You are on page 1of 9

PAGSIBOL

Mga Karakter:
Anthony Tropa
Ma’am Anne Guro
Mercedes

Si Anthony ay isang binata na nag-iisang anak ni Mercedes. Dahil sa mga pangyayari sa


kaniyang buhay, napili niyang tahakin ang pamumuhay na puno ng galit at pait. Ngunit hindi
kalaunan ay may darating na tao na gagabay sa kaniya upang bumalik sa tamang landas.

SCENE 1: SA BAHAY NI ANTHONY


MERCEDES: Anton, anak! Gising na at male-late ka nanaman sa klase mo.
ANTHONY: (Di pinansin ang tawag ng ina. Itinakip ang unan sa mukha at patuloy na
natulog.)
MERCEDES: (Kumatok sa pinto) Anak! Gising na!
ANTHONY: (Naiirita) Ano ba, Ma! Natutulog yung tao!
MERCEDES: May pasok ka ngayon diba? Kaya gumising ka na jan!
ANTHONY: (Naiinis at padabog na gumising at binuksan ang pintuan) Ugh! Ayan na!
Nakabangon na ako! Masaya ka na? (Sabay walk-out sa ina)
ANTHONY: Buwisit na buhay to. Lahat na lang ng galaw ko binabantayan. Gusto ko nang
umalis sa pamamahay na ‘to!
Mabilis na naligo at nagbihis si Anthony ng kaniyang uniporme. Kahit gusot gusot ang damit ay
wala siyang pakialam. Dumiretso siya sa sala upang kunin ang kaniyang bag. Naabutan niya
ang kaniyang ina na gumagawa ng almusal.
MERCEDES: Nak, aalis ka na? Halika, sabayan mo na ako mag-almusal ka muna bago ka
pumasok.
ANTHONY: Ano ba pagkain jan? (Sinilip ang nakahain sa lamesa) Itlog nanaman? Wag na ho.
Nakakawalang gana kumain eh. Alis na ako. (Sabay kuha ng bag at lumabas sa pintuan.
Kumuha siya ng isang stick ng sigarilyo at sinindihan ito pagkalabas ng bahay)
MERCEDES: Anthony! Bumalik ka nga dito! Anthony!
Hindi pinansin ni Anthony at minasdan na lang ni Mercedes ang pag-alis ng anak. Nanlumo si
Mercedes sapagkat hindi naman ganito noon ang kaniyang anak na si Anthony. Simula nang
mawala ang kaniyang ama ay tila napariwara ang landas niya sa buhay.
MERCEDES: Diyos ko. Ano kaya ang gagawin ko sa batang ito. Hindi naman siya ganito dati.
Sana bumalik na ang dating Anthony na kilala ko.
Mag-isang kumain si Mercedes sa hapagkainan.

