You are on page 1of 11

SCHOOL OF LIBERAL ARTS

PANUNURING PAMPANITIKAN
Ang Panunuring Pampanitikan ay isang malalim na paghimay sa mga akdang pampanitikan sa pamamagitan ng
paglalapat ng ibat’t ibang dulog ng kritisismo para sa mabisang pag-unawa sa mga malikhaing manunulat at katha.
Sa pagsusuri, kinakailangan ang lubos na kaalaman sa kathang sinusuri tulad ng buong nilalaman ng akda, paraan
ng pagkakabuo nito at ang ginamit ng awtor na pamamaraan o istilo. Kinakailangan ding ang manunuri ay may opinyong
bunga ng obhektibong pananaw laban man o katig sa katha, kaya mahalagang siya ay maging matapat.

BALANGKAS SA PAGSUSURI NG MAIKLING KWENTO

I. PANIMULA
a. Pamagat ng Akda- “Ang Kalupi”

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________.

b. Pagkilala sa May-akda - “Benjamin Pascual”

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________.

II. MGA TAUHAN SA AKDA


a. ________________ (Pangalan)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
b. ________________ (Pangalan)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
c. ________________ (Pangalan)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
d. ________________ (Pangalan)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
e. ________________ (Pangalan)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
III. TAGPUAN
a. ________________ (lugar)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
b. ________________ (lugar)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.
c. ________________ (lugar)
_____________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________.

IV. BUOD

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
________________.

V. PAGSUSURI
a. Uri ng Panitikan - “Maikling Kwento”

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
___________________________________________________________.

b. Teorya ng Panitikan - “Teoryang Realismo”

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
___________________________________________________________.

c. Tema o Paksa ng Akda

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
___________________________________________________________.
d. Bisang taglay ng Akda
- Bisang Pangkaisipan
_____________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________.

- Bisang Pangdamdamin
_____________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________.
- Bisang Pangkaasalan
_____________________________________________________________________________________
___________________________________________________________________.

VI. KALAKASAN at KAHINAAN NG NILALAMAN NG AKDA

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
___________________________________________________________.

VII. ARAL/MENSAHE

_________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________
___________________________________________________________.

“Ang Kalupi”
Ni Benjamin Pascual

                Mataaas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barung-barong. Aliwalas ang
kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakakintal ang
kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa pagkakalapat at maputla, ay
naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon at tatanggapin nito
ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay
niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang magkaroon ng isang anak na nagtapos
sa high school ay hindi na isang maliit na gaya niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang
anak na dalaga sa isang kasuutang puting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti patungo sa lalo pang mataas na hangarin
sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din
siya ng mamaniganging may sinasabi rin naman. Nasa daan na siya, para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng
kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nabuburdahang puting damit na
isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

                Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin.
Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang-bayan ng Tondo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang
pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang
pananghalian. Bibili rin siya ng garbansos. Gusting-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.

                Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na ang di-makamayaw na
ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pakanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda,
ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling
magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan
tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa panggitnang pasilyo at umakmang
hahakbang na papasok ay siyang paglabas ng humahangos na isang batang lalaki, na sa kanilang pagbabangga ay muntik
na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata at tumama sa kanyang kaliwang dibdib.

                “Ano ka ba?” bulyaw ni Aling Marta. “Kay sikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

                “Pasensiya na kayo, Ale,” sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos na tig-bebente, sa loob-loob ni Aling
Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”

                “Pasensya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensyahan nang pagpapasensyahan
ay makakapatay ka ng tao.”

                Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumasok. Paano’t paanuman, naisip niya, ako ang huling nakapangusap.
Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanya pa manggagaling ang huling salita. Mataman
niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may
kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili
ng isang kartong mantika.

                “Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang
bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.

                “Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”

                Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad.

                “Bakit ho?” anito.

                “A, e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.

                “Ku, e, magkano naman ang laman?” ang tanong nga babae.

                Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang
sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit sa di pa ma’y nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay
nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin, “E, sandaan at sampung piso ho.”

                Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari.
Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko
nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon
nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung ano ang kasuutan nito na maaari niyang
pagkakilanlan, ang tabas ng mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang
tindahang maliliit at mangilan-ngilang namimili at mga batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalinga-linga siya.
Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo
ng pusisyon, na di-kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap.
Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaaring magkamali; ang
wakwak na kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama ay sapat nang
palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tig-bebeinte.
                Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.

