You are on page 1of 2

SURING BASA (Unang Markahan)

ANG MABUTING ANTING-ANTING


(Kwentong Bayan)

Pag-ibig ang pinakadakilang damdamin ng tao na maglalapit sa kanya sa Panginoon na


sa kaniya’y lumikha.

Noong unang panahon ay may isang mabait na datu na ang nasasakupan ay isang pulo rito sa Pilipinas.
Tatlo ang kaniyang anak na pawang lalaki na nangasagulang na.
Isang araw ay inutusan niya ang tatlong anak na ito upang magtungo sa ibang pook at maghanap ng
isang mabuting anting-anting. Sinabi niya sa tatlo na kung sino ang makapaghaharap sa kaniya ng mabuting
anting-anting ay siyang magmamana ng kaniyang kapangyarihan bilang datu yaman din lamang na matanda
na siya.
Matapos makapaghanda ang mga magkakapatid ng mga babaunin sa paglalakbay ay nagpaalam na
sila sa matanda, kinabukasan din matapos silang basbasan ng datu.
Pagkaraan ng isang taon ay nagbalik ang pinakamatandang anak. Sinalubong siya ng malakas na tunog
ng gong at nagdaos ng sayawan ang mga kabig ng datu.
Isinalaysay ng anak sa kaniyang ama ang ginawa niyang paglalakbay. Sinabi niya na malalayong pook
ang kanyang narating sa paghahanap ng mabuting anting-anting. Inakyat niya ang matataas na bundok;
pinasok niya ang mga yungib sa paghahanap ng anting-anting na inakala niyang magiging dapat sa pamimili ng
kaniyang ama.
Sa bulwagan ng tahanan ng amang datu ay parang nagmamalaki pang inihahagupit ang dala-dalang
bunto’t-pagi na may tatlong dipa ang haba.
“Narito po, Mahal kong Ama, ang aking anting-anting na pasalubong sa inyo,” wika ng panganay na
anak.
“Anong kabutihan ng anting-anting na iyan?” tanong na masusi ng amang datu. “Ipaliwanag mo nga.”
Tumingin muna ang anak sa maraming taong nasa paligid niya at saka ibnaling ang mata sa kaniyang
ama. Pagkatapos ay tatlong ulit na inihagupit ang dalang bunto’t-pagi.
“Mabuti po ang anting-anting na ito.” Sabi ng anak at hinaplus-haplos ang agimat. Kung may kaaway
po kayo’y magagamit itong panghagupit, malayo man ang kaaway o kahit hindi ninyo nakikita. Magsusumigaw
siya sa sakit habang inihahagupit ninyo sa hangin hanggang sa mamatay ang kaaway, kung ibig ninyo.”
Nagpasya ang matanda. “Hintayin muna natin ang dalawa mo pang kapatid at saka ko hahatulan ang
iyong anting-anting.”
Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang pangalawa sa panganay. Ipinahayag ang kaniyan
pagdating sa pamamagitan ng pagtugtog ng malalaking gong at sayawan ng tribu ng datu, katulad ng
pagdiriwang sa pagdating ng unang anak.
Walang iniwan sa unang anak, ang pangalawang anak ay waring nagmamarangya sa kanyang uwing
anting-anting.
“Mahal na Ama,” ang kaniyang pagmamalaki, “narito po ang aking anting-anting, itlog po ito ng tagak
na itim. Nakipagbuno muna ako sa mga higante na nag-aalaga sa pugad ng tagak bago ko nakuha ang itlog na
ito sa punongkahoy na nasa pampang ng dagat.”
“Anong kabutihan mayroon ang anting-anting na iyan?” tanong ng wari’y gulilat na ama. “Isalaysay
mo sa akin.”
“Ang anting-anting pong ito’y may tagabulag. Hindi po kayo makikita ng sinuman kung dadalasin ninyo
ang kasamang orasyon ng agimat na ito. Marami po akong uwing salapi, ginto, alahas, brilyante pagkat ginamit
ko ang anting-anting na ito sa pang-umit at pagnanakaw sa mga kahon ng mayayamang hari. Marami pong
paggagamitan ang anting-anting na ito gaya ng pamimihag sa babae at kung ano-ano pa.”
Isang impit na ngiti ang lumuwal sa labi ng matanda at saka nagturing. “Hintayin muna natin ang
pangatlo ninyong kapatid at saka ko hahatulan kung alin ang pinakamabuti sa inyong mga anting-anting.”
Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang bunsong anak ng datu. Inihudyat ng malalaking gong ang
kanyang pagdating. Subalit kakaiba sa dalawang naunang kapatid, ang bunso’y walang dal ana labis na
pinagtakhan at ikinalungkot ng kabig ng datu. Hindi ganoon ang kanilang inaasahan. Maging ang datu’y
kinabakasan ng pagtataka at pagkabigo. Gayon pa man, walang kalungkutan o pagkabahalang masisinag sa
mukha ng bunsong anak ng datu. Kapayapaan ng kalooban ang mababakas sa kanyang mukha at kilos.
“Diyata’t ikaw pa naman ang pinakahuling dumating,” paninisi ng ama sa bunso, “ay ikaw pa ang
walang dalang agimat kahit na ano!” Nanlilisik ang mga mata ng datu.
“Mahal kong Ama.” Panimula ng anak, “napakarami pong mga bayan at lungsod at kaharian ang aking
narating. Napakarami rin pong nag-alok sa akin ng kung anu-anong agimat. Ginalugad ko po ang mga
kagubatan at ako’y nagtawid-dagat. Hindi ko po nagustuhang lahat ang mga anting-anting na aking natuklasan
pagkat kung gagamitin ko po iyon ay tiyak na makaaapi ako ng aking kapwa-tao na labag sa Gintong Tuntunin.
Sa madaling sabi po, ang mabuting anting-anting na handog ko sa inyo ay ang aking mabuting pakikisama sa
kapwa-tao.”
“Sa pamamagitan po ng anting-anting kong ito,” patuloy ng anak at tinutop pa niya ng kanang palad
ang dibdib sa tapat ng puso, “ay marami akong nagiging kaibigan at kapalagayang-loob saan man ako
mapadako.”
Biglang napatayo ang matandang datu sa pagkakaupo sa laki ng tuwa sa isinalaysay na yaon ng
kanyang bunsong anak. Niyakap niya ang anak at ganito ang ipinahayag sa lahat. “Mula ngayon, ikaw ang
kahalili ko bilang datu sapagkat ang anting-anting na uwi mo, di man nahahawakan ay makabuluhan sa buhay.
Iyan ay PAG-IBIG na makapagbabago sa mundong ito na ginagalawan ng mga taong makasalanan at sakim.”

