You are on page 1of 16

1

May TIKTIK sa BUBONG may SIGBIN sa SILONG…


ANG LIHIM KAY Jepoy
Ni: Jessica Marie I. Dela Peña
Eiiit…mahinang alit-it ng pinto nang sapilitang buksan ito ng batang si Jepoy.
Animo’y magnanakaw sa gitna ng sikat ng araw sa katanghaliang-tapat. Ayon sa
alamat sa isang maliit na aklat nakatago ang tunay na katauhan at kinaroroonan ng
mga kinatatakutang kasabihan ng buong bayan sa Albay. Gusto niya itong mabasa
mula sa angkan na kaniyang pinag-uugatan. Nangangatog ang kaniyang mga tuhod
habang inihahakbang nang bahagya sa halos maagiw at maruming silid ng isang
antigong bahay na bato. Kahit labis na takot ang nararamdaman nito nagpatuloy siya
sa paghakbang. Habang papalapit ito sa isa pang silid bumabalikwas ang alaala nito
sa mga paalala ng kaniyang lola. Ngunit wala na siyang magagawa kundi suungin
ito.
Muli niyang iginala ang kaniyang mga mata sa buong kabahayan. Nagtataka,
naghahanap, nanlalamig ang buo nitong kalamnan sa maaaring matuklasan. Sa di
kalayuan, hinatak ang kaniyang mga paa sa gawing hilaga ng kabahayan. Habang
umaakyat ito sa hagdan bumubulaga sa kaniya ang mga naglalakihang larawan ng
kaniyang pinag-ugatan. Muling nanariwa sa isip nito ang bida ng lola sa lolo nito at
sa ina.
“Mahigpit na ipinagbabawal ng lolo mo noon ang makadayo tayo sa may
bayan sapagkat malulupit, sakim at ganid ang mga namumuno sa atin. Si lolo Bagak
mo ay minsan nang tinasa sa kaniyang kakayahan sa paglilingkod sa bayan. Na
mahina ito at hindi maka-uusad ang Albay sa kaniya. Ngunit sa panahon ng mga
Hapon siya lang ang kinakitaan ng kakaibang galing sa panggagamot kaya’t siya
ang ipinatatawag ng mga ito upang makapanggamot sa ating bayan. Subalit hindi ko
nga alam at hanggang ngayon ay tanong sa aking isipan kung bakit langis ang
laging pampahid nito sa kaniyang katawan bago nito gamutin ang maysakit. Naging
dahilan ito upang katakutan siya ng marami sa bayan. Ni ang magpagupit nga’y
halos dalawa o tatlong beses lang simula nang kami ay ikasal.” Halos malamlam na
mata ang gumuguhit sa bukana ng liwanag habang siya’y nakatanaw sa
dalampasigan.
“Lola, bakit tayo nilalayuan ng mga tao? Paano namatay ang ama? Si Inang
laging wala tuwing gabi. Bakit nagpupunta siya sa bahay na bato ni lolo?” pag-
uusisa ng may labintatlong taong gulang na bata.
“Naglilinis siya doon, nakaugalian na ng Inang mo iyon simula’t simula pa
dahil maraming taong nagpupunta sa atin noon. Siya ang tagapaglingkod ng iyong
lolo. Dito nga hinangaan ng Itang mo ang iyong Inang.” Habang hinahagod ng lola
ang buhok ng apo na nakaupo sa paanan ng tumaba-tumba nito.
“Bakit po natigil ang panggagamot ng lolo?” pag-uusisang muli ng apo.
“Aba’y nandyan na pala ang inang mo, kumain ka na at gumagabi na sige
sabihin mo sa kaniya at nang makapagpahinga na tayo.” Pag-iiwas ng lola sa
kaniyang apong umaapuhap ng kanilang pinagmulan.
2

Matapos makapaghapunan, muling nagpaalam ang kaniyang ina sa kaniyang


lola. Mabilis siyang dumungaw sa bintana upang ihatid ng tingin ang ina. Subalit
hindi na nito naaninuhan pa ang mahal na ina.
“Lola, si inay umalis na naman?! Bakit po lola?!” muling pagtatanong ng paslit
sa matanda.
“Matulog ka na hayaan mo at itatanong ko bukas sa kaniya. Matulog ka na
apo at maaga pa ang pasok mo sa eskuwelahan bukas.” Pag-iiwas na tugon ng lola
sa apo.
“Tatang Bagak, nanlalaki po ang mga mata ng aking anak ano po ang
gagawin ko tatang?! Huhuhuhu…” pag-aaalalang wika ng isang ina na minsan nang
huming ng tulong sa lolo nito.
“Maghintay ka lang diyan.” Saka nagpunas ng langis ang tatang sa buo nitong
katawan nanlisik ang kaniyang mga mata subalit nang mausukan ito at magsimulang
magdasal nang mahina ay napabago nito sa isang malamlam at mahinang matanda.
Sumayaw ito sa baga ng apoy at pagkatapos binuhat ang bata at inilapag sa higaan.
Kiniskis nito ang kaniyang mga kamay, hinipan nang hinipan, itinaas ang kamay na
animo’y humihingi at may kausap sa itaas saka nito hinipo ang mga mata ng bata.
Paulit-ulit niya itong ginawa ng tatlong beses at pagkatapos ay hinabilinan ang ina
ng bata.
“Ipunas mo ito sa kaniyang mga mata tuwing gabi upang di makakita ng mga
bagay na maaari nitong tamaan sa kaniyang mga paglalaro. Pinaglalaruan siya ng
isang sigbin ito ay mga lamang-lupa na mahilig sa ilalim ng bahay maaaring
tinamaan niya ang mga ito. Mag-iingat kayo.” Paalala ng matanda sa kaniya.
“Maraming salamat tatang Bagak susundin ko ang ipinapayo niyo upang
mapabilis ang kaniyang paggaling at makapasok na sa eskuwelahan.” Saka na sila
nagpaalam sa may bahay nito.
Sa isang sulok ng silid, lingid sa kaalaman nila naroon ang may bahay nito
impit na iyak ang pilit na pinakakawalan sa makipot na nilulunan ng puso nito.
Mabigat ang dibdib na bumabalot sa madilim na kinaroroonan nito. Pagkuwa’y isang
maliit na pilit na tinig ang narinig ni Bagak.
“Bagak…tama na ayoko na maawa ka sa kanila…” pagsusumamong umiiyak
na asawa.
“Naaawa ka sa kanila? Sa atin? Sa anak mo? Ayaw ko ito subalit ito ang
kapalaran ko...natin ng anak mo.” Isang malungkot na tugon ang pinakawalan na
pinaniniwalaang Babaylan sa bayan.
Sunod-sunod ang mga nagpapagamot kay Tatang Bagak, kasama si Ising sa
ginagawa ng ama. Saksi siya sa mga hinaing ng mga taong uhaw sa kalunasan at
kagalingan ng kanilang karamdaman. Isang araw, may narinig siyang bulung-
bulungan ng mga babaeng nakatanaw sa ama nito.
3

