You are on page 1of 5

La Consolacion College of Daet, Inc.

Froilan Pimentel Avenue Daet, Camarines Norte 4600

STA.CLARA, Luke Joshua R.

BSTM – 2

TM215 – Great Books

Tungkol sa Pulitika:

Itaboy ang kahirapan, hindi ang mahihirap

“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno
sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang
mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng
hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-
agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan
ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-
dumal na kalagayan ng mga mahihirap.” Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero
ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga
mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho,
mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa
mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar.

Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga
mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan
lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang
kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang
hanapbuhay. Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang
mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon. Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy
ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon.

Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga
tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang
gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong
pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador.
Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari
ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng
gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat
at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito,
binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”

Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang
namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang
mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa
kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang
problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.

Tungkol sa Kalikasan:
Ang Araw at Ang Hangin
Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong
dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.
Isang araw, sinabi ng hangin, “O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako
kaysa iyo?” Ngumiti ang araw. “Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin.
Hayun, may lalaking dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot
niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas.”

“Payag ako. Ngayon din, magkakasubukan tayo,” malakas na sagot ng hangin.


“Ako ang uuna,” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang
labanan.
Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang
hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito. Nilakasan ng hangin ang
pag-ihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo.
Inubos ng hangin ang buong lakas sa pag-ihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso
ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya. Nanghina na nang katakut-takot ang
hangin sa pag-ihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalaki.

Sige,” sigaw niya sa araw, “tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin
naman mapapahubad ang taong iyon.”
Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng
lalaki.
Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang
butones sa baro. Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at
tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula
noon, di na nagyabang uli ang hangin.

Tungkol sa Guro:

Munting Regalo sa aking guro


Nalulungkot si Ben. Nang itanong ng ina kung ano ang dinaramdam niya ang kanyang sagot ay, "Kasi
po ang mga kamag-aral ko ay may papasko para sa aming guro. Ako lang po ang wala." Alam ng
butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro. Sa palagay
naman niya, mauunawaan ng guro na sila'y dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi
naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino. "Halika, anak, at may ikukuwento, ako sa iyo. Kuwento
ito ng manunulat na si Pablo Cuasay. Kapag narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong gawin."
At nagkuwento ang ina...

Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng paaralan dahil sa pasko. Sa paaralan ay may
punong-kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw. Ito'y puno ng mga alaalang laan ng mga
bata sa kanilang mga guro at kamag-aaral. Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nadaramtan
ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang lahat ay may ngiti sa labi - may awit sa
papawirin. Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya'y si Nestor. Bakit? Ang lahat
niyang kamag-aral ay may alaala sa pinakamamahal na guro subalit siya'y wala. Paanong di gayo'y si
Nestor ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang ina'y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng
kanyang bunsong anak.

"Inang," ang hikayat ni Nestor, "Ako lamang ang walang alaala kay Bb. Mirasol. Ang lahat - sina Ador,
Florante, Ramon at Orlando - ang bawat isa sa kanila ay may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-
tanging wala." "Nestor," ang butihing ina ay sumagot, "makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo'y
dukha. Siya'y di naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Talos kong si
Bb. Mirasol ay nakauunawa sa ating kalagayan." Si Nestor ay walang kibo. Maaga siyang nahiga
ngunit hindi makatulog. Siya'y nag-iisip. Kung mayroon lamang siyang pagkakakitaan, kahit kaunting
salapi upang ibili ng kanyang papasko! Katapusang araw na kinabukasan.

Si Nestor ay nag-isip nang nag-isip. May gumuhit sa kanyang gunita. Mayroon siyang naisip na
maiaalay na alaala kay Bb. Mirasol. Ito kaya ay kasiya-siya? Magustuhan kaya ng kanyang guro?
Siya'y bumangon. Tinungo ang munting hapag sa silid at sa malamlam na ilawan ay isinulat sa malinis
na papel ang kanyang papasko. Pinagbuti niya ang kanyang pagsulat, ulit-ulit na binasa at pagkatapos
ay tiniklop at ipinaloob sa sobre. Sinarhan niya ito, ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli. Mayroon
na siyang alaala. Anong tuwa niya! At nakatulog siya ng mahimbing. Kinaumagahan siya'y pinukaw ng
ina, "Nestor, bangon na. Tatanghaliin ka sa pagpasok."