SCENE 2: SA PAARALAN
Kahit na late nanaman pumasok si Anthony ay hindi siya dumiretso sa kanilang classroom.
Naglakad-lakad siya sa hallway na tila isang superbisor at walang pakialam sa paligid. May
nakakita sa kaniyang isang guro na sumaway sa kaniya.
GURO: Mr. Anthony Dela Cruz! Anong ginagawa mo dito sa hallway? Dapat ay nasa classroom
ka na ngayon!
ANTHONY: (Di pinansin ang guro habang sumisipol-sipol)
GURO: Mr. Anthony! Aba napaka-walang modo ng batang ito! Dela Cruz! (Hinabol si Anthony
at hinila sa kwelyo ng uniporme)
ANTHONY: Ano ba?! Bakit ba kayo nangingialam? Bitiwan niyo nga ako!
GURO: You have no respect to your teachers! Ang mga estudyanteng katulad mo ang mga salot
sa lipunan! Go to the detention this instant! Kung ayaw mong ipatalsik ka naming sa paaralan na
ito!
ANTHONY: (Inalis ang hawak ng guro sa kaniyang kwelyo sabay alis habang masama ang
tingin sa guro)
Nakasalubong niya ang isa sa kaniyang mga tropa.
TROPA: O, Anton! Ka aga-aga ay busangot ka nanaman! San punta mo?
ANTHONY: Malas. Nahuli ako ni gurang kanina na naglalakad-lakad sa hallway,
napagdiskitahan nanaman akong ipadala sa detention. Bwiset!
TROPA: Chillax, bro! ‘Hayaan mo na yun si gurang. Mag-cutting nalang tayo. May bagong
skin daw sa COD ngayon, bro! Punta tayo comshop.
ANTHONY: Tara!
Imbes na pumasok sa kanilang klase, pumunta sa computer shop ang dalawa at nag-cutting
classes.
SCENE 3: SA BAHAY NI ANTHONY
Habang nagse-cellphone si Anthony ay tinawag siya ng kaniyang ina na si Mercedes. Hindi nito
alam na tinawagan ang nanay niya ng principal ng kanilang paaralan dahil sa kaniyang pagcu-
cut classes at asal noong nakaraang araw.
MERCEDES: Anton! Anton!
ANTHONY: Ano? Naglalaro ako!
MERCEDES: Pumunta ka dito, ngayon din!
ANTHONY: Bwisit! Patay tuloy ako! Ano ba kase ‘yon?!
Pumunta si Anthony sa kanilang sala at naabutan ang ina na seryoso ang mukha.
ANTHONY: Ano? Magtititigan na lang ba tayo dito?
MERCEDES: Anak, tumawag sa akin ang principal ng school niyo at nabalitaan ko na sinigaw-
sigawan mo raw yung isang guro doon?
ANTHONY: (Naglalaro pa rin siya sa cellphone habang kinakausap ang ina) Ah, si gurang.
Wala ‘yon. Masyado kasi siyang pakialamero.
MERCEDES: At lagi ka rin daw nagcu-cutting classes kasama ang mga tropa mo. Ni isa sa mga
subjects mo ay wala ka man lang attendance. Sa puntong ito ay malapit ka na nilang i-expel!
Nakailang lipat ka na ng paaralan, Anthony! Ano ka ba naman? Kailan ka ba magtitino? Baki t
nagkakaganito ka? Ano nang nangyayari sa’yo? ‘Di ka naman ganito dati ah. Di ko na alam ang
gagawin ko sa’yo! Sana nandito ang tatay mo para pagsabihan ka!
ANTHONY: (Galit na binitawan ni Anthony ang cellphone) Wala kang pakialam sa buhay ko!
Kung i-expel ako nila edi i-expel nila. Wala akong pakialam at siguro mas makakabuti na rin
iyon! At huwag na huwag mong mabanggit banggit si Tatay dito. Baka nakakalimutan mo na
ikaw ang dahilan ng pagkamatay niya.
Umalis si Anthony ng galit na galit habang ang kaniyang ina ay napaiyak na lamang. Simula
nang mamatay ang kaniyang ama ay labis na nagbago si Anthony at sinisisi niya si Mercedes sa
pangyayari.
Pumunta si Anthony sa puntod ng kaniyang ama at doon siya nagpalipas ng galit.

SCENE 4: PAGBABALIK TANAW


Lumaki noon sa isang masayang pamilya si Anthony. Ngunit isang araw, sa hindi malaman na
rason ay bigla na lang umalis si Mercedes at iniwan sila ng kaniyang ama. Dahil sa pangyayari,
halos araw araw na nagpapakalasing ang kaniyang ama at di kalaunan ay namatay dulot ng
sakit sa atay. Nang malaman ni Mercedes ang pagkawala ng kaniyang asawa ay bumalik siya at
inalagaan ulit si Anthony. Kaya naman hanggang ngayon ay labis na poot ang nararamdaman
ni Anthony sa kaniyang ina at iyon din ang dahilan ng kaniyang pagrerebelde.

SCENE 5: SA PAARALAN
Balak nanaman sana ni Anthony mag-cut classes noong araw na iyon. Nasa tagong parte siya ng
kanilang campus kung saan siya naninigarilyo. Nagulat siya nang may marinig siyang kaluskos.
ANTHONY: (Bigla niyang itinapon ang hawak-hawak niyang sigarilyo) Sinong nandiyan?
Dahan-dahan na naglalakad si Anthony upang hanapin ang narinig niyang kaluskos.

Nakita niya ang isang babae na nakasandal sa pader at nagbabasa ng libro. Isang guro pala ito.
ANTHONY: Sino ka? Bakit ka nandito?
MA’AM ANNE: (Binaba ang libro na kaniyang binabasa) Diba ikaw dapat ang tatanungin ko
niyan? Anong ginagawa mo ng isang estudyante sa tagong lugar sa oras ng klase?
ANTHONY: Ano bang pakialam mo? Guro ka lang naman dito ah. At diba mas nakapagtataka
na isipin kung anong ginagawa ng isang guro dito?
MA’AM ANNE: Sige. Gawin mo ang gusto mong gawin, iho. Hindi kita pinakikialaman. May
malalim na rason ka naman siguro kung bakit ka nandito. Sapagkat dito lang naman ako
pumupunta kapag gusto ko magpahangin para makapag-isip isip. O siya. Mauna na ako sa’yo.
May tuturuan pa ako sa next period.
Hindi na nakapagsalita pa si Anthony dahil bigla nang umalis si Ma’am Anne. Ito ang unang
beses na hindi siya pinapunta sa principal’s office o detention. Labis ang pagtataka ni Anthony
sa pangyayari. Tila nakalimutan na niya ang kaniyang plano dahil imbes na magcutting ay
bumalik siya sa kaniyang silid-aralan.