“Hay kumare, narinig mo ba ang nangyari sa may kalapit bayan? May nakita
daw silang isang malaking tao halimaw yata at labis na nakakatakot daw.
Pinaniniwalaang maligno ang kumakalat sabihin kaya natin kay Tatang Bagak ano
sa tingin mo?” pag-uusisang sabi ng may maigting na pagtatanong sa kasama nito.
Nanlaki ang mga mata nito. Nanghilakbot ang kaniyang buong katawan. Dali-dali
itong pumanhik sa kanilang tahanan. Natakot siya sa usapan ng dalawa.
Dahil sa nagagawa ni Tatang Bagak sa bayan, pinarangalan ito ng punong
barangay bilang ganti’y nabigyan siya ng isang bahay antigo. Siya ang pinamahala
sa bahay-kastila na maayos at matatag pa. Katulad ng paninindigan nitong
maglilingkod ito sa mga kababayan nang walang anumang kapalit.
Subalit nagpatuloy ang agam-agam sa buong bayan dahil sa mga malignong
pinaniniwalaang kumakalat sa bayan. Namamatay ang ilang mga mamamayang
halos ang mga lamang-loob ng mga ito’y nawawala. Daan ng labis na paniwala ng
mga ito na maligno ang may gawa.
Samantala, si Tatang Bagak ay nagpatuloy sa panggagamot subalit kapag
ang paksa ng usapan ay ang mga bagong biktima, wala siyang maisagot kundi ang
mag-ingat na lamang ang mga ito upang di matulad sa mga biktima na natatagpuan.
Sa isang maliit na pintuan malapit sa kuwarto ng kaniyang ama nakita nito
ang isang aklat. Naisip nitong nahulog sa pagmamadali ng ama. Walang pag-
aalinlangan nitong binuksan upang makita ang nilalaman. May kalumaan ang
pabalat ipinahihiwatig na minana pa ng ama sa mga kanununuan nila. Sa bawat
pagbuklat niya ng mga pahina ibang wika ang nakasulat, habang pilit na binabasa
ang bawat letra ng mga ito naririnig siya ng kaniyang ina. Mahinang impit na iyak
ang narinig ni Ising daan ng pagtigil niya sa pagbasa pa ng mga nakasulat sa aklat.
Ginagap niya ang tinig alam niyang tinig iyon ng kaniyang ina.
“Inay! Inay!..ikaw ba iyan? Nasaan ka?” alam ko ikaw yan. Nilibot nito ang
kabahayan nila upang makita ang kaniyang ina na mabilis na nakaiwas sa kaniya.
“Inay, bakit ka umiiyak?” pag-uusisang muli ng anak sa kaniya.
Hindi makasagot ang ina sa labis na takot na matutuklasan ng anak. Ayaw sana niya
itong malaman gaya ng habilin lagi ni Tatang Bagak.
“Nagsimula na ang saling-lahi.” Makahulugan ang mga binitiwang salita ng
kaniyang ina. Daan ng pagtataka at muli pang paagtatanong nito.
“Inay! Ano ang ibig n’yong sabihin? Anong saling-lahi ang sinasabi n’yo?”
pag-uusisa ng anak.
Sa kinauupuan nitong bangkito, yakap-yakap ng ina ang kaniyang mga paa.
Nakatukod ang baba nito sa kaniyang mga tuhod. Nanginginig na parang naroroon
pa rin siya sa tagpong pagsasalin ng lahi ni Tatang Bagak. Namamaga ang mga
pulang-pulang mga mata at halos namamaos na tinig ang muling pinakawalan ng ina
upang sariwain ang nakalipas.
4

“Kitang kita ko kung paano siya magpalit ng anyo, buntis ako noon sa unang
anak namin ng Itang mo. Halos masindak ako at mapasigaw sa mga nakita ko
nagdurugo, nanlaki ang mga braso niya. Ngunit pinigil ko ang aking damdamin dahil
alam ko maaaring ikapapahamak ko ang mga mangyayari kung may makakakita sa
akin. Nagdarasal nang Latino ang lolo mo noon, doon malapit sa kuweba ng dagat.
Punong-puno ng mga itim na kandila, mga nakasabit na bungo ng tao ang
bumubulaga sa yungib. Halos masuka ako sa amoy habang binabagtas ko ang
hangganan ng tinig na pilit kong hinahanap. Hanggang sa makita ko ang mga pira-
pirasong punit na aklat, mga papel, mga sunog na dahon sinundan ko ito. Nang
makita ko nakadipa ang iyong ama sa lupa habang sumisigaw ang lolo mo,
nagdarasal nang paulit-ulit na nanlilisik ang kaniyang mga mata nanlilimahid ng
langis ang buo niyang katawan duguan ang kaniyang bibig dalawang tao ang nakita
kong patay sa harap ng mga ito kinakain ng ama mo ang puso na maaaring kumitil
sa buhay ng dalawang babaeng hindi ko kilala. Nakahandusay, wakwak ang leeg at
dibdib ng mga ito. Sa labis na takot ko dumapa ako pinagmasdan ko ang ritwal na
kanilang ginagawa. May nakita akong maitim na butil na inilipat sa bibig ng itang mo.
Nagpalit ng anyo ang lolo mo sa isang dambuhala at nakakatakot na halimaw. Isang
halimaw!!! Naghiwalay ang katawan nito at nakita ko ang kumukulong tiyan na
humiwalay sa katawan nito. Pumagaspas nang mabilis ang mga kamay nito na hugis
pakpak. Kinausap siya ng lolo mo.
“Bagak isulat mo sa huling aklat ang pagsasalin ko sa iyo. Panahon na upang
ilantad sa kanila na totoo ang alamat na narito tayo sa mundo upang ihasik ang
minana pa nating lahi sa panahon nang una. Matagal na akong nagtatago at
nagtitimpi sa mga tao. Ang mga prayleng pumatay sa ating angkan ang siyang
unang-una kong sisingilin. Isusunod ko ang mga sundalong walang habas na
bumaril sa ina mo at pagsunog sa mga kapaitd mo. Ano man ang mangyari sa akin
sa gabing ito huwag mo akong susundan. Kapag nakabalik ako bago magliwanag
ibig sabihin buhay ako’t hindi titigil sa paghihiganti. Ikaw! manggagamot ka ngunit
ibibigay mo ang langis upang maamoy ko ito at maging hain. Wala kang kakayahan
upang ikalat ang nasimulan. Ngunit maaari mo akong bigyan ng pagkakataon upang
patuloy akong mabubuhay..anak!” Nanginginig at mabigat na tinig ang bumitaw sa
kaniyang dibdib na animo’y nilalamon ng buong kuweba upang ipabatid hanggang
sa labasan ng bukana na siya ay maghahasik ng lagim.
“Duguan ang bibig ng itang mo gayundin ang kaniyang mga kamay at buong
katawan iba… iba… iba ang kaniyang anyo. May sa demonyo! Nakasukbit sa
kaniyang leeg ang mga ngipin! Hugis ngipin ng tao! Hindi…ngipin ng hayop!
Hindi…hindi…hindi ko alam kung ano ang mga iyon ang pakiramdam ko sa mga
sandaling iyon ay nasa impyerno ako! Isang malagim na lugar na puno ng hinanakit
at paghihiganti.” Isang pagsisiwalat na matagal nang kinikimkim ng ina sa kaniyang
dibdib.
“Inay…hindi totoo, hindiii! May lahi tayo ng mga maligno?! Totoo ang mga
kumakalat na usapin sa kalapit bayan at sa mga karatig baryo natin kung gayon si
itang…si itang ang dahilan?!” Halos pasigaw na sabi nito sa kaniyang ina. Muli itong
nangusap at umaapuhap ng kasagutan sa ina.
5

