You are on page 1of 9

PAGSISIYAM SA KARANGALAN NI SAN ISIDRO LABRADOR

Patron Ng mga Magsasaka

Ang Imaheng ito ay Isa Pinakamantandang Imahen ni San Isidro Labrador sa Pilipinas, ito ay
nakaluklok sa Kanyang Pangdiyosesis na Dambana at Parokya sa Biñan, Laguna
PAGSISIYAM SA KARANGALAN NI SAN ISIDRO LABRADOR

Patron Ng mga Magsasaka

Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

PAGSISISI

Maawain kong Hesus, kataas-taasang Diyos Anak, na nagpakababang nanaog sa lupa at tinubos ng
Mahal Mong Dugo kaming nabawian ng biyaya't inalipin ng dimonyo dahilan sa kasalanang minana sa
aming mga magulang. Sa kaibuturan ng aming mga dibdib, ay inihihiyaw namin nang buong pagtitika sa
mahal Mong harapan ang aming pagwawalang-bahala sa Iyong kabutihan, ang masamang pagganti sa
Iyong Awa at pagsuway sa Iyong mga utos. Ngayong nagsisisi na kami sa kasalanan, nagmamakaawa sa
Iyong Habag na kami ay Iyong patawarin, alang-alang sa karapatan ng Iyong Inang kalinis-linisan at ng
lingkod Mong si San Isidro. Ilingap sa amin ang mga mata Mong maawain at pagkalooban kami ng Iyong
mahal na biyaya, nang maawat kami sa kasalanang pinagkakahiratihan at nang huwag mawalay sa Iyo
magpakailanman.

Ipinahahayag namin, na ipinagpipighating masakit ng aming puso ang pagkakasala sa kabutihan Mong
walang hanggan. Patibayin Mo katamis-tamisang Hesus, ang aming karupukan, at huwag itakwil ang
aming dalangin hinihingi sa Iyo ng biyayang ikalalagi namin sa pag-ibig at paglilingkod sa Iyo, hanggang
sa kami ay papagindapatin Mong pagpalain sa kaluwalhatian doon sa Langit. Siya nawa.

PANALANGIN SA LAHAT NG ARAW

Makapangyarihang Diyos Amang Kataas-taasan, na sa dakilang pagsinta sa amin, ay binigyan mo kami ng


isang uliran at mapagampong pintakasing si Isidrong Magsasaka, na pinagkalooban Mo ng mahal na
biyaya na gaya ni Moises na kahit sa lupang kapatagan ay nakapagpapabukal ng tubig sa pagtumbok
lamang ng kanyang tungkod at binigyan Mo naman ng malaking kasipagan na di ang lupa lamang ang
pinagsumakitan niyang pag-anihan, kundi pati kaluluwa ay pinagpilitan ding pag-anihan ng
magagandang gawa. Hinihingi namin sa Iyo, na alang-alang sa karapatan ng mapaghimalang Santo, ay
pagkalooban mo kami ng makapangyarihang tulong, na ikawawala ng katamaran namin sa paggawa ng
kabanalan at halinhan mo ng magandang kasipagan ukol sa magaling at ang pagtulad sa kanya ay
masundan namin ang biyayang inagaw sa amin ng kasalanan. Umaasa kami Panginoon sa Awa Mong
walang hanggan. Siya nawa.

DALIT

Dukha ka mang sinasambit

lubos ang iyong pag-ibig.


Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Madla mong kababalaghan

Nagbabantog nagsasaysay

Na ikaw ay pinagyaman

Nang Diyos sa kabanalan

Palibhasa'y sa pag-ibig

Nagniningas ang iyong dibdib

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Ang pagibig ay matibay

Nang puso mo sa Maykapal

Kaya hindi naagaw

Nang mundo't madlang kaaway

Inalalayan ng Langit

Kaya naman di nagahis.

