You are on page 1of 1

“Ang Makabayang Pilipino”

Ating bayan na halos ilang daang-taong inapi at niyurakan ng mga banyagang may masamang balak.
Maraming pinagdaanang hirap at maraming humadlang sa mithiing makalaya at makabalik sa pagsasarili kasama ng
kanyang mga anak. Ang pagkamit ng sariling kalayaan ng ating sariling bansa ay hindi naging madali, sariling
dugo’t buhay ay binuwis at inalay. Ngunit ang lahat ng ito ay unti-unti ring nasasayang dahil sa isipan ng mga
Pilipino na unti-unti na ring kinakain ng mga kultura at sistema ng ibang bansa.

Ayon sa aking nakikita at hindi din naman natin maikakaila na tayong mga Pilipino ay nagiging
westernized o mas napapairal na natin ang Colonial Mentality sa iba't-ibang mga pamamaraan. Mas napapamahal na
ang iba sa atin sa mga kagamitan at produkto na mula sa ibang bansa dahil ang nakatatak sa kanilang isipan ay mas
sosyal tignan at mas maganda ang kalidad nito kaysa sa produktong Pilipino. Karamihan sa ating mga mamamayan
at lalo na sa mga kabataan ay nagsusuot na ng “Wester attire” kahit na ito ay hindi nababagay sa bansang Pilipinas
dahil sa tropikal na panahon. Maraming sa atin ang gustong pumunta at tumira sa Amerika dahil iniisip natin na ang
Amerika ay isang lugar na pawang maganda at walang pangit na aspeto, dahil ito ay isang maunlad na bansa.
Maging ang mga pinapanood at iniidolo natin ngayon na mga Hollywood Movies, K-Pop, Korean telenovelas at iba
pa. Sobrang laki ang naging impluwensya sa atin ng ibang bansa lalo na ang bansang Amerika.

Gagawin mo ang lahat kahit buhay mo ang kapalit upang maprotektahan ang iyong bansa kung mahal mo
ito, ito ay ayon sa isang artikulong aking nabasa. Napakahirap nitong gawin kahit na nagawa na ito ng ating mga
bayani at mga ninuno. Ngunit hindi lang ito ang paraan para maipakita natin ang ating pag-ibig sa ating bansang
Pilipinas. Sa totoo lang ay maraming paraan na mas madali at kayang-kaya nating gawin. Sa simpleng
pagpapahalaga natin sa ating sariling bansa, ang pagpapakita ng pagkamakabansa at nasyonalismo sa ating pang
araw-araw nating buhay. Maging sa pagtangkilik sa sariling produkto at serbisyo ay isang paraan na upang
maipakita natin ang pag-ibig sa ating bayan at ang pagmamahal din sa ating malawak na kultura ay isa pang
magandang solusyon. Atin ding alagaan ang ating kapaligiran at tulungan ang mga kapwa Pilipinong
nangangailangan. Higit sa lahat ay ang pag-awit natin ng Lupang Hinirang, ating pambansang awit, ng malakas,
matatag, mapanlaki at galing sa puso upang ipakita sa lahat ang ating pagmamahal sa bansa. Ang mga ito ay
simpleng mga hakbang at bagay na kaya nating gawin sa pagpapakita ng ating pagiging Makabayan.

Napakaganda ng ating bansa kaya’t panatilihin natin ito at pagtuunan natin lagi ng pansin ang mga bagay
na ating maipagmamalaki. Lagi nating alalahanin ang pag-ibig natin para sa ating lupang sinilangan at ating sikapin
na maging isang tunay at mabuting Pilipino sa salita, isip at gawa. Ating ipaglaban ang karapatan ng tahanan ng
ating lahi sa progresibo at makataong pamamalakad. Kapalit ng pag-kupkop at pag-tulong sa atin ng ating bansa,
marapat lang na protektahan natin ang kaniyang kalayaan at depensahan siya mula sa mga tiranya. Kapit bisig nating
ipagmalaki ang ating lupang sinilangan, ang bansang Pilipinas.

You might also like