“Bakit hindi ipinagtapat ng itang sa akin ang lahat? Bakit inililihim n’yo ito sa
akin inang?! Bakit?!” Nanginginig na tinig nito habang nagsisimula nang mangilid ng
luha ang kaniyang mga mata.
Subalit hindi sinagot ng ina ang tanong ng anak. Kundi’y ipinagpatuloy nito
ang pagsasalaysay.
“Nang makita kong may kung anong inaamoy sa kawalan ang lolo mo bumilis
ang pintig ng puso ko. Sa labis na kaba ko nadulas ang aking kamay sa
pagkakahawak ko sa bato, daan upang mapasigaw ako. Mabilis akong pinuntahan
ng lolo mo. Nakakatakot ang buo niyang anyo. Isang halimaw na may malalaking
pangil at mga matang pulang-pulang katulad ng dugo sa kaniyang bibig. Kabuwanan
ko noon, hindi ko alam ang pakiramdam ko, naghahalo ang takot at sakit ng hilab ng
tiyan ko hanggang sa mailuwal ko ang bata sa aking sinapupunan.
Duguan…dugo…dugo..umaagos sa aking paanan. Kinuha ng lolo mo ang sanggol
at sinipsip niyang mabilis ang pusod nito. Winakwak sa balikat ang bata upang
hugutin ang laman nito. Kitang kita ng ama mo ang mga pangyayari ngunit wala na
siyang magawa upang ipaliwanag na ako ang kaniyang kabiyak at apo nito ang
kaniyang pinatay.”
“Huwag! Ama siya ang aking kabiyak! Huwag!...” sigaw ni Tatang Bagak.
Ngunit wala nang buhay ang binitiwang sanggol ng halimaw. Iindahin sana
nito ng suntok ang ama ngunit mas malakas ang halimaw.
“Siya ba?! Pasalamat ka sapagkat dinugtungan ng sanggol na ito ang buhay
ko maaaring ipinahintulot ng pagkakataon upang lubusan ko pang maihasik at
maikalat ang ating lahi. Siya ba ang tao sa bayan na hindi mo maiwan iwan?!
Masdan mo at ako ang maglalahi sa angkan natin”. Mabilis na nagbago ng anyo ang
ama nito. Sa isang kisap-mata lamang na kanina’y halimaw ngayon ay isang taong
ganid sa laman upang muling bumuhay ng katulad niya sa sinapupunan ng kabiyak
ni Bagak.
“Huwag!!!...” malakas na tinig ang pumailanlang sa buong yungib na tanging
sila lamang ang saksing nakakakita sa malagim na hatak ng kadiliman.
“Ikaw..ikaw ang bunga ng pagkakalat ng angkan!” Sumisigaw na tinig ng
inang nito na halos nais nang kitlin ang buhay ng dalaga.
Paparating si Tatang Bagak noon na may dalang puso ng baboy damo upang
ipansalubong na hain sa kanilang hapunan. Nakita niya ang mga pananakal ng
kabiyak nito sa anak nilang si Ising.
“Felina…” tumatakbong sumugod sa kabiyak upang pigilan ito. Daan upang
makita ni Ising ang tunay na hitsura ng kaniyang Tatang na nakalakihan.
Nanlilisik ang mga mata, isang halimaw! Isang nilalang na ngayon lamang
niya nakita. Mahaba ang mga kuko nito gaya ng mga ngipin na nangangalit sa
kaniyang ina.
6

“Itang…huhuhu…kaya pala… kaya pala gayon na lamang ang pagmamalupit


sa akin ni inang. Hindi ikaw ang aking ama! Bakit?! Bakit?! Bakit mo inilihim ang
lahat! Bakit n’yo ipinagkait upang malaman ko ang lahat?!” Mabigat na tinig ang
bawat sumbat sa mga pangungusap ni s5ng.
“Ising, hindi pa panahon hindi pa ito ang tamang oras upang malaman mo
ang lahat.”pagsusumamong paliwanag ni Bagak.
“Nasaan ang hayop! Nasaan ang halimaw na bumuo sa aking pagkatao!
Sana hindi na ako isinilang! Sino siya? Saan ko siya makikita?! Hahanapin ko siya at
ako mismo ang pipigil sa pagkalat ng angkang pilit niyang binubuhay! Papatayin ko
siya!” May malakas na paninindigan nitong sabi. Punong-puno ng galit ang kaniyang
dibdib. Animo’y sasabog ang kaniyang damdamin sa labis na galit.
“Anak…ayaw kong humantong sa ganito ang lahat...” pagpapahinahon ni
Bagak.
Walang takot at alinlangang nag-alsa balutan ang anak. Pinigil ito ni Bagak
ngunit walang nagawa ang itinuturing niyang ama. Nagpakalayo-layo si Ising upang
hanapin ang kaniyang pagkatao.
Makalipas ang labinlimang taon, muling umuwi si Ising sa bayan ng Albay
upang ipakilala sa kaniyang pamilya ang minsan nang ibinaon na nito sa limot. Kung
gaano kabilis lumipas ang mga katotohanang kaniyang natuklasan gayundin kabilis
ang pagtanda ng kaniyang Inang si Felina.
“Inay! Ako ito si Ising…patawarin mo ako inang hindi madalali sa akin na
labanan ang dugong bumubuhay sa aking kalamnan. Sa tuwing nakakaramdam ako
ng uhaw hindi tubig ang nais ng aking laway daan upang matuklasan ko na hindi ako
normal.” Pagtatapat ng anak na may luhang pumapatak sa pisngi nito.
“Siya na ba ang iyong anak? Nasaan ang iyong asawa?” pag-uusisa ng ina sa
kaniya.
“Pinatay ko siya inang…” walang alinlangang pagtatapat ng isang anak.
“Hindi ko napigilan ang aking damdamin nang malaman kong may
kinakasama ito. Hindi ko alam kung bakit naging ganoon ang aking anyo…nakita ng
babae nito daan upang patayin ko silang dalawa ang lalong higit na kasalanan na
aking ginawa nang matikman ko ang dugo sa aking mga kamay sinipsip ko ito at
hinugot ko ang puso ng mga ito kinain ko inang… nakaramdam ako ng kakaibang
lakas at init ng katawan na nais kong matikman muli ngayon. Inang tulungan mo
ako.” Pagsusumamo ng anak sa kaniya.
“May alam akong pangontra upang mapaglabanan mo iyan anak…matagal na
kitang pinahahanap kay Bagak ngunit hindi ka niya matunton. Nag-aalala siya
sapagkat alam niyang mararamdaman mo ito at hindi mo mapipigilan ang hatak ng
kadiliman.” Wika ng ina.
7