Si Nestor ay nagmamadaling nagbihis, kumain at tumungo sa paaralan. Hindi niya nalimutang dalhin
ang kanyang papasko sa kanyang guro. Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa! Mayroon
na siyang papasko! Ito kaya ay mabuting alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa kanyang
puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay kay-daming nga batang nanonood sa Christmas tree.
Buong-ingat na ibinitin ni Nestor ang kanyang papasko sa guro.
Nakinig siya sa lahat ng bilang ng palatuntunan ngunit ang laging umuukilkil sa kanya ay ang tanong
na, "Maibigan kaya ni Bb. Mirasol ang aking alaala?" Ang katapusang bilang ng palatuntunan ay
pamumudmod ni Santa Claus ng mga papasko. Sumasal ang puso ni Nestor nang katapusa'y ibinigay ni
Santa ang sobre niya kay Bb. Mirasol. Tila kilala ni Bb. Mirasol ang kayang sulat. Tinitigan ang mga
titik bago binuksan ang liham. Samantalang binabasa ang liham, si Nestor ay nagmamasid.

Matapos ang palatuntunan umalis na si Santa, pati lahat ng mag-aaral na nagpaalam kay Bb. Mirasol.
Ang kahuli-huliha'y si Nestor na tinawag ng guro. "Nestor, pumarito ka. Ako'y may sasabihin sa iyo."
"Nakita mo ba kung gaano karami ang mga alaalang tinanggap ko? Ako'y galak na galak pagkat iya'y
tagapagpakilala na ako'y minamahal ng aking mga tinuturuan. Sa pumpon ng mga alaala ay bukod at
tangi ang iyo na pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong alaala ay di pangkaraniwan. Iya'y nagbigay sa
akin ng labis na kagalakan."
Namangha si Nestor, di yata't ang kanyang alaala ang pinakamahalaga sa lahat! Ito ang sabi ng
kanyang guro. "Salamat po, at maligayang pasko." ang sabi ni Nestor bago siya umalis. Siya ay
tuwang-tuwa.

Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Mirasol, kanyang binasa muli ang liham.

"Minamahal kong Guro:

Inyo pong pakaasahang ako'y magpapakabuti. Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako'y mag-aaral
ng leksyon tuwi na. Pagpipilitan ko pong ako ay maging pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito
pong pangakong ito ang papasko ko sa inyo.

Nagmamahal, Nestor"

"Ang ganda, Nanay, ng kuwento ninyo. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong iregalo
kay Bb. Padilla."

Tuwang-tuwa rin ang ina sa katalinuhan at kagalingan sa pag-unawa ng anak. Habang tinatanaw niya
ang bata na naglalakad patungo sa paaralan, nagpapasalamat siya sa Maykapal sa pagkakaroon ng isang
mabait at maunawaing anak

Tungkol sa Estudyante:

Buhay estudyante na nakatira sa kabundukan

Bata pa lang ako ay hirap na ako sa pagpasok ng paaralan dahil ang paaralan ko ay dalawang oras ko
itong nilalakad mula sa bahay patungo rito. Araw-araw ko syang nilalakad makapasok lang. Tatawid sa
mga ilog at kabundukan makarating lang sa paaralan. Ginagawa ko itong sakripisyong ito dahil gusto
kong makapagtapos. Tulad ng mga batang katulad ko ay mayroon din akong pangarap. Pangarap na
makatulong sa pamilya at maging isang mahusay na guro para sa lugar namin ay magkaroon na rin ng
isang gurong magtututuro sa mga batang katulad ko na tatawid pa sa mga ilog, maglalakad araw-araw
makapasok lang. Bago ako pumasok ay hindi ko muna sinusuot ang polo kong may kalumaan na at
may konti pang punit dahil kapag sinuot ko ito ay maaari itong madumihan habang binabaybay ko ang
paaralan ko. Sa ngayon maputik rito sa La Union dahil umulan kagabi ng may kalakasan pero ngayon
wala na pero nag-iwan naman ito ng matinding putik sa dadaanan ko at sa kabundukan. Mag-isa lang
akong pumapasok mula sa bayan namin dahil ang mga bata rito ay natatakot na pumasok marahil sa
delikadong sitwasyon. Sinisikap ko talagang makapagtapo pag-aaral para matulungan ko sila. Sabi nga
di ba nila, kung masikap ka talaga gagawin mo ang lahat maabot mo lang ang pangarap mo kaya ako
ngayon ganito ginagawa ang lahat para sa mga pangarap ko. Habang binabaybay ko ang paaralan ay
nadulas ako sa isang matarik na bundok. Napaupo ako at nadumihan ang suot kong short na
pambahay. Dala ng lakas ng ulan kagabi ay lahat ng nadadaanan ko ay maputik at madulas kaya doble
ingat ang ginagawa ko ngayon. Pagdating ko sa ilog sa gitna ng kabundukan ay dali-dali akong kumapit
sa may lubid na nagsisilbing kapitan ng mga taong dumadaan katulad ko. Malakas konti ang agos ng
tubig pero hindi ko ito inalintana at tumuloy-tuloy lang ako marating ko lang ang paaralan kong
tinutungo. Matapos kong makatawid sa ilog ay putik naman ang kalaban ko dahil ang susunod na
kalaban ko ay kabundukan na pababa kaya kailangan kong tumawid rito kahit mahirap at madulas.
Paghakbang ko sa madulas na parte ng lupa ay muntik na akong madulas buti na lang ay napakapit ako
sa isang baging para makaligtas sa kapahamakan. Buwis buhay ang sakripisyo ko ngayon pero sa huli
magiging maginhawa rin ang buhay ko kapag nakatapos na ako. Pagkatapos kong tumawid sa buwis
buhay na daanan ay nakahinga na ako konti ng malalim. Dahil malapit na ako sa paaralan ay binibilisan
ko na ang aking paglalakad dahil ang klase namin ay malapit ng magsisimula. Isang sakripisyo na lang
ay mararating ko na ang paaralan na pinapasukan ko. Nang marating ko na ang huling pagsubok ko
para marating na ang paaralan ay nagpalit na muna ako ng suot na pang-pasok para pagdating kong
paaralan ay uupo na lang ako at makikinig na sa guro para iwas bawas oras. Pagkatapos ay humawak
na ako sa lubid na nagsisilbing hawakan at umapak na ako sa lubid na nagsisilbing daanan para
makatawid sa kabila. Ang daanang ito na dinadaanan ko ay tila isang hanging bridge na gumagalaw sa
bawat pag-apak at hakbang mo dito. Sa pagtawid mo dito ay kailangan mo ng lakas ng loob, tapang at
may pagtitiyaga para marating mo ang inaasam mo. Matapos kong lagpasan ang lahat ng pagsubok ng
pangarap ko ay nanakbo na ako patungong paaralan. Nang matanaw ko na ito ay lalo ko pang binilisan
ang pagtakbo ko. Dali-dali akong pumasok ng tarangkahan at pumasok nasa loob ng classroom.
Pagpasok ko ay sinalubong ako ng guro ko na sobrang bait at inabot nya sakin ang toga ko at diploma
ko dahil ang araw na ito ay graduation ko sa High School. Balediktoryan at Scholar na sa isang
maganda at pribadong paaralan sa Maynila.

Mga Aral
 Dapat maging masuri sa bawat desisyong iyong gagawin sa iyong buhay dahil
ditto naka base ang mga pwedeng mang-yari saiyong kapalaran

You might also like