You are on page 1of 7

ESTANDARDISASYON NG WIKANG FILIPINO

Panimula/Introduksiyon:

Sa naunang paksa ay tinalakay ang kadalasang tanong kaugnay sa wikang Filipino na


binigyang kasagutan at linaw ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ngayon na nasagutan na
ang ilan sa mga katanungang ito, tatalakayin sa bahaging ito ang isa sa mga proseso na
pinagdadaanan ng isang wika. Ang wikang Filipino ay isang wikang buhay kaya nararapat na
dumaan ito sa proseso na angkop sa pangangailangan ng mga tao.
Ang isa sa mga hakbang upang mapaunlad at lumawak ang isang wika ay ang tinatawag
na estandardisasyon. Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ano ang mangyayari sa isang wika sa
prosesong ito? Makatutulong nga ba ito upang mapaunlad ang wikang Filipino?
Ang mga inilahad na katanungan ay bibigyang kasagutan sa bahaging ito ng modyul.
Tatalakayin ang konsepto ng estandardisasyon at inaasahang mas mauunawaan ninyo ang
proseso upang umunlad ang isang wika. Inaasahan din na masagutan ang gawaing pampagkatuto
na iniaatas batay sa napagkasunduang panahon.

Inaasahang Bunga ng Pagkatuto:

Pagkatapos matalakay ang paksa, ang mga estudyante ay inaasahang:


1. makauunawa sa kahulugan ng estandardisasyon;
2. makababatid sa kahalagahan ng estandardisasyon sa pag-unlad ng wika; at
3. makabubuo ng sariling reaksiyon kaugnay sa estandardisasyon.

Mga Nilalaman ng Pagkatuto at mga Gawain:

Sa pagpapaplanong pangwika, hindi nawawala ang salitang estandardisasyon. Ang


estandardisasyon ay isang proseso o pamamaraan na maaaring matanggap at magamit ng
nakararaming taong ang wika sa isang tiyak na talaan ng mga talasalitaan sa isang tiyak na
disiplina ng karunungan. Ayon naman sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang estandardisasyon ay
ang paggamit ng mapagkakatiwalaan at pleksibleng gabay sa pagbabaybay sa isang wika. Para sa
wikang Filipino, ginagamit nating gabay ang Ortograpiyang Pambansa.

Bakit kailangan ng estandardisasyon ng wika?

 Nagsisilbing modelo at gabay ng isang komunidad para sa mas epektibong


pakikipagkomunikasyon.
 Nag-uugnay sa bawat miyembro ng lipunan sapagkat may iisang komprehensibong
tuntunin ng wika na sinusunod.
 Nagsisimbolo at sumasalamin sa pagkakakilanlan isang tagapagsalita.
 Napapadali ang pagtuturo ng wika sa mga paaralan.

Batay sa mga inilahad na mga dahilan ng pagkakaroon ng estandardisasyon, nagkakaroon


ito ng positibong epekto sa isang tagapagsalita ng wika. Kung mapapansin, ang inilahad na apat
na dahilan ay magkakaugnay at may magandang epekto lalo na sa mga mamamayang gumagamit
ng wika.
Kapag estandardisado ang isang wika, nagkakaroon ng gabay at tuntunin sa paggamit ng
wika, pasulat man o pasalita. Dahil dito, nagkakaroon ng pagkakaisa ang isang lipunan na
sasalamin sa pagkakakilanlan ng bansa at ng komunidad na ginagalawan ng isang tagapagsalita.
Mahalaga rin ang estandardisasyon sapagkat nagkakaroon ng pormalidad ang isang wika. Ang
mga tuntunin at gabay sa paggamit nito ang pagiging tulay upang magiging isa ang konsepto at
pang-unawa sa wikang ginagamit.