“Nasaan si Tatang Bagak? Bakit hindi mo siya kasama inang?” Paghahanap


ni Ising.
“Pinatay siya ng mga taumbayan matapos niyang makita na sinusunog ang
lo..lo.. ang ama mo. Itinuring na wakwak ito. Labis labis at karumaldumal ang
pagpatay niya sa mga kababaihan noon. Mga bata, sanggol at magsasaka sa
palayan. Wakwak ang bahagi ng dibdib ng mga ito nakalabas ang bituka’t ibang
lamang loob. Naging madilim ang buhay dito sa Albay. Walang naninirahan sa bawat
kalapit-bahay. Nangagsilikas dahil sa kagagawan ng wakwak. Isang babaylan ang
naligaw sa bayan natin mahusay na ermitanyo ang taguri sa kaniya. Mga lamang-
lupa, tikbalang, kapre, duwende, at diwata ang sinasabing kaya niyang sinuhin.
Nang makaramdam nang kirot si Bagak sa kaniya itinigil nito ang panggagamot
sapagkat napansin nito na parang matutuklasan niya ang lihim ng itang mo. Minsan
nang nagawi ang ama ni Bagak noon humihingi ito ng langis at tanda ng mga taong
kaniyang pinahiran. Ngunit ipinagtapat ng iyong ama na itinigil na niya ang
panggagamot. Naalala ko ang sagutan nilang mag-ama. Labis akong nanghilakbot
akala ko’y mamatay na nang sandaling iyon si Bagak.
“Ano?! Hindi ito maaari! Mamatay ako Bagak! Gawin mo ang habilin…ito ang
sumpa sa iyong angkan kailangan mong tupdin!” malakas na tinig at halos lamunin
ng halimaw ang anak nito.
“Ngunit tanging panlaban ni Bagak ay ang mga nakasulat sa Latinong aklat
na siyang kaniyang binigkas upang mailayo ang galit sa nanganganib nitong buhay.
Ngunit nasambit ng ama nito na siya ang gagawa ng lahat at kapag naikalat ang lahi
nila, papatayin niya ito. Walang gabi na halos humihiyaw at humihingi ng tulong ang
mga tao sa bayan. Nagngalit ang dilim! Lumuluha ang gabi. Dumanak ang malagim
na himagsik ng kakaibang nilalang. Hanggang sa ang ermitanyo’y matunton ito sa
yungib. Nang mapatunayang isa siyang wakwak, ang tiktik sa bawat pawid ng mga
bahay, nilusob siya ng mga taumbayan. Kabilugan ng buwan noon nang siya ay
patayin.
“Mag-iingat kayo! Malakas ang puwersa niya baka mabali ang kawayang dala
n’yo!”sigaw ng ermitanyong nagdala sa kanila sa kalalagyan ng halimaw.
“Ahhhhhh….whak…..grrrrrrrrrr….whak…whak…ahhhhhhh!” sigaw at hiyaw ng
nanlalabang malignong minsan nang kumitil ng maraming buhay sa bayan. Sa labis
na kahinaan, wala na itong magawa nang siya ay hampasin ng ilang ulit na latigong
buntot ng pagi, sabuyan ng asin at mga dinikdik na bawang. Hanggang sa isabog na
sa kaniya ang gaas na madaling nagningas nang ito ay hagisan na ng apoy ng mga
nagngingit na taumbayan. Itinarak ang katawan nito sa isang malaking kawayang
pinagtulung-tulungan nang itayo upang sunugin na ng mga ito. Ang iyong ama. Galit
na galit ang mga tao sa kaniya subalit nangusap ang dugo sa laman upang sabihin
ng puso kay Bagak ang paghihiganti. Pinigilan ko siya ngunit wala akong magawa.
Ang hiyaw ng hangin sa kalayuan ang naghatid sa akin ng balita na patay na si
Bagak. Sinugod ako ng mga taumbayan sa pag-aakalang isa din akong sigbin at
tiktik ngunit ang pinsan kong si Linda ang nagsabi sa lahat upang matakasan ko ang
lagim na pinasok ko sa aking buhay. Naging mailap ang mga tao sa akin simula
noon halos naging madamot ang bawat silong ng kanilang tahanan sa tuwing ako ay
8

