You are on page 1of 6

NOBENA KAY APOSTOL SAN FELIPE

𝗣𝗔𝗠𝗕𝗨𝗡𝗚𝗔𝗗 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡

Pag-ibayuhin mo sa amin, O Panginoon, ang pananampalataya sa iyong Anak na pinanindigang matibay


ng Apostol na si San Felipe. Itulot mo sa pamamagitan ng kanyang tulong at panalangin, ang iyong
Simbahan ay maging tanda Ng kaligtasan sa buong sanlibutan. Hinihiling namin Ito sa pamamagitan ni
Hesukristong anak mo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo. Iisang Diyos
magpasawalang hanggan. Amen.

UNANG ARAW:

“Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael” (Juan 1:43–51)

Maluwalhating San Felipe! Napili ka bilang isa sa labindalawang Apostol ng Panginoong Hesukristo.
Tinawag ka ayon sa kalooban ng Diyos. Ganito ang pagkakatawag sa iyo: Nakita niya roon si Felipe at
sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.
Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa
kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na
anak ni Jose.” “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael. Sumagot si
Felipe, “Halika't tingnan mo.”

Sa iyong patnubay patrong San Felipe, tulungan mo rin kaming maging karapat-dapat at sumunod sa
kalooban ng Diyos sa paggawa ng mabuti sa mga nangangailangan. Inaasahan namin na sa iyong mga
panalangin ay matamo at ma-ibahagi namin ang iyong banal na mga katangian. Amen.

PANALANGIN KAY SAN FELIPE APOSTOL

O Maluwalhating San Felipe, sa huling hapunan ang sinabi mo sa Panginoong Hesukristo: "Panginoon,
ipakita sa amin ang Ama at ito ay sapat na para sa amin." Tulungan mo kami upang ang mga winika
mong ito ay amin ding maging dalangin upang aming matagpuan at makilala ang Diyos sa lahat ng
pagkakataon. Idalangin mong makamit namin ang aming mga ipinananalangin lalung lalo na (banggitin
ang natatanging intensyon), makamtan din nawa namin ang lakas at biyaya upang aming maipagpatuloy
ang pagtugon sa inyong nasimulang misyon hanggang aming makamit ang buhay na walang hanggan.
Amen
PANGWAKAS NA PANALANGIN

Pagpalain Mo po kami't ampunin Diyos na Panginoon namin, igawad Mo po sa amin ang Iyong tulong,
pagpalain ang aming bahay at kaming lahat na namamahay. Iligtas Mo kami sa lakas ng lindol, sa
karahasan ng lintik, sa sunog, sa tubig, sa hangin at sa lahat ng makakasama sa amin, alang-alang na po
sa katamis-tamisan ngalan ng anak Mong si Hesus. Siya Nawa.

Ama Namin….

Aba Ginoong Maria…

Luwalhati…

𝗜𝗞𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗔𝗥𝗔𝗪:

“Ang Misyon ni San Felipe bilang isa sa mga Labindalawang Apostoles” (Mateo 10: 1-15)

O San Felipe Apostol! Isa ka sa labindalawang alagad ni Hesus na binigyan ng kapangyarihan upang
palayasin ang mga masasamang espiritu at pagalingin ang mga may sakit at karamdaman; pinili ka kaisa
ng mga apostol ni Hesus na maging halimbawa ng kaniyang mga mabubuting gawa at kaniya kayong
pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano.
San Felipe, masunurin ka sa tawag ng Diyos at kasama dito ang tungkulin mong maghanap ng mga
naliligaw na tupa ni Hesus sa bansang Israel, tinatanggap mo ng masigla ang misyon na ito na ipahayag
ang kaharian ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit.

Sa patuloy mong pag-gabay sa amin patrong San Felipe, tulungan mong kami’y maging mga alagad ng
Diyos at gumawa ng mabuti sa aming mga kapwa. Idinadalangin namin na sa iyong pamamagitan at ng
aming mga panalangin ay maibahagi at makamtan namin ang iyong banal na mga katangian. Amen.

IKATLONG ARAW: "Nagturo at Nagpagaling si Jesus” (Lukas 6:17-19)

O San Felipe Apostol sa ministeryo ng Panginoon ay nakasama ka, naging saksi ka kung paanong
pinagaling ng Panginoon ang mga may sakit at kung paanong lumapit ang mga mananampalataya sa
Panginoon at ganito nga ang iyong nasilayan: Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila
sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa
Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig, at
mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga
pinapahirapan ng masasamang espiritu. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa
kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.
Sa pagsama mo sa Panginoon natunghayan mo ang maraming kababalaghan, akayin mo nawa kami San
Felipe sa paanan ng Diyos upang kami rin ay mapagaling sa mga sakit na nagpapahirap saamin, mapalaya
sa mga kasalanang umaali sa aming kalooban at lubusang manalig sa kaniyang kapangyarihan at
maipadama ang pag-ibig niya sa aming mga kapwa. Amen.

𝐈𝐊𝐀-𝐀𝐏𝐀𝐓 𝐍𝐀 𝐀𝐑𝐀𝐖:

"Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag” (Lukas 6:20-23)

O San Felipe! Isa ka sa mga Apostol ng Panginoong Hesukristo na nakapakinig ng mataimtim sa


kaniyang mga salita at nakasaksi sa kaniyang mga pagpapala. Ganito ang tinuran ng Panginoon makayari
niyang tignan kayong mga alagad at ang mga tagapakinig: “Pinagpala kayong mga dukha, sapagkat sa
inyo ang kaharian ng Diyos. “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y magsisitawa!”. “Pinagpala kayo kung dahil
sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at
pinaparatangang kayo ay masama. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo,
sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga
propeta.”