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Uliran nang mag-asawa

Ikaw at si Santa Maria

Na iyong kasi at sinta

Sa mabuting pagsasama

Kaya nga't inyong dibdib

Pinag-isa ng pag-ibig.
Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Kailan ma'y di nalanta

Ang iyong pagsampalataya

Gayon din sa Santa Misa

Pag-ibig mo'y di nagbawa

Kaya't ang ani mo sa bukid

Pinakayaman ng Langit

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Magsasakang dukha ka man,

Tinunton mo'y kabanalan

At hindi mo sininsayan

Hanggang sa ika'y mamatay

Mundo'y natalo't nagahis

Ng iyong bayaning dibdib.

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Ikaw ay pinaratangan

Na di anhi'y nagnanakaw

Ngunit ipinagtangkakal

Ikaw ng Poong Maykapal

Di itinulot ng Langit

Na ang puri mo'y maamis.


Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Sa tao't libo'y laganap

Ang awa mong walang likat

Kaya ampunan ang tawag

Sa iyo ng mahihirap

Sapagkat di ka nagkait

Sa abang sa iyo'y lumapit.

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Bata't matandang may damdam na sakit

Kung nasasakdal sa iyo'y nasusundan

Ang madla mong kababalaghan

Hindi mo pinaaalis

Hanggang di maligtas sa sakit.

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Itong nobenang hayin

Ng pamimintakasi namin

Iyong papagindapating

Pakinggan at tanggapin

Tingni't hayin nang pag-ibig

At sa iyo'y pananalig.
Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

Dukha ka mang masasambit

Lubos ang iyong pag-ibig

Tugon: Isidro'y iyong hibik

kaming ampon mo't tangkilik.

PANALANGIN SA UNANG ARAW

O ulirang pintakasi naming Amang San Isidro. Ang mahinahon mong buhay ay umakay nawa sa amin sa
paggawa ng dakilang kabanalan. Sa pagsusumakit ng mga dimonyo na kami'y huwag makapanood sa
kaayaayang Mukha ng Diyos, ay susong-susong tukso ang inihahadlang at ibinabagabag sa amin kaya
sumasalilong kami sa iyong pagtatangkilik at ng di magahis ang aming karupukan at nagmamakaamo
kami sa iyo na ihingi mo sa Diyos ng masaganang biyaya na ikatitibay ng aming loob sa pakikipagtunggali
hanggang sa kamatayan at kami'y marapat mapasama sa Iyo sa pagpupuri sa Diyos doon sa langit na
kaluwalhatian. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

ANTIPONA

Lumabas at nagsabog ng binhi ang manananim. Ang butil na pagtamnan sa mabuting lupa ay
pinaganihan ng buong pananagana.

V. Ipinatnugot ng Mahal na Panginoon ang banal sa matuwid na landas.

R. At ipakita sa kanya ang kaharian ng Diyos na mataas.

PANGWAKAS NA PANALANGIN

Isinasamo namin sa Iyo, maawaing Diyos na Panginoon namin na alang-alang sa pamimintakasi sa Iyo ni
San Isidrong Magsasaka, ay huwag Mong itulot kami sa kapalaluan; kundi alang-alang sa mga karapatan
at magagandang halimbawang iniwan niya sa amin ay makapaglingkod sa Iyo ng lubos na
kapakumbabaan. Alang-alang sa kamahal-mahalan Mong Anak na si Hesukristong Panginoon namin,
nabubuhay at nakikipaghari sa Iyo magparating man saan. Siya nawa.
Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

IKALAWANG ARAW

Mapalad na pintakasi naming San Isidro, dinadalangin namin sa Diyos na kami'y kasihan ng grasya, at
nang matutunan ang pagsunod sa iyong magagandang halimbawa; ngunit sapagkat wala kaming
kabanalang ikararapat na dinggin ng Panginoong Diyos ang aming mga karaingan, nagsasakdal kami sa
iyo at ng ipanalangin mo kami sa masintahing Ama, na pagpalain ang magandang adhikang makatulad sa
iyo sa paggawa ng kabanalan hanggang sa huling sandali at kami'y magpuri at magpasalamat sa Diyos
dito sa lupa at hanggang doon sa langit. Gayon din po naman, isinasamo naming kami'y pagkalooban ng
biyayang aming ninanasang kamtan sa pagsisiyam na ito, kung naaayon sa kalooban ng Diyos. Siya
Nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

