Sa isang malayong kaharian sa Mindanao, may isang hari na may dalawang
anak na lalaki na sina Prinsipe Madali at Prinsipe Bantugan. Si Bantugan ay nagpapakita ng katangiang magaganda sa murang edad na higit pa sa kay Madali. Napakatalino, mabilis matuto ng mga sandata at malakas si Bantugan. Unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo si Bantugan ay ng makita siya nang mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na nakapatay sa ilang taong-bayan, na hindi makapaniwala sa kanilang nakita. “Napakalakas niya!” “Paano nakaya ng isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos!” “Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!” Sa kabinataan ni Prinsipe Bantugan ay naging pinakamagaling na sundalo siya sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan at lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Naging bukambibig ang kaniyang pangalan ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit na kaharian. Pagkamatay ng kanilang amang hari, hinirang na bagong hari ang kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Nagkaroon ng mga protesta ang mga nasa ranggo sapagkat nais nila na maging bagong hari si Bantugan. “Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas, kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway!” sabi ng isang matanda sa pamilihan. “Sang- ayon ako sa iyo,” sagot ng matandang lalaki. Subalit hindi ito pinansin ni Bantugan sapagkat nalaman niyang karapat-dapat na tagapagmana ng trono si Madali, ang panganay sa kanilang dalawa. “Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag- aralan na niya kung paano magpatakbo ng gobyerno” “Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!” Tumango na lamang ang mga ministro at kawal. Ngunit isang araw, nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ng dalawang magkapatid. Hindi lamang matapang at malakas si Bantugan, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Dahil sa inggit, nagpahayag si Madali ng isang kautusan. “Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipakukulong o kaya ay parurusahan nang malubha.” Sa labis na kalungkutan, umalis ng kanilang kaharian si Bantugan hanggang nagkasakit at namatay malapit sa Kaharian ng Lupaing nása Pagitan ng Dalawang Dagat. Nakita ng hari at ni Prinsesa Datimbang ang katawan ni Bantugan at agad inilapit ang kanilang balita sa pulong ng mga tagapayo. Isang loro ang biglang pumasok sa bulwagan at nagsabing ang nakaburol ay si Prinsipe Bantugan, ang mabunyi at kilalang prinsipe ng Bumbaran. Nang mabalitaan ito ni Haring Madali ay nanaig ang pagmamahal at inalis ang kinikimkim na inggit sa kapatid. Agad na lumipad sa langit kasama ang isang kasangguni upang bawiin ang kaluluwa ng kapatid at pilit na ibinalik ang kaluluwa sa katawan ni Bantugan. Muling nabuhay si Bantugan. Kumalat ang balita ng kaniyang pagkamatay hanggang sa kaaway na kaharian at kay Haring Miskoyaw. Sinugod ng mga kawal ni Miskoyaw ang Bumbaran at nabihag si Prinsipe Bantugan na may nanghihinà pang katawan. Nang magbalik ang lakas, buong bangis na nakipaglaban hanggang mapuksa niya ang hukbo ng mga kaaway at nailigtas ang buong Bumbaran. Pagkatapos niyang magtagumpay, dinalaw lahat ang mga kahariang karatig ng Bumbaran at pinakasalan ang lahat ng prinsesang kanyang katipan at inuwi sila sa Bumbaran. Buong galak na sinalubong ni Haring Madali at nag-utos ng panibagong pagdiriwang. Ang buhay ni Prinsipe Bantugan ay naging maligaya hanggang sa muling sandali.