Sa iyong patnubay San Felipe, tulungan mo kaming mga dukha sa iba’t ibang aspeto upang aming
matamo ang mga pagpapalang binanggit ng Panginoon. Maging masagana nawa ang aming mga tahanan
upang lalo naming pag-igihan ang pagbabahagi ng mga biyayang aming nakakamtan sa iba pang mga
tagasunod ng mga turo ng Diyos. Inaasahan namin na sa iyong mga panalangin ay makabahagi ka
naming sa aming pamumuhay upang kami ay mabilang din sa mga abang karapatdapat. Amen

IKALIMANG ARAW:

“Ang Pagpapakain ni Hesus sa Limanglibo” (Juan 6:5-11)

O Mahal na San Felipe! Nasaksihan mo ang isa sa mga himala ng Panginoong Hesukristo na pagpapakain
ng limanglibo. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya
si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon
upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin. Sumagot naman si Felipe, “Kahit
na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang
tigkakaunti.” Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po
ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya
ang mga ito?”. “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang
mga tao; sa kanila'y may humigitkumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at
matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya
sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog.

San Felipe, sa pagsubok sa iyo ng Panginoon, amin din nawang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na
inilalaan ng Panginoon sa amin, kami nawa ay mabusog sa pag-ibig ng Panginoon upang ito ay aming
maibahagi sa aming kapwa. Amin nawang matutunang magpasalamat sa Panginoon sa lahat ng aming
natatanggap at manalangin upang kaming lahat ay pagpalain. Amen.

IKAANIM NA ARAW: “Hinanap ng Ilang Griyego si Hesus” (Juan 12:20-26)

O Ginoong San Felipe, ng may mga Grieyegong lumapit sa iyo agad na ganito ang kanilang tinuran at
pakiusap: “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.” Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang
nagsabi nito kay Jesus. Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao.
Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong
nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. Ang taong nagpapahalaga sa
kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa
daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang naghahangad na maglingkod sa
akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama
ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Sa iyong patnubay San Felipe, tulungan mo kami na maging katulad ng mga Griyego na handang tugunan
ang tawag na luwalhatiin ang Diyos, upang matanggap namin ang kaniyang pananahan sa aming buhay.
Kami nawa ay gagabayan sa aming mga pang araw-araw na hangarin at sa pamamagitan ng iyong mga
panalangin ay makabahagi kami sa graysa ng Diyos at maging handing ilaan ang buhay sa pamamagitan
ng pag-lilinkod sa kapwa. Amen.

IKAPITONG ARAW:

Ang Pagtatanong ni Felipe kay Hesus” (Juan 14:8-14)

San Felipe, makayaring maihayag ng Panginoon na siya ang Daan, Katotohanan at Buhay; Walang
makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya, dagli kang tumanong sa Panginoong Hesukristo at
iyong winika: Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.” Sumagot si Jesus,
“Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin
ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang
ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na
nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at
ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga
ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa
kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko
upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito
ay aking gagawin.”

O San Felipe, tulungan mo nawa kaming mapagtanto ang tunay na katauhan ng Panginoong Diyos sa
aming mga kapwa at patuloy nawa naming siyang makilala at madama sa mga taong nakapaligid saamin,
amin nawang mapagtanto ang mga gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos at matutong palagiang
manalig at magpasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob sa amin. Amen.

IKAWALONG ARAW:

"Si Hesus ay napakita sa labingisa” (Markos 16:14-20)

O San Felipe Apostol! Sa wakas, si Hesus ay nagpakita sa inyo habang kumakain. Isa ka sa mga
nagulumihanan sa muli niyang pagpapakita, dahil naniwala ka rin na ang Diyos ay patay na. Hindi ka
agad naniniwala na siya ay nabuhay mula sa mga patay. Ngunit nagwika ang Panginoon, Humayo kayo sa
buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sinumang sumampalataya at
mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. Sa mga
sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking
pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom
sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong
nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila. Sa iyong patnubay San Felipe, tulungan
mo kaming maging malakas ang pananampalataya sa Diyos at mapalaya mula sa mga kamunduhan,
kasalanan at kalaswaang umaari saamin. Amin nawang malagpasan ang mga pagsubok sa pamamagitan
ng iyong pagsusumamo at muling mabuhay kasama ng Panginoong Diyos na puspos ng kabutihan.
Amen.

IKASIYAM NA ARAW:

"Ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit” (Gawa 1:6-14)

O mapalad na San Felipe Apostol! Isa ka sa mga buhay na saksi sa pagakyat ng Panginoong Hesukristo sa
langit. Bago ang kaniyang paglisan sa inyong pagkakatipon kayong mga alagad ay nagtanong sa
Panginoon: “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Ang
mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na
kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa
inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at
hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay
nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap. Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may
dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo
nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita
ninyong pag-akyat niya.”

Sa iyong pag-gabay San Felipe, tulungan kaming maging instrumento ng mga mabubuting gawain na
hahantong sa aming pagiging mga matapatna alagad na handang sundin si Hesus upang kami ay
makatagpo ng kaligtasan para sa ang aming mga kaluluwa at sa mga kaluluwang nasa purgatoryo. Kami
nawa ay patuloy na gabayan upang kami’y makatulad sa inyong mga banal. Amen

You might also like