                “Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot ng pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”

                Tiyakan ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol
niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:

                “Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”

                “Anong wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at wala nang iba. Kunwa pa’y
binangga mo ‘ko, ano, ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!”

                Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang
pagkakahawk sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa kababaihan.

                “Aba, kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e banggain ako,” sabi niya. “Nang magbabayad ako ng
pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko, e wala nang laman!”

                “Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y
maraming naglipanang batang gaya niyan.”

                “Tena,” sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”

                “Bakit ho, saan ninyo ‘ko dadalhin?”

                “Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta na pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di
mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”

                Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawang-kamayin ang pag-aalis sa
mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang
mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga nanonood ay lumapit an
isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit ay sinimulan ni Aling Marta ang
pagsusumbong.

                “Naseguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking
bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagka’t akoy nagmamadali.”

                Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot at ang nagmamapa-sa-duming katawan, pagkatapos
ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang
umiiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at ang tig-
bebeinteng bangos.

                “Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?” tanong ng pulis kay Aling Marta.

                “Siya ho at wala nang iba,” sagot ni Aling Marta.

                “Saan mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di
ay dadalhin kita.”

                “Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata.

                “Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e naipasa mo
na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganoon kayong mga tekas kung lumakad, isa-isa, dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku,
ang mabuti ho yata, Mamang Pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong matakot iyan at magsabi ng totoo.”
                Tumindig ang pulis. “Hindi natin kara-karaka madadala ito nang walang evidencia. Kinakailangang kahit paano’y
magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”

                “E, ano pang evidencia ang hinahanap mo?” sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi ko nang
binangga ako nang pasadya, na naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?”

                Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat gawin. Maya-maya, muling naupo at dumukot ng isang
lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.

                “Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.

                “Andres Reyes po.”

                “Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis.

                Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming
bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho, e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa
Blumentritt. Kung minsan naman ho, e sa mga lola ko sa Quiapo at kung minsan, e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa
Tondo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam, para mamayang tanghali.”

                “Samakatwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tondo?” ang tanong ng pulis.

                “Oho,” ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa
lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa, e.”

                Ang walang-kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa kanyang pandinig; sa palagay
ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-
siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.

                “Ang mabuti ho yata, e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao
rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”

                “Hirap sa inyo ay sabad kayo nang sabad, e,” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang
batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon n’yo sabihin ang gusto n’yong sabihin at doon n’yo gawin ang
gusto n’yong gawin.”

                Inakbayan nito ang bata at inilakad patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiimik na si Aling Marta at ang isang
hugos na tao na ang ilan ay ngingti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

                “Maghintay kayo rito sandal at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” sabi sa kanya at pumasok.

                Naiwan siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng
mga payat na daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang ang nakikita niyang
pumapasok sa palengke. Inisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang paghintay bago siya makauwi: dalawa, tatlo
o maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay
naiinip na sa paghihintay; at para niyang naririnig ang sasabihin nito kung siya’y uuwi na walang dalang anuman, walang dala
at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumulak sa
kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig at sa pagdidilim ng
kanyang paningin ay pabalingat niyang pinipilit sa likod.

                “Tinamaan ka ng lintik na bata ka!” sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na
makapagpapaamin sa iyo, e ako, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”
                Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga
nanonood ay para-parang nangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay
pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong
panggigigil na kinagat.

                Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na
bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalala
niya ang kalayaan, kalayaan kay Aling Marta at sa dumarakip na pulis, at siya ay humanap ng malulusutan at nang makakita
ay walang lingod-likod na tumakbo, patungo sa ibayo ng maluwang na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na
salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta; ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya
nang umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng isang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim
sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang
nakita kundi ang madidilim na anino ng mga mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.

                Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha ay aywan ba
niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang
nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siya
ay binubuntunan ng sisi. Bakit ba ako manganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili, Ginawa ko lamang ang dapat
gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.

                Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na
buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang
katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kamiseta ay tuluyan nang nawalat sa kanyang
katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis, ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa
maputlang mukha ni Aling Marta.