nagigipit at nangangailangan ng panawid gutom. Tanging mga halamang tanim


lamang ang bumuhay sa akin sa loob ng labinlimang taon.” Pagsisiwalat ng ina sa
kaniya.
“May aklat na itinago si Bagak bilang panlaban sa iyong nararamdaman. Hindi
ko alam kung paano ito gamitin. Tanging isang sigbin o wakwak ang makakagamit
ng aklat.” May panginginig na sabi ng ina kay Ising.
“Saan ko ito makikita inang…tulungan mo ako ayaw kong matuloy ito at
mabilang sa kanilang lahi…” mabilis na pagnanais na tugon sa ina.
“Sa lumang bahay na bato sa ilalim ng bahay na ipinagbabawal ng iyong
ama. Ngunit kailangan mong dumaan sa hagdan upang matunton ang ilalim ng silid
sapagkat nasa loob iyon ng aming kuwarto. Nakatalukob ito ng puting kurtina na
hindi mo mahahalatang pintuan. Lagusan ito ng malagim na seremonyas na siyang
ginagawa ng Tatang Bagak mo. Gaya mo, minsan nang iwinaksi nito ang lahing
nananalaytay sa kaniyang dugo. Ngunit may pusong taglay na kabutihan ang
nananalig kay Bagak mula sa alamat ni Agurang.” Muling sambit nito sa anak na
naghahanap ng lunas.
Walang sinayang na mga sandali si Ising upang alamin ang lunas at paraan.
Pagsapit nito sa bahay, muling sumariwa sa kaniya ang mga sandali nang mapulot
nito ang aklat sa harap ng pintuan ng kuwarto ng kaniyang kinikilalang mga
magulang. Maingat na pinasok nito ang silid at sinunod niya ang bawat detalyeng
sinabi ng ina upang matunton ang lihim na lagusan. Maingat nitong hinawakan ang
puting tela at bumulaga sa kaniya ang pintuang kahoy na labis sa kalumaan.
Habang binubuksan nito ang pintuan iginala muna niya ang kaniyang mga mata sa
likuran upang matiyak na siya lamang ang naroroon.
Isang pagtataka at pagkamangha ang nakita nito nang ang mga kandila’y
nagkalat at nakasindi. Nagtataka ito sapagkat alam niyang walang taong naroroon
kundi’y siya lamang. Alam niyang hindi ito pinupuntahan ng kaniyang ina sapagkat
ayaw niyang malaman ang lahat ng mga ritwal ng ama.
“Matagal na kitang hinihintay…” isang tinig ang kumawala sa buong silid.
“Sino ka?! Bakit ka naghihintay? Lumabas ka masamang espiritu!” may takot
at kabang sabi ni Ising.
Ngunit nanahimik ang silid… Animo’y binabalutan ng hiwaga ang bawat
susunod na mangyayari. Labis ang kaba nito gaya ng dilim sa kapaligiran walang
kalinawan ang pilit na paghahanap ng kalunasan. Maya-maya pa’y gumalaw ang
isang parihabang mesang nasa harapan nito. Umusok ito at nagliwanag. Ayaw
niyang buksan sapagkat labis ang nginig ng kaniyang katawan sa takot hanggang sa
makapa ng kaniyang kamay ang aklat habang papalayo ito at kumakapa ng
maaaring tanganan. Sa pagkagulat niya’y napasigaw ito. Nahulog ang aklat.
Pinagmasdan niya ang aklat. Makalipas ang ilang sandali’y kinuha niya ang aklat
mabilis nitong binasa ang unang pahina. “Oro ulum plata de es…es…pijo…” hindi
maituloy-tuloy ni Ising ang pagbasa sapagkat bumubuklat ang mesang isa pa lang
libingan ng masamang espiritu.
9

Nanginginig siyang humakbang upang alamin ang laman ng kahon sa


kaniyang harapan. Laking pagkagulat niya nang matuklasan nitong isang katawan
ng tao na halos walang buhay. Naglalaro sa kaniyang isipan kung sino ito. Ngunit
kahit anong alaala sa mga hitsura ng kaniyang mga kamag-anak ay wala itong
kamukha. Higit na nanghilakbot ang buo nitong kalamnan nang mapansin niyang
nakamulat ito at buhay na buhay ang kaniyang mga mata. Malakas na hangin ang
humampas sa kaniyang paanan upang mailapit ang aklat na kaniyang binabasa.
Mabilis na pumihit ang pahina animo’y nagsasabing ituloy nito ang pagbasa. Muli
siyang bumigkas sa letrang kaniyang inaapuhap. May salita sa aklat na sulat kamay
na ni Bagak.
“Ang pagkakataong mabuhay ka sa bibig ng ikatlong saling-lahi maililipat ang
tanikalang nagpilit igapos sa dilim ni Agurang. Walang makapipigil sa bagsik, sa
mahigpit at malupit na pangil, babaon sa alaala ng marami, dadanak ang higanti ng
pighati. Muli kang mabubuhay! Atas! Atas! A…tas ng bibig ng ikatlong saling-lahi.”
Panapos na bigkas ni Ising sa binabasang aklat.
Gumalaw ang mga kamay at paa ng patay upang sinuhin ang gumising at
gumamabala sa kaniya. Hindi ito nagsalita ngunit dinig na dinig ni Ising ang sinasabi
nito sa kaniyang isip.
“Wala ka nang magagawa kundi ituloy ang paglilingkod, ang bawat dilim na
iyong tatahakin ay magbibigay liwanag at buhay sa akin. Katulad ni Bagak na aking
pinakmamahal na tagasunod ihahasik mo ang lipi ng mga lamang-lupang pilit na
pinapatay sa gunita’t paligid ng mundo. Magsisimula ka ngayong gabi bilang sigbin
alam ko naganap na sa iyo ang matamis na tikim ng buhay. Naaamoy ko ang buhay
na dugo sa iyong kalamnan. Hindi mo na ito matatakasan. Kung lalabagin mo ang
lahat ng takda mamatay kang kasama ang iyong anak at ina. Kaya’t kailangan mong
maglingkod nang habang-buhay!” nanlilisik na mga matang halos nakalapat sa
kaniyang mukha.
“Hindi…hindi…ayoko ko!” sigaw nito. Akma na sana itong lalabas ng silid
ngunit lalo lamang siyang nagngalit. Unti-unti itong nagpapalit ng hugis hindi nito
namamalayang gumuguhit sa kaniyang katawan ang litid ng ugat upang
mapatunayang hindi siya tao kundi kaniyang kauri.
“Hindi mo mapipigilan ang lahi nasa dugo mo ito, tanging kamatayan lamang
mula sa mga tao ang makapipigil nito. Kung iyong sasadyain, mamatay ang iyong
ina at anak na hindi mo kauri. Ikaw ang huling tatak na siyang natitirang lipi. Halika
ipahid mo sa akin ang dugo ng iyong katawan upang sabay tayong
mamuhay…aaana2” panghihikayat ng may kalakihang tinig ng halimaw na nasa
harapan nito.
Ngunit hindi siya lumapit bagkus nanlaban sa laman nitong nais magpalit sa
anyong tao at anyong maligno. Mabilis na nakahawak sa aklat kinuha nito ang
kandila’t sinimulang sunugin ang aklat ngunit hindi nito nagawa sapagkat malakas
na hangin ang pumatay isa isa sa mga kandila. Wala siyang magawa kundi ang
manangis. Ngunit may sumilay na pag-asa sa kaniya sapagkat nalaman niyang hindi
10