SCENE 6: SA PAARALAN
Noong mga sumunod na araw ay patuloy siyang pumupunta sa tagong parte ng paaralan para
magcutting. Ngunit ang tadhana nga naman, pinagtagpo ulit sila ni Ma’am Anne. Katulad nung
una nilang pagtatagpo, naabutan niya si Ma’am Anne na nagbabasa ng libro.
ANTHONY: Masyado na bang marami ang pinagdaanan mo sa buhay at nandito ka nanaman?
MA’AM ANNE: O, ikaw pala! Nagkita nanaman tayo, iho. Kung pinagdadaanan lang naman ay
napakarami ko nang napagdaanan. Mukhang ikaw may pinagdadaanan at lagi kang nakatambay
rito at nagcu-cutting.
ANTHONY: Hindi mo na iyon problema.
MA’AM ANNE: (Napatawa na lang si Ma’am Anne dahil sa kasungitan ni Anthony) Masyado
ka namang masungit. Mabuti ay magpakilala na lang tayo sa isa’t isa. Mukhang magiging
madalas ang pagkikita natin dito, eh. Ako nga pala si Ma’am Anne. Ikaw, anong pangalan mo?
Hindi sumagot si Anthony sa takot na baka ipatawag siya sa detention.
MA’AM ANNE: Huwag kang mag-alala, iho. Hindi naman kita isusumbong sa principal’s
office.
ANTHONY: At paano naman ako makakasigurado na hindi mo nga iyon gagawin?
MA’AM ANNE: Dahil alam kong may rason ang pangyayaring ito. At kailanma’y wala akong
hindi tinupad na pangako. Magtiwala ka lang.
ANTHONY: (Makalipas ang ilang segundong pagde-desisyon kung magpakilala siya o hindi ay
nagsalita na siya) Ako si Anthony.
MA’AM ANNE: Nice to meet you, Anthony. Sana sa mga susunod nating pagtatagpo ay
mayroon kang matutunan sa akin. (Tumingin sa relo) O siya! Mukhang male-late na ako sa
susunod na period. Mauna na ako saiyo, Anthony.
Pinagmasdan lang ni Anthony si Ma’am Anne habang nagmamadali itong lumakad pabalik sa
kaniyang classroom. Mga ilang minuto muna bago naisipan niyang umalis ngunit sakto rin na
dumating ang tropa niya sa pagcutting classes.
TROPA: Bro! Andito ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap sa hallway ah. Akala ko pumasok
ka na sa klase.
ANTHONY: Oo. Kanina pa nga akong nandito, eh. Bro, may kilala ka bang teacher na Anne
ang pangalan?
TROPA: Hmm. Wala naman. Di ko nga kilala adviser naten, yan pa kaya. Bakit mo natanong,
bro? Siya ba nagpatawag sa’yo sa detention?
ANTHONY: Hindi naman.
TROPA: Hayaan mo na yun! Tara comshop na tayo?
ANTHONY: Sige, tara.
Hindi maipaliwanag ni Anthony ang kaniyang nararamdaman ngunit tila magaan ang kaniyang
loob sa guro na iyon. Ngunit hindi nito napigilan ang patuloy niyang pagcu-cutting classes at
sumama pa rin siya sa kaniyang tropa.

