.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Ngunit ang Diyos na Hari

may layong nakahihili,

pagsubok sa iyong budhi

lakas namang di ugali.

Sa piita'y naging bantayog

sa biyaya ay nalipos.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Nakita sa isang barlaya

nalilimbag, natatala.

Ngalan mo'y pag sinambit nila

ang salot ay nawawala.

Nang di kami mangasalot

ngalan mo'y ibabantog.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

Aba, matibay na moog

ng taong nasasalot.

AMPUNIN MO KAMI'Y KUPKOP ROQUENG KAPALARA'Y PUSPOS.

N: Ipanalangin mo kami, maluwalhating San Roque

L: Nang kami'y maging dapat magkamit ng mga pangako ni Jesucristong Panginoon.


O, Panginoon Kong Diyos, ikaw na nagsugo sa maluwalhating San Roque at pinahatiran mo siya ng
kaputol na tabla, pinagtibay Mo ang pangako sa kanya, upang ang sino mang dapuan ng salot ay hindi
maano, sapagkat siya'y deboto sa Iyo. Magdalita Ka sa aming lahat na gumugunita sa kanyang buhay.
Ipagkaloob Mo na kami ay maligtas sa mga salot na nakakamatay sa kaluluwa't katawan, pakundangan
kay Jesucristong Panginoon namin. Siya nawa.

PANGWAKAS NA PANALANGIN

O Diyos na maluwalhati at bukal ng walang hanggang awa, ikaw na nagkaloob sa amin ng isang San
Roque, na hindi lamang isang pintakasi't mapag-ampon sa aming kaluluwa't katawan, kundi rin naman
isang salaming mapagpaparisan ng mabuting asal; sa pagtupad ng Iyong kalooban at pagtuturo ng landas
patungo sa Iyong kaharian ipagkaloob Mo alang-alang sa kanya na mapailalim kami sa kanyang mahal na
pagkupkop. Sa gayon, sana'y maging karapat-dapat kami sa Iyong awa't mga biyaya. Gayon din,
isinasamo namin sa Iyo na kami’y pagkalooban ng grasya ng tagumpay laban sa kasamaan upang
malubos ang aming pagtulad sa kabanalang kanyang kinamtan. Hinihiling din namin ang saklolong
ninanasa namin sa pagsisiyam na ito bukod pa sa isang magandang kamatayan, alang-alang sa Mahal
Mong Anak na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Siya
nawa.

You might also like