na niya kauri ang kaniyang anak. Kaya’t kahit anong mangyari ipinangako niya sa
kaniyang sarili na hindi ito makikita ng kaniyang anak.
“Ha..ha..ha..sa oras na mabasa muli ang aklat na hindi natin kauri
mabubuhay akong walang hangga kaya’t iniiuutos ko sa iyo magdala ka ng hain
upang simulan ang ritwal ng pagkabuhay!” may kalakasang tinig nito na gumuhit sa
isip at puso ni Ising.
Sa labis na takot at sakit na nararamdaman nahilo ito. Daan ng pagkawala ng
kaniyang malay.
Kinabukasan, sa kaniyang pagkakahiga muli itong bumalikwas mabilis siyang
kumilos upang umalis ng bahay na bato. Pagsapit nito sa kanilang tahanan nakita
niya ang kaniyang anak. Niyakap niya ito ng mahigpit. Gayundin ang ina nitong
naghahain ng kanilang agahan.
“Saan ka nagpalipas ng gabi? Sa bahay ba?” usisa ng ina.
“Opo.” Matipid na sabi ni Ising
“Jepoy, kahit anong mangyari huwag na huwag kang pupunta sa bahay na
bato. May mga maligno doon. Paniwalaan mo ako anak ha!” paniniguro ni Ising.
“Anong itinatanim mo sa isip ni Jeffrey? Bata pa siya sa ganyan at baka
lumaking matatakutin yan!” sabad naman ng matandang susubo na sa kanilang
hapag.
“Inay ako ang huling lahi. Ang sinomang makabasa ng aklat mabubuhay nang
walang hanggan ang kampon ng kadiliman.” May panginginig at takot na sabi nito.
“Anong nangyayari sa iyo Ising? Anong sinasabi mo? Hindi ka ganyan
mangusap kahapon? Huwag mong sabihing katulad ka ng iyong amang alipin ng
kadiliman?” pangangambang tugon nito sa anak.
“Hayaan n’yo akong tapusin ang lahi inay ayaw ko kayong madamay ni Jepoy
kaya’t hanggat maaari huwag ninyo siyang palalapitin sa bahay na bato.” Muling
habilin ni Ising.
“Aray!..” saka salo sa ulo nitong parang may kung anong sumasakal sa isipan
nito. Nararamdaman niyang muli ang pag-iinit ng kaniyang katawan at uhaw sa
pumupintig nitong ngalangala. Muling nangusap sa kaniyang mga tenga ang tinig na
ayaw niyang marinig muli.
“Ising…ang hain, pagkagat ng dilim hindi mo mapipigilan ang iyong
nararamdaman at dadalhin ka sa akin ng iyong katawan”. Mahinang tinig na tanging
siya lamang ang nakakarinig.
“Ising…Ising…anong nangyayari sa iyo? Anak!...” pag-aalalang salo ng ina sa
may ulo nito habang nakahandusay ang katawan ng anak.
11

Umiiyak si Jepoy, natatakot siya sa kalagayan ng ina. Ipinaliwanag ng lahat


ng matanda sa apo na sinumpong lamang ng sakit ang ina nito kahit sa
pagsisinungaling man ay maibsan ang takot ng bata sa kaniyang ina.
Muling nahimasmasan si Ising. Tumayo ito at nagpaalam sa ina na
pupuntahan ang yungib na kinatatakutan ng lahat. Ang yungib na halos isinumpa ng
mga taong ibinaon sa limot, ang lahat ng madilim na kasaysayan nito.
Sa kaniyang paglalakad, hindi mapigilan ni Ising ang magpalit ng anyo.
Kabilugan ng buwan noon kaya’t mabilis itong nakapagpalit ng hitsura daan upang
mabuhay sa kaniyang pumipintig na puso ang naising pumatay. Isang babaeng
pauwi ang kaniyang bitag.
“Uh!...sino yan?” sigaw ng babaeng kaniyang inaaligiran. Di alam ang
panganib sa pangil ni Ising.
Humakbang ito ng mabilis hanggang sa magtatakbo na ito, ngunit mabilis ang
mga namumulang mata ni Ising. Kung gaano kabilis ang hangin siya man din ang
bilis nito sa harapan ng babae.
Bumulaga sa babae ang hitsura ni Ising isang malignong anyong aso na
nagngangalit sa galit. Winakwak nito ang leeg ng dalaga saka niya hinila patungong
bahay na bato. Pagsapit nito sa tahanan, kitang kita niya ang mga matang walang
kurap sa kaniyang pagdating.
“Ha..ha..ha..katulad ka ni Bagak na hindi mahirap kausap. Ang lahi ng
kadiliman ay malapit nang mangibabaw muli…” salubong na wika kay Ising.
Halos gabi-gabi, walang tigil ito sa pagkitil ng buhay upang ihain ang dugong
siyang bumubuhay sa madilim na hangarin. Natanggap unti-unti ni Ising ang
kaniyang kapalaran.
Umungol sa kadiliman ang malagim na hasik ni Ising. Mula sa bayan ng Albay
nagpalipat-lipat ito ng bayan. Sa buong kabisayaan ay nilumod nito ng takot,
pangamba at agam-agam. Binuhay nito ang alamat ng aswang. Sa iba’t ibang lahing
kaniyang pinagmulan siya ang nakapanatili nang matagal. Nilisan niya ang kaniyang
bayan upang maiiwas sa panganib ang kaniyang anak at ina. Nagpalit-palit ito ng
anyo. Isang aso, baboy o isang napakalaking paniki.
Hindi na siya nagbalik sa bahay na bato. Nagmistulang hunted house ang
minsan nang nilulan ng kababalaghan sanhi ng gawa ng kadiliman. Sa tuwing
madadaanan ito ng mga tao papuntang kagubatan hindi nawawaglit sa isipan nila
ang isang matandang lalaking minsan ay naging babaylan sa kanilang nayon ngunit
biglang naglaho na inakala ng marami isa siya sa pinatay ng wakwak na sinunog ng
mga taumbayan noon.
Namuhay siya nang kakaiba. Pinabayaan niya ang kaniyang katawan.
Namumulot ito ng mga basura’t kalakal at sa tuwing kabilugan ng buwan pigilin man
ito ng kaniyang budhi ang lagim ay di niya matatakasan.
12

Ang kapaguran ay sumapit na sa kaniyang mga paa. Ang pagtakas sa puso


ng nais kumitil ng buhay ay nais na niyang tuldukan. Minsan dumalaw ito sa kanilang
bayan upang kumustahin ang kaniyang anak. Ang tanging inspirasyon nito upang
ipagpatuloy ang kaniyang buhay.
“Jepoy…anak ko…” saka akmang lalapit sana at yayakap sa anak.
Ngunit mailap ang anak sa kaniya. Kung gaano kasabik sa pagmamahal ay
gayundin kaigting na iwas ng anak. Natatakot ito. Marahil sa kaniyang kalagayan.
Mahaba ang mga nangingitim na kuko. Marungis na itsura. Amoy na malansa.
Mahabang buhok na nagkadikit-dikit. Gulagulanit ang damit. Nagngingilid ang dumi
sa katawan nito.
“Anak…anong nangyari sa iyo?” umiiyak na naaawang sabi ng ina nito.
“Lola…siya po ba si inay?” usisang sabi ni Jepoy.
“Oo apo, subalit kailangan natin siyang intindihin kailangan niya tayo.”
Malungkot na tugon ng lola.
“Ayaw ko kayong madamay Inay. Laganap na sa bayan ang lagim na inihasik
ko upang manggapas ng mga inosenteng tao. Ayaw ko ito! Alam mo ito inay!
Lumayo ako akala ko’y matatakasan ko ito” mahinang boses na halos namamaos na
tinig.
“Itigil mo ang iyong sinasabi, halika maligo ka magpalit ka ng iyong damit
upang makasama mo ang iyong anak. Natatakot siya sa ganyan mong ayos.” Muling
pagyaya ng ina nito sa kaniya. Naaawa ang ina nito ngunit wala siyang magawa.
Pagkatapos makapaglinis ng katawan. Dali-dali nitong hinalikan ang anak at
niyakap.
“Anak hindi na ako aalis, mananatili na ako sa iyong tabi ano man ang
mangyari…” umiiyak na sambit nito sa anak.
“Saan po kayo nagpunta inay? Bakit ang tagal po ninyong bumalik?” isang
tanong ng paslit na mahirap masagot ni Ising.
“Marami akong bagay na tinatakasan anak…at marahil sa aking paglayo hindi
ko malulusutan ang mga itinakda ng pagkakataon. Mabuti na lamang at hindi ka
kauri ko.” Nasambit ni Ising na labis ang ligaya sa piling ng anak.
“Bakit po inay? May kasalanan po ba kayo? Sino ang tinatakasan mo?”
muling pag-uusisa ni Rina.
“Kumusta pala kayo ng lola mo noong wala ako?” pag-iiwas na tanong ni Ising
sa anak.
“Lagi lang po si lola sa bakuran nagtatanim, inaalagan ang mga halaman.
Hindi na rin po ako pumasok ng eskuwelahan sapagkat inaasar po ako ng mga
kaklase ko anak sa labas daw po ako. Putok sa buho, putok sa buho iyon po ang
13