                “Maski kapkapan n’yo ako, e wala kayong makukuha sa akin,” sabing pagatul-gatol ng nilalabasan ng dugo sa iong.
“Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”

                May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Martang gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay pilit na
nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay
marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.

                “Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at
hawak na naman ang kanyang kuwaderno at lapis. “Siguro matutuwa na kayo niyan.”

                “Sa palagay kaya ninyo ay may sasagutin ako sa nangyari?” tanong ni Aling Marta.

                “Wala naman sa palagay ko,” sagot ng pulis. “Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper.
Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan.”

                May himig pangungutya ang tinig ng pulis. “Makaaalis nap o ako?” tanong ni Aling Marta.

                “Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksiyon ng
inyong bahay upang kung mangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”

                Ibinigay ni Aling Marta ang kanyang pangalan at tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumayo sa karamihan.
Para pa siyang nanghihina at magulung-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa
kanyang diwa. Lumalakad siya ngayon na walang-tiyak na patutunguhan. Naalaala niya ang kanyang anak na ga-
graduate, ang ulam na dapat niyang iuwi na, sana’y naiuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang
asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang siya ay mapilitang
sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang anak niyang ga-graduate ay
magpapalahaw ng panangis hanggang sa sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay. Katakut-takot na gulo at
kahihiyan! Sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uulapang diwa sa bangkay ng batang
natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.

                Kung di sa tinamaan ng lintik na iyan ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi’y imbi,
walang-pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!

                Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa
pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera.
Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang
paghahangad na makapagpadala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa kapwa na sila ay
hindi naghihirap, ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililingid din niya ang nangyayaring sakuna sa bata; ayaw ng
kanyang asawa ng iskandalo at anuman pangangatwirang gawin niya ay siya rin ang sisisihin nito sa dakong huli; at kung
sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihiman niya ito. At tungkol sa ulam, mangungutang siya ng pera sa tindahan
ni Aling Godyang, at iyon ang kanyang ipamimili; nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay sandaan at sampung piso at
ang halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung piso ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon
makapaghihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa maninipis na labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa
patungong pamilihan.

                Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang, bago siya pumasok ng tarangkahan, ay natatanaw na niya
ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ang minamasdan, ngunit
nang malapit na siya at makita ang kanyang dala ay napakunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag.
Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.

                “Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.

                “A, e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”

                Nagkatinginan ang mag-ama.

                “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa, “ang pitaka mo, e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha
ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka
kumuha ng pinamili mo niyan?”

                Biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang
payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito: Maski
kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang
pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang kanyang buong paligid; at bago siya tuluyang nawalan ng
ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at papaliit, lumalabong salitang: Bakit
kaya? Bakit kaya?
Ang Kwento ni Mabuti
ni Genoveva Edroza-Matute

Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang
una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa
bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo
ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.

Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan n buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya,
nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyan anyo… at sa kanyang buhay…

Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang
pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang
pangkaraniwan sa kanya.

Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang
pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-
aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay.

“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito…
Mabuti… Mabuti!”

Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong
iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.

Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro
ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa
pagluha. Doon niya ako natagpuan.

“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung
makakatulong ako.”

Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay
kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako
makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.

“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan.
Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.

Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y
siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung
paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at
alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.

Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong
makaalala.

“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”

Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala
ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin
ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”

Si Mabuti’y nagging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong,
sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang
pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan
natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumaaginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y
hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan n pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo
pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…

At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas
ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan.
Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-inti ang
kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa anitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at
ako’y humanga.

Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay
sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa
silid-aklatan.

Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala.
Nakasasa;ling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na
karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.

Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit
bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa
amin kailanman tungkol sa ama ngh batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi
balo.

Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa
amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi
namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa
matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak
ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat
pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong
may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y
anim na taong gulang na. Sa susunod na taon niya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging
manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.

Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”

Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.

“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na
ngiti sa kanyang labi.

Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.

Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako
sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya,
tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas
ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang.
Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa
kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.

Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang
panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga
lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”

Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa
aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap
na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas n mga lihim na
kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.

At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang
ipinamalas sa ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng
pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.

At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na
iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din baling araw, ay namatay at naburol ng
dalawang gabi at dalawang araw sa isan bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang
lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat. …….

You might also like