PANALANGIN SA IKATLONG ARAW

Oh gurong uliran sa paggawa ng kabanalan poon bunying San Isidro. Ang mahaba at marilag na buhay na
nagtataglay ng matingkad na kabanalan ay kinalulugdan ng Panginoong Diyos sapagkat minatamis mong
dinggin at sundin ang mga pagtawag sa iyo, at bukod dito ay wala ni isa mang sandali na di mo iniukol sa
Kanya; yayamang pinupukaw kami ng kaakit-akit na iyong mga kabanalan, namimintakasi't nanaing kami
sa iyo, na ipamagitan mo kami sa Diyos at kami ay papagkamtin ng biyaya't magandang tugtog sa loob
nang sa aming pagbagbag sa maramot na lupa ng aming puso, ay paganihan namin ng magagandang
gawa na ipinipita ng Diyos. Papagkamtin mo rin naman kami ng awa na hinihingi naming bukod sa
pagsisiyam na ito kung naaayon sa kalooban Niya at ikagagaling ng aming kaluluwa. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

PANALANGIN SA IKAAPAT NA ARAW

Oh masunurin sa Diyos, poong San Isidrong pintakasi namin! Yayamang ang marilag mong buhay ay nag-
aakay sa amin sa pagsisikap ng magagandang gawa ay nauukol na itong pag-akay mo sa amin ay
langkapan mo naman ng dalangin sa Panginoong Diyos, na papagningasin ang aming puso sa
paglilingkod sa pag-ibig, at nang magalak ang aming loob ng pagtulad sa iyo, sa malimit na pagharap sa
Banal na Misa sa pagsasakit sa magandang kaasalan at ang buhay nami't lakas ay aming iubos sa
pagsunod sa mga utos Niya at sa paggawa ng kabanalan, na maipaglingkod sa Kanyang kamahalan, at
nang kami'y marapat mapakisama sa iyo sa pagpupuri sa Diyos sa kaluwalhatian sa Langit. Gayon ding
hinihingi namin sa iyo ang biyayang hinahangad namin dito sa pagsisiyam, kung naaayon sa kalooban ng
Diyos. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)
PANALANGIN SA IKALIMANG ARAW

Oh mapagkupkop Poong San Isidro! Yayamang ang pag-ibig mo sa Diyos na nagniningas sa iyong puso
ay ibinabandila nang iyong paglilimos sa taong mahihirap, na larawan ng Maykapal, at pagsaklolo sa
kanilang karalitaan, at sampo ng mga ibon sa himpapawid ay nakikinabang sa iyong pagkamaawain; sa
amin nama'y ilaganap mo ang iyong paglingap nang kami'y matutong tumulad sa iyo dito sa marilag na
kabanalan, at nang sa gayo'y marapat kami sa biyaya ng Amang Diyos, nang kung magniningas ang
aming puso sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tao. Pagkalooban mo kami ng Makapangyarihang Grasia na
ipagkakamit ng kaluwalhatian. Pakamtan mo naman sa amin ang biyayang bukod na hinahangad namin
sa pagsisiyam, kung naaayon sa kalooban ng Diyos, Siya Nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

PANALANGIN SA IKAANIM NA ARAW

O San Isidrong pintakasi naming dapat pagkunang uliran, pinagdidili-dili ko na pinagpala ka ng Diyos, at
palibhasa’y tapat kang lingkod kaya hindi nagahis ang mapagtiis mong dibdib ng mga paraya ng
impyerno, at ang nagparatang sa iyo at nagsumbong sa panginoon mo na nagpabaya ka sa iyong
pagsasaka ay pinagtagumpayan mo, kaya nang matanto’y nagalak ang iyong panginoon sa pagka-
matapat ng iyong loob. Alang-alang sa pagtatagumpay mong ito ay hinihingi namin sa iyo na huwag
mong ipagkait ang iyong lingap kung kaming anak mo ay inuusig ng malulupit na dila. Saklolohan mo po
kami ng iyong pagtatangkilik, na aming kalugdan ang banal na katahimikan ng kaluluwa, at ang
magandang gawa na ikararapat namin sa pagpapala ng Diyos sa aming buhay na ito at sa pagpupuri sa
Kanya sa walang hanggang kapanahunan. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