SCENE 7: MGA SANDALI NA KASAMA SI MA’AM ANNE


Naging madalas ang pagtatagpo ni Ma’am Anne at ni Anthony sa tagong lugar ng kanilang
paaralan. Napagtanto ni Anthony na isa palang mabait na tao si Ma’am Anne at tinupad nga
nito ang kaniyang pangako na hindi siya magsusumbong. Palagi ni Anthony naabutan ang guro
na nagbabasa ng libro kapag break time nito at di kalaunan, kahit na hindi man aminin ni
Anthony, ay nagi na silang magkaibigan. Napakagaan ng kaniyang kalooban sa guro at kaya
niyang makipag-usap dito sa kahit anumang bagay.
ANTHONY: Ma’am Anne?
MA’AM ANNE: Ano yun, Anthony?
ANTHONY: Tanong ko lang? Bakit hinahayaan mo lang ako na hindi pumasok sa klase? ‘Di ba
dapat ikaw ang pumipilit sa akin na pumasok?
MA’AM ANNE: Alam mo, nakikita ko ang sarili ko sa iyo. Kung hindi mo naitatanong, nagawa
ko na ring magbulakbol noong ako nasa high school ako. Hindi ako pumapasok at nagrebelde
ako. Pero sa huli, napagtanto ko na wala naman akong makukuha doon at sinasayang ko lang ang
oras ko sa pagiging galit. Kailanman ay hindi natin mapipilit magbago ang isang tao na ayaw
magbago. Hindi kita pinipilit dahil ikaw lang ang makakapagdesisyon kung ano ang gusto mong
gawin sa buhay mo.
ANTHONY: Eh, bakit ba hindi mo ako sinusumbong sa principal’s office?
MA’AM ANNE: Dahil hindi naman detention ang kailangan mo, anak. Ang kailangan mo ay
isang tao na handang makinig sa mga problema mo, sa galit na nararamdaman mo, at gagabay
sa’yo. Kaya nga ako nandito, eh. Pero gusto ko na ikaw mismo ang makapagtanto ng mga bagay
na ito. May tanong ka pa ba? Kasi kung wala na ay ako naman ang magtatanong.
ANTHONY: Ano naman ang itatanong niyo sa akin, Ma’am?
MA’AM ANNE: Bakit ka nagcu-cutting class? Ano ang rason mo kung bakit ka nagrerebelde?
ANTHONY: Dahil gusto kong gumanti sa nanay ko. Sinira niya ang pamilya naming. Iniwan
niya kami noon. Siya ang rason kung bakit namatay si Tatay at kung bakit ako nagkaganito.
MA’AM ANNE: Galit. Yan ang pinakamatinding lason sa lahat ng lason. Kapag hinayaan mong
lamunin ka niyan ay mahihirapan ka nang makawala. Kaya naman, Anthony, bitawan mo na ang
galit na nararamdaman mo.
ANTHONY: Pero kung hindi dahil sa kaniya, hindi ako magkakaganito! Siya ang dapat sisihin
dito.
MA’AM ANNE: Naku, anak. Hindi naman ata tama na isisi mo sa iba ang kinahinatnan mo.
Ikaw ang gumagawa ng desisyon sa araw-araw mong pamumuhay, hindi ang iyong nanay.
Sabihin na natin na hindi maganda ang pag-iwan sainyo ng nanay mo ngunit, alam mo ba ang
rason sa likod nito? Naisipan mo na bang tanungin siya at pakinggan ang panig niya? Kung oo,
ikaw ang huhusga kung katanggap tanggap ba ang rason niya. Ngunit nasasaiyo pa rin kung ano
ang gagawin mo dito: pipiliin mo bang malunod sa galit o magpapatawad ka at gagawa ng
panibagong simula? Pero kung hindi pa, mas mabuti na tanungin mo na siya sa lalong madaling
panahon.
Habang pauwi galing paaralan ay hindi mawala sa isip ni Anthony ang mga salitang binitawan
sinabi ni Ma’am Anne. Patuloy siyang binabagabag nito hanggang sa makauwi siya sa kanilang
bahay.

SCENE 8: SA BAHAY NI ANTHONY


Naabutan ni Anthony na naghuhugas ng pinggan ang kaniyang nanay pagkauwi niya galing sa
paaralan. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang mga sinabi ni Ma’am Anne. Kaya naman,
pinuntahan niya si Mercedes, nagmano, at kinuha ang lakas ng loob na natitira sa kaniya upang
itanong ang kailanmang iniiwasan na katanungan.
ANTHONY: Nay, mano po.
MERCEDES: Andiyan ka na pala, anak. Maupo ka muna at ipaghahanda kita ng meriyenda.
ANTHONY: Bakit niyo ho kami iniwan ni Tatay noon nang wala man lang sabi?
Napatigil si Mercedes sa kaniyang ginagawa. Kailanman ay hindi ito natanong sa kaniya ng
kaniyang anak.
MERCEDES: Gusto mo ba talagang malaman, anak?
ANTHONY: Opo.
At doon sa kanilang kusina, ikinuwento ni Mercedes ang totoong nangyari, mula sa pambababae
na ginawa ng kaniyang asawa at sa mga pagbabanta nito sa buhay niya at sa buhay ni Anthony.
ANTHONY: Bakit hindi mo ako sinama nung umalis ka?
MERCEDES: Dahil natakot ako. Pinagsisisihan ko na iniwan kita, anak. Walang araw na hindi
ako binabagabag ng aking konsensya dahil doon at gusto kong makabawi ngayon. Sana
mapatawad mo na ako, Anthony.
ANTHONY: Bigyan mo pa po ako ng kaunting panahon, Ma.