tawag sa akin. Umiiyak po ako kasi hindi po ako naniniwalang wala akong ama.”
Malungkot na sabi ng anak.
“Anak, hindi ka putok sa buho may ama ka subalit maaaga siyang namatay.
May may may sakit siya noon. Kanser sa dugo…leukemia…iyon ang sakit niya.”
Pagsisinungaling nito sa anak.
“Ang nakikita lang po kasi nila si lola, hindi po nila alam na buhay ka pa. Ang
akala po nila wala akong mga magulang.” Tugon muli ng anak.
“Hayaan mo sila anak, ang mahalaga hindi totoo ang mga sinasabi nila.
Ahm…nagpupunta ba ang lola sa bahay na bato?” usisa ni Ising sa anak. Marahil ay
naghahanap ito ng balita sa kaluluwang iniwan nito.
“Uhm..nakakatakot daw po sabi ni lola kaya kahit nasa may pintuan na kami
ng harap ng bahay hindi po naming magawang buksan.” Pagtatapat ng anak nito.
“ Ano? Nagpunta kayo ni inay? Huwag kang pupuntang mag-isa doon totoo
ang tsismis at bulung-bulungan ng mga tao sa atin may maligno sa bahay na iyon.
Ipangako mo huwag kang aapak sa bahay na iyon.” Pangungumbinsing sabi ng ina.
“Opo inay, sadya kasing nakakatakot ang itsura ng bahay. Pero inay may
nakita ako sa may likuran ng bahay umiilaw may nakatira po ba doon?” muling
pagtatanong ng anak.
“Ha?! Wala walang nakatira roon baka ang napansin mo ay isang tela lamang
na naaninagan ng araw.” Paliwanag ng ina. Kinabahan ito, alam niya kung ano ang
sinasabi ng anak.
Nagpatuloy ang buhay ni Ising na lumalapa at naghahasik ng lagim sa kuko
ng dilim. Daan upang magtaka, mangamba at magtanong ang kaniyang anak sa
misteryo ng kaniyang ina.
Kinagabihan nagpaalam muli ito sa ina matapos makakain ang lahat.
“Inay, kailangang mabura ang bahay, naroron ang susi at ugat ng kasamaan
ayaw kong mabuhay muli ang matagal nang pumatay sa aking angkan. Ako ang
huling lipi at ako rin ang kikitil sa malagim na tadhana. Ano man ang mangyari inay,
huwag po…huwag po ninyong pababayaan si 1e*6y .” Malungkot at umiiyak na
pamamaalam nito sa ina.
Inihakbang siya ng kaniyang mga paa upang sunugin ang bahay at burahin
ang ala-alang maaaring manumbalik sa kanilang angkan. Matigas ang kaniyang
damdamin, buo sa kaniyang desisyon ang kaniyang mga gagawin. Naniniwala
siyang ang ugat ng alamat ay maaaring mamatay at mananatili na lamang itong
isang kuwento.
Sinimulan niyang sabuyan ng gaas ang buong kapaligiran ng bahay. Ikiniskis
niya ng tatalong beses ang posporong kaniyang tangan ngunit namamatay ito. Muli
niya itong sisindihan ngunit biglang bumuklat ang pintun ng bahay at nakita niya ang
bangkay na kaniyang binuhay sa aklat. Nanlilisk ang mga matang nakatingin sa
14

kaniya. May kung anong puwersang humahatak sa kaniyang kalamnan upang ilabas
ang tunay nitong anyo. Nagkabitak-bitak ang kaniyang kalamnan. Tumilamsik ang
dugong nagbuhat sa kaniyang mga ugat. Nagsimulang humaba ang kaniyang mga
kuko’t ngipin. Lumaki ang kaniyang bibig na animo’y dadakma ng biktima. Umungol
ito ng labis. Napakalakas na ungol na nagbigay ng pangamba sa puso ng ina nito.
Nanlalaban siya ngunit higit na malakas ang puwersa ng kadiliman.
“Nagbalik ka! Ngunit hindi upang sumunod. Balak mong wakasan ang lahi?!
Hindi mo magagawa iyan.” Wika ng isang tinig na lumalabas sa kawalan.
Umiiyak ito, ayaw na niyang pumatay kaya’t habang hindi pa niya
nararamdaman ang init sa loob ng kaniyang sikmura’t laway mabilis nitong kinuha
ang kawayang malapit sa kaniyang paanan itinarak nito sa kaniyang leeg.
Isa…dalawa…tatlo…apat…hindi siya nakuntento hanggat may nararamdamn pa
itong buhay hinanap niya ang posporo kahit pasuraysuray na ito ay ikiniskis niya
malapit sa gallon ng gaas na kaniyang dala-dala. Nagsimula siyang magliyab at
umungol muli ng napakalakas.
“Sa wakas…wala nang liping magkakalat ng lihim. Maibabaon ito sa
limot…ng mara…ming tao…” ang huling salitang kaniyang mga nasambit.
Kinabukasan, pinagpiyestahan ng mga tao ang kakaibang nilalang na ngayon
lamang nila nakita. Mga butong may doble ng laki sa tao at ulong parihaba na halos
katulad ng sa aso. Dali-daling nagtungo ang lola ni Jepoy sa harap ng bahay na bato
napaurong ito, sumariwa muli ang anyo ng kaniyang kabiyak na si Bagak. Saka na
ito mabilis na lumayo pabalik sa kanila. Napansin ni Linda ang mga kilos ni Felina
daan upang ito ay kaniyang sundan at hindi niya ito tinantanan ng tanong.
“Felina, sino ang bangkay? Sino siya?...Huwag mong sabihing siya
si…siya…siya si…Ising?” pagtatakang wika n5 Linda.
“Uh..hu..hu..hu..hu.. Linda ssiya nga…hu..hu..hu” sunod-sunod na hibik ni
Felina.
“Patawarin ng panginoon ko huwag mong sabihing si Jepoy ay isa rin sa
kanila?” may pangambang wika ni Linda.
“Hindi..hindi..hindi siya katulad, si Ising ang huling lipi ng aswang sa yungib.
Kaya’t nagpasya siyang tapusin ang tadhana at itakda ng kamatayan ang kaniyang
buhay.” Humahagulgol na wika nito.
Pagkatapos ng mga pangyayaring ito kumalat hanggang sa media ang mga
nakuhang labi ni Ising. Naging usap-usapan at laman ng pahayagan at telebisyon na
ang kabisayaan ay pinamamahayan ng aswang.
Si Jepoy ay walang kaalam-alam sa mga nangyari. Hanggang sa sapitin nito
ang edad na labintatlo na puno ng katanungan sa pagkatao ng ina na patuloy niyang
hinahanap sa kaniyang lola. Minsan naisipan nitong puntahan ang bahay na bato
upang maglakas-loob na baka naroroon ang sagot sa misteryo ng kaniyang ina.
Natatandaan nitong mahigpit na ipinagbabawal di lang ng kaniyang lola maging ang
15