BAHAGI NG SURING BASA


(Pakitabi ang kopyang ito para sa mga susunod na suring basa)

I. PAMAGAT: (Sa bahaging ito IPAPALIWANAG ng mag-aaral ang pamagat ng akdang sinuri.
Kung paanong iyon ang naging pamagat ng akda)

II. TAUHAN: (Sa bahaging ito IISA-ISAHIN AT IPAPALIWANAG ng mag-aaral ang mga
MAHAHALAGANG TAUHAN ng akdang sinuri. Isusulat kung ano ang kanilang mahalagang
ginampanan sa kwento)

III. TAGPUAN: (Sa bahaging ito ILALARAWAN ng mag-aaral ang tagpuan sa kwento. Kung
anong mahahalagang pangyayari ang naganap sa tagpuang nabanggit)

IV. BANGHAY:

a. Simula (Sa bahaging ito ILALAHAD ng mag-aaral ang mga kaganapan sa simula ng
kwento)
b. Gitna (Sa bahaging ito ILALAHAD ng mag-aaral ang mga kaganapan sa gitnang
bahagi ng kwento. Dito ilalahad kung anong suliranin ang nakapaloob sa akdang
binasa at ang pinakakapana-panabik na bahagi nito)
c. Wakas (Sa bahaging ito ILALAHAD ng mag-aaral ang katapusan ng kwento. Kung
paano nabigyang kalutasan ang suliranin at kinahinatnan ng mga tauhan)

V. ARAL/MENSAHE: (Sa bahaging ito IPAPALIWANAG ng mag-aaral ang MENSAHE ng kwento.


Dito ilalahad kung anong ARAL ang nakapaloob sa akdang binasa at kung paano ito maisasabuhay)

You might also like