Dalawang Aspekto ng Estandardisasyon


 Estandardisasyon sa Ortograpiya ng Filipino
 Estandardisasyon sa Talasalitaan ng Filipino

Ang estandardisasyon ay may dalawang aspekto. Ang una ay pagkakaroon ng gabay sa


ortograpiya ng wikang Filipino. Ang pagkakaroon ng sistema sa pagsulat at pagbaybay ay
malaking tulong lalo na sa pagtuturo ng wika sapagkat kung walang estandardisadong
ortograpiya mahihirapan ang mga guro ng wika sa pagtuturo nito at magiging sagabal ito sa
pagpapalawak ng wika.
Sa kasalukuyan, marami sa mga wikang katutubo sa Pilipinas ang hindi pa
estandardisado kaya may kahirapan ito kung ituturo sa mababang antas ngunit nasa proseso ito
ng estandardisasyon sapagkat gumagawa ng hakbang ang bawat rehiyon sa tulong ng mga
dalubhasa sa wika na magkaroon ng estandardisadong wikang rehiyonal.
Ang ikalawang aspekto ay ang estandardisasyon sa talasalitaan ng Filipino. Kapag
estandardisado ang isang wika, magkakaroon ng malawak na talasalitaan ito. Nangangahulugan
na may mga tiyak at angkop na katawagan para sa mga bagay-bagay, damdamin at iba pa.
Halimbawa ay ang salitang pink. Ito ay isang kulay na nasa wikang Ingles.Marami sa
mga Pilipino ang magsasabing ang pink sa Filipino ay “rosas”. Mapapansin na ang
katawagan na ito ay dahil sa kulay ng bulaklak na rosas ngunit may rosas na puti, pula at
dilaw. Hindi magiging angkop ang pagsasalin na ito sa salitang pink. Mas magiging angkop
ang salitang “limbaon” na isang salitang Waray para sa pink.
Makikitang malaki ang papel na ginagampanan ng estandardisasyon sa pagpapalawak
at pagiging malinaw sa paggamit ng wika.

Hakbang tungo sa Estandardisasyon (Holmes,2001)


1. Pagpipili (Selection)
2. Kodipikasyon (Codification)
3. Elaborasyon (Elaboration)
4. Pagtanggap (Acceptance)
PAGPIPILI
Ang Pilipinas ay binubuo ng maraming kapuluan kaya natural lamang na maraming
wikain din ang bansa. Ang bawat wikain na ito ay may iba’t ibang barayti at baryasyon din. Ang
katangian na ito ng wika ay nangangahulugan na mahalagang piliin ang wikang angkop, wasto at
magagamit ayon sa pangangailangan ng lipunan.

KODIPIKASYON
Ito ay ang proseso ng pagbuo ng tuntuning panggramatika at mga wastong paggamit nito.
Ito ay pinag-uusapan kasama ang mga dalubhasa sa wika. Sa bahaging ito, tatalakayin ang mga
wastong pagbaybay, pagbigkas at istruktura ng wika na mahalaga upang magamit sa mga opisyal
na dokumento, maituro sa mga paaralan at maaaring matutuhan ng mga dayuhan.

ELABORASYON
Sa bahaging ito ay pinapalawak ang sakop ng mga wikang napili. Mahalagang magamit
ito sa iba’t ibang larangan at matalakay ang kaangkupan ng wika. Susuriin sa bahaging ito ang
lawak o sakop ng mga napiling wika kasali na dito ang intelektuwal at abstrak na tungkulin.

PAGTANGGAP
Sa hakbang na ito ay kinakailangan ang pagtanggap ng lipunan sa mga napiling wika.
Isinasagawa rin ang pagpapakilala sa mga napiling wika sa pamamagitan ng promosyon at
pagbabahagi sa iba’t ibang institusyon, paaralan, ministro, ahensya, kultural na mga oganisasyon
at iba pang depatamento ng kasangkot dito.
Samakatwid, ang wika ay hindi lang basta tulay sa pakikipagkomunikasyon. Ito ay
maaaring isang simbolo ng pagkakakilanlan ng isang pangkat at ang kultura na nasa likod ng
bawat wika. Ito rin ay magdadala ng karangalan sa isang pamayanan. Katulad sa bansang
Pilipinas na may maraming wikang katutubo, ang mapiling isa sa mga wika na kakatawan sa
isang katawagan ay isang malaking prebelihiyo sapagkat magagamit ng buong bansa at
maidaragdag sa talasalitaan ang wikang ginagamit ng noo’y isang pangkat lamang ang
nakaiintindi at nagbibigay halaga.
Kaya mapapansin ninyo sa kasalukuyan ay may mga maririnig kayong mga mga salita
tulad ng kawatan, bana, Payyo (Rice Terraces ng mga Ifugao), matayuyon (salita mula sa wikang
Kinaray-a na ibig sabihin ay napapanatili ng matagal o sustainable sa Ingles), at uswag (salitang
mula sa Bisaya na nangangahulugang mapabuti o develop/improve sa Ingles) na ginagamit at
mababasa sa iba’t ibang ahensya.
Masasabing ang estandardisasyon ng wikang Filipino ay pagsasakatuparan sa nakasaad sa
1987 Konstitusyon, Artikulo XIV, Sek. 6 na:

“Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang


nililinang ito ay dapat payabungin pa salig sa umiiral na wika sa
Pilipinas at iba pang mga wika...”
INTELEKTUWALISASYON NG WIKANG FILIPINO

Panimula/Introduksiyon:
Sa naunang paksa ay tinalakay ang estandardisasyon ng wikang Filipino bilang bahagi ng
pagpapaunlad at pagpapalawak ng wikang Filipino. Maliban sa prosesong ito, may mas malaking
hakbang pa na kailangang maabot ng wikang Filipino, ang intelektuwalisasyon. Nabanggit sa
mga naunang paksa na upang manatiling buhay ang isang wika ay kailangan itong gamitin. Ang
lipunan ang gumagamit ng wika kaya nararapat na magampanan ng wika ang kanyang tungkulin.
Isa sa mga paraan upang lubusang maisakatuparan ito ay ang pagiging intelektuwalisado.
Sa bahaging ito ng modyul ay tatalakayin ang prosesong intelektuwalisasyon, ang
kahalagahan nito sa pag-unlad ng wikang Filipino at ang hakbang upang maging na
intelektuwalisado ang wika. Inaasahan na mas lalawak pa ang inyong kaalaman sa wika at sa
tulong ng mga gawaing pampagkatuto ay mas lalalim pa ang inyong damdaming maka-Filipino.

Inaasahang Bunga ng Pagkatuto:


Pagkatapos matalakay ang paksa, ang mga estudyante ay inaasahang:
1. makababatid sa konsepto ng intelektuwalisasyon;
2. makauunawa sa kahalagahan ng intelektuwalisasyon sa wikang Filipino; at
3. makasusuri sa mga isyung may kaugnayan sa intelektuwalisasyon ng wikang
Filipino.

Mga Nilalaman ng Pagkatuto at mga Gawain:


Ang wikang ginagamit ay wikang buhay. Iyan ang ilan sa mga katangian ng wika na
pinanghahawakan ng wikang Filipino upang manatili ito. Ngunit ang paggamit nito ay hindi
sapat upang magampanan ang kanyang papel. Kinakailangang humakbang ito paitaas upang
maabot ang iba pang tungkulin na dapat gampanan ng isang wika. Ito ay ang magamit sa iba’t
ibang larangan at mas mataas na antas ng pagkatuto.
Isa sa mga proseso na dapat pagdaanan ng wikang Filipino ay ang intelektuwalisasyon.
Ang intelektuwalisasyon ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ay ang proseso na
pinagdadaanan ng wika upang ito ay magkaroon ng kakayahan na magamit sa iba’t ibang larang
katulad ng agham, teknolohiya, pamahalaan, edukasyon, negosyo, industriya, batas at iba pa. Sa
buong mundo, ang maituturing na intelektuwalisadong wika ay ang Ingles, Russian, German,
French at Japanese. Ang wikang Filipino ay hindi (pa) intelektuwalisado. Hindi at hindi pa
intelektuwalisado sapagkat nasa proseso pa tayo tungo sa intelektuwalisasyon.