ina nito simula nang siya ay makasama. Isang umaga habang abala si lola Felina sa
paglalako ng mga gulay naisipan nitong pumunta sa bahay na bato upang simulang
hanapin ang sagot sa matagal na niyang hinahanap.
Bago ito nagtungo sa bahay na bato sinikap muna niyang magawa lahat ng
mga inihabilin ng lola sa kaniya upang hindi ito mapagalitan. Pagkatapos ng mga
takdang gawain madali siyang bumababa ng bahay upang hanapin ang kasagutan
na bumabalot sa kaniyang isipan. Animo’y hatak ng laman upang makilala ang
angkan.
Pagsapit nito sa bakuran ng bahay. Napansin niyang muli ang isang liwanag
na nakita na niya noon nang kasama ang lola nito. May kung anong nagsasabi sa
kaniyang mga tainga na buksan nito ang pintuan at tumuloy ito.
Eiiit…mahinang alit-it ng pinto nang sapilitang buksan ito ng batang si Jepoy.
Animo’y magnanakaw sa gitna ng sikat ng araw sa katanghaliang-tapat. Ayon sa
alamat sa isang maliit na aklat nakatago ang tunay na katauhan at kinaroroonan ng
mga kinatatakutang kasabihan ng buong bayan sa Albay. Gusto niya itong mabasa
mula sa angkan na kaniyang pinag-uugtan. Nangangatog ang kaniyang mga tuhod
habang inihahakbang nang bahagya sa halos maagiw at maruming silid ng isang
antigong bahay na bato. Kahit labis na takot ang nararamdaman nito nagpatuloy siya
sa paghakbang. Habang papalapit ito sa isa pang silid bumabalikwas ang alaala nito
sa mga paalala ng kaniyang lola. Ngunit narito na siya alam niyang wala na siyang
magagawa kundi suungin na.
Muli niyang iginala ang kaniyang mga mata sa buong kabahayan. Nagtataka,
naghahanap, nanlalamig ang buo nitong kalamnan sa maaaring matuklasan. Kung
gaano kainit ang kapaligiran gayon naman kalamig ang kaniyang mga kamay. Sa di
kalayuan, hinatak ang kaniyang mga paa sa gawing hilaga ng kabahayan. Habang
umaakyat ito sa hagdan bumubulaga sa kaniya ang mga naglalakihang larawan ng
kaniyang pinag-ugatan. Nilibot niya ang buong kabahayan at ang silid ng kaniyang
ina ang una nitong pinasok.
Pagkabukas ng pintuan napansin niya agad ang mga kandilang itim na
nakalulon sa may ilalim ng unan ng kama. Binuksan nito ang bintana sa tabi ng
kama at nakita niya ang mga lumang damit na nagkalat sa lupa. Puno ng putik. Ang
pinagtataka nito ay may mga pinagbakasan ng dugo. Muli niyang iginala ang tingin
sa silid napansin nito ang salamin sa lamesitas. Ang suklay at maliit na notbuk.
Sinimulan niyang buksan ang bawat pahina nito. Natuklasan niyang diary ito ng
kaniyang ina.

Dear Diary,

Araw ngayon ng panggagamot ni tatang Bagak. Ito


ang araw na hindi ko makakalimutan isinama niya ako at nakita ko
kung paano siya manggamot subalit napansin ko ang kaniyang mga
mata nanlisik ito. Pagkatapos ay lumabas ang dila niya na
napakahaba subalit mabilis din itong nawala…natakot ako
pakiramdam ko hindi siya ang tatang ko. Bukas magtatanong ako
16

kay inay sa mga nakita ko baka may alam siya. Magpapahinga na


ako at napagod ako sa paglalakad kanina. Bukas ulit!

Ising…maganda 
Nanghilakbot ito sa nabasa daan upang iwan ang silid ng ina. Sa may katapat
na silid, napansin nito ang puting tela na ngayon ay kulay abo dahil sa kalumaan.
Nakita niya ang nakabukas na pinto. Itinabi ang telang nakaharang saka niya
binuksan ito.
Kung paano nakita ni Ising ang hitsura gayundin ang pagtataka ni 1e*6y. Sa
mga kandila at parihabang lamesa na napapagitnaan ng mga kandila. Muli niyang
iginala ang kaniyang mga mata. Bumubulaga sa kaniya ang mga antigong gamit.
Maalikabok na mga kasangkapan mga botelyang walang laman ngunit nanlilimahid
sa langis. Nakita niya ang mga aklat na patong patong tanging ang aklat na nasa
sahig ang umagaw ng kaniyang pansin.
“ Ano ito?...” pagtatanong niya.
Isang malamig na hangin ang dumaan sa kaniyang paanan. Umihip ang
hangin palabas. Sumipol ang hanging nanggaling sa mesa. Umupo ito upang
simulang basahin ang aklat na pinulot nito.
“Oro ulum plata de es…es…pijo…” hindi maituloy-tuloy ni Jepoy ang pagbasa
sapagkat bumubuklat ang mesang isa pa lang libingan ng masamang espiritu.
Hindi nito inaasahan ang isang trahedyang hindi na niya mababawi. Ang
lihim sa kadiliman ay muling magliliwanag nang walang hanggan upang masagot
ang agam-agam sa mga katanungang dapat ay hindi na hinanapan pa ng
kasagutan. Nanatili na lamang sanang lihim kay Jepoy.

You might also like