Isang mag-asawang magbubukid ang may isang anak na babaeng
nagngangalang Maria. Isang araw, inutusan nilang manatili sa bahay at umigib ng tubig si Maria habang sila ay gumagawa sa bukid. Nagpunta si Maria sa isang bukal. Ngunit napansin niya na habang siya’y sumasalok ng tubig, ito’y nagiging marumi. Pinuno niya pa rin ang kanyang sisidlan, ngunit ng siya’y paalis na, may tumawag sa kanyang pangalan. Lumingon siya at nagitla sa kanyang nakita. Ang tinig pala ay nanggagaling sa isang igat sa bukal! Nang magtanong siya kung papaanong nakapagsalita ang igat, nagtapat ito ng pag-ibig sa dalaga at nangakong kung iibigin lamang siya ng dalaga, pupunta siya sa bahay nito kina- Biyernesan ng gabi. Pinagbilinan ng igat ang dalaga na alisin lahat ang mga bagay sa silong ng bahay na maaaring masira ng tubig. Ang sabi ng igat: “Sapagkat darating ako at dadalawin kita habang may baha. Kaya lamang, huwag mong kalilimutang gawin ang mga sumusunod: kinaumagahan ng Sabado, mauna kang gumising kaysa sa mga kasambahay mo sapagkat ako’y doon maghihintay sa iyo sa may pintuan ng inyong bahay”. Umuwi sa bahay si Maria na punong-puno ng awa at pag-ibig sa igat. Kinagabihan ay bumagyo nang malakas. Ulan, hangin, kulog at kidlat ang pumunit sa kalangitan at sa himpapawid. Nahintakutan ang magsasaka at ang kanyang asawa. Tanging si Maria lamang ang nakababatid ng kahulugan ng pangyayari. Nakiusap siya sa ama na kuning lahat ang mga bagay sa silong ng kanilang bahay na maaaring mawasak ng baha. Tinulungan niya sa gawain ang ama. Dahil sa nakapanghihilakbot na karanasan ng gabing yaon, hindi nagising nang maaga si Maria kinabukasan. Nagising lamang siya sa pagbabalita ng kanyang ama. “Gising na anak! Napakabait ng Diyos sa atin. Biniyayaan niya tayo bilang ganti sa masamang panahon kagabi.” “Ano pong biyaya?” ang tanong ng dalaga. Nagpatuloy ang ama. “Nang buksan ko ang pinto kaninang umaga, may napakalaking igat na naroon. Pinatay ko ito. Hayun! Nakababad ito ngayon sa palayok sa kusina. Sige. Tulungan mo ang iyong ina na mailuto ang igat para sa ating agahan.” Naalala ni Maria ang lahat. Pagkaalis ng kanyang mga magulang papuntang bukid, nakita niya ang dugong naglalawa sa pintuan. Nalungkot siya at napaluha. Pumunta siya sa kusina. Kumuha siya ng tatlong hiwa ng laman ng igat, tinanggal ang laman sa buto, at sama-samang ibinalot ang mga ito sa isang itim na tela. Samantala, ang mais sa kanilang bukid ay tumutubo na at pagkakataon niyang magbantay sa bukid. Nang magtungo siya roon, ibinaon niya ang tela, kasama ang laman nito, sa gitna ng bukid. Pagkaraan ng ilang linggo, isang puno ang tumubo sa lugar na pinagbaunan niya ng laman at buto ng igat. Ibig ng kanyang ama na putulin ito ngunit nakiusap siya na huwag gawin ang gayon. Pagkaraan ng isang taon, namunga na ang puno. Nag-atubili siyang kainin ito hanggang sa ang ama ang magpaunang kumain. Habang binabalatan ang bunga nagulat siyang nang makita ang dalawang mata at isang bibig, tulad ng isang tao nakaukit nang maliwanag sa buko. Nang gabing iyon, napanaginipan ni Maria na nauna siyang nagising sa kanyang ama noong umaga pagkaraan ng bagyo; na ang igat daw ay nagbago ng anyo at naging tao. At gaya ng kanyang ipinangako, hiningi nito ang kamay upang siya’y pakasalan.