Hindi agad nakatulog si Anthony noong gabing yon. Pilit niyang pinipikit ang kaniyang mga
mata ngunit gising na gising pa rin ang kaniyang isipan. Ngayon na alam na niya ang
katotohanan ay tila di niya alam kung ano ba ang dapat niyang gawin.

SCENE 9: SA OPISINA NI MA’AM ANNE


Sa opisina ni Teacher Anne ay bumisita si Anthony at nakikipag-usap tungkol sa kaniyang mga
realisayon sa mga nakaraang araw.
ANTHONY: (Pagkapasok sa opisina) Magandang araw, Ma’am Anne.
MA’AM ANNE: O, Anthony, ikaw pala yan. Maupo ka muna. Kumusta?
ANTHONY: Okay naman po ako, Ma’am.
MA’AM ANNE: Mabuti naman. Bakit napabisita ka? May problema ka ba, anak?
ANTHONY: Wala naman po. Naparito lang ako dahil nais ko po sainyong magpasalamat.
MA’AM ANNE: Para saan naman, anak?
ANTHONY: Nais ko pong magpasalamat sapagkat tinuruan niyo ako ng maraming bagay sa
buhay. At isa na dun ang pagbabago. Dahil sainyo, napagtanto ko na hindi pa huli ang magbago.
Masyado kong pinairal ang sama at galit sa aking puso na umabot sa puntong nabulag na ako
nito at tuluyan kong nakalimutan ang magmahal. Kinamuhian ko si Nanay dahil iniwan niya
kami pero hindi ko alam na may rason pala kung bakit siya umalis. Hindi ko agad nakita na may
pinagdadaanan din pala siya at tahimik lang na nasasaktan. At dahil sa pagrerebelde ko ay labis
ko pa siyang nasugatan. Nagsisisi na ako sa mga ginawa ko. Gusto kong bumawi sa kaniya.
Kaya naman ngayon ay handa na po ako. Handa na ako na baguhin ang buhay ko, alisin ang pait
na aking nararamdaman at palitan ito ng pagpapatawad at pagmamahal. Sana po ay nariyan pa
rin kayo upang gabayan ako.
MA’AM ANNE: Anthony, lagi mong tatandaan na nandito lang ako para sa’yo. Masaya ako na
napagtanto mo ang mga bagay na iyan at handa ka nang magbago. Mabuti na naging malinaw na
sa’yo ang mga nagawang desisyon ng nanay mo noon. Oras na para magpatuloy sa buhay,
matuto sa nakaraan, at magpatawad. Alam mo, napakasayang mabuhay. Marami tayong dapat
ipagpasalamat sa Panginoon dahil binigyan niya tayo ng pagkakataon na mabuhay sa mundong
ibabaw. At mas masayang mabuhay kapag may pagmamahal sa ating puso. Huwag mong
sayangin ang oras na ibinigay sa’yo ng Diyos, Anthony.
ANTHONY: Maraming salamat po talaga, Ma’am. Kahit na hindi naging mabuti ang
pakikitungo ko sainyo noong mga una, hindi niyo ako agad hinusgahan, bagkus matiyaga niyo
akong pinakinggan at ginabayan.
MA’AM ANNE: Yan ay alam ko na ang lahat ng tao ay may kakayahang magbago at
magmahal. Kailangan lang nila ng isang tao na makakapagkita nito sa kanila. Isa kang mabuting
bata, Anthony. I’m so proud of you. (Niyakap si Anthony)

Pagkatapos ng masayang pag-uusap ni Ma’am Anne at ni Anthony ay nagpaalam siya na


magaan ang loob. At pagdating sa kanilang bahay, mahigpit na niyakap ang ina.

MERCEDES: Anak, okay ka lang ba?


ANTHONY: Opo, Nay. Gusto ko lang sabihin na pinapatawad na kita. Pasensya na kung
masama ang naging asal ko sa iyo nung mga nakaraang panahon. Patawarin mo rin po sana ako.
Mahal na mahal kita, Nay.
MERCEDES: (Nabigla ngunit ngumiti rin maya-maya) Salamat, anak. Mahal na mahal din kita.
Lagi mo yang tatandaan.

Sa kabila ng lahat ng galit at pait na itinanim ni Anthony sa kaniyang puso, natutunan niya na
hindi naging maganda ang kaniyang pananaw sa buhay noon. Ngunit hindi ito naging hadlang
upang siya ay piliin niya na magbago. Minulat niya ang kaniyang mga mata at binuksan ang isip
at puso, salamat kay Ma’am Anne na gumabay sa kaniya.

KATAPUSAN

You might also like