You are on page 1of 2

LITANYA NG PASASALAMAT MATAPOS ANG PANDEMYA NG COVID

(Dadasalin sa lahat ng Misa araw-araw mula ika-11 hanggang ika-22 ng Pebrero [Miyerkules ng Abo])

Tagapamuno:
Dumulog tayo sa Panginoon, na siyang nagpapanibago sa lahat, para sa lahat ng
biyaya’t pagpapalang tinanggap natin habang panahon ng pandemya ng COVID.

Sa bawat panalangin, ang ating itutugon: Salamat sa Diyos.

Para sa pagpapaalaala sa atin ng kawalang-katiyakan ng buhay, sa pagsasanggalang sa


atin noong mga panahong walang nais magpatuloy sa atin, at sa pagtuturo sa atin ng
mga bagay na tunay na mahalaga, magpasalamat tayo sa Panginoon.

Salamat sa Diyos.

Para sa mga pagkakataong tayo ay nagkaisa sa pananampalataya at pagmamahalan, sa


kabila ng pagkakalayu-layo na ipinataw sa ating ng karamdaman, magpasalamat tayo
sa Panginoon.

Salamat sa Diyos.

Para sa mga bayaning bukas-palad na nag-abot sa atin ng tulong pang-agham,


panlipunan, at pang-espiritwal sa kabila ng panganib na maaaring dulot nito sa
kanilang buhay, magpasalamat tayo sa Panginoon.

Salamat sa Diyos.

Para sa mga biyaya ng mga bagong tuklas na gamot at bakunang pamuksa sa virus, at
para sa biyaya ng likas na immunity laban sa sakit, magpasalamat tayo sa Panginoon.

Salamat sa Diyos.

Para sa biyaya ng presensiya, noong panahong tayo’y nangangamba at nababalisa,


nalulumbay at naiinip, sa gitna ng pandemia, magpasalamat tayo sa Panginoon.

Salamat sa Diyos.

Manalangin tayo.

Ama naming mapagmahal, hindi lingid sa iyong kaalaman ang laman ng aming isipan.
Bawat patak ng aming luha ay iyong pinahahalagahan. Nababatid mo ang lahat ng
aming kagalakan. Nakipanahan ka sa mundo naming batbat ng sakit, dusa, at
kamatayan, at ang mga takot na kinahaharap namin ay iyong nauunawaan. Tanggapin
mo ang aming pasasalamat sa iyong mapagpalang pag-ibig sa kasagsagan ng
pandemya ng COVID. Katulad noong pagtangis mo sa kamatayan ni Lazaro, dulutan
mo ng buhay na walang hanggang ang mga pumanaw dahil sa corona virus. Ang
aming mga pangamba ay pinalitan mo ng ligaya, kaya nag-uumapaw ang aming puso
sa pagpupuri at pasasalamat sa Iyo. Sa Iyo ang lahat ng kadakilaan, ngayon at
magpasawalang hanggan.

Amen.

Maria, Saklolo ng mga Kristiyano, ipanalangin mo kami.


San Miguel Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque, ipanalangin mo kami.

You might also like