Tatlong Domeyn ng Wika (Sibayan, 1991)


 Non-controlling domains (NCDs)
Ang domeyn na ito ay kinabibilangan ng mga nasa bahay na gumagamit ng
karaniwang wika. Hindi ito kontrolado sapagkat nakadepende ito sa wikang ginagamit ng
pamilya at mga malalapit na kakilala. Pasalita man o pasulat ay maaaring gumamit ng
kahit anong wika.
 Semi-controlling domains (SCDs)
Ito ay ang domeyn na may kaugnayan sa relihiyon, politika at panlibangan. Semi-
controlling dahil binibigyang konsiderasyon ng mga gumagamit ng wika ang pang-unawa
ng mga tagapakinig o mga inaasahang awdyens. Mahigpit ito kung ihahambing sa non-
controlling domain sapagkat binibigyang halaga ang pormalidad at ang masa.
 Controlling domains (CDs)
Ito ay kinabibilangan ng gobyerno, edukasyon, propesyon, agham at teknolohiya,
negosyo at panitikan. Ang domeyn na ito ay gumagamit ng wikang intelektuwalisado.
Sa tatlong domeyn, ang controlling domains ay gumagamit ng wikang Ingles.
Dito sa Pilipinas, mapapansin ang paggamit ng wikang Ingles sa mga domeyn na ito
sapagkat nagagampanan ng wikang Ingles ang mga pangangailangan sa mga sektor na
nabanggit. Maging mga kagamitang sa pagtuturo ng Ingles ay mas madaling mahagilap
kung ihahambing sa wikang Filipino kahit na nasa Pilipinas tayo.
Sa pag-intelektuwalisa ng wikang Filipino, nararapat na maging sanggunian ang
Espanyol at Ingles sapagkat mahihirapan ang wikang Filipino kung sa Tagalog lamang
ito magbabatay dahil sinakop tayo ng mga Kastila at Amerikano na kung saan ay natuto
sayo ng kanilang wika at kultura. Malaking tulong din ang mga katutubong wika sa
bawat rehiyon sapagkat taglay nito ang kultura ng bawat lugar.
Samaktwid, upang maintelektuwalisa ang wikang Filipino, kailangang magamit
ito ng mga nasa controlling domain. Ibig sabihin, papalitan ng wikang Filipino ang Ingles
ngunit upang ito ay magamit kailangang maging intelektuwalisado ang wikang Filipino.
MODELO NG PAG-UNLAD NG WIKA

SELEKSIYON ESTANDARDISASYON

KULTIBASYON
DESIMINASYON (INTELEKTUWALISASYON)

Makikita sa inilahad na modelo na katulad din ng estandardisasyon, dumadaan sa proseso ng


pagpipili o seleksiyon. Mabusisi ang prosesong ito sapagkat kinakailangang mabigyang pansin
ang iba pang wika na maaaring makatulong sa intelektuwalisasyon ng wika. Halimbawa sa
Pilipinas, kailangang ikonsidera ang wikang Espanyol at Ingles sapagkat marami sa mga salita sa
Filipino ang hango sa wikang ito.
Ang ikalawang bahagi ay ang estandardisasyon. Ang proseso nito ay tinalakay na sa
naunang paksa. Batid natin na mahaba ang prosesong ito sapagkat nangangailangan ng wasto at
angkop na pagbuo ng tuntunin at gabay.
Ang ikatlong bahagi ay ang desiminasyon. Ito ay ang pagbabahagi ng bagong kaalaman,
mga tuntunin at gabay sa iba’t ibang ahensiya, departamento at organisasyon katulad ng paaralan
at mga sangay ng gobyerno.
Ang panghuli ay ang kultibasyon na hahantong sa intelektuwalisasyon. Ang paglilinang sa
mga tuntunin at gabay ay isinasagawa sa bahaging ito. Sinisigurado na magagampanan ng wika
ang tungkulin nito at magagamit sa kahit anong larangan.
Batay sa inilahad na modelo ng pag-unlad ng wika, mababatid natin na mahaba pa ang
pagdadaanan ng wikang Filipino. Kailangan pang himay-himayin at pag-aralang mabuti ang
bawat hakbang. Hindi ito magiging madali ngunit makakamit ito ng wika kung patuloy ang
pagsasagawa ng mga gawain at proyekto na makatutulong upang umunlad ito.

You might also like