PANALANGIN SA IKAPITONG ARAW

O masunuring lingkod ni Hesus at pintakasi naming San Isidro, sa iyong pananalig sa Diyos at sa
pagpapakasakit mo sa paggawa ng kabanalan ay di naman ipinagkait ng makapangyarihang kamay ng
Diyos ang pagtulong sa iyo, kaya habang nawiwili ka sa magandang gawa sa simbahan ay nagsisipanaog
ang mga anghel at siyang sumasaka ng lupang binabagbag mo; ano pa nga’t sa matibay mong pananalig
sa Diyos ay ginagantihan ka ng masaganang pag-aani na hinahangaan ng iyong mga kababayan. Kaya sa
iyong pag-aampon sa mga magsasaka ay umaasa silang ihihingi mo sa Diyos ng grasya ng kasipagan,
nang ang di pagsikapan lamang namin ay ang ani sa lupa, kundi sampo ng magagandang gawaing
ipagkakamit ng kaluwalhatian. Kami’y papagkamtin mo naman ng awang hinihingi naming bukod sa
pagsisiyam na ito, kung naaayon sa kalooban ng Diyos. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)
PANALANGIN SA IKAWALONG ARAW

Sa mapalad na pintakasi naming San Isidro! Sa pananalig namin sa iyong kapangyarihan na kinakasihan
ng Diyos ang iyong mga panalangin, palibhasa'y banal ka at maawain, ay dumadaing kami sa iyong
harapan, na bagama't isang magsasaka, ay pinakamamahal ka naman ng Diyos na pinagkalooban ng mga
biyaya: kaya ulit-ulit ang aming pagpapasalamat at ikaw ay ginawang lingkod na hirang ng Diyos, na
pinakarangal kang pinagkalooban ng kapangyarihan sa paggawa ng kababalaghan, at ikinararangal din
ng Diyos ang pagpapala sa mga pagtawag ng mga namimintakasi sa iyo, kaya hinihingi namin sa iyo na
pakundangan sa Diyos ay kami'y dinggin mo, saklolohan at bigyan g tuwa, kapagkarinig mo ng aming
daing. Gayon ang aming pagasa at sampo ng awa na hinihingi namin bukod ay makamtan nawa namin,
kung naaayon sa kalooban ng Diyos, Siya Nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

PANALANGIN SA IKASIYAM NA ARAW

Oh mapalad na pintakasi naming poong San Isidro, ngayong sumasalangit kana, ay diya'y nakakatulad
mo'y astrong nagniningning sa harapan ng Diyos, at dito sa mundong iniwan mong bangkay ay linoob ng
Langit na hindi masira, at nang aming matanto ang mataas na kaliwalhatiang iginanti sa iyo ng Diyos,
nauukol ngayon iyong lingapin itong matatapos naming pagsisiyam na pinagukulan ng aming
pamimintakasi sa iyo at umaasa kami na pagpapalain mo ang aming karaingan. Sa dakila mong pag-ibig
at pagpapala na namimintakasi sa iyo'y nananalig kaming di mo kami hahabagin, kay humahandog kami
sa iyong pagtatangkilik at umaasa na iyong ipamintakasi sa Diyos na Panginoon, at papagkamtin ng
buong ikagagaling ng aming kaluluwa't katawan. At sa oras ng aming kamataya'y dadalawin mo kami at
ng marapat masama sa iyo magpasawalang katapusan. Siya nawa.

(Magdasal ng 3 Ama namin, 3 Aba Ginoong Maria, 3 Luwalhati na inihahandog sa kabanalan ni San
Isidro.)

You might also like